MANALANGIN
Buksan ang bintana’t, kurtina’y hawiin
Pagsikat ng araw iyong salubungin
Kapag dumampi na ang sariwang hangin
Pumikit ka na’t umusal ng panalangin.
Ibulong sa hangin ang iyong hiling
At manalig sanang ikaw ay didinggin.
Pasasalamat sa Kanya’y iparating
Pagpapatawad Niya’y iyong hilingin.
Ibulalas sa hangin, iyong hinaing
Ipanalanging ito’y Kanyang lusawin.
Dusa’t kabiguan mo’y ibuga sa hangin
Sa iyong isipa’y burahi’t limutin.
Taimtim sanang manalangin sa Kanya
Kung ika’y naligaw, manumbalik ka na
Muli mong balikan ang tahanan Niya
Kung ikaw ay kakatok, pagbubuksan ka.
Matuto ka sanang tumawag sa Kanya
Nang ika’y puspusin ng saya’t pag-asa
Sa Kanya’y sumandal, manampalataya
Bubukal sa balon mo’y maraming biyaya.
Posted on April 12, 2020, in Panalangin, Poetry, Prayers, Tula and tagged Panalangin, Poetry, Prayer, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0