Blog Archives

BUNGA’T PUNO

mother

Habang nagbibihis si  Elena’y kumakanta’t sumasayaw ito. Biyernes kasi noon at half-day lamang ang kanilang pasok sa dahilang may gaganaping pagtitipon sa school nila sa bandang hapon. Matapos maisuot ang PE uniform ay masiglang binuhat nito ang kanyang bag. Magaan lamang ang bag niya sa dahilang kaunti lamang ang lamang libro at notebook.

Lumabas ng kanyang kwarto si Elena at tinungo ang kanilang kusina. Nakahanda na sa mesa ang agahan nilang mag-anak subalit wala doon ang kanyang ama’t ina at ang kanyang bunsong kapatid na si Christian. Kadalasang sabay-sabay silang kumakain sa umaga at pagkatapos ay sabay naman silang lalabas ng bahay ng amang namamasukan bilang isang driver.

Natigilan siya’t napakamot siya sa ulo.

Bigla niyang naiisip na nang nagdaang gabi ay may sinat si Christian at masakit ang tiyan. Pagkalapag ng bag sa sahig ay umakyat siya sa ikalawang palapag ng kanilang bahay at pinuntahan niya ang kwarto ng kapatid nagbabakasakaling nandoon nga sila.

Tama ang kanyang kutob, nandoon ang kanyang ama’t ina. Itutulak na sana ni Elena ang nakaawang na pinto subalit nadinig niyang parang umiiyak ang kanyang nanay. Minabuti niyang huwag na lamang pumasok. Tahimik siyang nagmanman at nakinig.

“H’wag kang mag-alala, maghahanap ako ulit ng trabaho.” Wika ng ama.

“Kung kaylan pa naman kaylangan natin ng pera saka ka nawalan ng trabaho. Ngayon pa namang kaylangan na nating dalhin si bunso sa hospital. Mauubos ang kaunting ipon natin kapag nagkataon.”

Hindi na tinapos ni Elena ang sinasabi ng ina. Bumaba siya ng dahan-dahan. Nangingilid ang luhang kinuha ang bag at minabuti nitong umalis na lamang nang hindi nagpapaalam sa mga magulang. Hindi na ito nakakain ng almusal.

Nilakad na lamang ni Elena hanggang sakayan ng jeep. Hindi na kasi siya humingi ng baon at batid niyang kukulangin ang kanyang pera kapag nag-trycylce pa ito papunta sa labasan.  Minsan kapag may naitatabi siyang pera mula sa kanyang baon ay hindi na ito humihingi pa sa kanyang mga magulang. Kahit ipagpilitan pa ng kanyang nanay na tanggapin ang baong ibinibigay ay hindi niya kinukuha kapag may laman pa ang pitaka nito’t alam niyang makakasapat naman iyon.

Hinintuan siya ng isang jeep. Ilan lamang silang sakay. Naupo siya sa tabi ng isang mamang mukhang Intsik na may pangkong maraming plastic bag.

Habang binabagtas ng nasakyang jeep ang daan papunta sa kanilang eskwelahan ay naisip ni Elena ang may-sakit nitong kapatid at ang abang kalagayan ng kanilang pamilya. Mahina lamang ang kita ng kanyang ama sa pagmamaneho. Ni hindi nga s’ya maibili ng bagong cellphone. Lumang-luma na ang gamit niyang cellphone na regalo pa sa kanya ng kanyang ninong na nagtatrabaho sa Dubai dalawang taon na ang nakakaraan. Mabuti na lamang at hindi  na nila kaylangang mangupahan sa dahilang minana ng kanyang ama ang lumang bahay ng kanyang lolo’t lola. May maliit din silang tindahan na ang kinikita’y pandagdag nila sa gastusin. Kaya nga kahit gusto siyang papasukin ng kanyang mga magulang sa isang pribadong eskwelehan ay mas pinili niyang sa public school na lamang mag-aral. Inisip niyang kapag nag-hayskul ay saka na lamang siya magpa-private. Subalit sa nasaksihan niya ng umagang iyon ay baka mas naisin niyang manatili na lamang sa pinapasukang eskwelahan hanggang Senior High.

Naiisip niya sa pagkakataong iyon na kung marami lang sana silang pera eh malulutas ang lahat ng kanilang suliranin at magiging magaan ang buhay para sa mga magulang niya.

Sa dami ng kaniyang iniisip eh hindi napansing siya na lamang ang natitrang pasahero sa sasakyan. Nang malapit na siyang bumaba ay may napansin siyang plastic bag na nasa  kanyang paanan. Mukhang ito’y nalaglag ng nakatabi niyang pasahero. Dumukwang siya’t sinilip ang laman nito. Nagulantang siya sa nakita. Pera ang laman ng plastic bag, bungkos-bungkos na lilibuhin.

Kinabahan ng matindi si Elena. Hindi malaman kung ano an gagawin. Tumingin s’ya sa driver. Busy ito sa pagmamaneho. Hindi pansin kung ano man ang ginagawa niya sa likuran.

Dali-daling inilagay ni Elena sa kanyang bag ang platic bag na may lamang pera. Nagiisip kung ano ang gagawin. Noon lamang siya nakakita’t nakahawak ng ganun kadaming pera.

Pagkababa ng jeep ay hindi muna dumiretso sa school si Elena. Pumasok ito sa isang kalapit na maliit na restaurant na madalas nilang kainang magkakaklase.

“O Elena, ang aga mo yata, kakain ka ba anak?” Ang salubong sa kanya ng may-ari ng karinderya.

“Hindi po aling Susie. Gagamit lang po sana ako ng CR n’yo kung pwede.”

“Aba’y oo naman anak. O bilisan mo lang ha at baka ma-late ka.”

”Opo. Salamat po.”

Pagkapasok sa CR ay inilabas ni Elena ang napulot na plastic bag. Tiniyak muna nitong nakasarado ang pinto bago ibinuhos sa nakitang planggana ang laman nito. Doon tumambad sa kanya ang laman ng plastic bag. Bukod sa mga bungkos ng pera ay may isang clutch bag na may lamang iba’t ibang uri ng alahas..

Kabado man ay umandar ang kanyang imahinasyon. Naisip n’yang makakabili na siya ng bagong cellphone. Makakalipat na siya sa isang private school pagtungtong niya ng Grade 7 sa susunod na taon. May pera nang magagamit na pampahospital kay Christian. Hindi na mag-aalala ang kanyang ina. Mapapalaki nila ang kanilang tindahan. Maari ding bumili ng sariling taxi ang kanyang ama upang hindi na ito mamasukan. Mukhang ito na ang pagkakataong makakaahon sila sa hirap.

“Anak, okay ka lang ba d’yan?”

Nagulat si Elena nang marinig ang boses ni Aling Susie. Nahimasmasan ito.

“Ah…eh…okay lang po ako. Palabas na po ako.”

“Dalian mo anak magsisimula na flag ceremony ninyo.”

“Sige po.”

Habang ibinabalik ni Elena sa bag ang ibinuhos sa planggana ay napansin nito ang isang piraso ng papel na  pangalan at address ng isang parang tindahan na kasama ng mga alahas.

“Salamat po Aling Susie. Papasok na po ako.” Wika ni Elena nang makalabas ng CR.

“Sige anak. Tortang talong nga pala ang ulam mamayang tanghali. Kain kayo dito ha.”

Tumango lamang si Elena at dali-daling lumabas ng restaurant. Habang pumapasok ng gate ng school nila ay muli niyang naisip ang kanyang kapatid na dadalhin sa hospital at ang eksenang iniwan n’ya sa bahay – ang umiiyak niyang ina kausap ang amang nawalan ng trabaho.

Sa unang pagkakataon sa kanyang buhay ay gumawa si Elena ng isang malaking desisyon..

**********

Pagkatapos ng klase ay umuwi na kaagad si Elena.

Tahimik sa bahay nang dumating siya. Wala doon ang mga magulang niya at si Christian. Dumiretso siya sa kusina. Nandoon pa rin ang mga pagkaing iniwan niya bago siya pumasok. May takip na ang mga ito. Sa mesa ay isang sulat – pinasusunod siya ng kanyang nanay sa hospital.

Pagkakain ay nagtungo kaagad si Elena sa  hospital na pinagdalhan kay Christian. Kinaylangang operahan ang kanyang kapatid dahil malapit na palang pumutok ang appendix nito.

Tulog si Christian nang pumasok si Elena sa kwarto, Yumakap ito sa ama’t ina at pagkatapos ay nagpunta sa bandang ulunan ng kapatid. Marahang hinaplos-haplos niya ang ulo nito.

“Inay kumusta na po si Christian?” Ang tanong sa ina.

“Out of danger na siya anak. Magpasalamat tayo sa Panginoon dahil okay na siya.”

“Pasensya na anak, hindi ka na namin naasikaso kaninang umaga.” Ang wika ng kanyang ama.

“Naku itay, ayos lang po iyon. Alam kong tuliro kayo ni inay kaninang umaga dahil kay Christian.”

Maya-maya’y may mga katok na maririnig sa pintuan ng kwarto nila sa hospital. Tumayo ang ama ni Elena at binuksan ang pintuan. May dalawang pulis na pumasok, kasama ang kanilang school principal at isang mama.

Sinalubong ni Elena ang mga ito at isa-isa silang  pinagmanuhan.

Takang-taka ang kanyang mga magulang. Natingin kay Elena ang kanyang ina at sinabing, “Anak, ano ba ang ginawa mo, bakit sila nandito?”

Ang school principal nina Elena ang sumagot, “Naku Gng. Reyes, wala pong problema, nandito po kami para lang samahan si Mr. Wong. Gusto niya kasing pasalamatan ng personal si Elena.”

“Para saan po?” Ang tanong ng ama ni Elena.

“Kasi, iyang si Elena eh napulot iyong plastic bag na nalaglag ni Mr. Wong sa dyip. May lamang pera at mga alahas. Dinala niya sa opisina ko kanina bago siya pumasok sa klase. ”

Ntulala ang mga magulang ni Elena sa narinig.

“Hija, bakit wala kang sisanabi sa amin?” Tanong ng ama.

“Nakalimutan ko lang po itay.  Sorry. Masyado po kasi akong nag-alala kay Christian.”

“Naku kakaiba po iyang anak niyo.” Wika ng principal nina Elena. “Biniro ko nga itong si Mr. Wong na pasalamat siya’t si Elena nakapulot dahil kung ako eh baka hindi ko na isauli.”

Kinamayan ng dalawang pulis at ni Mr. Wong ang mga kamay ng mga magulang ni Elena. Pagkatapos ay niyakap s’ya ng kanyang naluluhang ina.

Nagsalita si Mr. Wong. “Kahanga-hanga ang inyong anak. Napakaswerte ninyong mga magulang niya. Ano ba sikreto ng pagpapalaki niyo sa kanya? Ituro niyo nga po sa akin.”

Ngumiti’t nagkatinginan ang mga magulang ni Elena.

“Hindi po namin alam. Basta lumaking may isip at mabait ang batang iyan.” Tugon ng ina ni Elena.

“Ay siya nga pala. Binanggit sa akin ni Elena kanina sa opisina nang ibinigay niya sa akin ang napulot niyang plastic bag na dadalhin niyo nga daw sa hospital itong bunso ninyo. Iniyakan din ako nitong bata at sinabing nawalan ng trabaho ang tatay niya. Kaya itong si Mr. Wong eh…ah sir, kayo na nga po magsabi.”

“Ako na po ang bahala sa bayad ng anak niyo dito sa hospital. At tanggapin niyo po itong kaunting cash na ito.” Ang dugtong ni Mr. Wong.

“Ay naku h’wag na po.” Wika ng ama ni Elena.

“Naku Mr. Reyes! Maliit na bagay po iyan. Hindi niyo lang alam kung gaano kalaki ang halaga ng isinauli sa akin ng anak niyo. Kaya tanggapin niyo ‘yan, kulang pa iyang kung tutuusin.”

Lumapit ang ama ni Elena kay Mr. Wong at kinamayan ito, “Ay siya maraming Salamat po.”

“At heto nga po pala ang calling card ko. Puntahan n’yo ako sa jewelry store ko bukas mismo dahil kaylangan ko ng driver. Kaya nga ako nag-dyip kaninang umaga dahil bigla na lamang nag-resign iyong driver ko. Hindi kasi ako marunong mag-drive.”

“Ho?” Ang halos hindi makapaniwalang wika ng ama ni Elena.

“Huwag mo na akong tanggihan Mr. Reyes. Kita mo nga muntik nang nadisgrasya ang negosyo ko. Kunwari pa na inilagay ko sa plastic bag iyong pera at alahas para hindi pagkamalan ng holdaper na may dala akong ganun pero iyong pinakamahalagang plastic bag na iyon pa ang nalaglag. Mabuti na lang anak ninyo nakasakay ko. Kung may driver lang sana ako kanina eh di attache case sana dinala ko.”

“Sigurado po ba kayo Mr. Wong?” Tanong ng ama ni Elena.

“Oo naman Mr. Reyes, kaylangan ko ng taong katulad ninyo. Kung ang bunga ninyong mga magulang eh katulad ni Elena eh nakakatiyak akong maganda ang punong pinanggalingan.”

Nang makaalis ang mga bisita nila’y mahigpit na niyakap ng kanyang ama’t ina si Elena.

– WAKAS –

Advertisement

Ang Tatay Kong Taxi Driver

driver

Kalahating oras na lang ay magsisimula na ang final examination namin pero hindi pa rin dumarating si tatay. Hindi pa bayad ang aking tuition fee kaya hindi ako bibigyan ng permit para kumuha ng exam. Bakit kasi nauso pa ang patakarang “No permit, no exam.” Kapag nagkataon ay bukod tanging ako lang nanaman ang hindi makakakuha ng test. Dalawa o tatlong beses na yatang nangyari sa aking iyon. Hirap na hirap pa naman akong  mag-review tapos ganito lang ang mangyayari.

Sinubukan kong tawagan si tatay “cannot be reached.” Ang dami ko ding texts na nasend sa kanya pero hindi siya sumasagot. Nakaka-stress. Sagad na sagad na aking inis sa tatay ko at sobra-sobra na akong kinakabahan.

Taxi driver lang ang tatay ko kaya minsan eh ginigipit kami sa gastusin sa bahay. Mabuti na nga lang at nag-iisa akong anak. Gusto kong magkaroon ng kapatid pero sa kalagayan namin sa buhay ay pihadong mahihirapan lalo ang aking mga magulang. Batid nila ito kaya’t sadyang hindi ako sinundan. Ang inaalala ko eh paano na kung college na ako, ngayon ngang high school pa lang ako eh hirap na ang tatay.

“Anak.”

Nakatalikod man ako’y natitiyak kong ang tatay ang tumawag sa akin. Sa wakas ay dumating na rin siya.

“Pasensya na anak, dumaan pa kasi ako sa presinto kaya medyo natagalan ako. Oh heto naang pambayad mo sa tuition.”

Halos pahablot kong kinuha ang pera. Kagyat akong umalis. Hindi na ako nakapag-paalam sa tatay. Sobra na akong nagmamadali. Ilang minuto na lang eh mahuhuli na ako sa exam.

Maswerte ako’t  walang pila sa cashier. Nakabayad ako kaagad at binigyan ako ng permit. Dalawang minuto na lang siguro ay mahuhuli na ako sa test. Mabuti na lang at umabot ako.

Naidaos ko ang first day ng final exam namin. Sobra akong na-stress. Mahirap ang exam at sobra akong ininis ni tatay sa paghihintay. Dalawang araw pa ang test namin at 5 subjects pa ang aking pag-aaralan kaya’t puspusan ang pagre-review ko pagkauwing-pagkauwi ko sa bahay.

Maya-maya’y may kumatok sa pintuan ng aking kwarto.

“O anak, dinalhan kita ng gatas. Inumin mo habang nagre-review ka.”

Kinuhako ang gatas na dinala ng aking tatay. Hinagkan ako nito sa noo.

“Pagbutihin mo anak ang pagre-review ha. Pagpasesyahan mo na ako kanina kung na-delay ako.”

Tumango na lamang ako. Medyo nagtatampo pa ako sa tatay. Muli kong naiisip ang kanyang pagiging taxi driver. Bakit kasi iyon lang ang hanapbuhay n’ya. Bakit kasi hindi s’ya nag-aral para sana naging abogado s’ya, doktor o kaya accountant. Ganun pa man ay sinikap n’yang sa isang private school ako makapag-aral. Pero dahil halos puro anak-mayaman ang mga kaklase ko ay lalo kong nakikita kung gaano kami kahirap.

Naiinggit ako sa mga kaklase ko, lalong-lalo na kay Trishia. Hatid-sundo ng driver nila. Minsan mismong daddy pa n’ya ang naghahatid sa kanya. Ang dami niyang bagong mga gadgets. May cellphone din naman ako pero halos limang taon ko nang ginagamit. Ang sasarap ng mga kinakain nila kapag breaktime at lunchtime. Ako ay laging biskwit ang meryenda at paulit-ulit na adobong manok o baboy, minsan pritong isda, ang pinababaon sa akin ni nanay para sa tanghalian. Mabuti na lang at paminsan-minsan ay nabibigyan ako ni Trishia ng masarap na ulam. Minsan nga ay isinasama pa n’ya akong mag-lunch sa Jollibee. Malapit lang iyon sa school pero sinusundo pa s’ya ng driver at may kasama pang yaya. Naisip ko tuloy minsan na sana magkapatid na lang kami ni Trishia.

Nagdaan ang halos dalawang oras.

“Anak, labas ka muna. Handa na ang hapunan. Kumain ka muna bago mo ipagpatuloy ang pagre-review mo.”

Ang nanay ko iyon. Lumabas ako ng kwarto at tinungo ang aming hapag-kainan.

Habang kami’y kumakain ay nakarinig kami ng katok sa aming pintuan. Binuksan iyon ng aking nanay.

“Dito po ba nakatira si Mr. Danilo Aguilar.” Ang narinig kong tanong mula sa labas.

“Dito nga po. Ano po ba ang maipanglilingkod namin sa inyo.”

“Maari po ba kaming tumuloy?”

Tumango ang nanay at nakita kong pumasok ang tatlong pulis, isang reporter at isang mamang mukhang mayaman. Lumapit sakanila ang tatay.

Kinabahan ako dahil tatlo-tatlo ang pulis na pumasok sa amin. Naisip kong meron sigurong ginawang problema ang tatay ko. H’wag naman sana. Sa hirap na ng buhay namin eh magkakakaso pa ang tatay. Kapag nakulong s’ya paano na kami ni nanay. Paano na ang aking pag-aaral sa kolehiyo.

Hindi ko madinig kung ano ang kanilang pinag-uusapan. Nakahinga ako ng maluwag dahil mukha namang walang problema. Maayos naman ang takbo ng usapan. Nakikita kong sila’y nag-ngingitian.

Maya-maya’y nilapitan ako ng reporter nilang kasama. May bit-bit itong cake. Hindi ko napansin ang cake na  iyon nang sila’y pumasok.

“Ikaw si Maxene ano? “

“A…ako nga po.”

O heto ang cake galing kay Mr. Reyes.”

“Salamat po. Bakit n’yo po alam ang pangalan ko? Siguro sinabi po ng nanay ko sa inyo.”

“Hindi. Nagtanong-tanong  ako tungkol sa inyong pamilya d’yan sa mga kapitbahay n’yo kanina at may nagbanggit na Maxene ang pangalan ng unica hija ng nanay at tatay mo. Ikinagagalak kong makilala ang anak ng isa sa mga pinakabuting taong nakilala ko.”

“Ano po? Hindi ko po maintindihan.”

“Maxene, kaninang umaga ay sakay ng tatay mo si Mr. Reyes, iyong mamang kasama namin. S’ya ay isang kilalang milyonaryo na ang negosyo eh alahas. Nasiraan kasi ng kotse kaya’t pinara ang taxi naminamaneho ng tatay mo. At sa pagmamadali ay naiwan niya ang isa sa mga bag na dala niya na may lamang pera  at mga mamahaling alahas na milyon ang halaga. Nakita iyon ng tatay mo at nagpunta siya sa isang presinto ng pulis kaninang umaga at iniwan doon ang bag. Nagkataong nandoon ako  kanina. At alam mo bang hindi natandaan ni Mr. Reyes ang plaka ng taxi ng tatay mo. Kung iyong bag eh itinago na lamang n’ya eh malamang na hindi na ito matutunton. Kahanga-hanga ang tatay mo.”

Hindi ako makapaninawala sa aking naririnig.

“At s’ya na sana ang maghahatid daw ng pera kay Mr. Reyes dahil may ID sa loob ng bag at kabisado daw ng tatay mo ang address na nakalagay doon. Pero sinabi niya sa mga pulis na sila na lamang daw ang mag-sauli ng bag kay Mr. Reyes. Nagmamadali daw kasi siyang puntahan ka sa school dahil kaylangan mo daw ng pera para sa tuition mo. Nagulat pa ang mga pulis nang buksan nila ang bag dahil sa dami nang laman nitong pera at mga alahas. Akala nila kung ano lang ang laman ng bag. Ni hindi nag-iwan ng pagkakakilanlan ang tatay mo.  Mabuti na lang naplakahan iyong taxi n’ya dahil may CCTV sa presinto. Kaya pinuntahan namin ang opisina nila at natunton namin itong tirahan ninyo.

Para akong nanliit sa mga sinabi ng reporter. Parang wika nila sa English ay “Too good to be true.”

Naisip ko ang inasal ko sa aking tatay. Iyon pala ang dahilan kung bakit hindi n’ya kaagad nadala ang pang-tuition ko. May kinaylangan lang siyang gawin. Hiyang-hiya ako sa aking sarili.

“At grabe ang tatay mo ha. Binibigyan na ng P200,000 bilang pasasalamat ni Mr.Reyes eh ayaw pang tanggapin. Kung ako iyon, naku!!! Mabilis pa sa alas-kwatro na susunggaban ko iyong pera, hehe.”

Nangiti lamang ako. Pero ganoon talaga si tatay. Gusto niyang pagpaguran ang ano mang meron s’ya.  Maging ang tulong na binibigay ng mga lola’t lolo ko sa mother side eh tinatanggihan. Katwriran n’ya mas kaylangan iyon ng mga matatanda.

“O kuhanan ko nga pala kayong mag-anak ng picture. Tara doon, tumabi ka sa kanila” Wika ng reporter.

Pina-unlakan naming mag-anak ang kahilingan ng reporter.

Nang naka-alis ang aming mga bisita ay hindi ko mapigilang yakapin ang aking tatay.

“Aba, ‘nay, tignan mo itong prinsesa natin, parang naglalambing yata.”

“Tatay sorry po ha.”

“O bakit ka nagso-sorry sa akin anak.” Ang tanong ng tatay.

“Basta po…sorry.”

“Okay, okay anak. I love you.”

“I love you too tatay…I love you nanay.”

“Teka, tapusin na natin ang pagkain. Magre-review pa si Maxene.” Wika ni tatay.

Kinabukasan sa school canteen, habang ako’y nagi-snacks ay bigla na lamang lumitaw sa TV ang picture naming mag-anak. Nabalita sa TV ang ginawa ng aking tatay. Ibinalita ang ginawa niyang pagbabalik ng pera at alahas kay Mr. Reyes. Nagulat ako ng banggitin sa balita na noong binata pa ang aking tatayay nag-sauli din ito ng perang naiwan sa kanyang taxi.

Nagpalakpakan ang mga kakilala ko sa canteen. Ang mga gurong kong nandoon ay naglapitan pa sa akin. Halos lahat ng tao doon ay tinitignan at nginingitian ako. Nagpahayag sila ng paghanga sa aking tatay. May mga estudyanteng lumapit sa akin at ako’y kinamayan. Ang iba ay yumapos pa sa akin. Hindi ko mapigilan ang pag-luha.

Masayang-masaya ako ng araw na iyon.

Bago ako umuwi ay dumaan ako sa library. Nakita ko sa dyaryo ang larawan ng tatay ni Trishia. Nabalita na napatunayang isang courier ng drugs ang kanyang daddy. Naaresto ito at kasalukuyan na itong nakakulong.

Naawa ako kay Trishia. Kaya pala hindi s’ya pumasok ng araw na iyon. May problema pala sila sa pamilya.

Hindi n’ya siguro akalain na ganun pala ang pinagkakakitaan ng kanyang ama. Ako man ay nagulat din.

Nang makauwi ako sa bahay ay ibinalita sa akin ni nanay na bumalik si Mr. Reyes. Papag-aralin daw ako saan mang kolehiyo ko gustong mag-aral. Binigyan din si tatay ng sarili nitong taxi. Pumayag  daw ang tatay basta’t kaylangang hulugan niya ito paunti-unti ito kay Mr. Reyes. Kakamot-kamot daw sa ulo na pumayag si Mr.Reyes.

Nang makapasok ako sa aking kwarto ay napaluhod ako. Taimtim akong nanalangin. Nagpasalamat ako sa Panginoong Diyos na binigyan ako ng ama na katulad ng tatay kong taxi driver.

%d bloggers like this: