PAKWELANG TALUDTURAN
Nag-eksperimento ako sa isang uri ng tula. Sinubukan kong gumawa ng tulang apatang taludtod (quatrains sa English) na ang unang tatlong linya ay animo’y seryoso ang tinatalakay subalit ang pang-apat (ang tinatawag na clincher) ay sundot na patawa. Tinawag ko itong “pakwelang taludturan.” Hindi ko lang alam kung may dati nang gumawa ng ganito.
Meron din naman akong ilang mga apatang taludtod dito na straight-forward na patawa at walang parteng seryoso.
Mahirap gawin. Wika nga nila, ang pagpapatawa ay isang seryosong bagay. Sana nga lang ay matawa kayo.
———————————————
HETO ANG PANIMULA!
———————————————
Pakwelang taludturan ay pausuhin
Simulang seryoso sa biro’y tapusin
Tagiliran ng babasa’y susundutin
Ngiti nila’t utot ating palabasin
———————————————
YUCKY…!
———————————————
Habang nakapikit ako’y may nalanghap
Ito ay samyo ng hinog na bayabas
Natakam…kaya’t mata ko’y iminulat
“Ay sus!”Katabi ko… braso’y nakataas
_____
Bakit ako’y hirap na ika’y tanggihan
Hindi mapakali kapag ika’y nagparamdam
Kapag tumawag ka lahat iiwanan
Hahanapi’y inidorong mauupuan
_____
Pinipigilan ma’y lumalabas kang pilit
Doon ka dumadaan kung saan masikip
Kapag lalabas ka na ako’y alumpihit
Baka may makaamoy o makadinig
———————————————
YUMMY…!
———————————————
Namumulang kutis oh katakam-takam
Ako’y nanggigil, nanginig ang kalamnan
Tumulo ang laway…sila’y nilapitan
Grilled chicken sa kaliwa…lechon sa kanan
———————————————
CAFFEINATED…!
———————————————
Nangakong kita’y kakalimutan
Nangakong ‘di ka na babalikan
Pangako’y ‘di ko mapanindigan
O kape kay hirap mong iwasan
———————————————
HI SEXY…!
———————————————
May seksing sa jeep nakatapat ng upuan
Aba’t labi ko matamang pinagmamasdan
Tumabi sa akin at ako’y binulungan
“Brod! Mugmog mo sa nguso iyong punasan!”
_____
Sa mata n’yang kay pungay ako’y natingin
Sa nakita’y nabagabag ang damdamin
Di ko napigilang pabulong na sabihin
“Miss may mutang sa kilay mo lumambitin.”
_____
Dalagang nakatayo sa harapan ko
Aba’y tumitingin sa aking pundiyo
Ngumiti’t lumapit…binulungan ako
“Ay kuya…bukas ang zipper ng lonta mo.”
_____
Bebot sa parke… ako ay nginitian
Umakbay sa akin nang aking tabihan
Sa kanyang ibinulong ako’y gulantang
“Cellphone mo!” Kung hindi kita’y gigripuhan.”
_____
Kutis mo’y makinis malambot parang bulak
Mahubog na katawan mo’y nakakagulat
Nang kita’y lapitan at ikaw ay humarap
Tinutubuan ka pala ng bigote’t balbas
———————————————
BILBILING STRUGGLES…
———————————————
Mahirap man ay dapat ko nang aminin
Masakit man ay dapat ko nang tangapin
Sinikap ko ngunit ano man ang gawin
Bilbil ko ay hindi na kayang tanggalin
_____
Pilit pumupulupot sa aking baywang
Habang buhay yata akong didikitan
Kahit anong gawin ayaw akong iwan
O BILBIL pakiusap ako’y tantanan
_____
Di nga ba’t tayong dalawa’y nagsumpaan
Na magpakaylanman ay walang iwanan
Sa kabilang buhay man ika’y susundan
Akong BILBIL mo’y h’wag nang ipagtabuyan
———————————————
PAUTANG NGA…!
———————————————
Nakabuntot ka’t lagi akong sinusundan
Halos oras-oras kung ako’y tawagan
Pangako sa iyo sana’y panghawakan
Pautang mong 5-6 aking babayaran
_____
H’wag kang mawawalay sa aking paningin
Kung mawawala ka’y pilit hahanapin
Susundan ka kahit saan makarating
Hangga’t ‘di bayad ang utang mo sa akin
———————————————
PILLOW TALK…!
———————————————
Nanabik sa gabi na ako ay yakapin
Hinahanap ka kapag dumatal na ang dilim
Sana naman ako ay lagi mong dalawin
Pakiusap ANTOK ako’y iyong pansinin
_____
Higpit ng yakap ko’y ‘di mo tinanggihan
Dulot mo’y ginhawa sa pagal kong katawan
Sa lungkot at ligaya ako’y sinamahan
H’wag ka sanang mawala mahal kong UNAN
_____
Ikaw ang kanlungan ko kapag tag-lamig
‘di pinagdamot ang kaylangan kong init
Maging mga luha ko’y iyong pinapahid
Giliw kong kumot ika’y kagamit-gamit
———————————————
TOOTH FAIRY …!
———————————————
Wala kang awa nuknukan ka ng lupit
Sobra-sobra ang dulot mong pasakit
Gabi’t araw ako ay naghihinagpis
Isusumbong na kita sa aking dentist
———————————————
FAIRY TALE…!
———————————————
Si Sleeping Beauty dati’y may insomnia
At si Cinderella ay may alipunga
Si Snow White nama’y gumamit ng Gluta
Hetong si Rapunzel may balakubak pala
———————————————
HAIRY TALES!
———————————————
Napaka-cute mo at ubod pa nang lambing
Gustong-gusto mong sa aki’y lumambitin
Balbon ka’t maputi kay sarap haplusin
Sana lang oh tuta h’wag akong kagatin
__________
Bakit sa akin lagi kang bumubuntot
Kahit saan magpunta kita’y kasunod
Didikit ka pa’t katawan mo’y ihahagod
“Halika na BROWNIE h’wag ka nang malungkot.”
———————————————-
FIREWORKS DISPLAY …!
———————————————
Kung sa bagong taon bawal ang paputok
Di sige tayo na lang ay manorotot
Hala iangat kili-kiling maantot
Tapos sabay-sabay tayong mag-siutot
_____
Ang wika ni Brod Pete ay may nasusulat
Na paputok daw pala dala ay malas
Kasi espiritung gumagala sa labas
Sa bahay n’yo papasok kapag nagulat
———————————————
THANKS ANDREW E. …!
———————————————
Kay Andrew E. ang pasalamat ay labis
Heto nga’t sasabihin ko na kung bakit
Kay daming dilag kasi ako’y inibig
Nang mauso ang “Humanap Ka Ng Pangit”
Source: PAKWELANG TALUDTURAN
Posted on October 13, 2017, in Filipino Humor, Poetry, Tula and tagged Filipino Humor, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0