ANG KAPALIT NG LIHIM – Part 2
(Maikling Kuwento)
Bago kami nagsimulang kumain ay lumapit sa akin si Junior. Kalmado na s’ya. Niyakap niya ako’t sinabing, “So..sssorri ku…kuya ha. Gu…good boy na ako…pa…promise.”
Nilapitan din ni Junior ang nanay at nag-sorry.
“Gu…good boy na ako na..nanay! L…love m…mo n…na u…ulit a…ako?”
Tumango lamang ang nanay. Buong higpit na niyakap si Junior at hinalikan sa pisngi. Nakita kong nangilid ang luha niya. Nakaramdam ako ng awa sa aming ina. Hindi ko siya puwedeng husgahan sa biglaang pag-init ng ulo niya nang komprontahin ang bunso namin kanina. Paminsan-minsan na ang tao’y panandaliang nawawala sa katwiran dala ng pagod, inis o galit. Pressured lang din siguro ang nanay dahil nga nililigalig nanaman kami ni Aling Cora.
**********
Nadatnan na namin sa barangay hall sina Aling Cora at ang asawa niyang pulis na si Mang Nestor. Na-late kami dahil pinilit pa naming kumbinsihin si Junior na sumama sa amin. Ayaw nitong lumabas ng bahay dahil madalas lamang siyang tuksuhin ng mga bata sa lugar namin. Tanging kay Girlie lamang siya nakaramdam ng pagtanggap mula sa isang kababata.
“Nakakahiya naman sa inyo, pa-VIP ba? Aba’y halos kalahating oras na kaming naghihintay dito ah,” bungad sa amin ni Aling Cora.
Yumuko lamang ang nanay. Ako ang sumagot.
“Pasensya na po, ma’am, ayaw kasing sumama kanina si Junior, hinintay pa naming mawala ang tantrums niya.”
“Ay! Ganun? May tantrums. OMG!!! Ang pangtutuya ni Aling Cora.
“Ay s’ya, simulan na natin ang pag-uusap para maaga tayong makatapos,” ang mungkahi ni Mr. De Villa, ang aming punong barangay. “Magsiupo kayong lahat.”
Nagsi-upo nga kami. Si Junior ay kumandong kay Nanay. Tumabi sa kanila si Jeng at ako nama’y tumayo na lamang sa kanilang likuran. Pinagmasdan ko sina Aling Cora at Mang Nestor na nakaupo sa katapat namin. Namumutiktik sa alahas ang mag-asawa at sa magkabilang kamay nila’y puro smartphones ang hawak. May nakasingit na clutch bag sa kili-kili ni Mang Nestor. T’yak kong baril ‘yun.
Pumwesto na rin si kapitan sa lamesa niya. Katabi niya ang secretary ng barangay na may hawak na logbook. May dalawang tanod sa bandang likuran nila at isa sa may pintuan.
“Eh, Kapitan, ano po ba ang dahilan kung bakit ipinatawag n’yo kami? Ano po ba ang problema kay Junior?” ang tanong ni Nanay.
“Ganun! Nagmamaang-maangan ka! As in hindi mo talaga alam kung ano ang ginawa ng anak mo,” ang pasarkastikong sabi ni Aling Cora.
“Eh, hindi nga talaga namin alam, eh. Sa palagay mo, magtatanong ba ang nanay kung alam na niya ang dahilan?”
Nabigla ako sa sagot ni Jeng. Natingin sa kanya ang lahat ng taong nasa loob ng opisina ni kapitan. Parang ready for war ang kapatid ko.
“Jeng, cool ka lang ha!!!” ang bulong ko sa kanya.
“Hindi, kuya. Hindi ako papayag na babastusin ng gagang ‘yan si Nanay,” ang pabulong ding tugon ng kapatid ko.
“O sige, straight to the point na ako, Aling Tessie,” ang deklarasyon ng punong barangay namin. “Nawawala ang bagong cellphone ni Ma’am Cora. At may nakakita na pinulot ito ni Junior.”
“Bago ang cellphone. Nakalagay pa sa box. Nalaglag siguro ito ni misis nang bumaba ng kotse namin pag-uwi niya sa bahay kahapon,” ang dagdag ni Mang Nestor.
“Kapitan, tiningnan ko pa ito bago ako bumaba ng kotse. Akala ko siguro ay naibalik ko nang maayos sa aking bag. Ramdam kong may ilang bagay akong nalaglag. Hindi ko na pinansin kasi nagmadali akong pumasok. Ihing-ihi na kasi ako at that time. Nadaanan kong nasa sakop ng bakuran namin ‘yang si Junior.”
“Ah, mawalang-galang na po, Ma’am Cora,” ang sabi ko. “Sino po ba ang nakakita na pinulot ni Junior ang nawawala ninyong relo?”
“Si Josie!!! Maghintay ka lang at paparating na iyon. Akala mo ba nag-iimbento lang ako ng kuwento, ha, Sean?”
“Hindi po, ma’am, nagtatanong lang po ako.”
“Eh sana nga hindi ka lang nag-iimbento, Aling Cora.” ang buwelta sa kanya ni Jeng. “Binabastos mo ba ako, ha Jeng?” Tumayo si Aling Cora at balak niyang lapitan ang kapatid ko.
Pinigilan s’ya ni mang Nestor.
“Tumahimik ka ha! Kapag nagsalita ka pa ulit, eh papauwiin na kita,” ang pagbabanta ni Nanay kay Jeng.
“Bitter ka lang, Jeng, dahil ayaw namin sa iyo para kay Alfred. Bitter ka lang dahil hiniwalayan ka ng anak namin. Magaling ka kasing pumili ng BF. Siyempre, iyong gwapo na at marami pang laging allowance. O, di ba?”
Nanggigigil ang kapatid ko. Gustong-gustong niyang sumagot, pero pinisil ko ang braso niya upang pigilan ito.
“Kahit kailan ay hindi ka namin magugustuhan para kay Alfred. Tandaan mo ‘yan. Wala kang breeding.”
“Ba…bad ka, ba…bad ka…ba bad ka!” pasigaw na sabi ni Junior habang nakaturo kay Aling Cora. Sa ganun mang kalagayan ng kapatid ko ay ramdam niya na parang may masamang ginagawa sa amin si Aling Cora at gusto n’yang ipagtanggol ang mga mahal n’ya sa buhay.
“Ba…bad ka, ba..baadddd. Pa…pangit mo.!”
Napuwersa ang nanay na takpan ang bibig ni Junior. Kinagat ng kapatid ko ang kamay ni Nanay. Kitang-kita kong nasaktan ang aming ina ngunit hindi niya inalis ang kamay dahil agitated na ang kapatid ko. Magsisigaw siyang tiyak kapag nawala ang kamay sa bibig nito.
Umalalay ako sa nanay. Tinanggal ko ang kamay niya sa bibig ni Junior at ipinalit ko ang sa akin. Kinagat din ito ng kapatid ko. Gigili na gigil na siya. Ramdam ko ang diin ng ngipin nito sa aking palad. Tiniis ko ‘yon.
“Good boy ka, Junior, ‘di ba? Doon tayo sa likod ni Nanay. Kainin natin itong cupcake o.”
Pagkakita ng kapatid ko sa inilabas kong pagkain ay bumitaw ito sa pagkakakagat sa kamay ko at sumama papunta sa likod ng nanay. Habang kinakain niya ang cupcake, nakatingin ito kay Aling Cora. Matalim.
“Ano ba ito? Freak show!” ang patudyada ni Aling Cora.
“Tumigil ka na, Cora! Nakakahiya kay Kapitan, ano ba!” Hinila paupo ni Mang Nestor si Aling Cora pagkasabi n’yon.
“Pasensya na po kayo, Ma’am Cora… Sir Nestor sa mga anak ko,” wika ni Nanay.
“Nanay, wala kang dapat ihingi ng pasen…” hindi natapos ni Jeng ang sasabihin, marahang tinampal ni Nanay ang kanyang bibig.
“Sinabi nang manahimik ka lang! Gusto mo bang mapauwi, ha? Hindi na umimik si Jeng. Yumuko na lamang ito.
Nakakita ako ng pagkakataon upang magtanong kay Junior.
“Ahh Junior. Masarap ba cupcake?” “Sa…sarap ku…kuya. Sa…sarap!”
“Mamaya, bili ulit tayo ha.”
“Si…sige ku…kuya…Bi…bili m…mo a…ako u…ulit ha.” “Promise! Pero sagutin mo muna ang tanong ko.”
Tumango si Junior.
“May napulot ka ba kahapon sa bakuran nila, Ma’am Cora?” Tumango ulit si Junior.
“O kitam kapitan. May napulot daw s’ya. Ilabas n’yo na,” ang bulalas ni Aling Cora.
“Teka po, misis, hayaan n’yo munang tapusin ni Sean ang pagtatanong sa kapatid n’ya,” ang sagot ni Mr. De Villa.
“Bunso, ano naman ang napulot mo?” ang pagpapatuloy ko sa pagtatanong kay Junior.
Tumingin sa akin si Junior at sinabing, “Se…secret. Se…secret. Wa… walang clue. Hi…hindi k… ko sa…sabihin.”
“Dali na bunso. Good boy ka ‘di ba? Ano napulot mo?
Hindi na sumagot si Junior. Tumalikod ito sa akin at ipinagpatuloy lang ang pagkain ng cupcake.
“Se…secret…se…secret! Wa… walang clue.”
Iyon ang paulit-ulit na sinasabi ni Junior. Ang nanay naman ang lumapit kay Junior.
“Bunso, sabi mo good boy ka ‘di ba? Sige na naman, oh, sabihin mo na sa amin kung ano ba ang napulot mo. Saan mo inilagay?”
“Sa…sabi ng se…secret eh! Se…secrettttt!!! Wa… wala ngang clue.
Alam ng nanay na hindi niya mapapaamin si Junior kahit ano pa ang gawin niya.
“O, paano kapitan ayaw sabihin ng bata. Baka naman naturuan na na huwag sasabihin para alam mo na. Puwede kasing ipagbili ang cellphone para magkapera.”
Hindi ko na napigilan ang sarili ko.
“Mam Cora, h’wag n’yo naman kaming insultuhin ng ganyan. Hindi po namin pag-iinteresan ang cellphone n’yo. Kung iyon ay napulot ni Junior at dinala sa bahay ay titiyakin ko sa inyo na hahanapin namin ang may-ari para isauli ito.”
“Hoy!!! Huwag kang magtaas ng boses. Kilalanin mo kung sino ang mga kausap mo.” “Opo, Mang Nestor, kilala ko si Aling Cora!!! Kilala kita. Kilalang-kilala!!! Alam kong…” Hindi ko natapos ang sasabihin ko. Ang bibig ko naman ang tinampal nang marahan ni Nanay. “Naku, Sir Nestor, pasensya na talaga, pasensya na po. Ganito na lang po kapitan, kung
papayag po si mam Cora ay bibili na lamang ako ng bagong cellphone katulad nang nawala n’ya. “Ha, ha, ha. Talaga lang ha!!!” ang parang nang-iinsultong sabi ni Aling Cora. “Sigurado
ka ‘ba dyan sa sinasabi mo?”
“Opo mam Cora. May naitabi naman akong pera. Pang-tuition sana ng mga anak ko sa pasukan. Para lang po matapos na ang usapan. Baka nga kasi napulot ni Junior ang relo n’yo at naitapon na kung saan.”
“iPhone 17 Pro ang cellphone na iyon. Halos isang daang libong piso ang halaga. Hindi kasya ang naitabi mong tuition fee ng mga anak mo,” ang bulalas ni Mang Nestor.
Natahimik si Nanay. Nagkatinginan kami. Kitang-kita ko ang pamumutla niya. Marahil ay napahiya siya. Akala niya siguro, ako man, na isang mumurahing cellphone lamang ang nawawala.
Ganun kabigat ang napasukan naming problema. Niyakap ni Jeng si Nanay. Nilapitan ko naman si Junior. Bumulong ito sa akin,“Ku…kuya, pa…pahingi p…pang c…cup c…cake.”
“O natahimik kayong mag-anak. Akala n’yo ba tig-isa o dalawang libong pisong cellphone lang ang nawawala?” ang pangangatyaw ni Aling Cora. “At hindi sa amin ang cellphone na nawawala. Ipinatago lang sa akin ni Mayora matapos niyang bilhin ito kahapon. Ireregalo n’ya kay mayor bukas sa birthday n’ya. Siguro naman alam n’yo na kung ano ang mangyayari kapag nakarating pa kay mayor ang usaping ito.”
“Anong gusto mong gawin ko mam Cora. ‘Di ba sinabi ko naman sa inyo na walang iniuwing cellphone si Junior sa bahay. Walang ibinigay sa akin, o kay Jeng o kay Sean na cellphone ang batang ‘yan.”
“Pero nadinig n’yo naman na umamin ang Junior na ‘yan na may napulot s’ya.” Ang dagdag ni Aling Cora.
“Ilabas n’yo na kasi. Pinagiinit n’yo ulo ko ah. Hindi ako papayag na mapahiya kay mayor dahil sa kagagawan n’yo.” Tumayo na si Mang Nestor sabay akmang bubuksan ang clutch bag na dala nito.
“Mawalang galang na po mam Cora…sir Nestor.” ang sabat ni kapitan. “Ako’y walang kakampihan sa isyung ito, ano. Pareho ko kayong kababaryo. Ang sa akin lang ay kailangang mapatunayan beyond reasonable doubt na napulot nga ni Junior ang nawawala ninyong relo.”
“Okay, okay. Paparating na si Josie. S’ya ang magpapatunay na napulot ni Junior ang cellphone.” Pagkasabi n’yo ay matalim kaming tinitigan ni Aling Cora.
Mula sa labas ay may narinig kaming wang-wang. Nakita ko mula sa bintana ng barangay hall na bumaba si Josie mula sa isang police patrol.
“O kapitan ayan na si Josie, ang witness namin.” ani mang Nestor.
Pumasok si Josie. Isang matandang dalaga na nakatira malapit sa amin. May dala pang plastic bag na malaki. Mukhang nag-shopping bago pumunta sa barangay. Binigyan siya ng tanod ng mauupuan. Nang makita ni Josie si Nanay ay umismid ito. Minsan kasi ay ipinabarangay siya ng nanay dahil sa pagkakalat ng tsismis na kabit daw ng kung sino-sino ang aming ina.
“Aling Josie! Alam mo na siguro kung bakit ka ipinatawag dito,” ang tanong ni Mr. De Villa.
“Opo kapitan.” ang tugon ni aling Tessie “Kahapon po kasi ay nagkataong nagawi ako sa lugar nila aling Cora. Nakita ko ‘yang si Junior na nasa loob ng bakuran nina Aling Cora. Kitang-kita ko na may pinulot s’yang parang ano ba…iyong parang rectangle ang hugis…pahaba s’ya. Nang mapansin niyang nakatingin ako ay bigla niyang itinago sa likuran ang napulot niya.”
Tumingin si Josie kay Junior. “Junior, ‘di ba nakita mo ako kahapon?”
Pinagmasdang mabuti ni Junior si Josie. Lahat kami’y nag-abang sa isasagot ng kapatid ko.
Tumango ito.
“Junior, ‘di ba may napulot ka kahapon sa bakuran nina Ma’am Cora?” Tumangong muli si Junior.
“Ano ba napulot mo. Cellphone ba iyon?”
“Se…secret nga eh. Se…secret!. Wa… walang clue.”
“Kita ko eh, relo napulot mo.”
“SE…SECRET NGAA! KU…KULIT N…N’YO…
“Tama na aling Josie, nagagalit na kapatid ko, baka po mag-tantrums ito dito.” Ang pakiusap ko.
“Anong tantrums tantrums. Pilitin mong magsalita ang kapatid mo. Ilabas n’yo ang iPhone ni mayora. Ilabas n’yo!!!” Galit na sabi ni Aling Cora.
“Ilang beses ba naming sasabihin sa inyo na wala sa amin ang cellphone? Walang iniuwing cellphone si Junior sa amin. At nakakasigurado ba kayo na iyon nga ang napulot ng kapatid ko? Sobra na kayo, Aling Cora,” ang bwelta ni Jeng na halatang hindi na kayang magtimpi.
“Bastos ka talagang bata ka! Manang-mana ka sa nanay mong walang pinag-aralan.”
Pasugod na si Aling Cora kung hindi nakapagitna ang isang tanod. Nakita kong tumayo na ang nanay. Medyo nangigigil na rin. Hindi siya papayag na masaktan ang aking kapatid.
Ang Kapalit Ng Lihim-Part 3
April 3, 2026
Posted on April 2, 2026, in Creative Writing, empathy, Fiction, Filipino Fiction, Maikling Kuwento, Short Story and tagged Creative writing, empathy, Fiction, Filipino Fiction, Maikling Kuwento, Short Story. Bookmark the permalink. Leave a comment.


Leave a comment
Comments 0