Category Archives: Tula
Pagbigyan Ang Hiling
Mula bilibid, isang preso’y tumakas
Hating-gabi noon nang siya’y naglakad
Mapapasok na bahay pilit naghanap
Nang ng pera’t damit siya’y makadekwat.
Nakatagpo siya isang gate na bukas
Itinulak niya ito’t pumasok siyang kagyat
Bukas ding pintua’y kanyang itinulak
At sinimulan n’ya ang pangungulimbat.
At nang ang kuwarto ay kanyang binuksan
Mag-asawang nag-aano’y nagulantang.
“Walang sisigaw!” Ang banta ng kawatan.
At ang mag-asawa’y kanyang tinalian.
Ang lalaki’y masyadong kinakabahan
Dorobo kasi’y siya’y tinititigan
At matapos na babae’y saglit lapitan
Iniwan sila’t banyo’y pinuntahan
“Honey halatang ikaw ay kanyang tipo
Nilapitan ka’t humalik pa sa iyo.
Kaya nga’t nang manatiling buhay tayo
Pakiusap ko’y pagbigyan mo ang loko.”
“Hindi niya ako hinalikan darling.
Bagkus sa akin ay meron siyang inamin
Tinanong din kung meron tayong Vaseline
Kako’y doon sa banyo’y kanyang kuhanin.”
“Vaseline? Saan niya ‘yon gagamitin?”
“Darling… Siya daw kasi ay isang bading
At para tayo’y hindi niya patayin
Pagbigyan mo siya sa balak niyang gawin.”
Ang Talong Ni Father
Heto pong si Father ay mayroong hardin
At talong ang noo’y doon nakatanim
Isang araw nang mga bunga’y aanihin
Biglaang mga bisita’y nagsidating.
Naroo’y si lola Basyang, isang biyuda
Kasama’y si Luring, matandang dalaga
At nang mga talong kanilang nakita
Biglaang nanlaki kanilang mga mata.
“Ang talong po ba ninyo’y puwedeng hawakan?”
Ang tanong kay Father nitong lola Basyang.
“Basta ba paghawak mo’y hinay-hinay lang.”
Ang wika ng pari bilang katugunan.
“Ah father …” Wika naman ni aling Luring.
“Ang talong po ninyo’y kay sarap himasin.
Mahaba’t kay kinis ang sarap kagatin.”
Ani father, “Inyo po munang lutuin.”
“Naku… naku kayo po eh sobrang pilya.
Kung talong ko’y gusto n’yo, sige dampot na.”
“Ay thank you po! Ang bait mo father talaga.”
Ang sabay na sabi ng soltera’t biyuda
“Oh bakit po tatlo ang inyong kinuha
Gayong kayo naman po eh dadalawa?”
At ang kasagutan ng biyuda’t soltera –
“Eh uulamin po namin itong isa.”
Ang Pagsulat Ng Tula
Hindi madaling sulatin ang tula. Totoong mahirap ang maging makata.
Sa lahat ng dyanra ng panitikan, ang tula ang pinakamahirap sulatin. Hindi gawang biro ang pagsama-samahin sa iisang kabuuan ang mga elemento nitong tugma, sukat, saknong, talinghaga, at kariktan. Kaylangan ding malalim ang balon ng talasalitaan ng sinumang susulat ng tula. Doo’y iigib siya ng mga salitang katumbas ng damdami’t kaisipang nais ipahayag.
Hindi sa mas madaling magsulat ng maikling kuwento o nobela. Hindi rin gawang biro ang pagapangin sa banghay ng kuwento ang mga elemento nitong tagpuan, tauhan at tunggalian. Subalit ang mga sumusulat ng kuwento ay maginhawang nakakagamit ng maraming pahina hanggang matumbok nila ang kasukdulang ng kuwento at marating ang wakas. Si Leo Tolstoy ay nangailangan ng mahigit kalahating milyong salita upang tapusin ang nobela niyang pinamagatang “War and Peace.”
Sa kabilang banda, ang makata’y mayroon lamang isang pahina ng papel, minsan nga kalahati lamang nito, upang ipahayag ng malinaw at buo ang kanyang saloobi’t iniisip. Ang mga Hapon, sa anyo ng tula nilang tinatawag na Haiku, ay kapiranggot na bahagi lang ng papel ang kaylangang gamitin sa dahilang ang naturang tula’y binubuo ng isang saknong lamang na may tatlong taludtod na ang gitna’y may pitong pantig at ang una’t huli’y tig-limang pantig.
May mga dagdag pang hamon sa mga makata kapag kanilang nilakbay ang mundo ng taludturan.
Mahirap bumagtas sa daan ng kalungkutan habang ikaw ay nakangiti. Hindi rin puwedeng sumagwan sa ilog ng kasiyahan habang nakasakay ka sa bangkang yari sa luha. Ang luhang ididilig sa mga taludtod ng tula upang ito’y mamunga ng kalungkutan ay iniigib ng makata sa balon ng mapapait niyang karanasan.
Tanging ang puno ng kalungkutan ang puwedeng pitasan ng luha at tanging ang hardin ng kasiyahan ang puwedeng tubuan ng nakangiting bulaklak. Kung aakyat ang makata sa puno o dadalaw sa hardin ay nakadepende sa uri ng damdaming nais niyang ipahayag.
Kung meron man ay iilan lamang ang mga makatang kayang humahalhak habang gumagapang sa balag ng malungkot na taluduturan.
Mas magandang pakinggan ang kudyapi ng lumbay kung ito’y hihipan ng isang makatang minsa’y halos malunod sa sariling luha dahil sa isang karanasang nagdulot sa kanya ng matinding kapanglawan. Ang tambuli naman ng kagalakan ay puwede lamang hipan ng makatang narating na ang kasukdulan ng saya na tuwing ito’y naaalala ay nangingiti ito o natatawa kahit siya ay nag-iisa.
Ngunit ang buhay ay isang musikerong tinuturuan ang makata na kayang hipan ang kudyapi ng lumbay o tambuli ng kagalakan sa ano mang pagkakataon na kanyang naiisin.
Kung ang intensyon ng makata’y hasikan ng butil ng luha ang kanyang mga taludtod upang doo’y yumabong ang hapis ay kanyang susundutin ng karayom ang pilat na iniwan ng isang sugat ng kahapon hanggang umagos mula rito ang dugo ng kalungkutan. Hindi ito pagiging masokista bagkus ay isang sakripisyo na dapat gawin ng makata. Dapat kasing nararamdaman niya ang ano mang damdaming nais ilatag sa mga saknong ng kanyang tula.
Kaya nga tunay na alagad ng sining ang makata. Kaya niyang paikutin sa kanyang kamay ang mga emosyon. Katulad ng isang artista sa entablado, umiiyak… matapos ang ilang saglit ay biglang tatawa.
Minsan ay mali ang pakahulugan ng mga tao sa makata. Kapag ang sinulat niya’y puno ng pagsisisi at kalungkutan dahil hiwalayan ang temang binalangkas sa tula ay inaakala ng mga bumabasa na ang makata’y minamahal pa rin ang isang taong nakahiwalayan at nais na ito’y muling bumalik. At ang taong nag-aakalang siya ang pinatutungkulan sa tula’y minsa’y parang nagmamalaki pa’t nagbubunyi.
Huwag kalimutang ang makata’y alagad ng kanyang sining. Ang makata’y hindi alipin ng nakaraan, masaya man o malungkot. Ang tunay na makata’y inaalipin ang nakaraan. Pinaglilingkuran siya nito. Pinagkukunan niya ng ano mang nais sulatin ang panahong lumipas.
Binabalikan ng makata ang nakaraan para maghanap lamang ng inspirasyon. Binabalikan ng makata ang nakaraan upang may paghugutan ng emosyon…upang siya ay magalit, mainis, mangiti o matawa…upang muling maramdaman kung paano umibig at mabigo…kung paano magtaksil at pagtaksilan…upang muling mangarap…upang muling maramdaman kung paaano mabigo, bumangon at magtagumpay.
Sorry Honey!
“Honey! Sira na yata ang electric fan.”
Ang wika ng kanyang misis kay mang Teban.
“Pakisuyo nga, pwede bang iyong tignan?”
“Sorry darling! I am not an electrician!”
Tila nagulat sa sagot na nadinig,
Napabuntong-hininga kawawang misis,
Tiniis na lamang ang matinding init,
At siya’y nagpatuloy sa paglilinis.
At nang dumating pang-display na inorder…
“O pakipako na lang nito sa pader.”
At ang sagot ni mang Teban kay kumander,
“Sorry darling! But I am not a carpenter!”
At pagkatapos, si mang Teba’y nagbihis,
Pasipol-sipol pa nang ito’y umalis,
Iniwan ang asawang inis na inis,
Hating-gabi na nang siya ay bumalik.
Nang ang pintua’y binuksan ni mang Teban,
Siya’y nagulat sa eksenang dinatnan –
Umaandar na ang sirang electric fan…
Si misis – display sa pader, minamasdan.
“Wow! Fixed na pala ang mga problema mo.”
“Yes!” Sagot kay mang Teban ng misis nito.
“Pag-alis mo… may dumaang estranghero,
Pumayag naman siyang tulungan ako.”
“Ngunit ang loko’y may hininging kapalit
Magbake ako ng cake o – kami’y magtalik.”
“Aba, oportunista pala ang lintik.”
Wika ni mang Tebang, halatang naiinis.
“Kaya’t pinagbigyan ko na’t sobrang kulit.”
“Ha? You mean ipinag-bake mo siya ng cake?
Sumagot ang misis, parang kinikilig –
“Sorry honey! I’m not a baker. I shouldn’t bake.”
Sa Kuwarto Ni Father
Tinungo ni father likod ng simbahan
Doon si sister kanyang natyempuhan
Dahan-dahang ito’y kanyang nilapitan
Nalingong madre ay kanyang tinanguan.
Sila’y tumingin sa kaliwa’t sa kanan
Ang nandoon ay silang dalawa lamang
Pagkatapos niyon sila’y nagngitian
Halos pabulong silang naghuntahan.
“Wala ka bang gagawin mamayang gabi?”
Madre’y di makasagot, mata’y nanlaki.
“Okay lang naman sister kung kayo’y busy.”
Di naman sapilitan… pwedeng tumanggi.”
“Teka po father…pwede naman po ako
Tatapusin ko lang ang pagrorosaryo
Ayaw ko kasi na ika’y magtatampo
Sige mamayang gabi…magkita tayo.”
“Salamat sister…ako’y pinaunlakan
Sa kwarto ko mamaya, ako’y puntahan”
“Sa kwarto po n’yo?” Madre ay nagulantang.
Si father tumango’t madre’y nginitian.
Sumapit ang gabi, bandang alas-otso
Itong si sister ay kabadong-kabado
Sa TIRAHAN ni father siya’y tumungo
Nakita n’yang bukas pintuan ng kwarto.
At ang sabi ng madre, “I’m here now father.”
Kumatok pa’t nagtanong…”Father, are you there?”
Pari’y tumugon…”Come in I’m waiting sister.”
Dugtong pa nito’y…”Please push the door then enter.”
“Ay Diyos ko po father… bakit po madilim?
Naku po… ano ba ang ating gagawin?
Naku po father… mahabag ka sa akin,
Pwede po bang ilaw ay ating buhayin?”
Bumukas ang ilaw madre’y nagulantang –
Kasama ni father… dalawang sakristan.
Cake at ng regalo siya’y inabutan
Kinantahan dahil kanyang kaaarawan!
Sa Alon Ng Pagsubok
Kapag umibig ka’t ‘di na makaiwas
Tiyaking handa’t kalooba’y matatag
Pagkat ang umibig parang naglalayag
Sa ganda’t panganib na hatid ng dagat.
Ihanda mo ang sagwan, layag mo’t katig.
Punuin mo ng tibay ang iyong dibdib.
Tandaan na pag-ibig dagat ay kawangis,
Ito’y sala sa lamig, sala sa init.
Sa duyan ng alon ikaw ay sumabay,
Tataas… bababa habang naglalakbay,
Tiyakin lamang na katig ay matibay,
Hampasin man ng alon ay’ di bibigay.
At kapag alon ma’y malakas ang hampas,
Kamay ng sinta’y hawakan, h’wag kakalas,
Tumingala sa langit sa Kanya’y tumawag…
Ang pagsubok ng alon tiyak na lilipas.
At kapag kamay mo’y kanyang binitiwan…
Kung pag-ibig n’ya’y bangkang sa tibay kulang,
Katig sa dibdib mo’y mahigpit hawakan
Lumangoy kang pabalik doon sa pampang.
H’wag hayaan na ikaw ay malunod!
H’wag pagagapi sa alon ng pagsubok!
Muling magmahal, muli kang pumalaot
Dagat papanatag matapos ang unos.
Ang Supportive Na Misis
Isang hapon sa kanilang tarangkahan
Nilapitan ng asawa si Mang Teban
“Oh darling, bakit wala kang kibo diyan.
Hmm… mukha yatang meron kang dinaramdam”
“Naku honey, huwag mo akong pansinin.
Ano man ang problema ko’y… kakayanin”
“Mag-asawa tayo Teban. Di ba darling?”
Kaya ang problema mo’y problema ko rin.
“Kaya Teban, pwede bang sabihin mo na.
Huwag mong solohin, ako’y iyong asawa.
Sige na… ano ba ang ating problema?”
“Honey… buntis si Inday… tayo ang ama.”
