Ang Hamon Ng Salamin

(A Personal Essay in Filipino)

Habang ang bayan natin ay nilulunod ng tubig-bahang tila ayaw nang humupa at ng walang katapusang bangayan sa pulitika, sisinghap-singhap akong humarap sa salamin at napatanong:

“Kailan kaya magbabago ang bansang ito?”

Habang tinititigan ko ang aking sarili sa salamin at pinagninilayan ang katanungang iyon, bigla kong naalala ang isang bahagi ng kanta ni Michael Jackson na Man in the Mirror.

At muli kong binalikan ang katanungang iyon.

May magbabago pa nga ba? May pagbabago bang ihahatid ang halalan sa 2028?

Pumikit ako.

At muli na namang umalingawngaw sa aking isip ang bahaging iyon ng kanta ni Michael Jackson.

At kapagdaka’y napagtanto kong mali ang tanong ko.

Ang pagbabagong kailangan ng ating bansa ay hindi magsisimula sa halalan sa 2028.

Magsisimula ito sa akin—hindi sa balota, hindi sa 2028, kundi ngayon.

Napakadaling tumingin sa mga pulitiko, sa mga institusyon, at sa sistema at sabihin kung ano ang mali sa kanila. Ngunit may isang simpleng katotohanan akong napagtanto. Sabihin ko man kung ano ang mali sa kanila, ipagsigawan ko man ito sa kanilang mukha hanggang malagot ang lahat ng litid ko sa leeg, wala pa ring katiyakang magbabago sila.

Hindi ko kayang baguhin nang mag-isa ang Pilipinas. Hindi ko kayang baguhin nang mag-isa ang sistema. At lalong hindi ko kayang pilitin ang aking kapwa Pilipino na magbago.

Pero kaya kong baguhin ang sarili ko.

Hindi nito inaalis ang pananagutan ng mga politikong nangungulimbat sa kaban ng bayan. Hindi rin ibig sabihin nito na dapat akong tumigil sa paghingi ng katapatan, kakayahan, at pananagutan mula sa mga namumuno.

Managot ang dapat managot.

Pero may pananagutan din ako, eh. Dapat din akong managot. Hindi ako puwedeng magmalinis.

Bakit?

Ibinoto ko sila.

Paulit-ulit.

At aaminin kong pati mga tatay, nanay, ate, kuya—at kung sinu-sino pang kadugo nila—ay naiboto ko rin.

Noong una, nagpaloko ako. Nang kalaunan ay nakikita ko na ang panlilinlang, nagbulag-bulagan naman ako. Mas masahol pa, kung minsan ay ipinagtanggol ko pa sila.

Nakipag-away pa nga ako dahil sa kanila.

Pero ano ang napala ko?

Umunlad ba ang buhay ko? Nadagdagan ba kahit singkong kusing ang kinikita ko? Sumarap ba ang pang-ulam na kinakain ko?

Nangyari na ang nangyari. Hindi ko na mababago ang nakaraan. At lalong hindi ko kayang baguhin nang sapilitan ang mga lider kuno na hinayaan kong paulit-ulit na nakawan ang kaban ng bayan at paikot-ikutin akong parang trumpo.

At marahil, doon dapat magsimula ang aking pananagutan—hindi sa pagsisikap na baguhin ang mga politiko o ang ibang tao, kundi sa pagbabago ng aking sarili.

Mahirap nang baguhin ang sarili ko. Bakit ko pa uubusin ang aking lakas sa pagsisikap na baguhin ang mga taong wala naman akong kapangyarihang kontrolin?

Maaari kong tuligsain nang tuligsain ang sistema ngunit manatili pa rin akong katulad ng dati. Maaari akong magreklamo tungkol sa katiwalian ngunit palampasin ang maliliit na pandaraya at kasinungalingan sa sarili kong buhay. Maaari akong humingi ng disiplina sa mga opisyal ng pamahalaan habang ako mismo ay kulang sa disiplina. Maaari akong humingi ng responsableng pamumuno habang ayaw kong akuin ang pananagutan sa sarili kong mga pasya.

Kaya napagpasyahan kong magsimula kung saan mayroon talaga akong kapangyarihan.

Sa sarili ko.

Kung magsisimula ako sa sarili, unti-unti akong magiging mas mabuting bersyon ng kung sino ako ngayon. At sa pagiging mas mabuting tao, mas malaki ang pagkakataon kong magkaroon—kasama ang aking pamilya—ng mas mabuting buhay.

At paano kung mas marami pang Pilipino ang gumawa ng ganito ring pasya?

Hindi naghihintay ng halalan.

Hindi naghihintay ng bagong pangulo.

Hindi naghihintay ng isang malaking pangyayaring biglang babago sa buong bansa.

Kundi nagsisimula sa sarili.

Isipin natin ang milyun-milyong Pilipinong nagsisikap maging mas responsable, mas disiplinado, mas matapat, mas mahabagin, mas mahusay, at mas handang managot sa kanilang mga ginagawa.

Isipin natin ang mga pamilyang mahuhubog ng ganitong mga tao, ang mga lugar ng trabahong maiimpluwensiyahan nila, ang mga pamayanang mapauunlad nila, at kalaunan, ang mga institusyong pamumunuan nila.

Marahil, ang isang mas mabuting bansa ay hindi nagsisimula sa Malacañang.

Marahil, nagsisimula ito sa ating mga tahanan, sa ating mga pinagtatrabahuhan, sa ating mga silid-aralan, at sa maliliit na pasyang ginagawa natin araw-araw.

Marahil, ang pagbabago ng Pilipinas ay hindi lamang nakasalalay sa paghahanap natin ng mas mabubuting pinuno.

Marahil, nakasalalay rin ito sa pagiging mas mabubuting mamamayan natin.

Hindi ko kayang baguhin nang mag-isa ang Pilipinas.

Pero kaya kong baguhin ang sarili ko.

At biglang naging mas makahulugan sa akin ang mensahe ng Man in the Mirror:

“If you want to make this world a better place, tak a look at yourself then make a change.”

Kung tunay kong nais na maging mas mabuti ang mundong ginagalawan ko, marahil ang unang taong dapat kong hamuning magbago ay ang taong nakatitig sa akin mula sa salamin.

Kaya sa halip na itanong ko,

“Kailan kaya magbabago ang bansang ito?”

marahil ay panahon nang ibaling ko sa aking sarili ang tanong.

“Kailan ako magsisimulang magbago?”

Better Self… Better Life… Better Nation.

Unknown's avatar

About M.A.D. LIGAYA

I am a teacher, writer, and lifelong learner with diverse interests in prose and poetry, education, research, language learning, and personal growth and development. My primary advocacy is the promotion of self-improvement. Teaching, writing, and lifelong learning form the core of my passions. I taught subjects aligned with my interests in academic institutions in the Philippines and South Korea. When not engaged in academic work, I dedicate time to writing stories, poems, plays, and scholarly studies, many of which are published on my personal website (madligaya.com). I write in both English and my native language, Filipino. Several of my research studies have been presented at international conferences and published in internationally indexed journals. My published papers can be accessed through my ORCID profile: https://orcid.org/0000-0002-4477-3772. Outside of teaching and writing, I enjoy reading books related to my interests, creating content for my websites and social media accounts, and engaging in self-improvement activities. The following is a link to my complete curriculum vitae: https://madligaya.com/__welcome/my-curriculum-vitae/ TO GOD BE THE GLORY!

Posted on September 11, 2026, in Accountability, Better Filipinos, Better Philippines, Better Self... Better Life...Better Nation, Nation Building, National Character, Responsible Citizenry and tagged , , , , , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Leave a comment