HALIK SA PISNGI
Hindi ko sinadya…
na labi ko’y dumampi
sa iyong pisngi.
Hay!
Parang bulak
Kay lambot
Kay bango… parang rosas.
At tuhod ko’y nanginig.
Katinua’y parang bula… naglaho.
Aking inulit.
Muli akong humalik.
Sa pisngi.
Paulit-ulit.
At labi ko’y naglakbay
hanggang sa labi mo’y dumantay.
Ika’y pumikit.
Nakangiti.
Hininga mo’y pigil.
Tila hinihintay ang muli kong paghalik.
At bago sana kita muling hagkan
kita’y masuyo munang pinagmasdan.
Nang krus sa kuwintas mo’y kuminang,
May batong sa budhi ko’y dumagan.
Di na kita muling mahagkan.
Takang-takang mata mo’y iminulat
Yumuko ako’t humingi ako ng tawad
At sa pisngi mong sa luha’y tigmak
Sa huling pagkakataon
Labi ko’y lumapat.
Posted on February 28, 2019, in Creative Writing, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0