“Mukhang Poet”
Mukhang “poet” lang po ako pero hindi ko masasabing bihasa ako sa pagsulat ng tula. Ang totoo nga po’y hindi naman ako taal na Tagalog. Ang aking ama’y isang Batangueño at ang ina ko nama’y Ilocana-Ibanag.
Libangan ko lang talaga ang paghabi ng tula. Mahilig lang akong sa taludtura’y maglaro’t maglakbay at pilit na mga pintig ay tinutugma’t pinapantay. Minsan naman ay sa dalampasigan ng malayang taludturan ako bumabaybay.
Hindi po talaga ako makata. Mahilig lang akong gumamit ng mga talinghagang ang babasa’y kayang talusin hindi upang sila’y lituhin kundi upang sa kariktan ng tula’y sa lugod sila’y lunurin.
Natuto lang ako ng kaunti kung papaanong ang mga saknong sa tayutay ay habiin. Kahit naman papano ang pagwawangis ay kaya kong gawin. Natutuhan ko rin naman kahit kaunti kung papaano pagapangin ang aking damdamin sa bawat taludtod at hayaang laman ng puso ko’y sa pantig tumibok.
Kahit naman papaano’y nakakasulat ako ng tula at pinipilit kong aralin ang mga dapat kong matutuhan sa larangang ito umaasang balang araw ay hindi na akong magmukhang “poet” lamang kundi tawagin na akong totoong makata.
Hindi pa ako tapos sa aking pag-aaral. Ang nasa kong matuto’y hindi magmamaliw hangga’t puso ko’t isipan ay kayang sabay na umindak sa kumpas ng aliw-iw.
— 0 —
Karahimihan sa mga tula ko’y “lalabindalawahin” at ang mga saknong ay apat na linya. Gumagamit din ako ng malayang taludturan, walang sukat pero sinisikap kong lagyan ng tugma sa dulo.
Pinagsama-sama ko ang aking mga tula ayon sa mga kategoryang pinili ko. Ang mga tula kong may temang pag-ibig ay aking inipon sa pahinang may pangalang TIBOK habang ang mga tulang tumatalakay sa bayan, pagkamamamayan at mga isyu patungkol sa pulitika ay sa BAYAN MUNA.
Ang mga paboritong kong love songs sa English eh ginagawan ko rin ng tula at mababasa ang mga ito sa TINULANG KANTA. Paano ba naman, ang mga kaybigan ko, tuwing ako’y naririnig kumanta sa English ay naririndi at sinasabing tulain ko na lang.
Sumulat din ano ng mga tula tungkol sa kung ano-anong bagay at mga isyu o mga paksa na hindi tumatalakay sa pag-ibig at sa bayan. Pinagsama-sama ko ang mga ito sa SAMOT SARING TULA.
May mga sinulat rin akong satirikong tula na bumabatikos sa mga sa palagay ko’y ugaling ‘di maganda ng mga taong nakapaligid sa akin at ng mga taong nakakasama ko sa trabaho. Ang mga tulang ito ay parunggit ngunit hindi ako nagmamalinis dahil maaaring angkin ko rin ang mga ugaling hindi ko nagugustuhan sa iba kaya’t kapag nababasa ko ang mga tulang ito’y nagbubulay-bulay din ako. Pinagsama-sama ko ang mga tulang ito sa pahinang pinangalanan kong SA PILING NG MGA HAYOP. Bahala na ang babasa kung ano sa tingin nila ang kahulugan ng salitang HAYOP sa pangalan ng pahinang ito.
Lumikha rin ako ng pahina para sa mga tula kong sinulat habang ako’y nakasakay sa jeep o insipired ng mga experiences ko sa pagsakay sa jeep. Matatagpuan ang mga tulang ito sa pahinang binansagan kong HETO NA ANG JEEP.
May mga sinulat rin akong APATANG TALUDTOD (Quatrains). Nag-eksperimento rin ako sa isang uri ng tula na tinawag kong PAKWELANG TALUDTURAN na sa unang tatlong taludtod ay parang seryoso ang tinatalakay subalit sa pang-apat (clincher) ay ang sundot na patawa. At dahil mahilig din akong magpatawa eh gumawa ako ng mga tulang ang layon ay magkwento ng nakakatawa. Ang mga tulang naturan ay nasa TINULANG JOKES.
May mga tula rin akong nagpapahayag ng pagkilala sa ating Dakilang Lumikha. Pinangalang kong PAGNINILAY ang sulok na ito ng aking website.
Posted on May 18, 2018, in Poetry, Tula and tagged Poetry, Tula. Bookmark the permalink. 2 Comments.
I love this poetica.
LikeLiked by 1 person
Salamat Ederline!
LikeLike