MGA PANGARAP (1)

(1st of 6 parts)

dreams

“Sa tabi lang amang.”

Marahan kong tinapakan ang preno. Dali-dali akong bumaba upang salubungin ang matandang babae na dahan-dahan at hirap na bumababa. Inalalayan ko rin siya nang sumampa siya sa jeep kong minamaneho. Tingin ko nama’y hindi minasama ng ibang mga pasahero ko ang kaunting abalang idinulot niyon sa kanila. Nakakaawa kasi si nanay. Sana man lang eh sinamahan siyang bumiyahe ng sinoman sa mga kamag-anak niya.

“Maraming salamat amang. Napakasuwerte ko at jeep mo ang aking natiyempuhang sakyan.”

“Wala pong ano man nanay. Salamat din po dahil kahit luma na itong jeep ko eh ito ang pinara ninyo.”

“Maayos pa naman ang jeep mo amang ah. Okay ka ring magmaneho.”

“Salamat po. Ingat po kayo nanay.”

Siya ang huling pasahero ko sa araw na iyon. Tinanggal ko na ang mga signboard na nakadikit sa salamin sa unahan ng jeep ko para wala nang pumara.

Pasado alas-dose pa lamang ng tanghali pero huminto na ako sa aking pasada. Magkikita kasi kami ng mga kaklase ko – sina Jay, Chris, at Mario. Sila ang mga sanggang dikit ko  noon sa high school. Excited ako dahil iyon ang una naming pagkikita matapos ang higit-kumulang 20 taon. Parang reunion. Apat nga lang kami.

Si Jay ang nag-plano ng pagkikita-kita naming iyon. Noon isang linggo kasi eh may pumara sa akin na isang mama na tila nangka-aberya ang minamanehong kotse. Para kakong pamilyar sa akin ang mukha ng mamang iyon. Sa dahilang wala naman akong pasahero noon ay huminto ako upang tignan kung anong tulong ang maibibigay ko sa kanya.

Pagbabang-pagbaba ko ng sasakyan ay nagkatinginan kami at laking gulat ko nang tawagin akong ‘tol at sabihin ang aking pangalan ko. Siya pala si Jay. Katulad ng madalas naming gawin noon – nagkamayan kami ng mahigpit at pagkatapos ay nagkalawitan kami ng braso na animo kami’y magbubunong braso.

Buong sabik kaming nagkumustahan habang iniaayos ko ang na-discharge na baterya ng kanyang sasakyan. Nagmamadali si Jay noon dahil may meeting daw siyang dapat puntahan kaya’t hindi kami nakapagkuwentuhan ng matagal. Nang maayos ko ang problema ng kanyang sasakyan ay dumukot si Jay ng pera sa kanyang wallet at pilit iniaabot sa akin. Ito’y aking tinanggihan. Matapos siyang humingi ng paumanhin sa sinabi niyang abalang dulot sa akin eh kinuha niya ang kanyang cell phone at tinanong kung ano ang number ko. Matagal na daw talaga niya akong hinahanap. Ibinigay ko sa kanya ang aking number. Nag-miskol siya upang makuha ko naman ang sa kanya.. Isi-nave ko ito at matapos mangakong ako’y tatawagan eh kaagad siyang sumakay sa kanyang kotse at pinaharurot palayo. Mukha ngang siya’y nagmamadali.

Si Jay ay isa sa mga matatalino kong kaklase noong high school. Siya kung tutuusin ang lider ng aming grupo. Masayang-masaya ako at nagkita kami. Matagal ko na rin silang hinahanap.

Mukhang natupad ang mga pangarap ni Jay. Madalas niyang sabihin noon na gusto niyang makatapos ng pag-aaral, magkaroon ng magandang trabaho, kotse, at malaking bahay. May  kotse na siya at naka coat and tie. Tila maganda ang kanyang trabaho. Hindi ko lang alam kung may bahay na siya at kung nagka-pamilya. Sayang at hindi kami nakapag-usap ng matagal. Ni hindi ko natanong kung ano at saan siya nagtatrabaho.

Hanggang sa makauwi ako eh iniisip ko pa rin ang biglaang pagkikita namin ni Jay sa araw na iyon. Bigla kong naalaala ang dalawa pa naming kaybigan – sina Chris at Mario. Apat na taon din kaming nagkasama, mula first year hanggang grumadyewt kami ng high school.  Halos pare-pareho sila ng mga sinasabi noon kapag napag-uusapan namin kung ano ang mga pangarap at gustong marating sa buhay. Gusto nilang makatapos ng pag-aaral, makapagtrabaho, makaipon ng maraming pera, magka-kotse, at magkaroon ng malaking bahay. Si Mario yata ang nangarap sa amin na  mag-abroad at doo’y magtrabaho.

Nang tanungin nila ako noon kung ano ang pangarap ko sa buhay eh natawa sila sa sinabi ko – gusto kong maging masaya at mabuhay ng matagal. Hindi ko alam kung bakit iyon ang sinabi ko. Mga bata pa kasi kami noon.  Sa puntong iyong ay nag-ring ang aking cell phone. Katulad ng ipinangako niya’y tumawag si Jay.

Sandali din lang kaming nag-usap ni Jay. May bisita daw kasi siya. Tumawag lang siya para sabihing kinontak niya sina Chris at Mario at pumayag ang dalawang magkikita-kita kami sa susunod na linggo, araw ng Sabado. Sa dating tagpuan daw kami maghihintayan.

At sa araw ngang iyon ay makakasama ko ulit ang mga kaybigan ko. Huminto muna ako sa isang karinderya. Alas-dos pa naman ang aming usapan kaya puwede pa akong kumain at magpahinga ng kaunti.

“Aling Tinay, menudo nga po at pinakbet. Huwag po ninyong lalagyan ng taba iyong menudo ko ha.”

“Naku Mon, bakit ba ayaw na ayaw mo ng taba? Tanging ikaw lang sa lahat ng customer ko ang ang ayaw kainin ito.”

“Umiiwas lang po ako sa cholesterol.”

“Sus, paminsan-minsan lang naman eh. Ilan ba kanin mo?”

“Ay isa lang po.”

“Dalawa ulam tapos isa lang ang kanin. Talaga naman. Masyadong health-conscious ang mamang driver. Hoy Manny, ipagsandok mo nga ng kanin ang kuya Mon mo. Huwag mong damihan at hindi din naman niya uubusin ‘yan.”

“Opo inay.” Ang sagot ng binatilyong anak ni aling Tinay.

Nangiti na lamang ko sa mga nadinig kong sinabi ni aling Tinay. Medyo kasi lumaki ang tiyan ko ng mag-edad 30 ako kaya kaunti na lang ang kinakain kong kanin. Nadinig ko kasi sa isang programa sa radyo na matinding magpalaki daw ng tiyan ang pagkain ng maraming kanin at delikado sa puso ang pagkain ng taba ng baboy. Pati nga daw ang madalas na pag-inom ng beer eh nakakalaki rin ng tiyan. Mabuti na lang at hindi talaga ako mahilig uminom. Pero tiyak sa pagkikita-kita naming magkakaybigan eh siguradong masusubo ako nito sa inuman. Lalo na nga’t darating din sina Chris at Mario. Hindi papayag ang mga iyon na walang inuman. Kami lang ni Jay ang hindi talaga pala-inom sa grupo.

“O heto ang tubig mo, walang yelo iyan. Alam kong hindi ka uminom ng malamig na tubig.”

“Salamat po aling Tinay.”

Iyon ang isang bagay kung bakit kahit maraming kainan akong nadadaanan eh sa karinderya ni aling Tinay ako pumupunta para mananghalian tuwing ako’y namamasada. Mabait at maasikaso siya sa mga kustomer niya.

“Sabi ni Manny eh mukhang nagdyi-gym ka rin tulad niya. Aba eh palaki ng palaki daw ang dibdib mo at namumutok ang braso mo sa suot mong t-shirt.”

“Hindi po. Magastos po mag-gym. May mga barbell at dumbbell lang ako sa bahay na gawa sa semento. Ginagamit ko tuwing umaga bago ako mamasada o lumusong sa bukid.”

Pasado ala-una na ng lumabas ako ng karinderya. Ipinagtimpla pa kasi ako ni aling Tinay ng kape. Libre iyon. Hindi ko daw kasi tinatanggap ang pamasahe niya tuwing natitiyempuhan na naisasakay ko siya galing sa palengke kaya tuwing kumakain ako doon eh may libre akong kape.

Bago ko pinaandar ang aking jeep eh nagpunas ako ng katawan gamit ang face towel na binasa ko ng alcohol. Nagpalit ako ng damit at nagsuot ng sapatos. May baon akong polo shirt at rubber shoes. Nakakahiya naman sa mga kaybigan ko kung amoy-pawis at grasang t-shirt at madungis na tsinelas ang suot ko kapag nagkita-kita kami. Nag-baon din ako ng shorts at sando upang may magamit ako halimbawang gusto nilang maglaro.

Ilang minuto pa ay mararating ko na ang aming dating tagpuan – ang lumang basketball court sa sentro ng aming bayan. Magkakalapit lang naman ang mga barangay na tinitirhan naming magkakaybigan kaya mabilis namin itong napupuntahan kung gusto naming maglaro noon.  Ang bahay namin ang pinakamalapit sa basketbolang iyon, halos isang kilometro lang.

Pero bakit nga ba ganoon katagal bago kami magkikita-kita gayong magkakalapit lang naman ang mga baryong tinitirhan namin. Ang unang dahilan siguro eh nagsipag-aral sila sa Maynila samantalang ako naman eh huminto na ng pag-aaral pagkatapos ng high school. Nang makatapos siguro sila ng pag-aaral eh nakahanap na ng trabaho doon na rin sila namalagi.

Nandoon na si Jay nang makarating ako sa aming hintayan. Nakita kong naka-park sa ilalim ng isang punong acacia ang kotse niyang nagkaaberya noong nakaraang linggo. Itinabi ko sa magarang kotse ni Jay ang aking lumang jeep.

Part 2

About M.A.D. LIGAYA

Teacher-Writer M, A, and D are the initials of my two first names (Massuline and Antonio) and my mother's family name (Dupaya). Ligaya (a Filipino word which means happiness in English) is my family name. MAD is actually one of my nicknames aside from Tony and Ching. My full name is Massuline Antonio Dupaya Ligaya. Many times I was asked the question "Why do you write?" I don't write for material rewards nor adulation. When I write poems, stories, and essays, when I do research, seeing them completed gives me immense joy and satisfaction. I don't write for cash incentives, "likes," and "praises." I would be thankful should I get those but the happiness and sense of fulfillment I feel when completing my works are my real rewards. Is teaching difficult? No! When I teach, I don't work but I play. My educational philosophy - "The classroom is my playground, the students are my playmates, and the subject is our toy." Proud to be me! Proud to be a FILIPINO! TO GOD BE THE GLORY!

Posted on February 26, 2020, in Creative Writing, Dreams and Aspirations, Maikling Kuwento, Mga Pangarap Sa Buhay, Short Story and tagged , , , . Bookmark the permalink. 4 Comments.

  1. In my opinion for what little it is worth, I think that you are a good writer, much better than my efforts. I am going to reblog this piece for you.

    Liked by 1 person

  1. Pingback: Mga Pangarap – MUKHANG "POET"

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: