Muling Umawit
Ayaw nang umawit ng puso kong paos
Biglaang huminto ayaw nang tumibok
Damdaming namanhid walang kumukurot
Hindi na masaya, hindi rin malungkot
Balag sa isipa’y ayaw nang gapangan
Nang mga ala-alang sa aki’y nagdaan
Lungkot at saya’y tila nakalimutan
Ligaya’t siphayo’y ayaw ng balikan
Naging manhid – damdamin ay naging tigang
Luha’t ngiti nawalan ng kahulugan
Tula sana’y magsilbi kong kaligtasan
Ibalik sa puso, nawalang pakiramdam
Ngunit walang saysay, aking taludturan
Kung daang pabalik ‘di ko lalakaran
Pinto ng ala-ala ko’y iyong buksan
Sa loob nito ako sana’y samahan
Doo’y samahan ako kahit lang saglit
Turuan ang puso kong muling umawit
Ating muling paindayugin sa pantig
Ang kahulugan ng tunay na pag-ibig
Posted on April 11, 2018, in Giving Love Another Chance, Poetry, Tula and tagged Giving Love Another Chance, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. 3 Comments.
Iba talaga ang dating ng tula pag Tagalog… Na sa bucket list ko pa rin ang sumulat ng tula at kanta sa sarili nating wika.. na kakalungkot aminin na isang tula at isang kanta na Tagalog pa lang ang na isusulat ko.
LikeLiked by 1 person
Masarap talagang basahin ang mga tula sa wika natin. Subukan mo lang lagi magsulat. Sabi nga nila sa Ingles, you’ll soon get into the groove. Maglaan ka ng time. Marami kasi akong free time dito sa Korea kaya nakakasulat ako whenever I want.
LikeLike
Malapit na ako mag ka time, Kuya… I can almost taste it 😁
LikeLike