Blog Archives

Ang Tatay Kong Taxi Driver

driver

Kalahating oras na lang ay magsisimula na ang final examination namin pero hindi pa rin dumarating si tatay. Hindi pa bayad ang aking tuition fee kaya hindi ako bibigyan ng permit para kumuha ng exam. Bakit kasi nauso pa ang patakarang “No permit, no exam.” Kapag nagkataon ay bukod tanging ako lang nanaman ang hindi makakakuha ng test. Dalawa o tatlong beses na yatang nangyari sa aking iyon. Hirap na hirap pa naman akong  mag-review tapos ganito lang ang mangyayari.

Sinubukan kong tawagan si tatay “cannot be reached.” Ang dami ko ding texts na nasend sa kanya pero hindi siya sumasagot. Nakaka-stress. Sagad na sagad na aking inis sa tatay ko at sobra-sobra na akong kinakabahan.

Taxi driver lang ang tatay ko kaya minsan eh ginigipit kami sa gastusin sa bahay. Mabuti na nga lang at nag-iisa akong anak. Gusto kong magkaroon ng kapatid pero sa kalagayan namin sa buhay ay pihadong mahihirapan lalo ang aking mga magulang. Batid nila ito kaya’t sadyang hindi ako sinundan. Ang inaalala ko eh paano na kung college na ako, ngayon ngang high school pa lang ako eh hirap na ang tatay.

“Anak.”

Nakatalikod man ako’y natitiyak kong ang tatay ang tumawag sa akin. Sa wakas ay dumating na rin siya.

“Pasensya na anak, dumaan pa kasi ako sa presinto kaya medyo natagalan ako. Oh heto naang pambayad mo sa tuition.”

Halos pahablot kong kinuha ang pera. Kagyat akong umalis. Hindi na ako nakapag-paalam sa tatay. Sobra na akong nagmamadali. Ilang minuto na lang eh mahuhuli na ako sa exam.

Maswerte ako’t  walang pila sa cashier. Nakabayad ako kaagad at binigyan ako ng permit. Dalawang minuto na lang siguro ay mahuhuli na ako sa test. Mabuti na lang at umabot ako.

Naidaos ko ang first day ng final exam namin. Sobra akong na-stress. Mahirap ang exam at sobra akong ininis ni tatay sa paghihintay. Dalawang araw pa ang test namin at 5 subjects pa ang aking pag-aaralan kaya’t puspusan ang pagre-review ko pagkauwing-pagkauwi ko sa bahay.

Maya-maya’y may kumatok sa pintuan ng aking kwarto.

“O anak, dinalhan kita ng gatas. Inumin mo habang nagre-review ka.”

Kinuhako ang gatas na dinala ng aking tatay. Hinagkan ako nito sa noo.

“Pagbutihin mo anak ang pagre-review ha. Pagpasesyahan mo na ako kanina kung na-delay ako.”

Tumango na lamang ako. Medyo nagtatampo pa ako sa tatay. Muli kong naiisip ang kanyang pagiging taxi driver. Bakit kasi iyon lang ang hanapbuhay n’ya. Bakit kasi hindi s’ya nag-aral para sana naging abogado s’ya, doktor o kaya accountant. Ganun pa man ay sinikap n’yang sa isang private school ako makapag-aral. Pero dahil halos puro anak-mayaman ang mga kaklase ko ay lalo kong nakikita kung gaano kami kahirap.

Naiinggit ako sa mga kaklase ko, lalong-lalo na kay Trishia. Hatid-sundo ng driver nila. Minsan mismong daddy pa n’ya ang naghahatid sa kanya. Ang dami niyang bagong mga gadgets. May cellphone din naman ako pero halos limang taon ko nang ginagamit. Ang sasarap ng mga kinakain nila kapag breaktime at lunchtime. Ako ay laging biskwit ang meryenda at paulit-ulit na adobong manok o baboy, minsan pritong isda, ang pinababaon sa akin ni nanay para sa tanghalian. Mabuti na lang at paminsan-minsan ay nabibigyan ako ni Trishia ng masarap na ulam. Minsan nga ay isinasama pa n’ya akong mag-lunch sa Jollibee. Malapit lang iyon sa school pero sinusundo pa s’ya ng driver at may kasama pang yaya. Naisip ko tuloy minsan na sana magkapatid na lang kami ni Trishia.

Nagdaan ang halos dalawang oras.

“Anak, labas ka muna. Handa na ang hapunan. Kumain ka muna bago mo ipagpatuloy ang pagre-review mo.”

Ang nanay ko iyon. Lumabas ako ng kwarto at tinungo ang aming hapag-kainan.

Habang kami’y kumakain ay nakarinig kami ng katok sa aming pintuan. Binuksan iyon ng aking nanay.

“Dito po ba nakatira si Mr. Danilo Aguilar.” Ang narinig kong tanong mula sa labas.

“Dito nga po. Ano po ba ang maipanglilingkod namin sa inyo.”

“Maari po ba kaming tumuloy?”

Tumango ang nanay at nakita kong pumasok ang tatlong pulis, isang reporter at isang mamang mukhang mayaman. Lumapit sakanila ang tatay.

Kinabahan ako dahil tatlo-tatlo ang pulis na pumasok sa amin. Naisip kong meron sigurong ginawang problema ang tatay ko. H’wag naman sana. Sa hirap na ng buhay namin eh magkakakaso pa ang tatay. Kapag nakulong s’ya paano na kami ni nanay. Paano na ang aking pag-aaral sa kolehiyo.

Hindi ko madinig kung ano ang kanilang pinag-uusapan. Nakahinga ako ng maluwag dahil mukha namang walang problema. Maayos naman ang takbo ng usapan. Nakikita kong sila’y nag-ngingitian.

Maya-maya’y nilapitan ako ng reporter nilang kasama. May bit-bit itong cake. Hindi ko napansin ang cake na  iyon nang sila’y pumasok.

“Ikaw si Maxene ano? “

“A…ako nga po.”

O heto ang cake galing kay Mr. Reyes.”

“Salamat po. Bakit n’yo po alam ang pangalan ko? Siguro sinabi po ng nanay ko sa inyo.”

“Hindi. Nagtanong-tanong  ako tungkol sa inyong pamilya d’yan sa mga kapitbahay n’yo kanina at may nagbanggit na Maxene ang pangalan ng unica hija ng nanay at tatay mo. Ikinagagalak kong makilala ang anak ng isa sa mga pinakabuting taong nakilala ko.”

“Ano po? Hindi ko po maintindihan.”

“Maxene, kaninang umaga ay sakay ng tatay mo si Mr. Reyes, iyong mamang kasama namin. S’ya ay isang kilalang milyonaryo na ang negosyo eh alahas. Nasiraan kasi ng kotse kaya’t pinara ang taxi naminamaneho ng tatay mo. At sa pagmamadali ay naiwan niya ang isa sa mga bag na dala niya na may lamang pera  at mga mamahaling alahas na milyon ang halaga. Nakita iyon ng tatay mo at nagpunta siya sa isang presinto ng pulis kaninang umaga at iniwan doon ang bag. Nagkataong nandoon ako  kanina. At alam mo bang hindi natandaan ni Mr. Reyes ang plaka ng taxi ng tatay mo. Kung iyong bag eh itinago na lamang n’ya eh malamang na hindi na ito matutunton. Kahanga-hanga ang tatay mo.”

Hindi ako makapaninawala sa aking naririnig.

“At s’ya na sana ang maghahatid daw ng pera kay Mr. Reyes dahil may ID sa loob ng bag at kabisado daw ng tatay mo ang address na nakalagay doon. Pero sinabi niya sa mga pulis na sila na lamang daw ang mag-sauli ng bag kay Mr. Reyes. Nagmamadali daw kasi siyang puntahan ka sa school dahil kaylangan mo daw ng pera para sa tuition mo. Nagulat pa ang mga pulis nang buksan nila ang bag dahil sa dami nang laman nitong pera at mga alahas. Akala nila kung ano lang ang laman ng bag. Ni hindi nag-iwan ng pagkakakilanlan ang tatay mo.  Mabuti na lang naplakahan iyong taxi n’ya dahil may CCTV sa presinto. Kaya pinuntahan namin ang opisina nila at natunton namin itong tirahan ninyo.

Para akong nanliit sa mga sinabi ng reporter. Parang wika nila sa English ay “Too good to be true.”

Naisip ko ang inasal ko sa aking tatay. Iyon pala ang dahilan kung bakit hindi n’ya kaagad nadala ang pang-tuition ko. May kinaylangan lang siyang gawin. Hiyang-hiya ako sa aking sarili.

“At grabe ang tatay mo ha. Binibigyan na ng P200,000 bilang pasasalamat ni Mr.Reyes eh ayaw pang tanggapin. Kung ako iyon, naku!!! Mabilis pa sa alas-kwatro na susunggaban ko iyong pera, hehe.”

Nangiti lamang ako. Pero ganoon talaga si tatay. Gusto niyang pagpaguran ang ano mang meron s’ya.  Maging ang tulong na binibigay ng mga lola’t lolo ko sa mother side eh tinatanggihan. Katwriran n’ya mas kaylangan iyon ng mga matatanda.

“O kuhanan ko nga pala kayong mag-anak ng picture. Tara doon, tumabi ka sa kanila” Wika ng reporter.

Pina-unlakan naming mag-anak ang kahilingan ng reporter.

Nang naka-alis ang aming mga bisita ay hindi ko mapigilang yakapin ang aking tatay.

“Aba, ‘nay, tignan mo itong prinsesa natin, parang naglalambing yata.”

“Tatay sorry po ha.”

“O bakit ka nagso-sorry sa akin anak.” Ang tanong ng tatay.

“Basta po…sorry.”

“Okay, okay anak. I love you.”

“I love you too tatay…I love you nanay.”

“Teka, tapusin na natin ang pagkain. Magre-review pa si Maxene.” Wika ni tatay.

Kinabukasan sa school canteen, habang ako’y nagi-snacks ay bigla na lamang lumitaw sa TV ang picture naming mag-anak. Nabalita sa TV ang ginawa ng aking tatay. Ibinalita ang ginawa niyang pagbabalik ng pera at alahas kay Mr. Reyes. Nagulat ako ng banggitin sa balita na noong binata pa ang aking tatayay nag-sauli din ito ng perang naiwan sa kanyang taxi.

Nagpalakpakan ang mga kakilala ko sa canteen. Ang mga gurong kong nandoon ay naglapitan pa sa akin. Halos lahat ng tao doon ay tinitignan at nginingitian ako. Nagpahayag sila ng paghanga sa aking tatay. May mga estudyanteng lumapit sa akin at ako’y kinamayan. Ang iba ay yumapos pa sa akin. Hindi ko mapigilan ang pag-luha.

Masayang-masaya ako ng araw na iyon.

Bago ako umuwi ay dumaan ako sa library. Nakita ko sa dyaryo ang larawan ng tatay ni Trishia. Nabalita na napatunayang isang courier ng drugs ang kanyang daddy. Naaresto ito at kasalukuyan na itong nakakulong.

Naawa ako kay Trishia. Kaya pala hindi s’ya pumasok ng araw na iyon. May problema pala sila sa pamilya.

Hindi n’ya siguro akalain na ganun pala ang pinagkakakitaan ng kanyang ama. Ako man ay nagulat din.

Nang makauwi ako sa bahay ay ibinalita sa akin ni nanay na bumalik si Mr. Reyes. Papag-aralin daw ako saan mang kolehiyo ko gustong mag-aral. Binigyan din si tatay ng sarili nitong taxi. Pumayag  daw ang tatay basta’t kaylangang hulugan niya ito paunti-unti ito kay Mr. Reyes. Kakamot-kamot daw sa ulo na pumayag si Mr.Reyes.

Nang makapasok ako sa aking kwarto ay napaluhod ako. Taimtim akong nanalangin. Nagpasalamat ako sa Panginoong Diyos na binigyan ako ng ama na katulad ng tatay kong taxi driver.

Advertisement

Ang Larawan Ni Ama

papa1Hindi ko na binilang kung ilang oras  bago ko narating ang maliit na baryong sinilangan ng aking ama. Humahalo kasi ang yamot sa aking  inip tuwing tumitingin ako sa relo noon kaya’t idinaan ko na lamang sa tulog. Nakadalawang bus at  isang jeep ako at kinaylangan ko pang sumakay ng tricycle. Sanay naman ako sa matagalang byahe kaso nga lang ay walang tigil ang ulan dahil may bagyong paparating. Baha’t  maputik ang mga daan kaya mahirap ang magpalipat-lipat ng sasakyan. Kaya nga’t nagpasya akong hindi na lamang isama ang aking butihing maybahay sa lakad kong iyon. Mahihiluhin at mainipin siya sa biyahe. Napakabagal pa naman ang tinakbo ng aking mga sinakyan.

Sumablay pa ng kaunti ang huling yugto ng byahe kong iyon. Nakalimutan yata ng  driver ng tricycle ang kanyang trapal, o kaya’y tinamad lamang siyang ilagay ito kaya’t ginamit ko na lamang ang dala kong payong na panangga sa ulan upang hindi mabasa ang bitbit kong bag at mga pasalubong. Hinayaan ko ng mabasa ang aking mukha. Maging ang pantalon ko ay nabasa na rin. Hinayaan ko na lang. Sa halip na ako’y magmukmok ay nag-enjoy na lang  ako sa tubig-ulang humihilamos sa mukha ko. Matagal-tagal na rin naman akong hindi naliligo sa ulan. Ipinalangin ko na lamang na huwag sana akong sipunin o trangkasuhin dahil doon.

Nang malapit na akong bumaba ay humina ng kaunti ang ulan. Takip-silim na noon. Sarado ang mga bintana’t pintuan ng bahay ng aking mga tiyahin. Maulan at mahangin kasi. Ngunit may mga tao sa loob ng mga bahay nila.  Bukas ang mga ilaw at may mga anino akong nababanaag na gumagalaw sa loob. Minabuti kong h’wag na muna silang abalahin. Isa pa’y nabasa nga ako ng ulan. Kaylangang makapagpalit agad ako ng damit at makapagpakulo ng tubig. Masarap humigop ng mainit na kape sa pagkakataong iyon. Dumiretso na lang ako sa bahay ng aking ama.

Tahimik ang paligid. Ang naririnig ko lang ay ang patak ng ulan sa bubungan ng mga kabahayan at pagaspas ng mga dahong hinahampas ng medyo may kalakasang hangin. Natanaw ko na ang bahay. Noon ko lamang napansin na sa medyo malayo at kapag medyo madilim ay para palang maliit na haunted house na ang dating nito. Para bang kung dayuhan ka sa lugar na iyon at makikita mo ang bahay sa unang pagkakataon ay kikilabutan ka ng kaunti at mag-aatubili kang lumapit

Pumasok ako sa bakuran. Nakalaylay na halos sa lupa ang yari sa kawayang bakod sa harapan. Isang makalawang na yero lamang ang nagsisilbing harang. Mahaba ang mga damo sa harapa’t gilid ng bahay. Maraming dahon ang nagkalat. Nang pumasok ako sa terrace ay pumulupot pa sa mukha ko ang sapot ng gagambang hindi ko napansing nakaharang pala sa aking daraanan. Muntik nang pumasok sa bibig ko ang isang maliit na paru-parong nakalaylay sa sapot.

Nang nasa harapan na ako ng pintuan at hahawakan ko na ang door knob ay noon ko napagtantong wala nga pala akong susi. Dapat nga pala’y hiniram ko ang susi kay tita Cecille, ang bunsong kapatid ng aking ama. Nagpasya akong puntahan si tita Cecille ngunit bago pa man ako makahakbang palayo sa pinto ay  biglang dahan-dahan itong bumukas. Ganoon ang mga eksenang napapanood ko sa pelikulang katatakutan. Pakiramdaman ko’y nagtayuan ang mga balahibo ko sa batok. Nag-alangan akong pumasok agad. Bigla kong naisip na siguro’y nakaligtaang lang i-lock ang pintuan ng sinumang nautusan ni tita Cecille na buksan ang ilaw  sa  terrace nang nagdaang gabi.  Nagkataon lang na bigla itong bumukas nang ako’y nandoon na. Siguro dahil nga malakas ang hangin.

Nabanggit sa akin minsan ng tita ko   na para maliwanag sa bahay ay binubuksan nila ang ilaw sa terrace tuwing gabi. Wala na kasi doong nakatira. Hindi na rin kasi doon namalagi si ate Lea, ang aking madrasta. Mula nang magkasakit ang aking ama’y madalang na siyang puntahan ng pangalawang asawa nito. Kaya’t nang mamatay s’ya at nagtangka si ate Lea na muling tumira doon ay hindi na pumayag ang aking mga tiyahin. Ako man ay hindi ko siya hahayaang manatili doon. Tinanggap ko siya’t iginalang bilang madrasta subalit naglaho ang amor ko sa kanya ng hinayaan niyang mamuhay mag-isa ang aking ama sa bahay. Hindi ko siya gustong sisihin pero marahil kung nandoon lamang siya noong atakihin sa puso si papa ay baka sakaling nadala pa ang aking ama sa hospital. Maaaring buhay pa sana siya ngayon.

Nang tuluyan na akong pumasok ay napangiwi ako nang sumalubong sa akin ang magkahalong amoy ng alimuom na galing sa maruming sahig at pader at sa dumi ng pusa. Kagyat kong binuksan ang bintana upang sumingaw ang masangsang na amoy.

Maraming agiw. Basa ang maruming sahig. Sira na kasi ang bubong na yari sa pawid. Tumutulo na tuwing umuulan. Palitin na. Hindi na naayos ang bahay, napabayaan na ito. Kaming magkakapatid kasi ay paminsan-minsan lamang napupuntahan ito mula nang sumakabilang-buhay ang aming ama. Ako nama’y nagta-trabaho sa Japan at minsan lang akong kad isang taon.

Kung tututusin eh maliit lamang ang gastos kung ipapagawa ko ang bubong. Buhay pa man ang aking ama noo’y gusto ko nang gawing yero ito ngunit ayaw n’yang pumayag. Mas presko daw ang pawid. Kapag namang napapansin kong may kaunting butas ang bubong ay sasabihin n’yang hayaan ko na lang daw para nasisilip n’ya ang langit kapag siya’y nakahiga sa kanyang kama. Ganun ang aming ama. Ginagawang katatawanan ang ilang bagay na kung ituring ng iba’y suliranin.

Kaya ko namang pagandahin ang bahay nang mawala ang ama. Napapinturahan ko na nga ang salas at pinalagyan ko ng pre-cast ang terrace na dating yari lamang sa kawayan ang harang. Ngunit kapag nagawa na ang bahay eh nakatitiyak akong gagawin itong tambayan ng panganay kong kapatid na lalaki at ng kanyang mga kabarkada. Gagawing inuman at walang nakakaalam kung ano pang kabalbalan ang puwede nilang gawin dito. Kaya hinahayaan ko lang munang ganoon ang lagay ng bahay. Ang isa pang mabigat na dahilan eh kapag maayos na maayos na ito’y baka tuluyan ng tirhan iyon ng panganay naming kapatid at ng kanyang pamilya. Hindi maaari iyon dahil ang bunso man naming kapatid na babae eh naghahanap din ng matitirhan. Kaya para walang problema napagpasyahan kong wala titira doon sa aming tatlong magkakapatid.  Pinangakuan ko na lamang silang hintayin akong magkapera at susuklian ko na lamang sila sa kanilang parte sa bahay at maliit na lupang iyon ng aming ama.

Aywan ko ba kung bakit kasi hindi nagsikap magpundar ng lupa’t bahay ang dalawa kong kapatid.  Hindi sila marahil nadala sa karanasan ng aming pamilya na palipat-lipat ng bahay. Noon nga’y pinalayas kami ng isang kamag-anak namin mula sa isang bahay na aming tinirhan. Hindi ko alam kung bakit at ayaw ko na ring alamin ang dahilan sa pangyayaring iyon. Baka rin kasi mali ang pagkakaintindi ko noon dahil bata pa nga ako.  Hindi ako nagtanim ng galit kanino man dahil doon pero nagmarka sa isip ko iyon. Ang insidenteng iyon ang isa sa mga hinuhugutan ko ng inspirasyon para magsikap sa buhay, hanggang ngayon. Nag-aral ako at nagpunyagi. Pinilit kong magkaroon ng sariling lupa’t bahay.

Pero mas malaking inspirasyon para sa akin ang aking ama. Sa kanya ko natutuhan ang magpunyagi at tumayo sa sariling paa, ang magtiwala sa sarili at huwag umasa sa iba. Matalino’t madiskarte ang aking ama. Sabi nila ay sa kanya daw ako nagmana.

Nakatakdang dumating din kinabukasan ang dalawa kong kapatid. Babaang-luksa na kasi para sa aming ama. Mag-iisang taon na mula ng  siya ay pumanaw. Tiyak na walang hanggang tanungan nanaman kung kaylan ko sila babayaran sa parte nila sa iniwang bahay at lupa ng aming ama. Tiyak na mangungulit nanaman sila na sa iba na lang namin ito ipagbili dahil gipit na gipit na sila’t kaylangang-kaylangan na nila ng puhunan para makapagsimulang makapagnegosyo. Para bang tanging iyon na lamang ang ang pwede nilang pagkunan ng ikabubuhay nila.

Hindi ko gustong mapunta sa ibang tao ang bahay at lupang iyon ng aking ama kaya’t dapat silang maghintay. Ni ayaw ko nga itong paupahan.

Maliit lang at sira-sira pa ang bahay na at hindi ganoon kalaki ang kinatitirikang lupa. Subalit iyon ay ala-ala ng aking ama. Iyon ang aming nagsisilbing koneksyon sa angkang aming pinanggalingan kaya’t hindi ko papayagang mapunta iyon sa iba.

Matapos kong buksan lahat ng ilaw at makapagwalis ng kaunti sa salas ay pumasok ako sa kuwarto’t inilapag ko sa ibabaw ng lamesa sa ulunan ng kama ang aking mga gamit. Inilatag ko ang nakatiklop na banig at kumot na nasa kama. Mabuti na lamang at balot sa plastik ang mga gamit sa kama kaya malinis at walang masamang amoy. Gayon pa ma’y ipanagpag ko ng paulit-ulit ang mga ito bago ko inilatag.

Nagpalit agad ako ng damit. Pagkatapos, katulad ng aking nakagawian, ay kinuha ko ang larawan ng aking ama. Sa larawang iyon ay kuha ang kabuuan ng kanyang mukha hanggang sa dibdib, sa babang bahagi ng huling butones ng suot n’yang polo shirt. Ang larawan iyon na nakasabit sa dingding na nasa itaas ng isang lumang TV ay ang bantay sa bahay na iyon.

Dinala ko sa kwarto ang larawan at pinunasan ng face towel kong nabasa ng ulan.

Nang malinis na’t itinaas ko ng kaunti upang ito’y pagmasdan eh parang nakita kong gumalaw ang mga labi ng aking ama sa larawan. Parang nginitian n’ya ako. Hindi ko na matandaan kung nakangiti nga ba talaga sa larawang iyon ang aking ama o hindi. Siguro’y namamalik-mata lang ako, dala marahil ng pagod at hilo dahil sa mahaba kong byahe.

“Kumusta na ba papa? Pasensya na po kayo kung ngayon lang ako nakabalik dito.”

Matapos kong sabihin iyon ay parang nawala ang ngiti sa labi ng ama ko sa larawan na animo’y nagtatampo. May kilabot na namang gumapang sa aking katawan. Nangalisag yata lahat ng balahibo ko.

“Naku si papa, nagpaparamdam ka ba.” Nagtapang-tapangan ako’t sinabing, “Sige nga pa pakita ka sa akin oh. Sige na pa.”

Naniniwala akong merong multo pero hindi pa ako nakakakita. Hindi ko masabi kung takot ba ako dito o hindi.  Pero kung ang aking ama ang magpapakita sa akin eh baka yakapin ko pa siya. Nami-miss ko sa aking ama. Isa siya sa mga kilala ko na marunong magpatawa. Gusto ko talagang siyang makita. Kahit sa anyong multo man lang.

Pinagmasdan kong muli ang larawan ng aking ama. Maraming kwento ang mga tiyahin ko tungkol sa larawang iyon. Minsan daw ay makikita na lamang nila ito sa salas ng kani-kanilang bahay. Ang sabi ko naman sa kanila ay baka isa lang sa mga pilyong pinsan ko ang gumagawa niyon at tinatakot lang sila.

May pamangkin naman ako sa pinsan na nagsabi na nang siya’y utusan ni tita Cecille na buksan ang ilaw sa terrace dahil papadilim na noon ay nakita n’yang blangko daw ang larawan ni papa at may narinig s’yang parang umiihi sa banyo. Nagtatakbo daw ito sa takot at kahit kaylan ay hindi na ito nautusang buksan ang ilaw. Hindi ko pinaniwalaan iyon. Inisip ko naman na baka lasing lang ang pamangkin ko noon. Pero hindi naman daw.

Marami pa na animo’y mga kababalaghan na nangyayari kaugnay sa larawan ng aking ama. Ipinagkibit-balikat ko lang lahat ng iyon. Sanay na ako sa ganoong uri ng kwentuhan kapag may kamamatay lamang na isang tao.

“Kakauwi ko lang po pa. Sa susunod na buwan pa ang balik ko sa ko sa Japan. Miss na miss ko na po kayo.”

Ganun madalas ang ginagawa ko tuwing dumadalaw ako sa bahay ng aking ama. Hinahawakan ko ang kanyang larawan at kinakausap ko siya. Tinitiyak ko naman na ako lang ang makakarinig at baka isipin nilang nasisiraan ako ng ulo. Ang mga tita ko siguro ay alam na ganun ang ginagawa ko. Itinatabi ko pa ang larawan ni ama kapag ako’y natutulog at dinadala sa kusina kapag ako’y kakain. Saka ko lamang ibabalik ito sa ding-ding kapag ako’y paalis na.

“Sobrang dumi ng bahay mo papa. Napagod ako sa paglilinis. Nagutom tuloy ako ah. Tara kaya sa kusina, magpapainit ako ng tubig. Magkakape tayo at ipapatikim ko sa iyo itong super anghang na noodles na uwi ko.”

Para naging masaya ang itsura ng ama ko sa larawan matapos kong sabihin iyon. Ipinagkibit-balikat ko lang din iyon at inisip ko na lang na  siguro pagod at gutom lang ako kaya parang may nakikita akong mga nagbabago sa larawan ng aking ama.

Posible rin naman na nakondisyon ang isip ko ng mga paulit-ulit nilang kwento tungkol sa larawan ng aking ama kaya nai-imagine kong nagbabago nga ito kahit hindi naman .

“Puro porma ka lang naman pa. Paradaman ka lang ng paramdam, eh ayaw mo namang magpakita. Tara na nga sa kusina.”

Inilapag ko sa lamesa ang larawan. Patayong isinandal ko ito sa pader paharap sa inuupuan ko.

“O pa, relax ka lang d’yan. Ako ang magluluto. Ang daya mo pa, dati ikaw ang nagluluto kapag pumupunta ako dito. Paano yan, hindi ka na makakatikim ng dala kong longganisa galing sa amin. Sorry na lang po. Pero pwede mo namang sigurong amuy-amuyin.”

Madilim na kaya’t binuksan ko ang ilaw sa kusina. Unti-unti nanamang lumalakas ang ulan, pati ang hangin.

Humangin ng malakas. Biglang may kumalabog at pagkatapos ay namatay ang ilaw. Paglingon ko sa lamesa, sa kaunting liwanag na natitira ay nakita kong parang nakabuwal ang larawan ni amang inilagay ko doon.

Mukhang pundido ang ilaw. Pumasok ako sa salas. Mabuti na lamang at may ekstrang bombilya sa toolbox na iniwan doon ni kuya. Pagbalik ko sa kusina’y pinalitan ko ang bombilya. Nang magliwanag na ulit sa kusina ay nagulat ako sa nakita ko sa lamesa. Nakatayo na ang kanina’y nakabuwal na larawan ng aking ama.

Mas matindi ang kilabot na naramdaman ko sa pagkakataong iyon. Nakakapagtakang bigla na lamang nakatayo ang larawan ng aking ama. Huminga ako ng malalim katulad ng madalas kong gawin kapag medyo natutuliro ako’t ‘di makapagisip ng mabuti. Lumingon ako sa kaliwa’t kana. Pati sa likuran. Walang ibang tao.

Pagkatapos ay naglakas-loob akong lapitan ang larawan. Dahan-dahan. Kapansin-pansing nawala ang ngiti ng aking ama sa larawan. Parang seryoso itong nakatingin sa akin. Naiinis ba siya na hinahamon ko siyang magpakita pero heto’t nagpaparamdam pa lang siya’y parang gusto ko nang tumakbong palayo?

Naisip kong bigla ang isang bagay na sinabi ng lola ko noon na hangga’t hindi pa nakakabababaang-luksa eh umaali-aligid lang kaluluwa nang patay sa kanyang bahay at nagpapaparamdam sa kanyang mga mahal sa buhay.

“Naku naman papa. Tinatakot mo naman ako. Sige ka uuwi na ako. Mag-iisa ka rito.”

Pabiro kong sinabi iyon para medyo maibsan lang ang takot na nagsisimula ko nang maramdaman. Inisip kong tumawag ng kasama sa pagkakataong iyon. Gusto ko nang tawagan at papuntahin doon ang pinsan kong si Boyet.

“Siguro gustong-gusto mo nang magkape ano kaya sumimangot ka. Sige, teka lang pa ha. Magpaparikit na ako.”

Wala na doon ang gasul at stove na dating ginagamit ng aking ama sa pagluluto. Kaya’t sa lumang tungko ako nagpakulo ng tubig. Mabuti na lang at may mga panggatong na nakasalansan sa ilalim ng tungko na hindi naman nabasa ng ulan.

Hinugasan ko din ang mga baso’t pinggan mukhan matagal nang naka-stock sa lagayan. May kalumaan na ang mga gamit ng aking ama sa kusina.

Paminsan-minsan ay nililingon ko ang larawan ni papa habang ako’y naghuhugas. Inabangan ko kung may mangyayari. Siguro may pinsan akong nagbibiro sa akin. Katulad ko, may mga pinsan din akong mahilig mang-good time. Isa sa kanila siguro ang nagtayo ng larawan ng aking ama. Naisip kong baka si Boyet.

“Boyet!… Boyet!… ‘insan labas na dyan. Samahan mo kami dito ni papa.”

Hinintay kong lumabas ang pinsan ko. Pero wala.

Nagtimpla ako ng kape. Tig-isa kami ng aking ama.

“O heto na po ang kape ninyo. Swerte nati’t may nakatago pang kape’t asukal sa lagayan mo. Nakasalang na rin po iyong noodles. Ay sandali nga pala papa, may kukunin ako sa loob.”

Dali-dali kong binuksan ang mga dala kong gamit at kaagad akong bumalik ng kusina. “Heto nga pala papa ang pasalubong ko sa iyo. Chivas Regal! Sa Duty Free  ko pa binili yan. Dalawang bote. Tig-isa tayo. 18 anyos yan papa…hindi 12… kaya wala tayong sabit. Hehe!”

Hindi na ako masyadong ninerbyos ng mapasin kong parang bumalik ang ngiti sa labi ng aking ama sa larawan. Inisip ko na lang ulit na namamalikmata lang ako.

“Nagustuhan mo ba ang kape papa?  Oops teka. May tulo na rin pala sa tapat na ito. Nahihiya ako sa iyo na hindi ko pa maipagawa itong bahay mo sa ngayon. Ayaw ko kasing gawin tambayan lang ito ni kuya at ng mga barkada n’ya.”

At ayon, may nagbago nanaman sa anyo ni papa. Kumunot ang noo nito, nawala ang ngiti nang banggitin ko si kuya. Ayaw na ayaw ng aming ama na pumupunta din doon si kuya dahil walang alam gawin kundi makipag-inuman sa mga barakda. Para nga talagang may kakaiba sa larawang iyon ng aking ama. Talagang nakakunot ang noo n’ya. Siguro wringkles lang iyon na hindi ko napansin noon.  Pero medyo nawawala na ang kaba ko. Parang nakakasanayan ko na. Huwag ng lang sana siyang biglang tubuan na pangil sa larawan at tiyak eh kakaripas ako ng takbo.

Nang maluto ang  noodles ay nagpirito rin ako ng dala kong Spam.

Kain po tayo papa bago tayo uminom. Mahaba-haba ang kwentuhan natin ngayon.

“Marco, Marco. Ikaw ba yang nandyan?… Marco.”

“Opo tita. Nandito po ako sa likod, sa kusina.” Si tita Cecille iyon.

Pinuntahan ako sa kusina ng tita. Nagmano’t humalik ako sa pisngi ni tita Cecille.

“Akala ko ang kuya mo nanaman ang nandito. Aba sosyal, Chivas Regal, 2 bote pa ha. Paano naman kami?”

“Siyempre meron din po kayo tita – red wine. Nasa loob po.”

“Eh sino ba kasama mong nandito? Parang may naririnig akong kausap ka.”

“Hayan po siya sa likod mo tita. Say hello to papa.”

“Ha!”

Lumingon sa mesa si tita Cecille. Biglang tumayo.

“Hesusmaryahosep. Ginulat mo naman ako. Alam mo namang matatakutin ako eh. Hayan, hindi na ako nito makakabalik sa bahay mag-isa. Dapat ihatid mo ako.

 “Ganun!?” Hindi ko napigilang tumawa.

“Tawa ka pa d’yan.”

“Hayan, pahatid ka kay papa.”

“Naku naman Marco, lalo ka pang nanakot eh. Basta ihatid mo ako.”

Natatawa lang ako. Nang tumingin ako sa larawan ng aking ama eh parang nangingiti ito.

“Para na rin makuha mo iyong niluto kong ginataan tulingan para sa iyo.”

“Wow! Sige po tita ihahatid na kita. Oo nga pala tita pakikuha na lang sa kwarto nung mga pasalubong ko sa inyo. Nasa kulay pulang plastic bag. Paghati-hatiin n’yo na lang po. Nandyan ba sina tita Claire at tita Carol?”

“Oo, kanina ka pa nga nila hinihintay.”

Pumasok ng bahay ang tita Cecille at kinuha ang pasalubong ko sa kanila. Naglagay ako sa bowl ng niluto kong noodles.

“Kadami naman nito Marco. Salamat ha.”

“Heto po tita, tikman mo rin itong dala kong Japanese noodles.”

“Ay naku, hindi ko kaya ang anghang niyan. Matakaw ang tita mo pero pass ako d’yan.”

“Tita, natanggap ko po iyong text message mo sa akin kanina. Eh bakit ayaw ninyong maghanda tayo bukas para sa babaang-luksa ni papa. May budget naman ako para doon.”

“Huwag na, okay na iyong pansit palabok at tinapay. Maging praktikal tayo Marco. At isa pa, bukod na sa maulan, eh busy mga tao dito, walang magluluto. Baka rin wala masyadong magpuntahan bukas at may bagyong paparating. Masasayang lang kapag nagluto tayo ng madami.”

“Sige po. Kayo po bahala. Pakisabi na bukas matapos ang padasal natin eh manananghalian na lang tayo doon sa paborito ninyong restaurant bago ako umalis.”

“Iyon ang isa pang dahilan, gusto naming yayain mo kami doong kumain. Hehe!”

“O halika na tita, ihahatid na muna kita. Papa, sandali lang ha.”

“Ay siya sige at naabala ko ang bonding ninyong mag-ama. Hehe. Babay kuya!”

Napansin kong hindi tumingin ang tita Cecille sa larawan bagay na siguro eh hindi nagustuhan ng aking ama kaya’t tingin ko sa larawan niya’y parang itong nakasimangot.

Pagbalik ko’y dala ko na ang ginataang tulingang niluto ni tita ko. May kasama pang kanin.

“Hayan pa, may noodles, may kanin, may ginataang tulingan at meron pang Spam.”

Naglagay ako Chivas sa dalawang baso.

“This is for you papa… and this one’s for me… Cheers!!!”

Sumubo ako ng tulingan at kanin nang maubos ko ang aking unang tagay. Sarap na sarap ako sa ginataang tulingan. Noon lamang ulit ako nakatikim ng isadang iyon sa loob halos ng isang taon. Hinango ko na rin ang pinirito kong Spam.

“O heto pa, lagi mong sinasabing uwian kita na Spam.”

Ipanagpalagay kong buhay ang aking ama at siya’y masayang nandoon ako. Katulad noong buhay  pa siya na masiglang-masigla kapag nandoon ako. Naglagay ako sa isang platito ng tulingan at Spam at inilapit ko sa kanyang larawan.

Naramdaman ko na lamang na may tumutulo akong luha.

“O hindi ba papa. Hanggang ngayon iyakin pa rin ako. Ikaw kasi eh. Iniwan mo kami agad. O tagay na ako papa. Ubusin mo na iyang sa iyo.”

Matapos ang higit isang oras ay nangalahati na ang bote ng alak.

“Papa, naaalala mo ba noong dinalaw mo kami sa bahay minsan. Walang akong mabiling San Mig Light noon at ang meron lang ay Red Horse beer. Bumili ako ng apat na bote, isa sa akin at tatlo sa iyo. Anak ng… pinagtawanan po ninyo ako  noon kasi hindi ko pa man nauubos ang isang bote ko eh nagkanda-suka’t tae na ako. Mula noon eh hindi na ako umulit uminom ng Red Horse. Lintek, ang lakas sumipa.”

Pinagmasdan ko ang larawan ng aking ama. Kitang-kita ko sa mukha niya ang saya habang umiinom ako o paano ko ba dapat sasabihin – habang nag-iinuman kami.  Kitang-kita kong parang nangingiti siya, parang nanunuya, sa dahilang tuwing may sasabihin ako’y may sumasabay na mga butil ng luha mula sa aking mga mata.

Mahirap paniwalaan ang nakikita kong pabago-bagong itsura ni papa.  Pabago-bago ang emosyon sa kanyang mukha. Alam ko kung ano ang nakikita ko, hindi naman ako nababaliw. Sabihin ko na lang na siguro may problema ako sa mata o nakondisyon ang utak ko sa mga kwento nila tungkol sa larawan ni ama. Tingin ko nga’y kumikindat pa ang mata niya  kapag natutuwa siya sa mga sinasabi ko.

Sayang at wala pa ang mga kapatid ko. Sila man sana’y minumulto ng ama namin sa pagkakataong iyon. Siguro magsisisigaw ang bunso naming kapatid. Matatakutin iyon eh. Kung totoong matapos ang babaang luksa, sa sandaling maiusal ang huling panalangin para sa patay ay papanhik na sa langit ang kaluluwa ng aking ama eh sasamantalahin ko na. Kahit sa ganitong paraan, medyo nakakakaba man, eh kahit papaano eh ramdam kong kasama ko siya. Sa pagkakataon iyong ay nilunod na ng alak at pagkasabik ko sa aking ama ang takot.

“Tagay pa papa.”

Muli ay hinagod ko ng tingin ang larawan ng aking ama. Tahimik lamang ako. Parang lumungkot ang mukha niya.

“Papa, bukas pa darating sina kuya at bunso natin. Hay naku papa, ganun pa rin iyong dalawa. Hirap na hirap sa buhay. Mga hindi kasi nagsipag-aral. Inaabutan ko naman sila paminsan-minsan. Aba eh hindi pwedeng palagi. Kaylangang dumiskarte sila ng sa kanila. Si mama nakiusap ako na pumunta siya dito kahit ngayon lang eh ayaw talaga. Pero alam po ba ninyo, ayaw mang aminin ni mama eh mahal ha mahal ka pa rin niya. Ma-pride lang talaga iyon. Pero tiyak ko na pinagrorosaryo ka nun ngayon. Hinihiling kay Lord na doon ka mapunta sa Kanya, huwag kay Taning. Haha! Joke lang papa. Siguro kung hindi dito gaganapin ang babaang-luksa eh pupunta si mama. Alam mo naman mula noon ay hindi niya ka-good ang mga tita ko dito. Ganun talaga ang buhay. Wala tayong magagawa doon. Basta mahal ko silang lahat. Pero siyempre, mas mahal ko si mama. Ina ko iyon eh. At alam kong naiintindihan nila iyon. “

Parang habang nagsasalita ako eh unti-unting yumuyuko ang ulo ng aking ama sa larawan. Lasing na nga ako. Kung ano-ano nanaman ang nakikita ko.

“Sayang talaga na nagkahiwalay kayo. Pero talagang ganun nga ang buhay. Siguro noong araw na iniwan mo kami, kung kayo ni mama magkasama eh maaaring nadala ka pa sa hospital. Si ate Lea naman kasi kung kaylan ka naging masasakitin saka ka iniiwan. Teka…teka pa! Medyo lumulungkot tayo. Change topic. Oo nga pala. Selfie nga tayo. Teka, twofie nga pla dahil dalawa tayo.”

Kinuha ko cell phone ko, pu-mose ako sa tabi ng larawan ni papa at pinindot ko ng pinindot ang camera. Hindi ko alam pero parang may malamig na bagay na nakapatong sa balikat ko habang ginagawa ko iyon. Dalawang bagay lang, kaluluwa iyon ng aking ama o malamig na hangin.

“O tagay tayo uli papa. Aba mauubos na itong isang bote oh. Kitam papa. Dahil pinagtawanan mo ako nang magsuka’t tae ako sa Red Horse eh nagpraktis akong uminom sa Japan. Pang-whisky na ako ngayon. Maipagmamalaki mo na ako. Hehe!”

Nang tignan ko ang baso ni papa eh nakakapagtakang wala itong laman. Inisip ko na lang na baka ako ang uminom. O baka natabig ko kaya natapon. Pero hindi naman basa ang lamesa. Hindi ko lang siguro maalaala kasi medyo may tama na nga ako. Nilagyan ko na lang ulit ng laman ang kanyang baso.

“Pero papa, bakit nga ba ganun, hindi ko kayo napagsama ni mama sa mga espesyal na okasyon ko. Graduation ko ng elementary wala kayo pareho. Noong grumadweyt naman ako sa high school at college, ikaw lang ang nandoon. Nang magtapos naman ako sa Graduate school eh pareho kayong wala. Pagkatapos, noong ikasal ako eh wala ulit si mama. Hindi po ako nagtatampo, sinasabi ko lang papa.”

Alam kong lasing na ako sa pagkakataong iyon. Sobra akong naging madaldal.

“Papa, salamat sa lahat ng ginawa ninyo ni mama sa amin ha. Lalo na sa pagtataguyod sa pagaaral ko noong nasa kolehiyo ako. I will not be where I am now if not because of the two of you. Naks, okay ba English ko papa. Iyan ang namana ko sa iyo. Galing sa English. Lalo na kapag lasing. Hehe!”

Tumayo ako’t kinuha ko ang larawan ni papa.

“You’re the greatest father on earth papa. The greatest!”

Hinalikan ko ang larawan ng aking ama bago ko ito muling inilagay sa mesa.

“Kahit nagkahiwalay pa kayo ni mama eh kayo pa rin ang pinakamagagaling na magulang sa buong mundo para sa akin. Walang makakapantay sa mga ginawa ninyo para sa aming magkakapatid. Pareho ko kayong mahal na mahal.”

Hindi ko na alam kung ano pa nga ang mga sumunod kong sinabi at nangyari. Umiikot na paningin ko. Ang huling natatandaan ko ay nang tignan ko ang larawan ng aking ama eh parang nandoon ang frame pero nawala ang mukha n’ya. Blanko. Pero imposible. Siguro sobra na akong lasing kaya’t nanlabo na ng husto ang aking paningin. Pagkatapos ay may nadinig pa akong parang kumakaluskos sa banyo. Parang may umiihi.

“Haha. Ayon pala si papa sa banyo, umihi kaya naglaho sa larawan.”

Gusto ko pa sanang uminom. Pero ang bigat na ng baso. Hindi ko na kayang iangat. Maging ang talukap ng aking mga mata’y mabigat na rin. Parang kay hirap imulat. Gusto ko na sanang tumayo’t matulog na sa kwarto pero parang nakapako ang puwitan ko sa upuan. Pagkatapos ay unti-unting nagdilim ang paligid ko. Bago akong tuluyang nawalan ng ulirat sa aking kinauupuan ay may malamig na mga brasong dumantay sa aking balikat na pilit akong itinatayo. Parang lang. Hindi ako nakakatiyak.

**********

“Marco, Marco! Gising na!

Nagmulat ako ng mata. Parang umiikot ang paligid.

Marco! Bangon na! Tanghali na.

Ang tita Cecille ko iyon! Masakit man ang ulo ko’t hilo ay pinilit kong bumangon.

“Gising na Marco. Maya-maya’y darating ang mga magdarasal. Aayusan pa natin iyang salas.”

Bumangon ako’t pinapasok ko ang tita.

“Hayan, lungange ka ngayon. Hay naku, saan pa ba magmamana. Pareho lang kayo ng ama mo. Pareho kayong matalino, pareho kayong gwapo, pareho kayong bolero at babaero, at pereho kayong lasenggo.”

Dumiretso  sa kusina si tita Cecille. Sinundan ko siya.

“Tita sino po ba bumuhat sa akin papunta sa kama. Ang alam ko’y dito sa lamesa ako naidlip ah.”

“Aba’y malay ko sa iyo, wala namang ibang taong pumunta na dito kagabi at maulan. Dadayuhin ka nga daw sana ni Boyet eh tinamad na daw at maulan nga.”

“Ganun ba? Eh papaanong…” Napakamot na lamang ako sa ulo.

Hinanap ko ang larawan ni papa.

“O nasaan ang larawan ni papa. Dito ko iyon iniwan kagabi ah.”

“Sus ginoo. Ayon ah oh… nakasabit na sa dingding. Sobra kang nalasing kagabi. Wala kang maalaala sa mga ginawa mo.”

“Papanong…? Tita hindi po talaga ako ang nagbalik niyan sa dingding.”

“Siguro naglakad ang larawan ni kuya, gumapang sa dingding,  kaya hayan nakasabit na ulit. Naku Magtigil ka nga Marco, huwag mo na akong takutin.”

Wala akong naisagot sa tita.

“Grabe ha, nakadalawang bote ka ng alak.”

“Hindi po tita, isang lang ang binuksan ko. Hindi ko na kinaya ang pangalawa.”

“Eh anong tawag mo dito?”

Itinaas ni tita Cecille ang dalawang bote ng Chivas Regal na parehong walang laman.

“Tita, peksman, isa lang talaga ang binuksan ko. “

Bumalik sa salas si Tita Cecille.

“Hay naku kuya.”

Tumingala siya sa larawan ng aking ama.

“Pati itong anak mo eh pinaglalaruan mo. Hay naku pagbutihin mo na kuya ang pagpaparadaman at huling araw mo na ito dito sa lupa. Pero huwag na sa akin ha. Kay Marco na lang. Aba’y inubos mo na ang takot ko. Teka… teka, ibang-iba ang ngiti mo ngayon ah. Mukhang masayang-masaya ka.  Hindi ganyan ang ngiti mo kahapon. Sure ako. Nagmilagro ka nanaman. O, huwag mo nang baguhin ang ngiting iyan ha, ganyan na lang. Hala sige, basta mamaya’y mamamahinga ka na ha. Akyat ka na sa langit. Aba’y sa dami ng idinasal namin eh baka lumampas ka pa sa langit niyan.  Ikumusta mo nalang kami kay San Pedro. “

Naala-ala ko ang picture sa cell phone. Pinagmasdan ko ito ng mabuti.

Totoo nga. Magka-iba ang ngiti ng ama ko sa larawang nakasabit sa dingding at sa nasa selfie ko sa cell phone.

—– WAKAS —–

ROLEX (A short story in Filipino)

rolex

SYNOPSIS

Magkapitbahay sina aling Tessie at aling Cora. Si aling Cora, asawa ng pulis na si mang Nestor, ay nakakariwasa sa buhay habang si aling Tessie nama’y patay na ang asawa at pinagsisikapang buhayin ang mga anak sa pamamagitan ng pagtitinda ng damit sa palengke.

Hindi maganda ang ugnayan ng mag-kapitbahay dahil sa ilang mga isyu, unang-una ay ang napabalitang panliligaw ni mang Nestor kay aling Tessie nang ang huli’y naging balo. Ganun pa man, ang batang anak ni aling Cora na si Girlie ay bestfriend ni Junior, ang bunsong anak ni aling Tesie na may down syndrome.

Isang araw ay ipinatawag ng kapitan ng barangay si aling Tessie dahil sa reklamo ni  aling Cora laban kay Junior. Nawawala ang bagong rolex na inihabilin ng asawa ni mayor kay aling Cora. Ang rolex ay nakatakdang iregalo kay mayor sa kaarawan n’ya.

May nakakita na may pinulot si Junior nang ito’y nasa bakuran nina aling Cora at pinaniniwalaang ito ay ang nawawalang rolex.

Sa harapan ng dalawang pamilya sa barangay ay pipilitin nina aling Cora at ni mang Nestor na ilabas ni Junior at ng pamilya nito ang rolex. Itatanggi ni aling Tessie na nasa kanila ang relo, bagay na ayaw paniwalaan ng nagrereklamong mag-asawa.

Pilit na kukumbinsihin si Junior ng pamilya nito na sabihin  kung napulot nga ba n’ya ang nawawalang rolex o hindi. Aamin si Junior na s’ya ay may napulot subalit ayaw nitong sabihin kung ano iyon. Secret daw nila iyon ni Girlie.

Hahantong sa isang trahedya ang usapin.

(Click on the link below to continue reading…)

ROLEX (Maikling Kwento)

 

%d bloggers like this: