Ang Maging Makata

poet

Mahirap ang maging makata.

Sa lahat ng dyanra ng panitikan, ang tula ang pinakamahirap sulatin. Hindi gawang biro ang pagsama-samahin sa iisang kabuuan ang mga elemento nitong tugma, sukat, saknong, talinghaga, at kariktan. Kaylangan ding puno at liglig ang talasalitaan ng sinumang susulat ng tula upang doo’y hugutin ang salitang katumbas ng damdami’t kaisipang nais ipahayag.

Hindi sa mas madaling magsulat ng maikling kwento o nobela. Hindi rin gawang biro ang pagapangin sa banghay ng kwento ang mga elemento nitong tagpuan, tauhan at tunggalian. Subalit ang mga sumusulat ng kwento ay maginhawang nakakagamit ng maraming pahina hanggang matumbok nila ang kasukdulang ng kwento at marating ang wakas. Si Leo Tolstoy ay nangailangan ng mahigit kalahating milyong salita upang tapusin ang nobela niyang pinamagatang “War and Peace.”

Sa kabilang banda, ang makata’y mayroon lamang isang piraso ng papel, minsan nga kalahati lamang nito, upang ipahayag ng malinaw at buo ang kanyang saloobi’t iniisip. Ang mga Hapon, sa anyo ng tula nilang tinatawag na Haiku, ay kapiranggot na bahagi lang ng papel ang kaylangang gamitin sa dahilang ang naturang tula’y binubuo ng isang saknong lamang na may tatlong taludtod na ang gitna’y may pitong pantig at ang una’t huli’y tig-limang pantig.

May mga dagdag pang hamon sa mga makata kapag kanilang nilakbay ang mundo ng taludturan.

Mahirap bumagtas sa daan ng kalungkutan habang ikaw ay nakangiti. Hindi rin pwedeng sumagwan sa ilog ng kasiyahan habang nakasakay ka sa bangkang yari sa luha. Ang luhang ididilig sa mga taludtod ng tula upang ito’y mamunga ng kalungkutan ay iniigib ng makata sa balon ng mapapait niyang karanasan.

Tanging ang puno ng kalungkutan ang pwedeng pitasan ng luha at tanging ang hardin ng kasiyahan ang pwedeng tubuan ng nakangiting bulaklak. Kung aakyat ang makata sa puno o dadalaw sa hardin ay nakadepende sa uri ng damdaming nais niyang ipahayag.

Kung meron man ay iilan lamang ang mga makatang kayang humahalhak habang gumagapang sa balag ng malungkot na taluduturan.

Mas magandang pakinggan ang kudyapi ng lumbay kung ito’y hihipan ng isang makatang minsa’y halos malunod sa sariling luha dahil sa isang karanasang nagdulot sa kanya ng matinding kapanglawan. Ang tambuli naman ng kagalakan ay pwede lamang hipan ng makatang narating na ang kasukdulan ng saya na tuwing ito’y naaalala ay nangingiti ito o natatawa kahit siya ay nag-iisa.

Ngunit ang buhay ay isang musikerong tinuturuan ang makata na kayang hipan ang kudyapi ng lumbay o tambuli ng kagalakan sa ano mang pagkakataon na kanyang naiisin.

Kung ang intensyon ng makata’y hasikan ng butil ng luha ang kanyang mga taludtod upang doo’y yumabong ang hapis ay kanyang susundutin ng karayom ang pilat na iniwan ng isang sugat ng kahapon hanggang umagos mula rito ang dugo ng kalungkutan. Hindi ito pagiging masokista bagkus ay isang sakripisyo na dapat gawin ng makata. Dapat kasing nararamdaman niya ang ano mang damdaming nais ilatag sa mga saknong ng kanyang tula.

Kaya nga tunay na alagad ng sining ang makata. Kaya niyang paikutin sa kanyang kamay ang mga emosyon. Katulad ng isang artista sa entablado, umiiyak…matapos ang ilang saglit ay biglang tatawa.

Minsan ay mali ang pakahulugan ng mga tao sa makata. Kapag ang tula’y puno ng pagsisisi at kalungkutan dulot ng isang hiwalayan ay inaakala ng mga bumabasa na ang makata’y minamahal pa rin ang nakahiwalayan at nais na ito’y muling bumalik. At ang taong nag-aakalang siya ang pinatutungkulan sa tula’y nagmamalaki’t nagbubunyi.

Huwag kalimutang ang makata’y alagad ng kanyang sining. Ang makata’y hindi alipin ng nakaraan, masaya man o malungkot. Ang tunay na makata’y inaalipin ang nakaraan. Pinaglilingkuran siya nito.

Binabalikan ng makata ang nakaraan para maghanap lamang ng  inspirasyon. Binabalikan ng makata ang nakaraan upang may paghugutan ng emosyon…upang siya ay magalit, mainis, mangiti o matawa…upang muling maramdaman kung paano umibig at mabigo…kung paano magtaksil at pagtaksilan…upang muling mangarap…upang muling maramdaman kung paaano mabigo, bumangon at magtagumpay.

About HARDPEN

Teacher-Writer Hardpen is my nom de plume. My real name is Massuline Antonio Dupaya Ligaya. Many times I was asked the question, "Why do you write?" I don't write for rewards nor adulation. When I write poems, stories or essays, seeing them completed gives me immense joy and satisfaction. The happiness and sense of fulfillment I feel when completing my works are my rewards. When I teach, I don't work but I play. The classroom is my playground, the students are my playmates, and the subject is our toy. Proud to be me! Proud to be a FILIPINO! TO GOD BE THE GLORY!

Posted on August 22, 2017, in Essays, Sanaysay and tagged , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: