Blog Archives

LINGON (5)

(Ikalimang Bahagi)

Sutsot

“Sutsot. Galing sa sutsot ang atungal na iyon.” wika ni Jasmin. “Kumpirmado, nasa isla Miedo na nga tayo.”

Pagkarinig ng sinabi ni Jasmin ay parang hindi mapakali si Daniel. Hindi malaman kung sa likuran ko o sa likuran ni Tomas gustong sumiksik.

“Meron sa atin na sa ngayon ay takot na takot at marahil naamoy iyon ng mga sutsot. Maya-maya lang ay kasunod na natin sila.” dugtong ni Jasmin. “Humanda na kayo. Magdasal kayo kung marunong kayong magdasal. Aminin ninyo’t ihingi ninyo ng tawad ang lahat ng inyong mga kasalanan.”

Sadyang ako’y nanalangin, bago matulog at pagkagising sa umaga. Sa unang pagkakataon na ako’y nanalangin ng hindi pa ako matutulog o hindi ako bagong gising.

“Kaylangang simulan na nating hanapin ang kapatid ko at mga kasama niya. Sorry na pati kayo nadamay sa problema ko.”

Tinapik ko sa balikat si Tomas matapos niyang sabihin iyon.

Sinimulan naming maglakad. Bawat isa sa amin ay may bitbit na lampara. Nasa unahan namin si Tomas, hawak ang dalang baril. Pilit sumiksik sa pagitan namin si Daniel. Sa nilalakaran nami’y nakatalisod ako ng sanga ng isang puno.  Pinulot ko ito nang may magamit man lang akong panghambalos kung kakaylanganin. Matigas ito’t pabilog and korte.”

“Dito na ako sa likuran.” ang sabi ni Jasmin.

Ang sabi ko’y “Huwag, dito ka sa pagitan namin ni Daniel.”

“Ayos lang ako dito.” ang sagot ni Jasmin.

Hawak ni Jasmin sa kanan ang balisong at sa kaliwa nama’y nakapulupot ang rosaryo habang tangan niya ang bitbit na lampara.

“Bakit halos paatras kung maglakad ka.” ang tanong ni Tomas kay Jasmin.

“Baka isang paraan ito para hindi mapunta sa ating likuran ang mga sutsot. Susutsot at sasalakay lang ang mga halimaw na iyon kung nakikita nilang nakatalikod ang mga biktima nila.”

“Maghalinhinan tayo ng pagbabantay sa ating likuran.” ang mungkahi ko.

Binaybay namin ang pampang. Dahan-dahan lang ang paglalakad namin habang si Tomas ay paulit-ulit na  isinisigaw ang pangalan ng kanyang kapatid.

“ELLA! ELLLLA! KUYA TOMAS MO ITO.”

Bawat sigaw ni Tomas ay sinusundan ng mga atungal at palahaw – katulad ng narinig namin kanina. Napansin kong papalapit ng papalapit ang pinanggagalingan niyon sa amin.

“Walang duda,” wika ni Jasmin. “Alam na ng mga sutsot na nandito tayo, maya-maya lang ay bubuntutan na tayo ng mga iyon.”

“Teka…teka…” wika ni Tomas. “May nakatayong tent doon oh.”

Itinaas ko ang bitbit kong lampara. Tent nga ang nakita ni Tomas. Nilapitan namin. Sa paligid nito’y maraming nagkalat na gamit. Inilapag ni Tomas sa buhanginan ang baril at bitbit na lampara at may pinulot siyang isang bagay – isang backpack.

“Hindi ako pwedeng magkamali, kay Ella ang bag na ito. Kasama niya akong bumili nito.” ani Tomas. “Nasaan ang kapatid ko? ELLA! ELLLLA!

Ginalugad namin ang  paligid. Tangan ko ng mahigpit ang napulot kong sanga ng kahoy. Si Daniel ay laging nakabuntot lang sa akin.

“Diyos na mahabagin!” ang bulalas ni Jasmin.

May nakita si Jasmin. Dali-dali namin siyang nilapitan.

Ang nakita niya’y bangkay ng isang babae at isang lalaki. Nakadapa pareho.

“Daniel tulungan mo nga ako, ihilata natin ang mga ito.” ang sabi ni Tomas.

“Heh, ayaw ko nga.” ang sagot ng kaybigan namin.

Ako na lamang sana ang tutulong kay Tomas subalit mas mabilis na nakakilos si Jasmin. Itinihaya nila ni Tomas ang mga bangkay.

Bumaligtad halos ang sikmura ko sa amoy na umalingasaw nang galawin nila ang mga bangkay at nanlambot ang aking mga tuhod at napapikit na lamang ako ng makita ko ang hitsura ng mga patay na katawan – walang mga mata at wakwak pareho ang tiyan hanggang dibdib.

Hindi nakatagal sa pagtingin sa mga bangkay si Daniel. Tumalikod ito. Sumuka. Nilapitan ko siya’t hinagod ko sa likuran.

Nang medyo umaayos ang pakiramdam niya’y bumulong sa akin, “Tol, mukhang katapusan na natin.”

“Hindi pwede tol, gusto kong makapag-asawa’t magkaroon ng anak. Marami akong pangarap sa buhay. Kaylangang buhay tayong makaalis sa islang ito.” ang sagot ko sa kanya.

“Buhay tayong lahat na aalis sa islang ito.” dugtong ni Jasmin. “Basta magtulungan tayo.”

Habang sinasabi iyon ni Jasmin eh nakatingin ito sa mga bangkay na parang wala lang.

“Mga kaybigan sila ni Ella. Sila ang sumundo sa kapatid ko kamakalawa sa bahay.” ang  wika ni Tomas.

“Ang pinakamababang uri ng sutsot ang nakadali sa kanila. Sila iyong ang gusto lang ay kumain, hindi upang manatili sa katawang kanilang inaagaw.”

Wala ng duda. Totoo nga ang lahat na sinasabi ni Jasmin.

“Ano na ang gagawin natin?” tanong ni Daniel. Umalis na tayo habang may panahon pa.”

“Lintek naman Daniel eh! ANO BA! Napagtaasan ko na ng boses ang kaybigan namin. “O sige balikan mo iyong balsa sa pinagiwanan natin. Mauna ka na. Umuwi ka na.”

“Teka…teka. Magtigil kayo. Hindi natin kaylangang magbangayan ngayon.” ang sabi ni Jasmin.

Katahimikan ang sumunod… katahimikang tinapos kaagad ng nakakabinging atungal na iyon. Mas lumapit pa sa amin ang pinanggagalingan.

“Wala tayong laban sa mga mababangis na sutsot na iyan.”

Puno ng kawalang-pagasa ang mga salitang iyon ni Daniel. Hindi na ako kumibo, napagod na akong patulan ang aking kaybigan.

“Alam mo ba Daniel na amoy na amoy ng mga sutsot ang takot mong nadarama ngayon? Ikaw ang naghahatid sa mga sutsot dito.” ang madiing sabi ni Jasmin.

“OO NA… OO NA! Kasalanan ko na! ang pasigaw na sagot ni Daniel sa sinabi ni Jasmin.

Naglakad palayo sa amin si Daniel.

Akmang susundan ni Jasmin si Daniel.

“Tsk… Daniel sorry!”

Hinawakan ni Tomas si Jasmin sa kamay upang pigilan ito sabay sabing, “Hayaan mo lang siya Jasmin.”

“Pero… baka kung mapaano siya?” ang sagot ni Jasmin kay Tomas.

Hindi ko sigurado kung nadinig ni Daniel ang sinabi ni Tomas. Nakakailang hakbang pa lamang siya palayo nang bigla na lamang siyang huminto  sa paglakad. Bumalik ito papunta sa amin at umupo sa malapit sa akin. Itinukod ang kanyang mga braso sa mga tuhod niya’t doo’y parang pagong  na itinago ang kanyang ulo.

“Ayaw ko pang mamatay,” garalgal ang boses ni Daniel nang sabihin iyon. Para siyang umiiyak.

Naupo ako sa tabi ni Daniel. Inakbayan ko siya.

“Walang mamatay sa atin tol,” wika ko. “Mga masasamang damo tayo… lalo na ikaw.”

Mula sa pinaglapagan ay kinuha ni Tomas ang kanyang baril at lampara at inilagay sa balikat ang backpack ng nawawalang kapatid. Nagsimula siyang maglakad, sinundan namin siya.

“Jasmin, ako muna ang magbabantay sa likuran natin.”

Tinanguan lamang ako ni Jasmin. Nasa unahan pa rin si Tomas. Si Daniel nama’y nakapagitna sa amin ni Jasmin.

Ang pampang pa rin ang binaybay namin. Kami’y nakapagitna sa dagat sa kaliwa at ang pakiwari ko’y kakahuyan ilang dipa lang sa kanan namin. Sa kadilimang nakabalunbon sa amin ay tanging parang anino lamang ng kakahuyan ang nababanaag ko.

Ang kanina’y atungal at palahaw lamang ay nadagdagan pa ng mga kaluskos na nagmumula sa mga kakahuyan. Sinunsundan kami ng mga kaluskos na iyon. Humigpit ang hawak ko sa sangang pinulot ko. Nakahawak na sa balikat ko si Daniel.

“Tol, hayan na sila,” wika ni Daniel.

“Sabi ko nga sa inyo, hangga’t hindi  nila napupuntahan ang likuran natin eh wala silang pwedeng gawin sa atin.” sagot ni Jasmin.

“DANIEL… DANIEL…”

Huminto kaming lahat.

“Sino iyon?” tanong ni Tomas.

“Si mama iyon ah!” bulalas ni Daniel. “Papaanong…”

“Hindi mo nanay iyon… sutsot iyon. Huwag ninyong pansinin.” ani Jasmin.

Nagpatuloy kami sa paglakad. Paparami ang mga dahon at sangang nadadaanan namin. Mukhang naubusan na kami ng pampang na dadaanan at kami’y papasok na sa kakahuyan.

“Tol, ilan ba ang kasama ni Ellen na nagpunta dito?” ang tanong ko kay Tomas.

“Kung tama ang pagkakatanda ko eh higit-kumulang silang sampu na nagpuntahan dito. Sana matagpuan nating buhay si Ella at iyong ibang kasama niya.”

“Sana nga tol.” Sagot ko kay Tomas.

“At sana lang makaalis din tayo dito ng buhay. Ayaw ko pang  mamatay.” ang wika naman ni Daniel.

“DANIEL… ANAK… HALIKA… UWI NA TAYO!”

“Tol, alam mong imposibleng mapunta dito ang nanay mo.” ang paalaala ko sa kanya.

“Pero bakit kaparehong-kapareho ng tinig ni mama?”

“Isa lang iyan sa mga kayang gawin ng sutsot.” ang sagot ni Jasmin. “Mahirap ipaliwanag kung bakit kapag makita ka lang nila eh nalalaman na kaagad nila kung sino ang malalapit sa iyong mga tao at kaya nilang gayahin ang boses ng mga ito. Maging ang tunog ng anomang hayop. Minsan kapag may madidinig kang tumatahol sa likuran mo’y aakalain mong aso pero isa palang sutsot.”

Mukhang si Daniel ang pinupuntirya ng mga sutsot. Paulit-ulit siyang tinatawag habang patuloy kamin naglalakad.

Namatay na ang lampara kong bitbit. Ang mga hawak ng mga kasama ko’y halos maubos na rin ang lamang gaas.

“Sandali… magpahinga muna tayo. Bago tayo maubusan ng gaas eh gumawa tayo ng siga.”

Sinunod namin ang mungkahi ni Jasmin. Namulot  kami ng mga tuyong dahon at maliliit na sanga. Tinanggal ko ang mitsa ng namatay kong lampara. Sinindihan ito ni Daniel gamit ang kanyang lighter. Nang magliyab na ang mga dahon at sanga ay unti-unti namin itong nilalagyan ng mga kahoy na nagkalat sa paligid.

Nagsiupo kaming lahat malapit sa siga paharap sa kakahuyan.

“Tomas, sa tingin ko mas makakabuti sa atin kung hintayin na nating sumikat ang araw bago natin hanapin ang kapatid mo at ang mga kasama niya.” ani Jasmin.

“Sa tingin ko nga’y mas malaki ang tsansa nating mahanap sina Ella at mas ligtas tayo kung maliwanag.” ang pagsang-ayon ko sa sinabi ni Jasmin.

Sumang-ayon din si Tomas sa panukala ni Jasmin.

Tatanungin ko sana kung mas malaki ba ang tsansa namin laban sa mga sutsot kung maliwanag pero naunahan na ako ni Jasmin. Wika niya’y, “Hindi nangangahulugan na kapag sumikat na ang araw eh mas ligtas tayo sa mga sutsot. Magkapareho lang ang panganib na hatid nila araw man o gabi. Hindi sila katulad ng mga bampira na takot masikatan ng araw.”

“At least kapag sumikat na ang araw at maliwanag, mas makakagalaw tayo ng maayos,” ang sagot ni Tomas sa sinabi ni Jasmin.

“Sana nga’y masaksihan pa natin ang pagsikat ng araw.”

Dama ko ang kawalang-pagasa sa mga sinabing iyon ni Daniel. Aaminin kong magkahalong takot at kaba rin ang nararamdaman ko pero handa kong ipagtanggol ang aking sarili. Muli ay umusal ako ng panalangin. Sa mga ganoong sitwasyon na mas tumitibay ang pananalampataya ko sa Panginoon. Simple lang ang lohikang sinusundan ko. Kung may mga demonyong katulad ng sutsot ay totoong may Diyos na nagpalayas sa kanila mula sa langit nang si Lucifer ay pinamunuan ang isang rebelyon laban sa Kanya.

“PSSST!”

May pumaswit.

Katulad ko, nakakatiyak akong nanlaki ang mga mata ng mga kasama ko. Katulad ko rin marahil na napagtanto nilang lahat kami’y nakaharap sa kakahuyan. Wala sa amin ang nakapagisip na pumwesto paharap sa dagat upang bantayan ang aming likuran.

“PSSSSTTTT!”

“Walang lilingon!” ang mahigpit na utos ni Jasmin.

Dinig ko nang magkasa ng baril si Tomas. Humigpit ang aking hawak sa  pamalong inihanda ko. Tumayo si Dennis at biglang umupo sa aking harapan sabay sabing “Heto na ang katapusan natin.”

(Itutuloy)

LINGON (4)

(Ikaapat na Bahagi)

smoke

Dagdag na tanong ni Daniel – “Sila ba’y mga aswang, bampira, taong lobo o ano?”

“Sila raw ay mga demonyong pinalayas ni Lucifer  mula sa impyerno dahil ayaw magpasakop sa kanya. Doon sila itinapon sa isla Miedo. Itim ang kanilang kulay. Kung tawagin sila’y sutsot,” ang tugon ni Jasmin.

“Sutsot?” ang paglilinaw ko. “Bakit tinawag silang sutsot?”

“Susutsotan ka nila kapag gusto ka nilang biktimahin. Kapag lumingon ka’y sasaniban nila ang iyong katawan. Sila’y parang itim na ulap na korteng tao. Papasok sila sa iyong bibig at kapag sila’y nasa loob na ng iyong katawan ay pilit nilang itutulak palabas ng katawan mo ang iyong kaluluwa. Maaari mong labanan ang ginagawang pangaagaw ng sutsot sa iyong katawan. Kung magtatagumpay ang sutsot o hindi ay nakadepende sa kagustuhan mong lumaban at sa tatag ng pananampalampataya mo sa Panginoon. Maaaring madali lang ang pang-aagaw ng sutsot, maari din namang matagal. Pinakamatagal na ang tatlong araw.”

Kay hirap paniwalaan ng mga sinasabi ni Jasmin. Pero paano nga kung totoo lahat ng iyon? Ngayon pa ba ako magdududa matapos ang ilang mga nangyayari na mismong nasasaksihan ko.

“Iisa ang misyon ni Lucifer at lahat ng mga demonyong katulad ng sutsot – gibain ang sandigan ng pananalig ng tao sa Dakilang Lumikha. Mas madali nilang maaagaw ang katawan ng taong hindi nanalig sa Panginoon at may mga kasalanang hindi pa naipangumpisal o naihingi ng tawad. Mabango ang amoy nila sa kasalanan – kahambugan, inggit, kasibaan, kalibugan, galit, pagkaganid at pagkabatugan ng taong pinunpuntirya nilang biktimahin.”

Kung tama ang pagkatanda ko ang mga binanggit ni Jasmin ay ang mga mortal na kasalanan.

 “Kapag naagaw na ng sutsot ang katawan ng biktima nila, ano na ang mangyayari?” ang tanong ni Daniel.

“Ang una’y tatanggalin ng sutsot ang mga mata ng kanilang biktima. Ang katawang inaagaw nila’y kanilang tirahan at pagkain. Mata ng biktima nila ang una nilang kakainin. Habang sila’y nasa loob ng katawan ay unti-unti rin nilang kakainin ang lahat ng lamang-loob at laman dito, hanggang maging kalansay ito. Aalis lamang ang sutsot sa katawang inaagaw nila kung wala na silang pwedeng kaining bahagi nito. Minsan, kahit meron pa ay iiwanan nila ito  kung may panibago silang mabibiktima.”

Sana hindi totoo ang lahat nang sinasabi ni Jasmin. Pero ano ang pwedeng maging dahilan niya para mag-imbento ng kwento?

 “Ngunit may mga sutsot na gusto lamang kainin ang mga mata at mga lamang-loob ng kanilang biktima. Hindi sila namamalagi sa katawan ng biktima nila. Kapag nagustuhan ng sutsot ang katawang sinaniban ay tanging mata lamang ang kanilang kakainin. Ang pinakamapanganib na uri sutsot ay iyong hindi kinakain ang alin mang bahagi ng sinasaniban nila. Ang ganitong uri ng sutsot ay uuwi sa pamilya nung biktima niya at magkukunwanring siya  iyon. Sila iyong maghahanap ng ibang biktimang kakainin gamit ang katawang kanilang sinaniban.”

Katahimikan nanaman ang sumunod sa mga sinabi ni Jasmin. Nagtinginan na lamang kaming magkakaibigan. At sa pagkakataong iyong ko napansin na hindi man isinisikad ni Tomas ang hawak na tikin ay kusa itong gumagalaw patungo sa direksyon ng liwanag na nakita ko.

“O di ba ang saya…napindot mo yata Tomas ang auto-pilot ng balsa.”

Ganun si Daniel, pinipilit mag-biro kapag nai-stress.

“Tingin ko’y agos ang nagpapagalaw sa balsa,” wika ni Jasmin.

Hindi ko na kinontra ang sinabi ni Jasmin. Marami akong natutuhan tungkol sa dagat dahil sumasama ako noong  mangisda sa aking mga tiyuhin. Kabisado ko ang galaw ng tubig sa dagat. Nakakatiyak akong hindi agos iyon. Hindi rin ang alon. Merong hindi ko malaman kung itinutulak ba o hinihila ang balsa.

Binitiwan na ni Tomas ang hawak na tikin. Kaming lahat ay nagumpukan sa gitna ng balsa.

Kung noong bago umalis ng breakwater ang balsa ay kinukwestiyon ko kung  anong uri ng tulong ang maibibigay sa amin ng isang babaeng katulad ni Jasmin, sa pagkakataong iyo’y napagtanto kong maaring siya pala ang tanging pagasa namin na mahanap ang kapatid ni Tomas at makabalik mula sa isla ng buhay.

“Makinig kayo sa akin,” wika ni Jasmin. “Ang mga  sutsot ay naaamoy ang takot. Gustong-gusto nilang natatakot ang mga biktima nila para mas madali nilang itulak palabas ng katawan ang kaluluwa nito.  Kaya sana tapangan ninyo’t pagtibayin ang inyong kalooban kapag nasa isla na tayo. Kapag nakarinig kayo na may pumapaswit, huwag na huwag kayong lilingon kung ayaw ninyong maging biktima. Kapag wala sa atin ang sinumang lilingon, ang  susunod na gagawin ng mga sustsot ay gagayahin ang tunog ng ano mang hayop o boses ng sinoman sa mga kakilala o mahal natin sa buhay. Aakalain mong sila nga iyon pero hindi. Sila’y mga sutsot na ang tanging nais eh lumingon ka upang masaniban nila ang iyong katawan. Sa paglingon ng biktima magsisimula ang lahat.”

“Ano ba kasi itong papasukin natin na ito?! ang hindi ko malaman kung nagtatanong ang naninising wika ni Daniel.

“Sige Daniel, lumangoy ka pabalik sa pinanggalingan natin,” ang inis na sagot ko sa kanya.

“O kaya tol, hintayin mo na lang  kami dito sa balsa para may magbantay nito,” ang mungkahi naman ni Tomas.

Pinili ni Daniel na huwag ng sumagot sa mga sinabi namin.

“Tandaan ninyo ito, tanging sa likuran lamang manggagaling ang mga sutsot. Lalapit sila’t sukdulang bubulong sa mismong tenga mo pero hindi ka nila gagalawin hangga’t hindi ka lumilingon.” ang dagdag pa ni Jasmin.

“Bakit ang dami mong nalalaman tungkol sa mga sutsot?” ang tanong ko kay Jasmin.

Matagal bago sumagot siya sumagot.

“Malalaman ninyo sa takdang panahon.”

Pangalawa na iyon sa mga katanungang ibinitin ni Jasmin ang sagot. Una, hindi niya sinagot kung ano ang nakatakdang dapat gawin nila nung mga kasama niya sa bangka. Nais ko din sanang malaman kung sino iyong ‘sila’ na sinabi nung mang Kanor na pagsasabihan niyang humiwalay na sa kanila si Jasmin.

Nagpatuloy ang ang pag-usad ng balsa.

Hindi lamang ang paligid namin ang sakmal ng kadiliman, maging ang kung ano mang naghihintay sa amin sa lugar na pagdadalhan sa amin ng balsa ay nakabalumbon sa kadiliman ng kawalang katiyakan.

Ang nakikita lamang namin ay ang kayang ilawan ng mga lamparang nasa unahan at likuran ng balsa. Katulad lang ng kaya  naming magkakaibigan na unawain tungkol sa isla at sa mga sutsot – nakadepende sa mga gustong sabihin sa amin ni Jasmin.

Ilang saglit pa’y naramdaman kong parang sumasadsad ang balsang kinalululanan namin. Huminto ito. Pasimpleng nagpunta sa bandang likuran ko si Daniel.

Nakakatiyak akong katulad ko’y nakikiramdam ang mga kasama ko. Nang ang mga mata ko’y nakasanayan ang dilim sa lugar na iyon ay unti-unti kong naaaninag ang paligid. Kami’y nasa isang pampang.

Inilapit ko sa lampara ang aking braso upang tignan ang oras – ika-siyam na ng gabi.

“Pakiwari ko’y nasa isang isla na tayo,” wika ni Jasmin. “Kung ito na nga ang isla Miedo ay malalaman natin.”

“Papaano natin malalaman?” ang tanong ni Daniel.

“Sasabihin ko sa inyo.” Ang sagot ni Jasmin.

“Si Tomas ang unang kumilos. Dahan-dahan itong umalis ng balsa’t yumapak sa buhanginan.

“Tara,” ang wika ko kina Jasmin at Daniel. “Baba na rin tayo.”

“Teka… dalhin natin ang mga lampara.” ang mungkahi ni Jasmin.

Dalawa ang kinuha kong lampara, ang isa’y iniabot ko kay Tomas.

“Flashlight ng cell phone na lang ang gagamitin ko,” ang wika ni Daniel.

“Tol, habang may gaas pa ang lampara eh ito ang gamitin natin, i-save mo ang battery mo para kapag kinaylangan natin mamaya eh may magamit tayo.” ang sagot ko kay Daniel.

Sumunod naman si Daniel.

Nang kaming lahat ay nasa pampang na’y nagtulong-tulong kaming hilahin palayo sa tubig ang balsa. Iisa marahil ang iniisip naming lahat – kaylangang tiyakin naming may masasakyan kami paaalis ng islang iyon kapag kakaylanganin.

Habang hinihila namin ang balsa papunta sa pampang ay napansin kong nagtatayuan nanaman ang mga balahibo ko sa batok at braso. Dala marahil iyong sa kaiisip ko  sa mga sinabi ni Jasmin tungkol sa mga sutsot.

Nang matapos naming iahon ang balsa ay nagsiupo kami sa buhanginan sa gilid ng dagat. Kung nasa isla Miedo nga kami ay totoo ngang pino’t maputi ang buhangin dito.

“Sana nandito sina Ella.” wika ni Tomas.

“Tol, kung nandito kapatid mo ibig sabihin nasa isla Miedo nga tayo at nanganganib tayo.”

Gusto kong mainis nang madinig ko iyon kay Daniel. Pinili ko na lang na manahimik kasi’y maraming beses ko na siyang binara sa araw na iyon.

Makalipas ang ilang sandali’y nakakadinig na ako ng ibang tunog. Sumasalit sa tunog na nililikha ng malumanay na paghampas ng mga maliliit na alon sa buhangin sa pampang ang huni ng mga kuliglig at kuwago. Paminsan-minsan ding pumupunit sa katahimikan ng lugar ang alulong ng aso… o baka lobo. Hindi ako pwedeng magkamali, may kagubatan sa islang iyon. Ganoon ang mga naririnig ko kapag nagbabakasyon kami sa bahay ng lola sa isang baryo na nasa paaanan  ng isang bundok.

Nang madinig ko ang ang isang pamilyar na siyap ng paniki  sa bandang itaas namin ay naala-ala ko ang pananakot na ginagawa ng lola noong bata kami. Galing daw ang huning iyon sa isang iki na nagahahanap ng mga batang gising pa kapag disoras ng gabi upang kainin ang mga lamang-loob nila.

Ang siyap ng paniking iyon ay sinundan ng isang kakaibang uri ng atungal, nakakabingi…nakakatakot. Sabay-sabay halos kaming napatayo.

“Ano iyon?” ang tanong ni Daniel na halatang katulad ko’y nahintakutan.

Naulit pa ang atungal. Sinundan pa ito ng mga palahaw. Lahat ng ingay na naririnig ay walang katulad sa mga narinig ko na. Medyo malayo sa kinalalagyan namin ang pinanggalingan. Kahalintulad ngunit sigurado akong hindi baka o kalabaw na kinakatay ang may likha ng atungal na nadinig namin. Hindi rin ganun ang ingay na nililikha ng mga malalaking hayop sa Africa. Nakakatiyak din ako na hindi tao ang pumalahaw matapos ang makapanindig-balahibong atungal na iyon.

“Sutsot. Galing sa sutsot ang atungal na iyon.” wika ni Jasmin. “Kumpirmado, nasa isla Miedo na nga tayo.”

Pagkarinig ng sinabi ni Jasmin ay parang hindi mapakali si Daniel. Hindi malaman kung sa likuran ko o sa likuran ni Tomas gustong sumiksik.

“Meron sa atin na sa ngayon ay takot na takot at marahil naamoy iyon ng mga sutsot. Maya-maya lang ay kasunod na natin sila.” dugtong ni Jasmin. “Humanda na kayo. Magdasal kayo kung marunong kayong magdasal.”

Sadyang ako’y nanalangin, bago matulog at pagkagising sa umaga. Sa unang pagkakataon na ako’y nanalangin ng hindi pa ako matutulog o hindi bagong gising.

(Itutuloy)

LINGON (3)

(Ikatlong Bahagi)

The-Shape-Shifting-Ghost

Tumigil ito nang madikit sa rampa.

Wala kaming kibo. Lahat kami’y natahimik.

Isang matanda nga ang lulan ng balsa.

“Iyan marahil si tandang Kharon,” ang pabulong na sabi ni Jasmin. “Nakita ko rin siya sa wakas.”

Mukhang luma at kulay itim lahat ng kasuotan niya – pantalon, kamisa de chino, at sombrero. Hindi ko maaninag ang mukha ng matanda, natatakpan ito ng suot niyang sombrero. Inilapag niya ang hawak na tikin at sinimulang sindihan ang mga lampara.

Walang kumikibo sa amin. Tahimik naming sinusubaybayan ang bawat kilos ng matanda.

Takip-silim na noon. Nagbibigay daan na ang liwanag sa dilim.

Nang masindihan lahat ng lampara’y muling hinawakan ng matanda ang tikin. Pumwesto sa bandang dulo. Wala itong sinasabi, nakaharap siya sa amin at nakayuko. Hinihintay kaming sumakay.

Ilang sandali rin ang dumaan. Nang walang kumikilos sa ami’y inilubog ng matanda ang tikin sa tubig akmang aalis na.

“Te…teka po,” ang atubiling wika ni Tomas.

Hindi huminto ang matanda. Unti-unti nang kumilos ang balsa palayo sa breakwater. Nagbabaan kaming lahat sa rampa. Nagmamadaling tumalon sa balsa si Tomas.

Atubili man ako’y sinundan ko siya. Tumalon din ako sa balsa.

Inihinto ng matanda ang balsa.

Hindi pa rin kumikilos si Daniel at si Jasmin nama’y nakamasid lang. Nakatingin sa amin si Daniel. Nakakunot ang noo. Akmang tatalon pagkatapos ay tatayo at hahagurin ng dalawang kamay ang kanyang buhok.

“Daniel,  ayos lang kung hindi mo kami sasamahan, maiintindihan ko,” wika ni Tomas. “Tara na po lolo.”

“Teka, teka po lolo,” wika ni Daniel. “Sasama po ako.”

Nang tumalon si Daniel ay sumunod rin si Jasmin.

“Jasmin, hindi mo kaylangang gawin ito,” ang bulong ko sa kanya.

Ang sagot niya’y “Kaylangan ninyo ng tulong ko.”

 Gusto ko sanang tanungin  si Jasmin kung anong tulong ang pwedeng gawin ng isang babaeng katulad niya sa amin sa mapanganib na isla ng Miedo.

Tumalikod sa amin si tandang Kharon. Isinikad na niya  ang kanyang tikin. Nagsimula nang lumayo ang balsa sa breakwater papasok sa balumbon ng ulap na nagluwal dito.

Tinignan ko ang aking relo – trenta minutos makalipas ang ika-anim ng hapon.

“Tikin lang ang gamit ng bangkero,” ang pabulong na wika ni Tomas. “Paano kapag nasa malalim na bahagi na tayo ng dagat?”

“Lolo, gaano po ba kalayo ang isla ng Miedo?,” ang tanong Daniel.

Hindi ko malaman kung bingi ang matanda o suplado. Hindi siya sumagot. Nagpatuloy lamang ito sa pagsikad ng tikin.

“Malayo po ba ang islang iyon lolo,”

Nilaksan ko ang aking boses. Iniisip kong baka hindi lamang nito narinig si Daniel. Kaya hindi ito nakasagot.

Lumingon sa amin ang matanda subalit sa halip na sumagot ay inilagay nito nang patayo ang hintuturo sa labi. Tanging ang babang bahagi ng kanyang ilong at labi lamang ang hindi natatakpan ng sombrero niyang suot. Nang tanggalin niya ang kanyang daliri sa labi ay ngumiti ito. Tumambad ang kanyang nangingitim na mga ngipin.

Muling isinikad ni tandang Kharon ang tikin.

“Napansin mo ba ang kanyang mga ngipin,” ang pabulong na tanong sa akin ni Tomas.

“Oo tol. Nangingitim,” ang tugon ko.

“Bukod doon,” ang dagdag ni Tomas. “Parang kasing may pangil siya… o baka naman sungki-sungki lang ang kanyang mga ngipin.”

“Pangil yata,” ang sabi ni Jasmin.

Nakita kong dinukot ni Jasmin ang rosaryo at ipinilupot sa kaliwa nitong kamay habang hawak naman sa kanyang kanan ang balisong.

Habang papalayo kami sa breakwater ay lalong kumakapal ang balumbong ng ulap. Halos hindi ko na matanawan si tandang Kharon sa harapan namin. Tanging ang liwanag na galing sa lampara sa harapan ng balsa ang nababanaagan ko. Pagkatapos ay naramdaman ko na lamang na tumigil ang balsa.

“Nasa isla Miedo na ba tayo?” ang tanong ni Daniel.

Ang sagot ko’y, “Imposible. Wala pa tayong sampung minutong naglalakbay.”

“Alisto lang kayo,” ang sabi ni Jasmin.

Ilang sandali pa’y unti-unting nawala ang ulap, parang unti-unting hinipan ng hangin palayo sa amin. Ang pumalit ay kadiliman. Tila kay bilis nawala ng liwanag. Ang mga lampara sa apat na gilid ng balsa ang tanging nagbibigay liwanag.

“Aba eh nasaan ang matanda?” wika ni Tomas.

Noon ko lang napansin na wala ang matandang bangkero. Parang sumama sa naglahong balumbong ng ulap. Ang tikin laman niya ang naiwan.

“Ano ba iyan!”  ang bulalas ni Daniel. “Ano ba kasi itong pinasok natin na ito… Lintsak, basang-basa na ang mga sapatos ko’t pantalon.”

“Isipin na lang natin na siguro tahimik na lumusong sa dagat ang matanda at lumangoy palayo sa atin,” ang wika ni Jasmin.

Luminga-linga ako sa paligid. Tumingala ako sa langit, wala ang buwan at ang mga tala nama’y parang itinago ng mga ulap. Sa bandang kanan namin ay may nakita akong  liwanag.

“Nakikita ba ninyo ang nakikita ko,” ang sabi ko sa aking mga kasamahan sabay turo sa bandang kanan namin na sila’y magtinginan sa akin.

Tanging ang liwanag na iyon ang nakikita sa gitna ng kadilimang nakapaligid sa amin ng maglaho ang balumbong ng ulap. Parang galing sa isang sulo. Gumagalaw ito pakaliwa’t pakanan.

“Liwanag iyon ah,” ani Tomas.

“Baka may bangka sa banda roon.”

“Hindi siguro,” ang sagot ko sa sinabi ni Daniel. “Medyo mataas ang lugar na pinanggagalingan ng liwanag.”

“Gumagalaw kaliwa’t kanan,” dugtong ni Jasmin. “Pakiwari ko’y sadyang iwinawagayway ang sulo ng sino mang may hawak nito.”

“Kung nasa kalupaan ang may hawak ng sulo  eh marahil ang kinalalagyan niya’y  ang isla Miedo,” ang sabi ni Tomas. “Baka grupo nina Ella yan.”

“Puntahan natin.” ang mungkahi ni Jasmin.

Sumangayon kami ni Tomas. Si Daniel naman ay tahimik lamang.

Kinuha ni Tomas ang tikin. Kanya itong isinikad. Nakapagtatakang malayo-layo na rin ang nalalakbay namin eh kalahati lamang ng tikin ang lalim ng dagat. Hindi ko alam kung napansin din iyon ng aking mga kasamahan. Hindi ko alam kung napansin din nila na kalmado ang dagat sa bahaging iyon. Walang along humahampas sa balsa

Nang kami’y umusad na patungo sa direksyon ng liwanag na nakita ko ay nagsimulang mangalisag ang aking mga balahibo sa batok at braso. Ganun ang nararamdaman ko tuwing nagkukwentuhan ng tungkol sa multo ang mga kaklase namin sa kolehiyo at mga guro at empleyado doon. Dati daw kasing sementeryo noong panahon ng Kastila ang lupang kinatitirikan ng eskwelahang iyon kaya’t ilang sa mga nag-aaral at mga nagtatrabaho doon na bukas daw ang “third eye” ay minsan nakakakita ng mga kaluluwang gumagala. Ang iba’y hinihimatay kapag nakakakita at bigla na lang tatakbo palabas ng classroom o opisina nila. Ang ilan nama’y tila nakasanayan na kaya bale-wala na sa kanila.

Ayaw kong maniwala noon kaya’t inisip kong baka nasisiraan ng bait iyong mga nagsasabing nakakakita’t tumatakbo pa nga’t minsa’y hinihimatay. Ngunit nang isang guro ko mismo na kilala kong disenteng tao at matino ang pag-iisip – wika nga’y may kredibilidad – ang nagkwento sa amin ay nagsimula akong maniwala na meron ngang multo at mga elementong gumagalaw sa mundo kasama ang mga tao.

Tandang-tanda ko nang ikwento sa amin ng guro kong iyon na minsan daw ay pinuntahan nila ang burol ng sumakabilang-buhay na ama ng isa sa mga estudyante niya. Makalipas ang isang buwan ay na-assign na reporter sa isang topic ang nasabing estudyante. Kitang-kita niyang biglang lumitaw sa harapan ang kaluluwa nung ama at pinanood ang kanyang anak habang ginagawa nito ang pagre-report.

Habang nagkukwento ang guro namin ay naramdaman kong nagtayuan ang mga balahibo ko sa katawan. Iyon ang unang pagkakataon na nagkaroon ako  ng ganoong uri ng pakiramdaman – isang bagay nga na muli kong naramdaman ng nagsimulang isikad ni Tomas ang tikin at muling gumalaw ang balsa.

Tinanong ko minsan sa guro naming iyon kung bakit may mga pagkakataon kapag gabi o kapag madilim ang isang lugar, lalo na sa ilang bahagi ng eskwelahan namin – kahit wala akong kakwentuhan tungkol sa alin mang katatakutan  ay bigla na lamang nangangalisag ang aking mga balahibo sa batok at braso. Ang sabi niya ay hindi man bukas ang third eye ko upang makita ko ang mga kaluluwang ligaw o ano mang elemento ay nararandaman daw ng katawan ko ang presensya nila.

“Naniniwala ba kayong may mga multo, maligno, at halimaw?” ang tanong ni Jasmin.

Pawang tango lamang ang isinagot nina Tomas at Daniel. Marahil ay naaalala pa rin nila ng kwento sa amin nung teacher namin noon.

 “Hindi pa ako nakakakita ng multo pero naniniwala ako,” ang tugon ko.

Wika ni Daniel ay “Naniniwala akong may multo. Pero ang alam ko’y hindi sila nanakit ng mga tao. Iyon ang sabi ng lola ko. Ang mga multo daw ay  mga kaluluwang ligaw na hindi kaagad makaakyat sa langit dahil nangangaylangan pa sila ng dasal ng kanilang mga iniwan.”

“Sana nga eh multong nananakot lang ang nandoon,” ang sabi ni Jasmin.  “Pero hindi eh. Pinamumugaran ang isla ng isang uri ng mabangis na halimaw.”

Saglit na katahimikan ang kasunod ng sinabi na iyon ni Jasmin. Gusto ko sanang sabihing naniniwala ako sa multo pero ang pagkakaalam ko sa mga halimaw at mga maligno eh pawang mga kathang isip lang. Pero sa tingin ko’y hindi nagbibiro o nagsisinungaling si Jasmin. Alam niya ang kanyang mga sinasabi.

Aamining kong nagsisimula na akong kabahan.

“Kanina sa breakwater ay nabanggit mo ngang mabangis sila,” ang sabi ni Tomas. Huminto ito sandali sa pagsikad sa hawak na tikin. “Anong uri ba ng mga nilalang ang nasa islang iyon?”

Dagdag na tanong ni Daniel – “Sila ba’y mga aswang, bampira, taong lobo o ano?”

“Sila raw ay mga demonyong pinalayas ni Lucifer  mula sa impyerno dahil ayaw magpasakop sa kanya. Itim ang kanilang kulay. Kung tawagin sila’y sutsot,” ang tugon ni Jasmin.

“Sutsot?” ang paglilinaw ko. “Bakit tinawag silang sutsot?”

(Itutuloy)

%d bloggers like this: