Category Archives: Filipino Traits
“Only In The Philippines” Nga Lang Ba?
Ang “Only In The Philippines” ay isang expression na maaring mangahulugan ng dalawang bagay.
Ang una ay maganda. Ginagamit ito upang tukuyin ang mga bagay na tanging sa Pilipinas lamang matatagpuan o mga katangian o kaugalian na tanging ang Pilipino lamang ang may angkin. Maaring sabihin ang expression na iyan kapalit ng “uniquely Filipino.”
Ang pangalawa ay hindi kaiga-igaya. “Only In The Philippine” ang madalas natin sabihin kapag may isang bagay na negatibo tayong nakikita sa paligid o may nangyayari sa ating isang hindi magandang karanasan. Kapag buhol-buhol ang traffic… kapag may insidente ng “road rage”… kapag nasisingitan tayo sa pila… kapag may mga taong gobyerno na humihingi ng lagay… kapag may pulitikong nangunglimbat… kapag may insidente ng pagnanakaw at patayan… at kung ano-ano pa. Sasabihin nating kagyat – “Only in the Philippines.”
Bakit? Bakit lagi nating ibubulas ang “Only in the Philippines” kung may mga ganyang pangyayari? Totoo ba na sa Pilipinas lang nangyayari ang mga ganyang bagay? Bakit parang bale-wala lang na ikinakabit natin ang pangalang ng ating bansa sa mga negatibong bagay. Bakit tayo mismong mga isinilang sa bayang ito ang nagbibigay dungis sa pangalan ng bansa natin… ang nagpapaba sa uri ng ating pagka-Pilipino?
Ang “overloading” ng mga pampasaherong sasakyan (katulad ng makikita sa larawan), sa Pilipinas lang ba nangyayari. Mali ka kung “yes” ang sagot mo.
Totoong matindi ang traffic sa Metro Manila. Pero para sabihing “Only in the Philippines” ay masyadong “exaggerated.” Kahit saang parte ng mundo… sa mga siyudad na malalaki… ay may traffic. Ang “road rage” ay isang “worldwide phenomenon.” May mga driver na masyadong mainitin ang ulo kahit saang parte ng mundo. Ang singitan sa pila ay hindi rin “endemic” sa Pilipinas. Sa ibang bansa man ay may mga makakapal din ang mukha na kahit may pila ay pilit silang sisingit. Kaya’t pakiusap… tigilan na natin ang pagsasabi ng “Only in the Philippines.”
Tandaan nating ang lagayan at kotongan ay hindi lamang sa Pilipinas nangyayari. Hindi lamang sa Pilipinas na may mga pulitikong pulpol at ganid na nagnanakaw sa kaban ng bayan. Katulad lang din dito sa atin na ang iba’y nahuhuli, at ang iba naman nakakalusot. Maging sa ibang bansa man ay may mga buwaya sa gobyerno… may mga pulis rin na halang ang kaluluwa – mga bantay-salakay.
Ang bilihan ng boto ay uso din sa ibang bansa. It’s not only in the Philippines! At hindi lang mga Pinoy ang hindi marunong bumoto ng tamang kandidato. Aakalain mo bang si Donald Trump ay nanalo bilang presidente ng America. At heto pa… may pag-asang muli siyang manirahan sa White House. Pero hindi nila sinasabi ang “Only in America.”
Isang malaking kabobohan kung iisipin nating walang nakawan at patayan sa ibang bansa. “It’s not only in the Philippines” na may mga ganyang nangyayari. Hindi lamang sa ilang parte ng Mindanao na may mga “terrorists” at “extremists.” Kung tutuusin ay ang mga bansa na ang “extremism” at “terrorism” ay higit pa sa doble na mas malala kung ikukumpara sa atin.
Ang kahirapan ay isang bagay na hindi lamang sa Pilipinas nakikita. Sa totoo lang ay mga bansang mas labis ang paghihikahos na nararanasan ng kanilang mga mamayan. Hindi lang sa Pilipinas na may mga taong kumakain ng “pagpag.” Kahit sa mga mayayamang bansa ay may mga “scavengers” na para mabuhay ay namumulot ng kung ano ang puwede nilang mapapakinabangan sa mga basurahan… kasama na ang pagkain. Kung tutuusin nga maswerte pa ang may napupulot o nahihinging “leftover foods.” Sa ibang bansa ay mga taong sa sobrang kahirapan ay wala talagang makain.
Minsan may kaybigan akong sinabi ang “Only in the Philippines” ng madaan kami sa isang “squatters’ area.” Sa totoo lang ay mas maswerte pa nga ang mga “slumdwellers” dito sa Pilipinas dahil may mga bahay silang tinitirahan. May mga bansa, kahit pa gaano kayaman, na may mga taong natutulog sa sidewalk o ilalim ng mga tulay gamit ay karton lang bilang banig.
Naala-ala ko tuloy ang enkwentro namin ng isang kasamahan kong guro na Canadian na nagtuturo rin sa South Korea. Hindi ko pinalampas ang ginawa niyang pambabatikos sa mga Pinoy na nakilala niya sa Canada. Muntik nang nauwi sa pisikalan ang diskusyon naming iyon. Bitbit ko ang bandilang Pinoy at hindi ko hahayaang yurakan ng isang dayuhan ang pagkatao ng mga kababayan ko. Hindi perpekto ang lahi nating kayumanggi. Marami tayong mga kapintasan. Ang tanong – may lahi ba na makakapagsabi na sila ay perpekto’t walang kapintasan?
At minsan ay may nabasa akong isang blog tungkol sa “crab mentality among Filipinos” na sinulat ng isang Italyano. Nagkomento ako sa blog na iyon at nilinaw ko na ang “crab mentality” ay laganap hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa kanyang bansa at sa ibang bahagi pa ng mundo. May mga taong “utak talangka” kahit saan mang bahagi ng mundo.
Kaya mali na sabihin ang expression na “Only in the Philippines” kapag may mga negatibong bagay tayong nakikita o may hindi kanais-nais na experience tayong nararanasan. Ang mga negatibong bagay at karanasan ay makikita mo’t mararanasan kahit saang bahagi ng mundo. Baka nga mas malala pa ang mga ito sa ibang bansa kung ikukumpara sa Pilipinas.
At kapag nale-late ang isang kausap natin o may programang hindi nasisimulan sa oras bakit natin ginagamit ang expression na “Filipino Time.” Ang punctuality ay isang personal virtue at mali na sabihing lahat ng Pilipino ay wala nito. Ang pag-gamit ng expression na “Filipino Time” ay pagsasabi na lahat ng Pilipino ay laging late sa usapan at hindi sinisimulan ang dapat gawin sa takdang oras ay maituturing ng “hasty generalization.” Iyan ay isang “fallacy.” FYI, hindi lamang mga Pinoy ang nale-late sa mga appointment paminsan-minsan. It’s not only in the Philippines na may mga nale-late sa usapan. It’s not only in the Philppines na paminsan-minsan ay hindi nasisimulang ang mga programa sa takdang oras.
Sana lang eh matutuhan nating gamitin nang tama ang expression na “Only In The Philippines.” Gamitin sana natin ito upang ipagmalaki ang ating pagka-Pilipino at hindi upang ito’y yurakan. Hindi ko sinasabi na perpekto tayo bilang isang lahi. Pero teka, meron bang lahi ang makakapagsabing sila’y walang bahid-dungis? Bawat lahi, saan mang panig ng mundo, eh mayroong taglay na magaganda at pangit na mga katangian.

