HANGIN

Ang pagyakap sa isang ideolohiyang politikal o ang simpleng pagpapahayag ng paniniwala o adhikain na kaugnay sa politika ay maihahalintulad sa pagtatanim ng hangin. Hindi ka nakakatiyak kung ano ang iyong aanihin – hanging amihan ba o habagat. May salawikain nga tayo na ganito ang sinasabi – “Kapag nagtanim ka ng hangin, bagyo ang iyong aanihin.”

Kung ang makakarinig o makakabasa ng mga ipinahayag mo ay kahalintulad mo ng paniniwala, amihan ang hanging iyong aanihin. Ang pagsangayon ng mga kakampi mo ay parang hanging amihan na dadampi sa iyong mga pisngi. Maginhawa iyon sa pakiramdam. Ang papuring ibibigay nila ay parang malamyos na hangin. Presko.

Subalit kung ang makakasumpong ng mga ipinahayag mo ay kasalungat mo ang paniniwala’t paninindigan, hanging habagat ang iyong aanihin. Humanda ka sa paghihip nito. Dala ng hanging habagat ay ulan. Pihadong uulanin ka ng batikos. Hindi masarap ang dampi ng hanging habagat. Minsan may kasama pa itong kidlat, mga bayolenteng reaksyon laban sa adhikain mong politikal o sa mga pahayag mong malinaw na nagsasaad ng iyong paninidigan sa politika at kung sinong politiko ang iyong sinusuportahan.

Para sa mga hindi mo kaalyado at kakampi sa politika, ano man ang sabihin mo, tama o mali, eh para itong hanging ibinuga mo sa iyong likuran. Tama ka, ang tawag sa hanging iyon ay utot. Masangsang ito’t mabantot para sa kanila. Pero siyempre kung ang makakaamoy nito ay kabilang sa kampong pinili mong samahan ay sasabihin nilang ito’y amoy rosas at sampagita.

Ang paniniwalang politikal ay para kasing hininga, nakakasulasok at makabaligtad-sikmura ang amoy nito kung manggagaling sa bibig ng mga hindi mo kakulay. Wala naman itong kasingbango kung ito’y mamumutawi sa labi ng mga kaalyado mo.

Kung lilimiin natin ng mabuti, ang eleksyon sa Pilipinas ay parang ipo-ipo. Kapag ito’y dumaan, nagugulo ang mundo ng mga Pilipino. Dulot nito’y pagkawasak… pagkawasak ng kanilang pangangatwiran. Nakakadismaya na sa panahon ng eleksyon animo’y nagsasara ang isip ng karamihan sa atin. Aminin man natin o hindi eh watak-watak tayo…galit-galit…. kanya-kanya. Napakahirap ipaliwanag kung bakit sa panahon ng eleksyon ang tanging tama ay kung ano ang isinusulong ng panig na  kinabibilangan natin… na ang tanging karapat-dapat na manalo ay ang kandidatong sinusuportahan natin… na ang kandidatong sinusuportahan natin ay siya lang ang mabuti…malinis… marangal… walang bahid dungis… na ang ibang kandidato at ang mga sumusuporta sa kanila ay mga bobo, sira-ulo, at kampon ng kadiliman.    

Parang ipo-ipo rin ang mga pulitiko sa Pilipinas. Ang bilis nilang umikot kapag may eleksyon. Bawat sulok na may botante napapasok. Ang bilis nilang magpaikot ng pera… para sa materyales na gagamitin nila upang isulong ang kanliang kandidatura… iyong iba sa kanila ay magapapaikot ng pera para  bumili ng boto.

Animo’y ipo-ipo nga ang mga pulitiko. Ang galing at ang tindi nilang mag-paikot – ng tao. Paiikutin ka nila’t paniniwalain hanggang ika’y mahilo at mahibang. Kung hindi matibay ang pundasyon ng pag-iisip mo ay mahihipnotismo ka. Iyan ang nangyari sa maraming Pilipino. Nahilo’t nahibang. Sa sobrang hilo at hibang nga ng iba ay tila sila’y nagiging panatiko. Makikipagbangayan sila’t  makikipagaway, minsan makikipagpatayan upang ipagtanggol ang politikong animo’y Diyos na kung kanilang ituring. Sa sobrang hilo ng ilan sa mga kababayan natin ay kakagalitin kahit mga mahal sa buhay, ipagtatabuyan ang mga kaybigan, at hihiwalayan ultimo ang kasintahan upang ipagtanggol ang parang sa tingin nila ay mga santo o santa na politikong kanilang sinusuportahan. Sa sobrang hilo nila eh tapos na ang eleksyon eh hindi pa rin humihintong ipaglaban ang kanilang sinasambang politiko.

Ang eleksyon ay parang hanging dadaanan tayo. Kapag lumampas na, panalo o talo, eh huwag na nating habulin.  Mahirap habulin ang hangin. Hindi mo ito maaabutan. Hindi mo kaya (at hindi) puwedeng baguhin ang resulta.

Habang nilalakbay mo ang  dagat ng buhay at ang hangin ng politika ay hindi sumangayon sa direksyong gusto mong lakbayin ay dalawa lamang ang puwede mong pagpiliang gawin. Una, bumalik ka sa pampang at hintayin mong humihip ang hangin sangayon sa iyong kagustuhan.  At ang pangalawa, ayusin mo ang timon mo’t layag at ipagpatuloy mo ang paglalakbay. Hindi mo kaylangang bumalik sa pampang. Porke ba natalo ang kandidato mo eh magmukmok ka sa isang sulok at iiyak na parang batang inagawan ng kendi? Wika nga nila sa English, “You cannot change the wind, but you can adjust your sail.”  Patuloy ka lang maglakbay. May buhay kang dapat ayusin na huwag mong isama  sa inog ng ipo-ipo ng politika. Umiwas ka sa ipo-pong nililikha ng mga pulitiko. Hindi katapusan ng mundo dahil lang natalo ang kandidatong iniidolo mo.  Patuloy na iikot ang mundo, panalo man o talo ang sinuportahan mong kandidato. At kung nanalo naman ang kandidato mo eh ano? Ang pagkapanalo niya ay parang hangin ding lalampas. Matapos ang selebrasyon at pangangantyaw sa talunan eh ano na ang susunod mong gagawin? Huwag ka masyado magpakalunod sa tagumpay na natamo ng kandidato mo. Dahil nga ang eleksyon ay parang hangin. Lalampasan ka lang niyan. Babalik at babalik ka sa realidad ng buhay – na ang tagumpay mo at kaligayahan ay hindi nakasasalay sa nanalong kandidato. Nakasalalay iyan sa sarili mong pagsisikap.    

Lagi nating tandaan na ang politika ay parang hangin. Papalit-palit ito ng direksyon. Minsan ang kampo mo panalo, minsan talo. Ganoon talaga. Wika nga nila, sa mundo ng politika ay weder-weder lang.

Advertisement

About M.A.D. LIGAYA

Teacher-Writer-Lifelong Learner I have three passions - teaching, writing, and learning. I am a Filipino currently residing and teaching in South Korea. I blog and vlog the things I write. I have two websites and two YouTube channels where I publish my works in my areas of interest. I also use Wattpad and Pinterest to publish my creative works. I am into research as well. Some of my articles were presented at conferences and published in indexed-journals. TO GOD BE THE GLORY!

Posted on May 23, 2022, in Philippine Politics, Politics and tagged , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: