H’wag Nang Itanong
(Inspired by John Farnham’s “Please Don’t Ask Me”)
Tatanungin mo pa ba laman ng isip
Batid mong ‘ngalan mo dito’y nakaukit
Batid mong masidhi ang aking pananabik
Na makita ka’t mayakap nang mahigpit
Tanong mo ay bakit ‘di kita lapitan
Kung sabik ako’y bakit ‘di kita hagkan
Sa halip yumakap kita’y nilayuan
Takot na pagtangi ko’y iyong malaman
Sa gabi ang diwa ko’y gising na gising
Ngiti mo’y ilaw sa silid kong madilim
Pagpikit ng mata’y kita na’y kapiling
Nagkukunwari na pwede kang angkinin
Sa pagkukunwari’y lalo lang nasasaktan
Ngunit hindi pwede na iyong malaman
Kaya’t mahal man kita’t pinananabikan
Sapat nang sa malayo kita’y pagmasdan
Kung bakit sana ay h’wag akong tanungin
Kung mahal kita’y bakit ayaw kong sabihin
Kung malaya lang akong kita’y ibigin
Pagmamahal sa ‘yo di ibubulong sa hangin
Posted on May 24, 2016, in Love, Poetry, Tula and tagged Love, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0