Pananagutan Sa Sarili

s3Kapag ba late kang dumating sa trabaho, sa isang okasyon, oh sa klase, kanino mo ibinubunton ang sisi? Siyempre pa eh ‘di sa walang kamalay-malay na traffic. Kapag masama ang panahon at maulan, baha naman ang may sala kaya hindi ka  sumipot sa takdang oras. Sa mga sumunod na pagkakataon na na-late ka nanaman, dahil gasgas na ang dahilang “Traffic eh!” at hindi naman umuulan para sabihin mong “Baha kasi!” eh ang sinisi mo naman ay ang alarm clock – hindi gumana. Tama ba?

Noong nagkahiwalay kayo ng karelasyon mo o nagkagalit kayo ng kamag-anak, kaybigan, o kapitbahay  mo, sino ang may kasalanan? Eh di siyempre hindi ikaw. Halos nakakatiyak akong sa kabilang partido mo ibinunton ang sisi. Kesyo masama ang ugali niya o nila, hindi marunong makisama, walang pinag-aralan, at bastos.

Ang punto eh hindi ka nauubusan ng pagbubuntunan ng sisi. Napakahaba kaya ng listahan mo ng mga dapat sisihin. Basta may nangyaring hindi maganda sa buhay mo o may pangyayaring hindi sumasangayon sa iyong kagustuhan, eh pilit mong hahanapin kung sino  ang dapat managot kung bakit nagkaganoon?

Naalaala ko tuloy ang kuwento ni Jim Rohn, isang kilalang personalidad sa larangan ng “personal growth and development”. Isang araw daw eh tinanong siya ng kanyang mentor na si Earl Shoaf, “Jim, curious lang ako, bakit hanggang ngayon eh parang hindi ka pa umaasenso?” Para daw huwag naman siyang magmukhang parang walang kadiska-diskarte sa buhay, ang ginawa ni Jim eh inilista niya sa isang papel ang mga may kagagawan kung bakit hindi niya maiangat ang kanyang kalagayan sa buhay.

Heto ang mga isinulat ni Jim Rohn sa kanyang listahan – pamahalaan, ekonomiya, panahon, traffic, pamamalakad ng kumpanya nila, mga walang kwentang kamag-anak at kapitbahay, at mga taong nakapaligid sa kanya.

Sino ang madalas sinisisi ng mga taong hindi makahanap ng trabaho? Eh ‘di siyempre ang pamahalaan. Tungkulin daw ng mga nasa poder ng kapangyarihan na tiyakin na ang mga mamamayan ay magkaroon ng oportunidad na makapagtrabaho.

Tama naman sila. Pero meron bang bansa sa alin mang bahagi ng mundo na kayang bigyan ang bawat mamamayan nila ng trabaho? Meron bang bansa na kung saan ang mga pribadong kumpanya at negosyo, maliit man o malaki, ay kayang i-hire ang lahat ng gustong magtrabaho?

Sa pagkakaalam ko’y wala. Mahirap tanggapin pero iyan ang katotohanan.

Balikan natin ang uapan nina Jim Rohn at Earl Shoaf.

Matapos daw basahin ni Jim ang listahan ng kung sino (at ano) ang dapat sisihin kung bakit hindi siya umaasenso eh tinanong siya ni Earl – “Bakit wala ang pangalan mo sa listahan?” Ang ibig sabihin ni Earl ay bakit tila yata sa hindi pag-angat sa buhay ni Jim noong panahong iyon eh ni katiting eh parang wala siyang pagkukulang.

Ikaw ba? Hindi mo ba kahit kaylan naisip na maaring ikaw mismo ang dahilan kung bakit hindi ka umaasenso at kinakaharap mo ang mga problemang meron ka?

Bakit mo sinisisi ang traffic at baha sa hindi mo pagsipot sa takdang oras sa lugar n na dapat mong puntahan? Tapos sasabihin mo nanaman na inutil ang mga lider ng bansa dahil hindi nila magawan ng paraan na solusyonan ang problema sa traffic. Sige nga, sagutin mo ito – “Sino ba ang nagluklok sa pwesto sa mga taong nasa poder ng kapangyarihan ngayon?” Ah… hindi mo sila ibinoto. O sige, eh iyon bang mga ibinoto mo noon, ano ang nagawa nila para sa bayan? Nawala ba ang traffic at baha noong panahon ng mga politikong sa tingin mo eh mas magaling at matino kaysa sa mga nakaupo ngayon?

At teka, kaninong ugali ba talaga ang hindi maganda kaya nakagalit mo ang taong kagalit mo ngayon? Sila ba talaga?

Sa palagay mo, ano ang ginawa ni Jim Rohn matapos sabihin iyon ni Earl Shoaf? Heto ang ginawa niya – nilamukos niya at itinapon sa basurahan ang listahan ng mga  sinisi kung bakit hindi maganda ang itinatakbo ng pamumuhay niya. Gumawa siya ng bagong listahan. Isa na lamang ang isinulat niya – kanyang pangalan. Tinanggap niyang siya, at tanging siya lamang, ang dahilan kung bakit hindi umaasenso ang kanyang buhay. Siya ang may pagkukulang. Tinanggap niyang hindi puwedeng iaasa kahit kanino ang ating tagumpay. Noon nagsimulang maging maayos ang takbo ng kanyang buhay.

O ngayon, sagutin mo ito – bakit hindi ka makahanap ng trabaho? Naghanap ka bang talaga? Baka naman ang gusto mo eh ikaw ang hanapin ng trabaho? Baka naman kaya wala kang mapasukan eh masyado kang maselan. Tanggapin mo kung anong trabaho ang nababagay sa iyong kakayahan o tinapos.

Tandaan mo rin sanang may kompetisyon. Katulad mo, marami ding iba na naghahanap ng pagkakakitaan. Sa isang trabahador o empleyado na kaylangan eh maaring dalawa, tatlo, o higit pa kayo na pinagpipilian. Kung ikaw ang pinakamagaling, ikaw tiyak ang mapipili. Kaya’t pananagutan mo sa iyong sarili na iangat ang iyong kaalaman at kakayahan sa napili o kinabilangan mong karera o larangan para magkaroon ka ng bentahe sa iba.

Huwag mong ikahiya kung pagsasaka, o pangingisda, o pagakakarpintero, o pagtitinda ang siyang napili o kinaya mong gawing pagkakakitaan. Hindi naman kasi lahat ng tao eh makakapagtapos ng pagaaaral at magiging propesyonal. Pero hindi nangangahulugan na tanging ang mga nakapagtapos lang ng pagaaral ang puwedeng magtagumpay sa buhay. Ayon sa isang pagaaral, tatlo sa bawas sampung bilyonaryo ay hindi nakapagtapos ng kolehiyo. Kasama diyan ang mga pinakasikat na college dropouts na sina Mark Zuckerberg (CEO ng Facebook) at Bill Gates (founder ng Microsoft). Kung meron kang skill o talent, pagyamanin mo. Maaring iyan ang magiging tuntungan mo para matupad ang mga pangarap mo sa buhay

Meron ding mga tao na ayaw talagang mamasukan, may pinag-aralan man sila o wala, dahil mas gusto nilang magtayo ng sariling negosyo. Bakit hindi mo subukan?

Kung ayaw mo namang magnegosyo at wala kang makitang trabaho sa Pilipinas bakit hindi mo subukan ang mangibang-bansa? Kanya-kanya tayo ng diskarte o pamamaraan para pagandahin ang kalagayan natin sa buhay. May makikita kang trabaho o pagkakakitaan kung maghahanap ka.

Pananagutan sa sarili na humanap ng paraan upang mabuhay ng matiwasay at maunlad. Responsibilidad mo na tiyakin na magkakaroon ka ng kaalaman at  kakayahan upang itaguyod mo ang iyong sarili at pamilya. Huwag mong iasa sa mga ibinoto mong kandidato, o kahit kanino pa man, ang iyong kinabukasan. Huwag kang magmaktol dahil mahirap ang mga magulang mo kaya hindi ka nakapagaral. Marami kayang nakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo na hindi umaasa sa kanilang mga magulang na batid nilang wala namang kakayahang pinansyal. Huwag kang magdamdam sa mga kamag-anak mong mapepera na ni singkong duling eh hindi ka maabutan. Hindi nila responsibilidad na  tulungan ka. Magpasalamat ko kung may tutulong sa iyo. Pero kung wala eh ganoon lang talaga ang buhay.

O, ano na ang balak mong gawin sa listahan ng mga tao at bagay na sinisisi mo sa hindi pagbuti ng kalagayan mo sa buhay? Lamukusin mo na iyan at itapon.

Dapat mong malaman na ano man ang estado mo ngayon sa buhay, ang lahat ng iyan ay ikaw ang may kagagawan. Huwag mong isisi kahit kanino. Ang tagumpay mong naabot o kabiguang pasan… ang maganda mong kalusugan o sakit na iniinda… ang kaligayahan mong nararamdam o lungkot na sa puso mo dumadagan – lahat ng iyan ay resulta ng mga ginawa mong tama at maling desisyon sa buhay. Hindi ka batang paslit para hindi mo malaman  kung ano ang kakahinatnan ng mga bagay na ginawa at hindi mo ginawa.

Katulad ng madalas nating sabihin, “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.”

Advertisement

About M.A.D. LIGAYA

Teacher-Writer-Lifelong Learner I have three passions - teaching, writing, and learning. I am a Filipino currently residing and teaching in South Korea. I blog and vlog the things I write. I have two websites and two YouTube channels where I publish my works in my areas of interest. I also use Wattpad and Pinterest to publish my creative works. I am into research as well. Some of my articles were presented at conferences and published in indexed-journals. TO GOD BE THE GLORY!

Posted on April 6, 2019, in Pananagutan, Pananagutan Sa Sarili, Self-sufficiency and tagged , , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: