Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 10A

Chapter 10A
“Ang Tunggalian”

Hangga’t hindi ko tiyak na si Berith, na nasa katawan ni Adam, ay nagapi nina Mang Fidel at Tomas, hindi ko masasabing kami’y ligtas na. Ganoon pa man,  nakahinga ako nang maluwag nang muling lumapat ang aking mga paa sa buhangin. At ito’y hindi sa pampang ng Isla Miedo.

Sa kalupaan ay may panganib pa rin kaming haharapin pero hindi katulad nang nasa dagat kami na pati ang mga alon at ang hangin animo’y kakampi ng mga Sutsot, gusto kaming lunurin.

Bitbit ang isang flashlight, pinangunahan kami ni Marco sa pagbagtas ng daan sa gitna ng maraming puno ng niyog. Huminto kami sa harapan ng bahay na napapalibutan ng mataas na bakod. Ang bahay na iyon ay ang nadaanan namin nang pumunta kami sa breakwater. Tanda ko pa ang mga nakapalibot na CCTV doon.

Inilabas ni Marco ang susi. Pumasok kami sa loob.

“Hintayin ninyo ako dito.”

Nagkumpulan kami sa ilalim ng bubong ng terrace, basang-basa kami at nanginginig habang ang magkahalong tubig-ulan at tubig-dagat ay tumutulo mula sa aming mga damit. Ilang sandali pa, ang ugong ng makina ay umabot sa aming mga pandinig, at biglang nagliwanag ang buong kabahayan.

Binuksan ni Marco ang pinto mula sa loob, at pumasok kami.

Dumiretso si Marco sa CCTV monitor na nakakabit malapit sa pinto. Tumingin siya sa camera at sumigaw, bakas ang pagmamadali sa kanyang boses, “Kailangan namin ng tulong… kailangan namin ng tulong!” Pagkatapos mayroon siyang isinenyas. SOS signal iyon.

Sa loob, ang hangin ay bahagyang amoy-insenso. Dalawang silid ang nasa magkabilang panig ng malawak na sala. May hiwalay na palikuran malapit sa pintuan papunta sa likod ng bahay. Ang dining at living areas ay nahahati ng isang display counter na pinalamutian ng mga imaheng relihiyoso.

Malawak ang sala at kompleto sa gamit. Isang malaking mural ni San Miguel Arkanghel na nakaibabaw sa nakahigang si Lucifer ang nakapaskil sa pader. Nakasulat sa ibaba ng mural ang “Guardians of the Light”. Sa ilalim nito, may dalawang linyang panalangin: “St. Michael the Archangel, defend us in battle…”

“Dito nananatili ang mga Guardians bago at pagkatapos ng aming operasyon sa dagat,” sabi ni Jasmine, na umagaw ng atensyon ko palayo sa inskripsyong binabasa ko.

“Dito muna tayo magpapalipas ng gabi,” dagdag ni Marco habang hinuhubad ang kanyang basang damit. “Sandali lang, may mga damit sa loob ng kwarto.”

Sumenyas si Jasmine na mauna na ako. Paglabas ko, siya naman at si Eve ang pumasok sa silid para magbihis.

“Bro, baka kailanganin mo ito.” Inabutan ako ni Marco ng isang machete, bago siya nagsuot ng tuyong damit. “Binasbasan ito—tatalab ito laban sa mga Sutsot.”

“Salamat,” sabi ko. “Nasaan na kaya sina Tomas at ang tatay mo ngayon? Ano kaya ang nangyari sa kanila?”

“Malalaman natin mamaya. Malaki ang tiwala ko sa tatay ko—marami na siyang napatay na mga Sutsot noon, sa dagat man o sa lupa. Sinanay kaming lumaban sa mga halimaw na iyon at sa iba pang uri ng demonyo,” sabi ni Marco habang nililinis ang kanyang .45 caliber na baril.

Hindi pa rin namin alam kung ano ang nangyari kay Tomas at sa tatay ni Marco—o kung ang Sutsot na sumanib sa katawan ni Adam, si Berith,  ay patay na o buhay pa.

Binuksan ko ang bintana ng bahay. Tumigil na ang ulan, at ang hangin sa labas ay tila tahimik at mukhang mapayapa. Pero nararamdaman ko, hindi pa ito ang dulo. Wika nga’y dumadaan lang ang mata ng bagyo.

Sa isang dako, sa kabila ng katahimikang iyon, naghihintay si Berith. Ang bagyong sinimulan niya ay hindi pa lumilipas—huminto lang ito sandali para kumuha ng lakas bago muling sumalakay.

Sa loob, tahimik ang bahay, nagkukunwaring walang nangyari. Ang bahagyang amoy ng insenso ay nananatili pa rin sa hangin, na ngayon ay nahaluan ng amoy ng mga basa naming damit.

Lumabas sina Eve at Jasmine mula sa silid, suot na ang malinis na shorts at T-shirt. Dumiretso si Jasmine sa kalan. “Magpapakulo ako ng tubig para makapag-kape tayo,” sabi niya.

Naupo kami sa sala. Ilang beses nang tumatayo si Marco, binubuksan at isinasara ang mga pinto, at sumisipsip sa labas, laging hawak ang kanyang machete at nakasukbit ang baril sa baywang.

“Aray.” Napangiwi si Eve at hinawakan ang kanyang tiyan. “Biglang sumakit ang tiyan ko!”

“Baka gutom ka lang,” ang wika ko sa kanya..

“Baka nga,” bulong ni Eve, nagsasalubong ang mga kilay niya. “Oww! Parang lumalala. Parang humihilab  ang tiyan ko. Sandali, pupunta muna ako sa banyo.”

Nang haplusin niya ang kanyang puson, naramdaman ko ang isang kirot na hindi ko mapangalanan,  pag-ibig ba, awa, o ang multo ng dalawang ito.

Nang mapasok sa banyo si Eve, lumapit si Jasmine at bumulong, “May boyfriend ba si Eve?”

“Oo, meron. Jeff ang pangalan niya,” sagot ko. “Bakit mo naitanong?”

Ang mga mata ni Jasmine ay lumingon sa direksyon ng banyo. “Mukhang malaki ang tiyan niya. Mukha siyang… buntis.”

Ang mga salitang iyon ay tumama sa akin na parang isang suntok. Iyon ang kinatatakutan ko—ang madilim na kaisipang pilit kong ibinabaon pero hindi ko mapatay. Kay Jeff ba ito… o— Oh, Diyos ko. Huwag naman sana.

“Tulong! Pakiusap! Masakit ang tiyan ko!” Ang sigaw ni Eve.

Natigilan kami panandalian. Pagkatapos ay halos sabay kaming tumakbo papunta sa banyo.

Naunang nakarating si Jasmine sa pinto at itinulak ito, nanginginig ang boses habang tinatawag ang pangalan ni Eve.

“Anong nangyari? Willy… Marco… dinudugo si Eve! Tulungan niyo ako!” ang sumamo ni Jasmine. “Kailangang mailabas natin siya rito.”

Tinulungan namin ni Marco na buhatin si Eve palabas ng banyo. Inihiga namin siya sa sofa sa sala. Mabilis na kumalat ang dugo sa ilalim niya, madilim at makintab sa ilalim ng ilawan. Napaarko ang katawan ni Eve sa sofa, ang mga daliri niya ay bumaon sa mga sandalan habang siya ay namimilipit sa sakit.

Tumama sa akin ang kaisipan—kung buntis nga siya, mukhang makukunan siya.

“Eve, lumalaki ang tiyan mo,” sabi ni Jasmine, ang boses ay puno ng pag-aalala.

Sa harap ng aming mga mata, ang kanyang tiyan ay nagsimulang mamaga. May kung anong gumagalaw sa ilalim ng kanyang balat—mabagal noong una, pagkatapos ay mabilis at malakas na tila may mga alon.

Napakasakit nito, hindi lang dahil sa nangyayari sa kanya. Isang bahagi ng aking sarili ang nasusunog pa rin sa selos, ang baluktot na hapdi ng pagmamahal sa kanya habang alam kong ibinigay niya ang sarili niya sa iba. At ngayon, habang pinagmamasdan ko ang kanyang katawan na nangingisay sa hirap, hindi ko malaman kung alin ang mas masakit—ang hirap niya, o ang sa akin.

Pero may panahon para ramdamin ko ang sakit. Sa pagkakataong iyon nangagaylangan siya ng tulong at unawa… lalo na’t ang paglaki ng tiyan niya’y kakaiba.

Sa sandaling iyon, biglang bumukas ang pinto sa likod ng bahay.

Pumasok sina Tomas at Mang Fidel, basang-basa.

“Ama, salamat sa Diyos at ligtas kayo!” bulalas ni Marco. “Napatay niyo ba ang Sutsot?”

Umiling si Mang Fidel. “Nawasak ng alon ang balsa, nagkahiwa-hiwalay kami. Sa breakwater ko na inabutan si Tomas.”

“Kuya… tulungan mo ako.”

Noon pa lang napansin nina Mang Fidel at Tomas ang kalagayan ni Eve.

Nilapitan kaagad ni Tomas si Eve. Hindi maikakaila sa reaksyon ni Tomas ang labis na pagtataka. Mukhang umurong ang kanyang dila. Tumingin siya kay Jasmine at parang naghahagilap ng paliwanag.

“Kuya, tulungan mo ako. Masakit na masakit ang tiyan ko.”

“Diyos ko! ang nangyayari rito?!” sigaw ni Mang Fidel, ang boses ay pumiyok sa kabiglaanan.

Lumuhod si Tomas, nangilid ang luha bago pa siya makapagsalita. “Ano ba ang nangyari?”

Noong una, nakatitig lang si Eve sa kanya. Nanginig ang kanyang mga labi, pero walang salitang lumabas. Yumayanig ang kanyang mga balikat sa bawat hikbi.

“Eve… magsalita ka,” pakiusap ni Tomas.

Hindi ko na kailangang marinig ang kanyang sagot—alam ko na. Nabuo ko na ang kwento mula nang umalis kami sa dampa ni Adam hanggang ngayon. Marahil alam na rin ni Tomas. Gusto lang niyang kumpirmahin ito ni Eve.

“Kuya… kuya!”

“Ano? …Evvveee!”

“Kami ni Adam…” Huminga siya nang malalim. “Sa isla… nangyari ito nang maraming beses. Nagtangka siya na—hindi ko siya mapigilan. Hindi ako nakatanggi. Ayaw kong tumanggi.”

Ang mukha ni Tomas ay namilipit sa hindi paniniwala. “Anong problema mo, Eve? Paano si Jeff?”

“Hindi ko alam… hindi ko alam. Hindi ko maipaliwanag,” hagulgol niya. “Ang mahalaga lang sa akin ngayon ay si Adam. Mahal ko siya. Kuya, pakiusap—hanapin mo siya. Huwag mo siyang sasaktan.”

Matindi ang sakit na dulot sa akin ng mga sinabi ni Eve. Alam ko na wala akong karapatang husgahan siya—pero ang mga salitang iyon, Mahal ko siya, ay parang batong tumama sa aking mukha. Mas masakit na ‘di hamak ang dulot nito kumpara noong narinig ko siyang nagsabi ng I love you kay Jeff—mga salitang pinapangarap kong marinig mula sa kanya… pero marahil ay hindi na kailanman mangyayari.

Pagkatapos niyon ay nangyari na ang aking kinatatukutan. Narinig ko ang isang pamilyar na atungal. Napakalakas na sa pakiwari ko ay parang nayanig ang buong kabahayan. Ang atungal na iyon ay ipinalangin ko ng huwag ko na sanang muling marinig pa.

Naging malinaw sa aming lahat, buhay ang Sutsot. At ang kanyang atungal… tila naging mas mabagsik.

“Ang Sutsot,” bulong ni Marco. “Buhay si Adam.”

“Hindi. Hindi siya ang kuya ko.” Ang madiing wika ni Jasmine. “Hindi ko na kapatid ‘yan,” Pakiwari ko’y mas humigpit ang hawak niya sa kanyang machete. “Hindi siya si Adam. Si Berith ‘yan.”

“Adam… Adam… tulungan mo ako… manganganak na ako!” sigaw ni Eve.

Ang kaligtasan ni Eve ang nais kong matiyak.Pero kung ang batayang gagamitin ay ang mga sinabi Jasmine tungkol sa mga halimaw ng Isla Miedo at sa mga naganap, nakakatakot isipin kung ano ang mangyayari kapag iniluwal na ni Eve ang kung ano man ang nasa kanyang sinapupunan. Dapat bang pingilan ang malapit nang maganap o tiyaking si Eve ay ligtas.

At biglang kumalabog ang pintuan.

Lahat kami ay nagulantang. Merong nagpipilit buksan ang pintuan. Hindi na kaylangang hulaan pa kung sino iyon.

Kumalabog muli ang pintuan… mas malakas.

Isa pa. 

Ang mga bisagra ng pintuan mukhang bibigay na. Itinaas ni Marco ang kanyang baril at nagpaputok.

Nabutas ang pintuan. Tumigil ang pagkalabog.

Ang kalabog ay pinalitang ng nakakabinging atungal mula ka Berith… malakas at nagngangalit. Wala na si Empusa para sundan ang atungal na iyon pero nandoon ang hangin na humalinghing  bilang sagot..

“Kuya… kuya… hindi ko na kaya! Parang may lalabas na bata! Arrrray!!!”

“Hindi bata,” sabi ni Mang Fidel, ang boses ay seryoso. “Mga bata. Hindi lang isa, Tomas—maraming sanggol na Sutsot ang nasa loob ng tiyan ng kapatid mo..”

Muling sumigaw si Eve, nangingisay sa sofa, ang dugo ay umaagos sa mga unan. “Tulong, kuya! Anong gagawin ko?! Kuya!”

Hawak ni Tomas ang mga kamay ni Eve. Mangiyak-ngiyak ito… hindi malaman kung ano ang gagawin.

Napansin ko ang titigan nina Mang Fidel at Marco. Halos sabay pa silang tumitig kay Jasmine

Hindi maganda ang naramdaman ko. Kinabahan ako.

Chapter 10B
Ang Tunggalian

(Scheduled posting: 01 -22-26)

Huwan Kang Lilingon
(Maikling Nobela – Horror)

Unknown's avatar

About M.A.D. LIGAYA

I am a teacher, writer, and lifelong learner with diverse interests in prose and poetry, education, research, language learning, and personal growth and development. My primary advocacy is the promotion of self-improvement. Teaching, writing, and lifelong learning form the core of my passions. I taught subjects aligned with my interests in academic institutions in the Philippines and South Korea. When not engaged in academic work, I dedicate time to writing stories, poems, plays, and scholarly studies, many of which are published on my personal website (madligaya.com). I write in both English and his native language, Filipino. Several of my research studies have been presented at international conferences and published in internationally indexed journals. My published papers can be accessed through my ORCID profile: https://orcid.org/0000-0002-4477-3772. Outside of teaching and writing, I enjoy reading books related to my interests, creating content for my websites and social media accounts, and engaging in self-improvement activities. The following is a link to my complete curriculum vitae: https://madligaya.com/__welcome/my-curriculum-vitae/ TO GOD BE THE GLORY!

Posted on January 21, 2026, in Creative Writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Short Novel and tagged , , , , , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Leave a comment