Huwag Kang Lilingon – Chapter 1
Chapter 1
“Sa Pinagmulang Dalampasigan“
Hindi ko na mabilang kung ilang beses tumingin sa kanyang relo si Daniel at pagkatapos ay bubuntong hininga. Wala na siyang sigarilyong masindihan pero patay-sindi pa rin ang ginagawa sa hawak na lighter. Matagal nang ubos ang laman ng kaisa-isang pakete ng sigarilyo na binili niya sa terminal ng bus bago kami bumiyahe. Ako nama’y nang magsawang makinig sa mga paborito kong kantang naka-download sa cellphone ko’y pinanood ko na lamang ang mga bankang inuugoy ng mga alon malapit sa pampang habang nagbabalik-tanaw ako sa aking kamusmusang ginugol ko sa tabing-dagat sa bayang aking sinilangan.
Nabaling ang aking atensyon kay Tomas. Nakatayo pa rin siya sa may rampa na parang tuod. Habang kami ni Daniel ay umiiwas sa tilamsik ng tubig-alat na hatid ng along humahampas ng paulit-ulit sa aming kinapupuwestuhan ay hinahayaan lamang niyang mabasa siya nito. Taog na kasi at medyo may kalakasan pa ang hangin kaya maalon. Mukhang may bagyong paparating.
Si Tomas ay nakatingin sa direksyon ng araw na malapit nang lunurin ng dagat. Mahirap hulaan kung inaabangan ba niya ang paglubog ng araw na bahagyang ikunukubli ng balumbon ng ulap o mayroon kung ano mang nakatago sa likod ng ulap na pilit niyang inaaninag. Kapansin-pansin ang paminsan-minsang niyang pagyuko upang hagurin ang kanyang mga hita. Marahil ay nangangalay na siya sa tagal ng kanyang pagkakatayo. May mga pagkakataon na ikinukuyom niya ang kanyang mga kamay. Animo’y mayroon siyang gustong hawakan na hindi mahagilap ng kanyang mga kamay.
Halatang hindi mapakali si Tomas. Labis siguro niyang iniisip si Evelyn, o Eve kung aming tawagin. Ako ma’y ganoon din, hindi rin mawala sa isip ko si Eve. Ang pagkakaiba marahil eh si Tomas ay nag-aalala lang sa kanya. Bukod sa pag-aalala, ay may mas malalim pa akong dahilan — sabik akong makita siya.
Pinipilit kong itago ang nararamdaman ko kay Eve. Hindi ito puwedeng malaman ni Tomas at lalong hindi puwedeng mabisto ni Daniel. Bakit? Dahil ba sa kapatid siya ng aming kasanggang-dikit at ayaw kong isipin niyang sinasamantala ko ang pagkakaybigan namin? Minsan ding narinig ko ang aking ina sinabing hindi maganda sa paningin na taluhin mo ang kapatid ng matalik mong kaybigan.O torpe lang talaga ako.
Ang daming pagkakataon na gusto kong hawakan ang mga kamay ni Eve. Gusto kong sabihing may pagtangi ako sa kanya. Subalit tuwing ibubuka ko na ang aking bibig ay walang salitang lumalabas dito.
Ang pag-mumuni-muni kong iyon ay pinutol ng isa nanamang buntong-hininga ni Daniel. Ang medyo masungit na panahon ay tila sinasalamin ang magkakahalo alalahanin at isipin namin sa pagkakataong iyon.
Magkatabi kami ni Daniel na nakaupo sa isang baytang ng hagdanan ng parola na nasa dulo ng konkretong breakwater. Medyo may kalakasan nga ang hangin galing mula sa nilulubugan ng araw dahilan upang umalon ng katamtaman lang naman ang taas at iugoy ang mga bankang nakahimpil malapit sa hilera ng mga puno ng talisay sa tabing-dagat. Nagpapaligsahan rin sa pag-indak sa saliw ng hangin ang mga dahon ng hagonoy at kugon na tumubo sa kahabaan ng dalampasigang iyon.
Mababa lang ang parolang iyon sa breakwater. Sa tantiya ko ay higit-kumulang na 10 talamapakan lang ang taas. Isang malaking bombilya ang nakalagay sa ibabaw nito na nakapaloob sa isang lagayang yari sa makapal na salamin. Gabay iyon ng mga mandaragat upang malaman nila kung saang banda ang pampang kapag madilim ang gabi, lalo na kung masama ang panahon. Bukod sa nadaanan naming malaking bahay na napapalibutan ng mataas na bakod na ang bawat sulok ay may mga CCTV, ang dalawang solar panel sa ibabaw ng lagayan ng bombilya ang tanging palatandaan na umabot na sa lugar na ito ang kabihasnan.
Si Daniel ay may takip na panyo sa ilong. Halatang hindi sanay sa amoy na isinisingaw ng dagat at ng buhanginang nagsisilbing libingan ng mga patay at nabubulok na lamang-dagat. Pablihasa nga ako’y isinilang sa lugar na malapit sa aplaya kaya sanay na ang ilong ko sa amoy ng tubig-alat na itinuturing ni Daniel na mabaho at malansa. Para sa akin, di-hamak na mas mabaho ang amoy ng sigarilyong kumapit sa suot niyang t-shirt at mas malansa ang hininga niyang may halong amoy ng nikotina.
May isang luma na’t sira-sirang rampa na yari sa magkahalong kahoy at kawayan na nakadikit sa breakwater. Doon nga nakatayo si Tomas. Sa tinging ko’y nagsisilbing daungan ng mga bangka at siguro ay babaan rin ng mga isda at iba pa mga lamang-dagat na nahuhuli ng mga mangingisda kapag kati at hindi makatuloy sa pampang ang kanilang mga bangka.
Kahalintulad ito ng daungan sa bayan namin. Dalawang baytang rin na hagdanang yari sa kahoy ang nakapagitan sa rampa at breakwater. Malamang na yari rin sa kongkreto o malaking kahoy ang nagsisilbing poste ng rampang iyon. Hindi ko makita sa dahilang taog nga noon.
“Anong oras ba talaga darating ang bangkang sasakyan natin,” ang tanong ni Daniel kay Tomas. “Aba’y makapananghalian pa tayo naghihintay dito ah.” Ang mga kunot sa noo ni Daniel ay parang kanal na dinadaluyan ng kanyang pawis.
“Oo nga naman bro, hayan papalubog na ang araw o,” ang dugtong ko.
“Aywan ko ba,” ang sagot ni Tomas. “Ang sabi niyong kakilala ko na kapag wala na ang araw at lalatag na ang dilim eh saka pa lamang daw darating ang bankang naghahatid sa mga gustong pumunta sa isla. Akala ko nagbibiro lang siya kaya hindi ko na ito binanggit sa inyo. Pero mukha yatang totoo ang sinabi niya.”
Pailing-iling na tumingin sa akin si Daniel. Pagkatapos niyo’y tumingin sa kawalan at bumuntung-hininga. Hindi iyon nalingat kay Tomas.
“Pasensya na mga ‘tol,” ang wika ni Tomas. “Nadamay pa kayo sa problema ko. Kung gusto na ninyong umuwi eh okay lang. Ako na lang ang maghahanap sa kapatid ko.”
Nanahimik na lamang kami matapos iyon sabihin ni Tomas. Kung puwede ko lang sanang sabihin na responsibilidad ko ring hanapin si Eve. At marahil ay mas masidhi ang pagnanais kong makita ang kanyang kapatid kaysa sa kanya.
Maya-maya pa’y sabay kami halos ni Daniel na bumaba sa rampa upang lapitan si Tomas.
“Bro, sorry, hindi ka naman namin pwedeng iwanan dito,” wika ko sabay akbay sa aming kaybigan. “Kami naman ang nagpumilit sumama sa iyo dito ‘di ba. Wala tayong iwanan. Mula noon ganyan tayo.”
“Nakakainip lang kasi ‘tol, dalawang oras pa halos ang biniyahe natin patungo dito kanina,” ang dagdag ni Daniel. “Tapos mahigit isang oras pa tayong naglakad papunta dito. Sumakit ang mga paa ko dito sa suot kong sapatos.”
Eh engot ka kasi eh,” ang sabi ko. “Alam mo namang dagat ang pupuntahan natin at sasakay pa tayo ng bangka eh nag-leather shoes ka. Dapat kasi rubber shoes, tsinelas o sandals ang sinuot mo. Tapos naka-trousers ka pa.”
“Nakalimutan ko nga na bibyahe tayo sa dagat,” ang sagot ni Daniel. “Hay naku, akala ko’y naiwan ang nanay kong sermon nang sermon. Kasama ko pala”
“Ganyan ka kapag napapansin ang kaengotan mo,” ang tugon ko. “Hindi ka kasi nag-iisip bago gumawa ng desisyon. Ilang beses ka na bang nagka-problema sa ugali mong ganyan. Pabigla-bigla. Napaka-impulsive mo.”
“Oo na… oo na. Ikaw na magaling.” Ang wika ni Daniel sabay sipa sa isang maliit na bato nasa aming paanan.
Tinampal ko sa balikat si Daniel. Lumayo siya sa akin ng kaunti. Parang nagtatampo.
“Patience Daniel… patience.” Ang sagot ko sa kanya.
“Pagod na, gutom pa. Napakalayo pa naman ng mga bahayan na nadaanan natin kanina. Wala man lang mabilhan ng pagkain at mahingan ng kahit tubig man lang na maiinom. Tapos iyon pang mga mangingilang-ngilang bahay na nadaanan natin kanina eh nagsasara ng mga bintana at pinto kapag malapit na tayo.”
Napansin ko rin iyon pero inisip ko na lang na marahil ay nag-iingat lamang ang mga may-ari ng bahay sa dahilang kami ay mga dayo.
“Ah basta… gutom na ako.”
“Magtigil ka nga Daniel,” wika ko. “Ayos lang na naglakad tayo ng malayo at wala tayong pagkain para pamin-minsan eh nakakapag-exercise ka at nakakapag-diet. Tignan mo nga iyang tiyan mo oh, parang tambol na ah.”
“Kung makapagsalita ka Willy eh parang ke payat-payat mo,” ang sagot ni Daniel sa akin.
Tumawa ako’t tinampal ko nanaman sa balikat si Daniel sabay sabing, “Joke lang bro. Pero tignan mo… di hamak na mas malaki ang tiyan mo sa akin. At tignan mo oh… kahit kaunti may mga muscles na ako.” Wika ko sabay pakita ng aking biceps. “Sumama ka na kasi sa amin mag-gym.”
“Oo na… oo na… next time sasama na ako sa inyo.”
“Gusto mong maging pulis ‘di ba? Eh baka hindi mo abutan ang mga hahabulin kung may bitbit kang tambol.”
Pagkasabi ko niyon eh binuksan ko ang aking dalang backpack. “O heto tubig. Kundi ka ba naman talaga engot. Ni tubig ‘di ka man lang nagbaon.”
“Eh tumakas nga lang ako ‘di ba.”
“O heto pa biscuit, isaksak mo sa ngala-ngala mo para matigil ka sa kakareklamo.”
Padabog na kinuha ni Daniel ang mga iniabot ko.
“Hindi ko kasi natanong doon sa nakausap ko kung may mga karinderya o tindahan dito. Pasensya na mga tol.”
Tumingin ako kay Daniel, sinimangutan ko ito’t sinenyasang manahimik.
“Ang tigas kasi ng ulo ni Eve. Pinagbawalan ko siyang sumama sa mga kaybigan niyang mag-night swimming eh hindi nakinig.”
“Eh mukhang lahi yata talaga kayo ng matitigas ang ulo tol,” ang hindi ko malaman kung nanunuya o nagbibirong sabi ni Daniel. “Baka naman nagtanan na si Eva at si Jeff kaya hindi pa umuuwi.”
“Magtigil ka nga.” Ang inis na bulalas ko kay Daniel. Para kasing kinurot ako ng selos nang sabihin niya iyon. Ayaw kong isipin na tuluyan nang mawawalan ako ng pag-asa kay Eve. Iyon ang mangyayari kung nagtanan nga sila ni Jeff.
“Sigurado akong hindi ganoon ang nangyari.” Nahimasmasan ako ng sabihin iyon ni Tomas.
“Hinahanap nga siya ni Jeff sa bahay kagabi si Eva kaya nalaman ng nanay namin na wala pala siya sa bahay. Pilit ko siyang pinagtakpan pero bistado kami. Masyado nang nag-aalala si nanay kaya pinapasundan na sa akin. Aywan ko ba. Kinakabahan talaga ako. Sa lahat pa naman ng mapipiling puntahan eh bakit sa islang pang iyon.”
“Bakit Tomas? ang tanong ni Daniel. “Anong meron sa islang iyon?”
“Ha… eh, wala naman tol,” ang sagot ni Tomas.
Pakiramdaman ko’y may gustong sabihin si Tomas. Pinagmasdan ko siya at nang magkasalubong ang aming tingin eh ngumiti siyang pilit.
“Ano iyon ‘tol?” ang tanong ko kay Tomas.
Kilala ko si Tomas. Meron siyang dapat sabihin sa amin. High school pa lang eh magkakabarkada na kaming tatlo. Nagdesisyon din kaming pumasok sa iisang kolehiyo at pare-pareho pa ang kursong kinuha namin. Nagkataon namang pare-parehong Criminology ang gusto naming tapusin. Halos araw-araw eh magkakasama kami. Sabado man o Linggo eh kung hindi sa amin eh doon kami tumatambay kina Daniel o kina Tomas. Parehong firing range din ang pinupuntahan namin para magsanay sa paghawak ng baril.
Wika nga’y kabisado namin ang likaw ng bituka ng bawat isa. Wala kaming itinatagong sikreto—bukod marahil sa tunay kong damdamin para kay Eve. Pilit ko itong inilihim. Nahihiya akong malaman ito ng dalawa.
Hindi mahirap gustuhin si Eve dahil sa kagandahan niyang taglay. Lalong hindi siya mahirap mahalin dahil sa mga magaganda nitong katangiang. Matalino rin siya at napakalambing.
Wika nga’y gustuhin si Eve at hindi ako magtataka kung maging si Daniel man ay may gusto rin sa kanya. Baka nga kung totong may mga anghel, demonyo, at maligno ay maaring mapa-ibig niya.
Pinutol ni Daniel ang pagiisip ko kay Eve. “Bro, ano na? Ano ba talaga ang meron sa islang iyon?”
Posted on September 12, 2019, in Creative Writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela and tagged Creative Writin, Fiction, Horror, Kuwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela. Bookmark the permalink. Leave a comment.




Leave a comment
Comments 0