Category Archives: Nationalism
Malaya Ka Ba Juan?
Kumusta Juan? Usap nga tayo sandali. May itatanong lang ako. Nakita mo naman siguro ang pamagat ng akda kong ito na nakasulat sa itaas. Iyan ang gusto kong itanong sa iyo. Totoo bang malaya ka na? Wala na nga bang sa iyo’y umaalipin? Wala na nga bang sa iyo’y pumipigil upang makamit mo ang mga pangarap mo sa buhay? Wala na nga bang sagabal upang marating ng bayan mo ang kaunlaran?
Syempre ang una mong reaksyon eh, “Ano bang tanong ‘yan?” Napaka-absurd! Obvious naman na malaya ka na dahil wala na ang mga Kastilang umalisputa’t sa iyo’y umalipin. Maging ang mga Amerikanong pumalit sa kanila ay matagal nang wala, pati nga base-militar nila’y pinalayas na natin ‘di ba? Napakatagal na rin namang tapos ang World War II at ang mga Hapon na nandito’y hindi mga sundalo kundi mga turista at mga asawa ng mga dating OFW sa Japan.
So, wala nang sagabal sa pag-unlad mo dapat ‘di ba? Kaya sasabihin mo bang malaya ka na? Wala na rin naman sa Malacanang ang mapaniil na diktaduryang Marcos. Kahit na nga ba alive and kicking pa ang aleng Imelda pero harmless na s’ya. Pero teka, ‘di ba Marcos din ang nakaupo ngayon, at may kapatid pa siya sa Senado na posibleng mamuno doon. Hala, pinsang buo pa pala niya ang nagpapatakbo ng Kongreso ngayon. Pero hindi sila ang kaaway at hadlang sa pag-unlad mo.
Kung gayon, kung hindi sila, eh sino kalaban at sagabal sa pag-angat mo sa buhay? Iyon bang nasa kabilang kampo… ang mga Duterte? Ay naku hindi rin. Mali ka t’song.
Hindi ang mga Marcos o Duterte at kung sino mang kumakampi sa kanila ang batong suong mo sa balikat kaya sa buhay ay hindi ka makausad. Hindi sila ang mga tanikalang nakakabit sa iyong mga paa kaya hindi ka makahakbang patungo sa mga pangarap mo… kung may pangarap ka nga.
Eh kung hindi sila, sino ang kaaway na hanggang ngayon ay umaalipin sa iyo kaya hindi mo masasabi na malaya ka.
Eh sino?
Nasaan siya?
Nakatira s’ya sa bahay n’yo. Isinusuot nga n’ya ang mga damit mo, medyas , at sapatos. Pati underwear mo! Pati nga pala toothbrush mo. Kumakain nga s’ya sa pinggang kinakainan mo.
Ano ulit kamo? Sino? Tatay mo? Nanay mo? Hindi kaya isa sa mga kapatid mo? Kuya mo? Engot! Ikaw iyon. Ang matinding kaaway mo ay ang sarili mo. Manalamin ka nang makita mo ang itsura ng totoo mong kaaway. Sige na humarap ka sa salamin.
Ayaw mo? Nahihiya ka! Ayaw mong aminin na ikaw mismo ang dahilan kung bakit hanggang d’yan lang ang narating mo. Ayaw mong aminin na ikaw ang pinakamatinding sagabal sa ‘di mo pagunlad at ng bansa mo?
O h’wag kang magalit sa akin. Totoo naman ah. Ano iyon? Hindi ka nagsisikap dahil kahit anong gawin mo ay hanggang d’yan ka na lang kasi hindi ka ipinanganak na mayaman? Na ang mga magulang mo kasi ay isang kahig isang tuka lamang. Tapos ano pa idudugtong mo? Na nasa guhit ng palad mo na maging mahirap. Na baka sirain lang ng bagyo o lindol ang ano mang bagay na ipupundar mo. Don’t give me that crap Juan! Ang sabihin mo hindi ka nagsisikap dahil tamad ka. JUAN TAMAD!
Tamad ka! Batugan! Iniaasa mo ang lahat sa iba. Aba’y hanggang ngayon eh nasa poder ka pa yata ng mga magulang mo. Baka ultimo pambili mo ng sigarilyo eh hinihingi mo pa sa nanay mo. Bakit ayaw mong maghanap ng trabaho.
Adik ka ba Juan… sa droga o ayuda?
Alipin ka ng katamaran mo Juan. Kaya h’wag mong sabihing malaya ka. At ‘di bale nga sana kung sarili mo lang pinuperwisyo mo. Kaso mo hindi eh. Pati ang bayan eh apektado. Ikaw ang sagabal kung bakit ang bansa mo’y gumagapang pa rin hanggang ngayon sa balag ng alanganin. Bakit? Oh come on Juan. Alam mo ang dahilan, h’wag ka nang magmaang-maangan pa. Batid mong isa kang modernong Hudas na nagkakanulo sa sarili mong bayan para sa halagang P500 o P1,000 (o magkaano man ang iyong tinanggap noong Mayo 12).Tuwang-tuwa ka sa ibinayad sa boto mo, pambili ng yosi at pangtoma. Pero ano ang kapalit? Hayun, maraming mga buwaya at linta ang nakaupo pa rin sa pamahalaan. Malabo pa sa burak ang asensong pinapangarap.
At pagkatapos ng eleksyon ano ang ginawa mo? Sa halip na kumilos ka para maabot mo ang iyong pangrap eh ano ang pinili mong pagkaabalahan? Ang pagkampi kay Marcos o kay Duterte? O baka sa ikatlong puwersang nanahimik pero nagsisimula na namang mag-ingay.
Anak ng tokwa, wala kang mapapala diyan. Bago ka kumabit kanino mang panig, unahin mo ang paghahanap ng pagkaing isasalpak mo diyan sa iyong bibig. Kaylangan ng katawan mo ng damit. Kaylangan mo ng bahay na masisilungan sa panahon ng tag-araw o tag-init. Mga iyan ang unahin mo. Tiyakin mo ring may pambili ka ng gamot kapag ikaw eh nagkasakit.
Sa halip na pagpapaunlad ng sarili mo at kabuhayan ang iyong atupagin eh pakikipagbangyan sa mga hindi mo kapanalig sa pulitika ang ginagawa mo. Makakadagdag ba iyan kahit singkong duling sa pitaka mong naghihingalo. Panay ang pagpopost mo ng mga opinyon laban sa kabila. Eh ano ba alam mo? Sigurado ka ba sa mga sinasabi mo? Nag-aral ka ba ng abugasya para magpahayag ka ng opinyon na may kaugnayan sa batas? Ano ba basehan mo sa iyong mga sinasabi? Mga sabi-sabi? Nag-research ka ba? At kung abugado ka man eh wala bang halong pulitika ang interpretasyon mo sa mga nangyayari? Hindi ba ikaw iyong tipo ng abugado na babaluktutin ang isyu pabor sa pinili mong panig… o sa panig na binayaran ka upang sayawin ang tugtog na gusto nila.
Hayaan nating Korte Suprema ang magpasya kung aling panig ang tama at legal ang ginagawa. Sila lang ang puwedeng gumawa niyan, hindi ang grupo mong kinabibilangan. Hayaan mong kasaysayan ang humusga sa mga politiko na sa tingin mo eh taliwas sa tamang katwiran ang mga desisyon. Hayaan mong ang mga abugado ng magkabilang panig ang magpingkian ng talino. Tumahimik ka dahil wala namang bilang ang opinyon mo.
Palayain mo ang iyong sarili sa walang kabuluhang pakikipagkagalit sa mga hindi mo kapanalig. Ako eh maka-Duterte, hindi ko itanago iyan mula noon. Oh kung ikaw eh galit sa mga Duterte eh dapat ba tayong mag-away. Hindi ba puwedeng irespeto mo ang paniniwala ko. Ano man ang dahilan ng panggagalaiti mo sa kanilang angkan eh igagalang ko yan. Bahala kang ma-stress sa galit mo sa kanila.
Ang problema kung makapanglait ka sa mga hindi mo kakampi eh akala mo perpekto kang tao. Kung makabatikos ka ng mga pulitikong kinasusuklaman mo parang wala kang bahid dungis. Kung makapangmenos ka ng mga taong hindi sumasangayon sa iyo eh akala mo ubong ka ng galing at talino. Brad, manalamin ka paminsan-minsan.
Palayain mo ang sarili mo sa pakikisawsaw sa away ng mga pulitiko? Inaalipin ka ng maling paniniwala na sa pagsali mo sa mga usaping ganyan eh makakatulong ka na magkaroon ng pagbabago sa atin lipunan. Diyos ko po! Gumising ka. Makakagulo ka lang. Hindi mo kayang baguhin ang mga politiko natin. Ang puwede mo lang gawin eh tiyakin na iyong mga karapat-dapat sa kanila ang iyong iboboto at… huwag kang magpapabayad. Iyong lang brad ang puwede mong gawin. Pero ginagawa mo ba? Hindi, di ba? Dahil nakakasilaw ang P500 o P1,000. Lalo na kung mahigit pa. Alipin ka ng kasakiman sa kaunting pera na iniaabot sa iyo tuwing eleksyon.
Sa halip na makisawsaw ka sa mga usaping pulitika eh unahin mo ang iyong kapakanan at ng iyong pamilya. Wala naman pakiaalam sa iyo ang mga pulitikong iyan. Ni hindi ka nga nila kilala. Asikasuhin mo na lang ang pagbabuti ng iyong kalusugan – katawan at isip. Iwanan mo ang politika, masyadong toxic iyan. Walang idudulot yan sa iyo kundi inis at away.
Pansinin mo Juan, kunwari lamang na umalis ang mga Kastila noon. Nandito pa rin sila’t alipin pa rin ang tingin sa iyo. Sila ang mga namimili ng boto mo upang paulit-ulit silang maupo sa pwesto at patuloy na salantain ang bayan mo.
Juan! Brad! H’wag kang magalit sa akin. Sinasabi ko ito dahil gusto kong magkasama tayong tahakin ang landas ng pagbabago. Ako man kasi’y kaylangan ding lumaya mula sa mga bagay na nakakasagabal sa pag-asenso ko. Ikaw, ako…TAYO, ang pag-asa ng bayan natin.
H’wag nating sayangin ang sakripisyong ginawa nina kuya Jose, Andres, Emilio, Marcelo, Gregorio at iba pang mga kuya natin. Hindi ko naman sinasabi na magpunta tayo sa Monumento at hiramin natin ang itak ni kuya Andres at pagtatagain ang mga natitirang Kastila na nagkukuwaring mga Pilipino. Ayaw kong maging mainitin ang ulo mo katulad ni Antonio, oo… iyong kapatid ni Juan, at pagbabarilin ang politikong sa tingin mo eh dapat nang sunugin sa dagat-dagatang apoy.
Juan, may isang linya sa isang kanta ni Michael Jackson na gusto kong ipaunawa sa iyo at gusto ko rin mas maunawaan pa… “If you want to make this world a better place, take a look at yourself and make a change.”
Kapag nagawa natin yan saka natin masasabi na malaya na tayo.

