Blog Archives

Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 8

Chapter 8
“Sa Ningas Ng Paghihiganti”

Humakbang kami palabas ng bahay ni Adam. Sinalubong kami sa makapal at malagkit na hangin. Tahimik ang paligid pero ang katahimikang iyon ay isang patibong.  Hindi  kami puwedeng maging kampante.

Habang binabagtas namin ang gubat pabalik sa sapang pinanggalingan namin  ay ramdam ko pa rin ang kilabot sa aking gulugod. Hindi ito halos nawala mula nang makita namin si Adam sa may sapa.

Nang makarating kami sa sapa ay tumigil kami panandalian. Tinitigan ko ang malaking kagubatan na nakatayo sa pagitan namin at nang dalampasigan na kung nasaan ang balsang gagamitin namin pabalik sa pinanggalingan naming breakwater.

Sinimulan naming pasukin ang kagubatan. Ako ang nasa huli habang nangunguna si Adam, ang kanyang itak ay bahagyang kumikislap sa dilim. Nasa gitnang sina Jasmine at Eve. Si Tomas ay sinasabayan sa paglalakad ang kanyang kapatid.

“Brod meron akong nararamdaman na hindi ko maipaliwanag.” bulong sa akin ni Tomas na binagalan ng kaunti ang paglalakad upang maabutan ko siya.

Habang papalapit kami sa gubat, ay nakita kong parang nahawan ang matataas  damo na tila may dumaan doon. Sigurado akong mga Sutsot iyon. At nang nakapasok na kami sa gubat ay nagsimula ng lumikha ng ingay ang mga Sutsot. Malakas ang sigawan ng mga halimaw ngunit kung noong dati ay nahihintakutan ako kapag narinig ko sila, ngayo’y wala na. Marahil ay mas iniisip ko ang gagawin naming pagtakas mula sa mala-impyernong isla.

Mabilis ngunit maingat ang ginawa naming pagtakbo. Tinitiyak namin na walang maiiwan  at mahihiwalay sa amin.

Nakarating kami sa lugar kung saan namin inilibing si Daniel—ang kanyang katawan ay wala sa hukay na ping libingan namin sa kanya, at malayo s ang kinalalagyan  ng kanyang ulo.

“Sandali!” sigaw ko. “Hindi natin pwedeng iwan si Daniel nang ganito.”

“Ha—!?” Naputol ang boses ni Eve. “Diyos ko… si Daniel ‘yan?”

Napaatras siya, ang mga mata ay nanlalaki sa takot at pagkagulat. Tila nanghina ang kanyang mga tuhod, napaluhod siya.

“Ilang kamatayan pa ba ang kailangan kong makita?” Ang mga salita niya ay putol-putol, barado ng hikbi. “Kasalanan ko ang lahat ng ito… may ibang tao pang nadamay.

Itinakip niya ang dalawang kamay sa kanyang bibig para pigilin ang sigaw na namumuo sa kanyang lalamunan. Nangangatog ang kanyang mga balikat.

Mabilis na lumapit sina Tomas at Adam sa kanya. Naunang lumuhod si Adam sa tabi ni Eve. Ibinaba ang kanyang itak. Inakbayan ni Adam Eve.

“Huwag mong sisihin ang sarili mo dahil sa nangyari,” ang wika ni Adam. “Hindi na bata si Daniel. Ginusto niyang pumunta dito sa isla..”

Wala akong magawa kundi pagmasdan sina Eve at Adam. Noon ka lamang siya nakitang umiyak at gusto ko sana siyang aluin. Pero naunahan ako. Lagi akong nauunahan pagdating kay Eve… nauhanan ako ni Jeff… at mukhang naunahan din ako ni Adam. Pumunta ako sa isla para iligtas siya, pero naunahan ako. Lagi akong nahuhuli pagdating sa kanya.

Nang halos malagutan na ako ng hininga dahil sa panibugho, ay itinuon ko ang aking atensyon sa hawak kong pamalo. Ganoon naman ang naramdaman ko. Hindi ko malamang kung hawak ko ang piraso ng kahoy o kinakapitan ko ito na parang salbabida na kapag binatawan ko’y baka malunod ako sa ilog ng kalungkutan.

Pagkatapos ay humagupit ang hangin, dala ang masangsang na amoy ng nabubulok na laman. Nagising ako mula sa panibugho at muling natuon ang pansin sa luray-luray na katawan ni Daniel. Guta-gutaytay ang kanyang katawan, ang kanyang mga laman-loob ay nilapa—kung ng mga lobo ba o ng mga demonyong Sutsot, hindi na namin alam. Napako ako sa aking kinatatayuan.

Narinig namin ang mga galaw sa paligid. Nagsimula ang nakakabinging atungal at alulong. May mga aninong mabilis na gumagalaw sa pagitan ng mga puno, ang kanilang mga hiyaw ay umaalingawngaw sa bawat panig.

Tinulungan ni Adam si Eve na tumayo at sinabing, “Pasensya na, pero kailangan na nating magpatuloy. Huwag titingala—nasa itaas natin ang mga Sutsot!”

Inihanda nina Jasmine at Adam ang kanilang mga sandata.

“Tara, Willy, tulungan mo ako,” sabi ni Tomas, at sumunod naman ako.

Mabilis naming inayos ang katawan at ang pugot na ulo ni Daniel sa ilalim ng kumot ng mga tuyong dahon at sanga. Tumulong din si Eve.

Mula sa aking backpack, kinuha ko ang mga mitsa at inipong kerosene ni Daniel. Ibinuhos ang mga ito sa ibabaw sa pinaglagyan namin  ng kanyang bangkay. Sa isang pitik ng lighter ni Daniel, nasindihan ko ang tumpok ng mga sanga at dahon. Pinanood namin ang pagsiklab ng apoy.

Nagpatuloy ang mga hiyaw —pero sa pagkakataong ito, hindi para magdiwang, kundi dahil sa takot. Napansin kong lumalayo ang mga Sutsot sa kinalalagyan namin. Totoo ngang takot ang mga halimaw sa apoy.

Mabilis na kumalat ang apoy. Nagdagdag pa kami ni Tomas ng mga dahon at sanga. Ang apoy ay lumaki, dinidilaan ang mga kalapit na dahon at gumagapang sa mga tuyong baging na nakapulupot sa mga puno. Wala na akong marinig na galaw sa paligid, tanging ang lagitik at sagitsit  ng apoy na lumalamon sa bawat tuyong dahon at marupok na sanga madilaan nito.

Tila nararamdaman ko ang espiritu ni Daniel sa dila ng mga apoy. Pinapaypayan niya ang apoy gamit ang mga kamay na hindi nakikita… inuutusang habulin ang mga Sutsot at ubusin sila upang siya’y makapaghiganti.

Mula sa malayo, dinig namin ang hiyaw at ungol ng mga Sutsot. Nagsisigawan sila, hindi upang magdiwang at magkasayahan. Sigaw iyon ng  paghihirap at sindak.

Tuloy-tuloy ang  aming pagtakbo at hindi na nangangamba sa panganib na dala ng mga halimaw. Sila man kasi ay tumatakbo, hindi para kami habulin. Tumatakbo sila upang takasan ang apoy na likha ng paghihiganti ni Daniel.

Pagkatapos ay narinig ko ang pamilyar na atungal—muli, isa na lang—na sinundan ng koro ng mga takot na hiyawan. Napaisip ako kung nasaan ang kanilang pinuno. Patay na  ba siya? O may iba na bang nag-uutos sa mga Sutsot? May kakaiba sa solong atungal na iyon. Galit na galit.

Sa pangunguna nina Adam at Jasmine, tinahak namin ang daan patungo sa dalampasigan. Habang nagngangalit ang apoy, naramdaman namin ang tindi ng init sa aming likuran, na nag-uutos sa aming bilisan ang takbo at lumabas mula sa gubat.

Pagod na pagod na ako pero hindi ko magawang huminto. Batid kong ganoon din ang mga kasamahan ko. Batid naming lahat na kapag huminto kami sa pagtakbo ay baka abutan kami, hindi ng mga Sutsot kundi ng naglalaglab na apoy na walang pinapatawad sa mga nadadaanan nito.

Kakaibang ginhawa dulot ng isipin na ang islang ito ay malapit nang maging isang libingan—hindi lang para sa mga biktima nito, kundi para na rin sa mga halimaw na naninirahan dito.

*****

Nakalubog na ang araw nang lumabas kami mula sa gubat. Mula sa pampang, kitang-kita ang malaking apoy na aming sinimulan. Sinabi ni Adam na nagkalat siya ng gaas sa ilang bahagi ng gubat, at tila ito ang nagpapalakas sa apoy.

Ang mga dating mapanghamong hiyaw ng mga demonyo ay naging mga desperadong tili; ang kanilang kayabangan ay napalitan ng takot.

Habang tumatakbo kami, isang kakaibang saya ang bumangon sa akin. Naiganti namin si Daniel—at ang hindi mabilang na iba pang biktima ng mga Sutsot sa loob ng mahabang panahon. Ngunit sa likod ng tagumpay na iyon, alam kong hindi pa tapos ang laban. Hindi magtatagal at ang mga halimaw na nakaligtas sa apoy ay makakarating din sa dalampasigan—o baka naunahan pa nila kami. Ang pampang na lang ang tanging matatakbuhan nila.

Bagama’t takipsilim na, ang dalampasigan ay nagliliwanag nang nakapangingilabot dahil sa nasusunog na gubat. Ang apoy ay bumabakas sa mga alon, kinukulayan ang dagat ng kahel na parang likidong apoy.

Mabilis kaming tumakbo sa dalampasigan patungo sa kinalalagyan ng balsa ni Kharon. Nasa hulihan pa rin ako. Kaylangan nang bantayan ko ang likuran upang tiyakin na walang Sutsot na bigla sa aming susugod.

 Nangunguna si Tomas, habang kami ni Adam ay hirap na sumasabay kina Jasmine at Eve. Kaya ko namang tumakbo nang mas mabilis, pero nanatili ako sa huli para magbantay sa likuran—at para hindi mawala si Eve sa paningin ko. Hindi ko inalis ang tingin ko sa kanya habang nagtatakbuhan kami patungo sa pampang.

May mga yabag na narinig ko sa aking likuran—tiyak kong hindi tao ang may-ari ng mga yabag na iyon. Pero patuloy lang ako sa pagtakbo. Hindi kami pwedeng huminto. Hindi kami pwedeng magpahinga.

“Bro, mauna ka na kaunti.” Ang wika ni Tomas. Mukhang naulinigan din niya ang mga yabag na sumusunod sa amin.

Nang marinig kong nagkasa ng baril si Tomas ay biglang huminto ang mga yabag na sumusunod sa amin. Nakahinga ako ng maluwag.

Sa wakas, nakita kong narating ni Adam ang pampang kung saan namin iniwan ang balsa ni Kharon. High tide na noon, at halos kalahati na ng balsa ay lubog na sa tubig. Naging madali para kina Tomas at Adam na itulak ang balsa sa dagat.

Unang tumalon si Tomas sa balsa, inihahanda ang kawayang tikin. Hinintay kami ni Adam, hinayaang sumakay muna sina Jasmine at Eve. Nakatayo siya paharap sa direksyong pinanggalingan namin, hawak ang kanyang itak.

Nagsimulang itulak ni Tomas ang balsa palayo sa pampang.

“Bilis, Willy!” sigaw ni Adam.

Tumalon ako sa balsa sa tamang oras; yumanig ito nang lumapag doon ang aking mga paa. Si Adam ang huling sumakay. Lumingon ako at nakita ang apoy sa gubat na kumakalat—ang mga dila ng apoy ay kumakalos sa mga puno, nilalamon ang lahat ng malapit sa pampang.

Pero hindi lang apoy ang humahabol sa amin. Unti-unti lumalakas ang alon.

Chapter 9A
“Ang Pagbubunyag”