Paano Nga Ba Dapat Sukatin Ang Tagumpay?
Paano nga ba?
Tignan muna natin ang kahulugan ng salitang tagumpay.
Ang tagumpay daw ay katuparan o kaganapan ng anumang plano o balak. Simple! Hindi ba? Kapag may binalak kang gawin at nangyari eh nakamit mo ang tagumpay. Pero ang tatanungin ng karamihan eh sa ginusto mong gawin na natupad mo naman eh ano ang napala mo? Yumaman ka ba? Sumikat ka ba?
Heto pa ang isang kahulugan ng tagumpay – “Ang pagkakamit ng yaman, katanyagan, at kapangyarihan.” Ang kahulugang ito ang ginagamit nating sukatan ng tagumpay. Tama ba?
Kung may pangarap kang natupad o bagay na nagawa sasabihing nagtagumpay ka kung dahil sa mga iyon ay nagkaroon ka ng maraming pera, nakilala ka, o kaya’y naging makapangyarihan ka.
Kaya tuwing ang pinaguusapan ay kung sino ang mga taong maituturing nating nagtagumpay ay kagyat nating naiisip ang mga bilyonaryong nasa listahan ng Forbes’ top billionaires katulad nina Jeff Bezos, Warren Buffet, Bill Gates, Mark Zuckeberg at ang mga mayayamang Pilipino katulad ng mga Zobel, Ayala, Gokongwei at Sy. At ang susunod sa listahan ay ang mga sikat na artista, atleta, at mga makakapangyarihang pulitiko.
At sa ating mga kaybigan at mga kaklase ang mga itinuturing nating nagtagumpay eh iyong may mataas na pinagaralan at mga yumaman. Kaya nga kapag may class reunion eh hangang-hanga tayo sa kanila.
Pero iyong mga taong itunuturing nating matagumpay – iyong mga bilyonaryo’t milyonaryo, mga artista, mga pulitiko, at mga kaybigan natin at mga kaklase na mga titulado, maganda ang puwesto o trabaho at maraming pera – masaya ba sila?
Ang limpak-limpak ba nilang yaman, ang kanilang kasikatan, ang kanilang kapangyarihan, at ang mga diploma, rango, at kanilang puwesto eh nakapagbigay ba sa kanila ng saya? Sila lamang, o ang mga taong malalapit sa kanila, ang pwedeng makasagot niyan.
Hindi natin alam kung totoo nga na ang mga mayayaman – dahil sa kagustuhan nilang mas dumami pa ang kanilang pera; ang mga kilalang artista – dahil sa kagustuhan nilang huwag mawala ang ningning ng kanilang kasikatan; at ang mga pulitiko – dahil ayaw nilang maagaw ang kanilang pwesto, eh sila’y hindi namumuhay ng normal. Hirap silang matulog sa gabi. Hindi daw sila masaya – marami daw silang mga agam-agam. Sana naman eh hindi totoo.
Ganoon pa man eh marami silang pera.
Pero, kaya bang bilhin ng pera ang kaligayahan ng tao? Maraming beses nang naitanong iyan. Muli kong itinanong hindi upang hanapin ang kasagutan kundi gusto kong pagbulay-bulayan lamang natin.
Kumustahin naman natin ang kanilang kalusugan. Kapag sinabi nating kalusugan eh hindi lamang katawan ang tinitignan. Meron tayong tinatawag sa English na physical, mental, at emotional health. Iyan ang pangkalahatang kalusugan.
Ang tanong – Ano kaya ang kalagayan ng kalusugan ng mga kilala nating mayayaman, sikat, at mga makapangyarihan? Wala ba silang malubhang sakit? Tahimik ba ang kanilang kalooban at pagiisip? Sila din lang, at ang mga taong malalapit sa kanila, ang nakakaalam kung ano ang totoo hinggil sa kanilang pangkalusugan.
Bakit sa pagtalakay ko ng tagumpay ay isiningit ko ang kaligayahan at kalusugan?
Simple lang. Ano ang halaga ng kayamanan, kasikatan, at kapangyarihan ng isang tao kung hindi naman siya masaya, meron siyang malubhang karamdaman, at hindi panatag ang kanyang isip at kalooban? Paano nating masasabing nagtagumpay ang tao kung dumami nga ang pera niya at naging kilala kung nakaratay naman siya sa banig ng karamadaman at miserable ang kanyang buhay?
Materyalistik kasi ang pananaw ng tao sa tagumpay. Sinusukat natin ang tagumpay sa dami ng pera, sa laki ng bahay, sa pagmamay-aring sasakyan, sa alahas, sa pinag-aralan, sa rango o puwesto, sa kasikatan… sa mga bagay na materyal at panandalian.
Paano na kung wala ka lahat niyon?
Eh paano naman ang mga simpleng tao na hindi nakapag-aral, walang naipong pera sa bangko, walang kotse at naninirahan sa isang simpleng bahay o kaya’y nangungupahan lang. Pero masaya sila, walang sakit, at ginagampanan ang ano mang simpleng tungkuling dapat nilang gampanan sa lipunan. Paano ang mga magsasaka at mga mangingisda na nagsisikap itaguyod ang kanilang pamilya at nagawa naman nila? Paano ang mga magulang na nagbanat ng buto at nakamit ang simpleng pangarap na mapagtapos sa pag-aaral ang kanilang mga anak? Hindi ba natin pwedeng sabihin na nakamit nila ang tagumpay?
Paano kung simpleng buhay lang ang hangad ng isang tao at ang tanging gusto niya eh mamuhay ng tahimik at matiwasay kasama ang kanyang mga mahal sa buhay, ang maging masaya at magkaraoon ng magandang kalusugan? Sabihin na nating natupad naman niya ang mga simple pangarap na iyon. Hindi ba ito maituturing na pagtatagumpay?
Walang masama kung maghangad ang taong yumaman at sumikat. Walang masama kung magsisikap ang tao, mag-aral at mag-ambisyon… magkaroon ng pangalan. Basta’t sa bandang dulo, sa dapit-hapon ng isang araw o ng buhay, eh walang kang pagsisihan.
Sa bandang huli eh kanya-kanya ng panuntunan sa buhay ang tao. Bawat isa sa atin eh may sariling sukatan ng tagumpay. Ang sa akin lang eh mas masarap namnamin ang tagumpay na nakangiti ka’t walang pinagsisihan, malusog ang pangangatawan, at tahimik ang kalooban at isipan.
At maniwala ka man sa akin o hindi, matatangap mo ang tunay na tagumpay kung matibay ang paniniwala mo sa iyong sarili at nananalig ka sa Dakilang Maykapal.
Posted on December 14, 2018, in Happiness, Health, Mindset, Success, Tagumpay and tagged Happiness, Health, Mindset, Success, Tagumpay. Bookmark the permalink. 4 Comments.
Hi Teacher! There are many interesting things!!! Your blog is really cool!!
-HANSEO U student-
LikeLiked by 1 person
Thanks Wonny! I write in both English and Filipino. I hope someday I could also write in Korean. That’s my dream.
LikeLike
Very much agree ako sa mga sinabi mo Kuya. Hindi lahat ng may pera ay masaya at di lahat ng sikat e nais mapansin… Happiness starts with yourself and how you view yourself, not how others view you. Maligayang Pasko 🙂
LikeLiked by 1 person
Iyon ang dapat nating marealize. Kaylangang gamitin natin ang tamang panukat sa tagumpay. Sa bandang huli talaga dalawang bagay ang napakahalaga sa atin… mas mahalaga kaysa pera at kasikatang – happiness and good health. Merry CHRISTmas.
LikeLike