Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 9B

Chapter 9B
“Ang Pagbubunyag”

Siguro naman ay hindi pa ninyo nakakalimutan ang aking mga sinabi…“Isa sa inyo ang mabubuhay para ibahagi ang kuwentong ito. Ang iba’y magiging plamuti sa kuwento.”

At bago pa tuluyang lumayo ang balsa ni Kharon ay naihabol pa niyan itanong ang babala niya kina Tomas at Jasmine… ang mag-ingat sa bagay na matalim.

Habang papalayo si Kharon ay unti-unti numinipis ang hamog at muling nanamang dumilim ang paligid. Umasa sa na lang kami sa maputlang liwanag ng flashlight ng aking cellphone. Nang tuluyang maglaho ang hamog, isang dambuhalang alon ang sumalubong sa amin. Tumagilid ang balsa sa tindi ng hampas ng along iyon.

Habang sinisikap naming bumalanse ay may nakita akong liwanag mula sa malayo.

“Ang parola,” bulong ko. “Ang breakwater.”

Isa pang alon ang humampas—at sumunod ang isang mapurol na kalabog sa harapan ng balsa. Itinutok ko ang flashlight ng aking cellphone doon. Isang sibat ang nakatarak doon, may nakataling lubid. Mula sa itaas, gumuhit ang apoy at bumagsak ito sa aming paanan—isang Molotov cocktail. Mabuti na lang  at hindi kami tinamaan. Nabasag ang bote pero hindi ito sumabog. Ang amoy ng gasolina ay ikinalat nghangin habang ang apoy sa mitsa ay mabilis na napatay ng mga along humahampas sa balsa.

Tumagilid muli ang balsa namin, halos tumaob nanaman ito. Tanging si Adam lang ang nanatiling matatag ang tayo sa gilid. Itinaas niya ang kanyang itak at tinaga ang lubid ng sibat.

Naputol ang lubid.

Itinulak ni Tomas ang balsa palayo sa bangka, pero isa pang sibat ang tumarak sa harap, na humihila sa amin pabalik doon. Iyon ay isang bangka na katulad ng sinakyan nina Jasmine, Marco, at Mang Fidel noong una namin silang makatagpo.

Patuloy ang ugong ng hangin. Ilang sandali pa, isang malaking alon pahumampas sa amin. Basang-basa na kami; kung hindi dahil sa lubid ng sibat na nagsisilbing angkla, malamang ay tumaob na ang balsa.

Lalong lumakas ang hangin. Bumubuhos ang tikatik na ulan.

“MARCO… MANG FIDEL?” sigaw ni Jasmine. “AKO PO ITO… SI JASMINE.”

Walang sagot. Tanging ang dagundong ng kulog at guhit ng kidlang ang tumugon.

Lumuwag ang tensyon sa lubid, at ang balsa namin ay dahan-dahang tumama sa gilid ng bangka. Dalawang lalaki ang nakatayo roon, hindi gumagalaw. Tatalon na sana si Adam sa bangka, pero hinawakan ni Jasmine ang kanyang kamay.

“Huwag kang padalos-dalos, kuya,” bulong niya. “Kung miyembro sila ng Guardians of Light, baka barilin ka lang.”

Akala ko kapag nakaalis na kami sa Isla Miedo, tapos na ang problema namin. Mali ako. Doon ko naalala ang mga babala ni Jasmine tungkol sa mga Guardians.

Binuksan ng isa sa mga lalaki ang kanyang flashlight. Ang liwanag ay tumutok isa-isa sa aming mga mukha…kay Tomas, Eve, Jasmine, Adam, at sa huli ay sa akin.

“Sino ang mga bagong mukhang kasama mo?” tanong ng isang lalaki.

Walang duda, ang boses na iyon ay kay Mang Fidel iyon. At ang isa pang anino na nakatayo sa tabi niya ay tiyak na si Marco.

“Si Eve po ito,” panimula ni Jasmine. “Siya ang kapatid na hinahanap ni Tomas. At ang lalaking ito sa tabi ko…” nabulol siya, “ay ang kuya ko, si Adam. Siya po ang dahilan kung bakit ako nakiusap na sumama sa kanila sa Isla Miedo.”

Katahimikan ang sumunod.

“Nilinlang mo kami, Jasmine. Itinago mo ang tunay na dahilan kung bakit gusto mong maging Guardian,” ang wika ni Mang Fidel.

“Alam kong hindi po ninyo papasalihin sa grupo kung nalaman niyong nawawala ang kuya ko at pumunta sa Isla Miedo” sagot ni Jasmine.

Walang nagsalita sa dalawang lalaki. Ang tanging sagot ay ang hampas ng mga alon at ang sitsit ng ulan. Patuloy na hinahampas ng hangin at alon ang balsa at ang bangka. Tila kahit gaano kami kalayo maglayag, ang sumpa ng Isla Miedo ay hindi kami binibitawan.

Parang isang kawalang-hanggan na ang lumipas. Pagkatapos, biglang bumukas ang spotlight, na nagliwanag sa balsa.

“Kung hindi dahil sa pakiusap ni Marco—at sa mga kontribusyon mo sa mga Guardians—wala na sana ang balsa ninyo ngayon… at malamang patay na kayong lahat.”

“Salamat po Mang Fidel,” ang malumanay na tugon ni Jasmine.

“Pero kailangan naming makasiguro,” patuloy ni Mang Fidel. “Marami na kaming nakitang nabiktima ng mga Sutsot. Malay ko ba kung ang isa sa inyo ay sinaniban na. Kahit ikaw, Jasmine. Paano ako makakasiguro na ikaw pa rin ‘yan—at hindi isa sa kanila na suot ang mukha mo’t kami ngayo’y nililinlang?”

“Ano… ano po ang kailangan naming gawin?” ang tanong ni Tomas.

“Susugatan ko ng kaunti ang mga palad niyo gamit ang aking binasbasang balisong bago namin kayo payagang lumipat dito. Titingnan natin kung anong kulay ng dugo ang lalabas,” sabi ni Mang Fidel.

Matapos hugutin ang sibat at irolyo ang lubid, naglatag si Marco ng isang tabla bilang tulay sa pagitan ng balsa at ng bangka. Ginamit ito ni Mang Fidel para tumawid sa aming balsa.

Nagprisinta si Eve na mauna.

Sinugatan ni Mang Fidel ang kanyang palad, at ang dugo ay umagos—PULA.

“Pasensya na sana kayo. Kailangan kong gawin ito. Masyadong mapanganib ang mga Sutsot. Alam ni Jasmine ‘yan. Sige, umakyat ka na sa bangka,” sabi niya.

Sumunod kami ni Jasmine. Pigil-hininga ako nang humalik ang talim sa aking balat—pero ang makitang pula ang dumadaloy sa aking palad ay tila isang kaligtasan. Ang dugo ni Jasmine ay malinis din.

Pagkatapos ay si Tomas. Pulang muli.

“Ikaw naman, Adam,” sabi ni Mang Fidel, habang pinupunasan ang talim ng kanyang balisong.

Hindi gumalaw si Adam. Sa halip, humakbang siya nang dahan-dahan palayo kay Mang Fidel, ang kanyang kamay ay humigpit sa hawakan ng kanyang machete.

“Kuya?” bulong ni Jasmine.

“Adam?” ang wika naman ni Eve.

Pagkatapos—isang malalim at malakas na atungal. Ang atungal na iyon ay katulad ng unang atungal na narinig ko sa Isla Miedo.

Parang nanghina ang mga tuhod ni Jasmine. Napapaatras siya at humawak sa braso ko para hindi matumba. Nabigla rin  si Tomas. Napakapit siya sa gilid ng tabla, ang mga mata ay nanlalaki pilit inuunawa ang mga pangyayari.

At sa sandaling iyon, ang lahat ay luminaw. Ang katotohanang ayaw naming makita ay sumisigaw na ngayon mula sa lalamunan ni Adam. Ang nilalang na nasa harap namin ay hindi ang kapatid ni Jasmine. Hindi na  kailanman magiging siya.

Ang Sutsot na pinagkatiwalaan namin—si Berith pala mismo—ay kasama na pala namin simula pa noon sa sapa. Tunay ngang magaling siyang manlinlang.

Naipaliwanag nito ang lahat:  kung paano tila hindi sumasalakay ang mga demonyo noong nasa isla pa kami. Hindi gustong patayin ni Berith si Eve—sinubukan niya itong angkinin. Gamitin siya. Para dalhin ang kanyang panlilinlang pabalik sa mainland.

Gusto kong magkamali. Diyos ko, nanalangin ako na sana ay mali ako. Pero ang hula ni Kharon ay muling umalingawngaw sa isip ko, “Isa sa inyo ang mabubuhay para ibahagi ang kuwentong ito. Ang iba’y magiging plamuti sa kuwento.”

Siguro ang nagpanatili sa akin na buhay ay ang aking matigas na kagustuhang mabuhay. Marahil ay hinayaan niya si Tomas dahil kapatid ito ni Eve. Pero bakit niya pinili si Eve?

Marahil ang sagot ay nasa galit na kanyang ginising. Kaya naman pala ganoon na lang ang poot ni Empusa. Ang kanyang galit ang nagbigay sa kanya ng lakas—ang lakas na maaaring nakasira kay Berith mismo, kung hindi lang kami nakialam. Totoo ngang wala nang mas titinding galit pa kaysa sa galit ng isang babaeng nalinlang.

Pinatay niya ang babaeng Sutsot—si Empusa, ang demonyong nagmahal at nagsilbi sa kanya sa loob ng ilang siglo. Ang pagkamatay nito ay hindi aksidente; mukhang bahagi ito ng isang plano. Pinatahimik niya ito para burahin ang huling saksi sa kung ano siya noon. Ngunit sa halip na bumaling sa amin, nagpakita ng interes si Berith kay Eve—tila ba may hawak itong bagay na wala sa aming lahat. Pinatay ni Berith si Empusa dahil kailangan niyang pumili sa kanilang dalawa.

Pag-ibig ba ito?  O isang mas madilim na layunin na tanging mga demonyo lang ang nakakaintindi?

Anuman iyon, ang isiping pinili ni Berith si Eve ay nagdulot ng sakit sa kalooban ko. Siguro hindi lang ito takot—ito ay panibugho. Maging ang isang demonyo ay nangahas na gustuhin ang bagay na hindi ko kailanman nakuha.

Ang mga langitngit mula sa balsa ang nagbalik sa akin sa kasalukuyan. Nakatayo si Tomas sa tablang nagsisilbing tulay  sa pagitan ng balsa at bangka. Napaluhod si Jasmine sa tabi ko, hindi siya makapaniwala sa nasasaksihan.

“Wala na ang kuya ko… wala na ang kuya ko!” hikbi niya.

Lumuhod ako sa tabi niya, dahan-dahang kong hinawakan ang kanyang batok para aluin siya. Hindi ko alam kung ano ang tamang sabihin sa pagkakataong iyon.

At sa dahilang siya lang ang nakakaalam, nagtangka si Eve na bumalik sa balsa. Tumalon si Tomas mula sa tabla patungo sa bangka at pinigilan ang kanyang kapatid.

“Bitiwan mo ako, kuya. Pakiusap, huwag ninyong sasaktan si Adam!”

“Eve, hindi ‘yan si Adam—si Berith ‘yan,” sabi ni Tomas, habang hinihigpitan ang hawak sa braso niya.

Ang hirap paniwalaan na nangyayari ang nasasaksihan ko. Mukhang hindi alam ni Eve ang kanyang ginagawa. Mukhang hindi niya naiintindihan ang nangyayari. Ngayong alam na niya na nasaniban ni Berith si Adam, bakit niya ito pilit na ipinagtatanggol?

Patuloy akong sinasaktan ni Eve… subalit handa pa rin akong siya ay unawain.

Gusto ko sanang sabihin sa kanya na ang pag-ibig ay maaaring maging bulag para yakapin ang sarili nitong kapahamakan—pero ang mga salita ay hindi lumabas sa aking bibig. Ang tanging nagawa ko lang ay panoorin siyang nanginginig sa mga bisig ni Tomas habang nagpupumiglas at nagpipilit na puntahan ang halimaw na tila kanya nang iniibig.

Sa halip na galit ay awa sa kanya ang aking nararamdaman.

“Pakiusap… huwag niyong sasaktan si Adam!” sigaw ni Eve.

Mahirap unawain kung bakit  ipinagtatanggol ni Eve ang halimaw? Tumingin sa kanya si Jasmine, napapailing sa kalituhan sa nakikitang asal ni Eve. Pasasalamat ba ito, dahil iniligtas siya ng Sutsot na noo’y  nagpapanggap na si Adam? O nalilito lang siya… nakakulong sa mga pang-aakit at labing ni Berith na mapanlinlang?

Pagkatapos ay idiniin niya ang kanyang nanginginig na kamay sa kanyang tiyan. Para siyang napangiwi. Sinabi ko sa sarili ko na maaring kumirot lang bigla ang bahagin iyon ng kanyang tiyan—pero may isang mas madilim na kaisipan ang sumagi sa isip ko. Pilit ko itong iwinawaksi.  Nang bumalik ito at unti-unting kinakain ang aking isipan, ang tanging naibulong ko na lang ay, “Diyos ko, huwag naman sana.”

Isang malaking alon nanaman ang humampas sa amin dahilan upang mapahiwalay sa bangka ang balsa. Ang spotlight ay kumurap-kurap pero nanatiling nakabukas, nagbibigay ng nanginginig na liwanag sa kaguluhang nangyayari sa harap namin. Nagtapat sina Adam at Mang Fidel. Si Adam ay may itak, habang si Mang Fidel naman ay may balisong.

Tumalon si Tomas pabalik sa balsa matapos kaming pakiusapan na pigilan si Eve sa pagsunod. Inihagis ni Mang Fidel ang balisong kay Tomas at binunot ang dalang machete mula sa kanyang baywang. Inikutan nina Tomas at Mang Fidel si Adam.

Nakita ko si Marco na itinututok ang baril kay Adam, ang kanyang mga kamay ay nanginginig habang sinusubukang puntiryahin si Adam. Hindi nakatulong ang malalakas na alon na patuloy na humahampas sa bangka. Dalawang putok ang bumasag sa bagyo—isa, at isa pa. Hindi natamaan ang Sutsot. Nanatili itong nakatayo.

Sinubukan ni Marco na muling iputok ang kanyang baril. Hindi ito pumutok. Mukhang naubusan ng bala. Mula sa kanyang bulsa ay kumuha siya ng mga bala, pero dahil sa paulit-ulit na hampas ng alo ay hindi niya ito mailagay sa kanyang baril.

Ang bangka ay patuloy na hinahampas ng malakas na alon. Patuloy ang paglayo ng balsa rito.

At di nagtagal ay naglaho na ang balsa sa paningin namin. Inikot ni Marco ang spotlight upang hanapin ang balsa pero wala na kaming makita.

Ang kulog ay kumakalmot sa langit habang ang wisik ng tubig-alat ay nagdudulot ng hapdi mga mata.

Narinig ko ang pamilyar na atungal, sinundang ng sigawan. Mahirap tukuying kung saang direksyon nangaling.

Paulit-ulit na hinila ni Marco ang tali ng motor, pero ayaw itong umandar. Sinubukan niya nang ilang beses, pero tila bumigay ang makina sa kung kaylan kaylangang-kaylangan ito.

Pagkatapos ay dumating ang malakas na buhos ng ulan—parang mga kumot ng tubig na humahampas sa aming mga mukha.

Napilitan kaming gumamit ng mga sagwan, pero hirap kaming  maigaod ang bangka dahil sa alon at hangin. Ang aming mga pagtatangkang hanapin ang balsa ay walang saysay laban sa malupit na hangin at naglalakihang alon. Wala kaming malinaw na direksyon, kaya wala kaming nagawa kundi hayaan ang alon at hanging magpasya kung saan kami dadalhin.

Ilang saglit pa’y humupa ang malakas na hangin. Luminaw ng kaunti ang paligid. Hindi pa rin namin matanawan ang balsa. Pero sa isang dako ay my nakita akong ilaw. Maaaring iyong ang parola sa pinanggalingan naming breakwater. Ang agos ay sa direksyong ng ilaw na iyon kami dinadala.

Tila ba ang karagatan mismo ay napagod na sa pakikipaglaro sa amin, at nagpasya nang ibalik kami kung saan kami nanggaling. Sa pagod ay napaupo na lamang kaming lahat sa sahig ng bangka.

Naalimpungatan ako ng naramdaman kong sumadsad ang bangka. Panandalian pala akong nakatulog. Halos sabab-sabay kaming tumayo.

Kasabay ng pagsadsad namin sa buhanginan malapit sa breakwater ay ang paghinto ng ulan. Huminto na rin ang malakas na hangin.

CHAPTER 10A
“Ang Tunggalian”

Unknown's avatar

About M.A.D. LIGAYA

I am a teacher, writer, and lifelong learner with diverse interests in prose and poetry, education, research, language learning, and personal growth and development. My primary advocacy is the promotion of self-improvement. Teaching, writing, and lifelong learning form the core of my passions. I taught subjects aligned with my interests in academic institutions in the Philippines and South Korea. When not engaged in academic work, I dedicate time to writing stories, poems, plays, and scholarly studies, many of which are published on my personal website (madligaya.com). I write in both English and his native language, Filipino. Several of my research studies have been presented at international conferences and published in internationally indexed journals. My published papers can be accessed through my ORCID profile: https://orcid.org/0000-0002-4477-3772. Outside of teaching and writing, I enjoy reading books related to my interests, creating content for my websites and social media accounts, and engaging in self-improvement activities. The following is a link to my complete curriculum vitae: https://madligaya.com/__welcome/my-curriculum-vitae/ TO GOD BE THE GLORY!

Posted on January 20, 2026, in Creative Writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Short Novel and tagged , , , , , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Leave a comment