Ang Tatlong Salaan Ni Socrates
Karamihan sa atin ay kilala ang Griyegong pilosopo na si Socrates. Pilosopo na hindi pabalang at baluktot ang pangangatwiran kundi isang pantas sa pagmamatwid.
At tunay ngang hindi baluktot kung mangatwiran at hindi balikong mag-isip si Socrates sa dahilang bago niya paniwalaan ang isang bagay ay bubusisiin muna niya ito’t pag-aaralan. Gaano man ito kasimple o maaaring sa iba ay wala namang kuwenta at hindi na kaylangan pang pagaksayahan ng panahon upang surii’t sisiyasatin.
Ang ganitong pananaw ni Socrates minsan ay nasubok nang isang araw ay may lumapit sa kanya’t sinabing, “May sasabihi ako sa iyo. May nabalitaan ako tungkol sa isa mong kaybigan.”
Tayo ba, ano ang gagawin nati’t sasabihin kung biglang may nagbulong sa atin ng ganyan?
Kadalasan na ang isinasagot natin eh ganito, “Ow talaga! Ano iyon? Sino ba siya? Sige ikuwento mo nga.” Sana mali ako.
Pero, iba si Socrates. Ito ang isinagot niya sa taong nagbulong sa kanya niyon.
“Teka muna. Bago mo sabihin sa akin ang alin mang bagay tungkol sa ibang tao ay hayaan mong gamitin ko muna ang aking tatlong salaan.”
“Salaan? Tatlo?”
“Tama ka… tatlong salaan.” Ang sagot ni Socrates. “Kaylangang salain muna natin ang ano mang bagay na paguusapan natin tungkol sa ibang tao. At tatlo ang salaang ginagamit ko pagdating sa ganyang bagay.”
“Sige. Ano iyong una?”
“Ang una ay ang salaan ng katotohanan. Ang tanong, sigurado ka bang totoo ang sasabihin mong iyan sa akin?”
“Ah. Hindi eh. Kasi nadinig ko lang. May nagsabi din lang sa akin.”
“Oh. Ganoon ba!? Hindi mo pala sigurado kung totoo nga ang gusto mong sabihin sa akin. Siya… sige. Sa pangalawang salaan tayo. Ang salaan ng kabutihan. Iyan bang sasabihin mo sa akin tungkol sa kaybigan ko ay maganda o kaya’y mabuti?”
“Ay hindi. Kasiraan nga niya ang bagay na sasabihin ko.”
“Ibig mo sabihin may sasabihin ka sa akin na kasiraan ng isang tao at hindi mo sigurado kung totoo ito?
Tumango, ngunit tahimik, ang kausap ni Socrates.
Sige… gamitin natin ang pangatlong salaan. Baka naman dito eh pumasa ka. Ito’y ang salaam ng kahalagahan. Gaano ba kahalaga iyang sasabihin mo sa akin? Magagamit ko ba iyan? Makakatulong ba iyan sa akin? Dagdag kaalaman ba iyan na magagamit ko sa ano mang bahagi ng buhay ko?
Hindi na nagsalita ang kausap ni Socrates. Yumuko na lamang ito.
“Malinaw na sa akin. Ang sasabihin mo ay hindi mo sigurado kung totoo at ito’y hindi pa maganda. Wika mo nga kasiraan iyan ng kaybigan ko. At kung totoo man iyan eh ano naman ang halaga niya sa akin? Hindi naman pala makakatulong?. Eh bakit kaylangan mo pang sabihin?”
Tikom ang bibig, umalis na lamang ang kausap ni Socrates…
Posted on November 20, 2021, in Gossiping, The Three Sieves Test and tagged Gossiping, The Three Sieves Test. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0