Pagpupugay Sa Aking Mahal Na Ina

32313348_10156307841359844_818862732190154752_n

Kung ano ako ngayon, kung ano man ang narating ko, ay ipinagpapasalamat ko ng malaki, una sa Maykapal, pangalawa sa aking mga magulang – sa aking ama at ina.

At dahil nga sa araw ng mga NANAY ngayon, nais kong ilaan ang sanaysay na ito para sa aking INA.

Walang sinomang makakahigit sa mga sakripisyong ginawa para sa akin ng aking mga magulang – lalong-lalo na ng aking ina na ang sinanapuna’y pinaglagakan ng mga semilyang binuklod ng Panginoon upang pagsimulan ng buhay kong pahiram Niya sa akin.

Sino ba ang pwedeng makahigit sa ginawa ng aking ina na siyam na buwang hinayaang ako’y maging bahagi ng kanyang katawan. Ang sinapupunan niya’y ang unang mundong aking ginalawan. At nang dumating ang panahon na kaylangan ko nang lumabas patungo sa isang bagong mundo ay ibinuwis niya ang kanyang buhay.

Tiniis niya ang sakit upang ako’y mailuwal. Napakalaki ng ginawa niyang sakripisyo, katuwang ng aking ama, sa pagpapalaki at pag-aruga sa akin. Hindi ko pwedeng kalimutan iyon. At iyo’y hindi pagtanaw ng utang na loob. Iyon ay bunga ng itinanim niyang pagmamahal. Hindi ba’t nakatakda nating anihin ang alin mang ating itanim. Mabuti man o masama.

Nagtanim ang aking ina – ganoon din ang aking ama – ng pagmamahal na tumubo sa aking puso’t isip. Hindi ba matatawag na pagtatanim ng pagmamahal ang ginawa nilang pag-aalaga sa akin mula ako’y isang sanggol na walang kamalay-malay hanggang sa punto ng buhay ko na kinaya ko nang tumayo sa aking sariling mga paa. Inaani nila ngayon ang bunga ng pagmamahal na iyon at hindi nila ito kaylangang sungkitin, kusa itong lumalaglag patungo sa kanila.

Isang milyong beses mang magkamali ang aking ina ay hindi ko siya pwedeng talikuran. Katulad ng hindi ko pagtalikod sa aking ama noong siya’y nabubuhay pa. Simple lang ang dahilan – mahal ko siya. Hindi pwedeng burahin ng anomang depekto sa pagkatao ng aking ina ang pagmamahal ko sa kanya.

Ang dalawang pinakamahahalagang aral sa buhay na natutuhan ko ay hindi galing sa mga guro ko sa eskwelahan. Ang mga aral na naturan na nagsilbi kong gabay upang mamuhay ng tama ay galing sa aking mga magulang.

Ang una – ang itinuro sa akin ng aking ama’y huwag akong umasa sa ibang tao. Dapat daw ay matuto akong tumayo sa aking sariling mga paa. Simpleng tao lamang ang aking ama at pilit akong nagsikap at nagsusumikap pa dahil batid kong ang buhay na meron ako’t ang daang tinatahak ko ay ang katuparan ng kanyang pangarap.

Pangalawa’t huli – tinuruan ako ng aking ina na magdasal at magkaroon ng matibay na pananampalataya sa Panginoon. Ang pananampalatayang iminulat niya sa akin ay panghahawakan ko upang huwag akong maligaw ng landas. Hindi man perpekto ang buhay na tinahak ng aking ina ay tiniyak niyang maituro sa akin ang daan patungo sa aking kaligtasan.

Advertisement

About M.A.D. LIGAYA

Teacher-Writer-Lifelong Learner I have three passions - teaching, writing, and learning. I am a Filipino currently residing and teaching in South Korea. I blog and vlog the things I write. I have two websites and two YouTube channels where I publish my works in my areas of interest. I also use Wattpad and Pinterest to publish my creative works. I am into research as well. Some of my articles were presented at conferences and published in indexed-journals. TO GOD BE THE GLORY!

Posted on May 13, 2018, in Mother's Day and tagged . Bookmark the permalink. 2 Comments.

  1. Belated Happy Mother’s Day sa Mama niyo 🙂

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: