Blog Archives
Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 10C
Chapter 10C
“Ang Tunggalian”
Pagkatapos niyon ay malayang kumilos na ang sanggol na Sutsot. Ang mga anak ng demonyo ay gumapang nang may nakatatakot na bilis, paroo’t parito sa sahig, bawat galaw ay sadyang nakakakilabot. Dahan-dahan, nagsimula silang gumapang patungo sa mga bangkay nina Tomas, Jasmine, at Marco. Pagkatapos ay nilapa nila ang mga tiyan ng mga patay, mabangis na nag-aagawan sa mga laman-loob. Nanonood si Berith, nagmamalaki habang kumakain ang kanyang mga anak. Gutom na gutom ang mga maliliit na Sutsot.
At si Eve—tuluyan ng nawala sa sarili. Tila nagagalak pa sa lagim na nagaganapa sa harap niya. Nawala na ba siya sa sarili… o tuluyan nang nahulog sa ilalim ng lason ni Berith? Paano ko siya maililigtas? Paano ko siya aagawin mula sa kanya?
Sa wakas, ay naabot ko na rin ang machete. Sinubukan kong tumayo, pero hindi sumunod ang aking katawan. Masyadong maraming dugo na ang nawala sa akin. Nanginig ang aking mga braso sa sarili nilang bigat lalo na’t ang hawakan ng machete ay madulas dahil sa dugo. Gumapang ako paatras patungo sa pader at isinandal ang aking likod doon.
Pagkatapos, ang Sutsot—si Berith sa katawan ni Adam—ay ibinaling ang tingin sa akin. Gamit ang boses ni Adam, parang nangungutya itong nagtanong, “Ano na ngayon, Willy?”
Nang kausapin ako ni Berith, ay napunta sa akin ang atensyon ng isa sa mga maliit na nilalang. Nanlaki ang mga mata nito, naging kasing-itim ng gabi, at sumisingasing na parang ahas habang dahan-dahang gumagapang patungo sa akin.
Tinipon ko ang natitira kong lakas at iwinasiwas ko ang hawak kong machete—pero bago pa tumama ang talim, ang sanggol na Sutsot ay nagbagong-anyo at naging usok, parang aninong nadulas sa hangin. Huli na nang naala-ala kong dapat ay ipinikit ko pala ang aking mga mata.
Naramdaman ko ito—ang kakaibang pakiramdam na may tumutulak sa akin palabas ng sarili kong katawan, palabas sa aking mga mata. Wala na ako sa kontrol. At mula sa pakiramdam na may nagtutulak ay parang nagiging merong humihila sa akin palabas sa aking katawan.
Sa unang pagkakataon, nakita ko ang sarili kong katawan hindi sa repleksyon sa salamin. Nakikita ko ang kalahati ng aking espiritu, mula baywang pataas, na lumalabas sa isa kong mata.
At doon bumalik sa isipan ko ang propesiya ni Kharon, “…isa lang sa inyo ang mabubuhay para isalaysay ang kwento.”
Pakiwari ko ay itinulak ako a gilid ng bangin… at malapit na akong mahulog.
Ngunit hindi pa ako handang sumuko. Ako na lang ang natitira para labanan ang mga demonyong ito at iligtas si Eve. Mayroon akong armas na mas matalas kaysa sa anumang itak sa mundo—ang pananampalataya ko sa Diyos. Kahit na hinahati ng sindak ang aking kaluluwa, kumapit ako sa tanging bagay na puwede kong panghawakan sa lahat ng pagkakataon —ang aking pananalig. Kailangan kong mabuhay nang maisalaysay ko ang kwentong ito.
Ibinulong ko sa hangin ang Ama Namin. Nanalig akong ang bulong kong iyon ay ihahatid ng hangin sa tainga ng mapagpalang Ama. Bawat salita ay naglalatag ng apoy sa aking isipan, bawat linya ay isang pakikibaka, isang kislap laban sa kadiliman. Kung ito man ang paraan ng aking kamatayan, mamatay akong habang nakikipag-usap sa nagbigay sa aking ng buhay.
Habang binibigkas ko ang bawat linya ng dasal, nakikita ko ang aking espiritu na dahan-dahang bumabalik sa aking katawan, at ang anino ng Sitsit ay lumalabas naman sa isa ko pang mata.
Nang mabawi ko ang aking katawan, at sa sandaling ang sanggol na Sitsit ay lumapag sa sahig sa kanyang pisikal na anyo, muli kong iwinasiwas ang itak. Nahiwa ang sanggol na halimaw sa gitna.
Isang malakas na atungal ang umalingawngaw. Ang poot ni Berith ay namilipit sa kanyang mukha habang pinagmamasdan ang isa sa kanyang mga anak na wala nang buhay at duguan sa harap ko.
Ang demonyo, na iika-ika, ay sumugod; ang kanyang mga paa ay humahampas sa madulas na sahig. Sinubukan kong bumangon para salubungin ang hayop na halimaw pero bumigay ang aking mga tuhod; ang mundo ay tila tumagilid. Napaupo akong muli.
Nang lumapit si Berith, iwinasiwas ko ang machete. Hindi ito tumama. Sinipa niya ako sa mukha. Habang nakahiga ako sa sahig, hinawakan niya ang braso kong may machete at marahas itong inagaw. Nakatihaya ako nang walang kalaban-laban. Animo’y ako si Lucifer at siya’y nakatapak sa dibdib ko’y ang anghel na si Miguel.
“Pinatay mo ang isa sa mga pamangkin ko, bro,” sabi ng Sutsot, ginaya ang boses ni Tomas. “Pero ayos lang ‘yan. Ang kapatid kong si Eve at si Berith ay gagawa pa ng marami.”
Pagkatapos ay lumuhod ang Sutsot at idiniin ang kanyang bigat sa aking dibdib. Halos hindi na ako makahinga.
“At ngayong nakatawid na ako ng isla sa wakas, itatayo ko dito sa mundo mo ang aking kaharian.” Ang boses na iyon ay narinig ko lang nang ilang beses sa Isla Miedo—marahil ang tunay na boses ni Berith, hindi iyon boses ng isang ordinaryong tao. “Ang mga anak ko at ako ay madaling magpaparami rito, at marami kaming mapagkukunan ng laman at dugo ng tao..”
Lumingon ako sa paligid. Ang ibang mga sanggol na Sitsit ay patuloy sa paglapa sa mga bangkay nina Marco, Jasmine, at Tomas, ang kanilang maliliit at mapuputing kamay ay nanggigitata sa nangitim na na dugo. Kalong ni Eve ang isa sa mga sanggol na Sutsot na may hawak na bituka ng tao. Buong lambing niya itong iniuugoy habang ito’y parang hayok na hayok na kumakain. Nawala na ba talaga ang katinuan ng isip si Eve?
Inipon ko ang natitirang lakas, ikinuyom ang aking kamao at sinuntok si Berith sa mukha. Tinamaan ko siya sa ilong. Dumugo ito pero bale wala lang sa kanya. Ngumisi lang siya.
Itaas niya ang kanyang kamao, akmang ako’y susuntukin din. Ipinikit ko ang aking mga mata, hinihintay ang pagtama ng kamao niya sa aking mukha.
Pero hindi ito dumating. Sa halip, naramdaman ko ang isang mahinang pitik sa aking ilong. Pinipitik niya ako—minamaliit na parang bata.
“Mapalad ka at sugatan ka na at malapit ka na ring mamatay. Kung hindi, iniwan ko na sana ang katawang ito at lumipat sa’yo.” Ang boses niya nanunuya pa rin. “Kay Lucifer na ang impiyerno, pero ang mundong ito ay magiging akin. Gagawin ko ang sarili kong hari ng mundong ito—at si Eve, ang babaeng pinapangarap mo, ang pinakamamahal mong paulit-ulit kong inangkin, ang magiging reyna ko.”
Ginawa ko ang dapat kong gawin. Nagdasal ako muli. Gumalaw ang aking mga labi nang walang tunog.
“Tama na Willy,” wika ni Berith. “Itigil mo ang kahibangan na ‘yan. Sa pagkakataong ito, hindi makakatulong ang mga dasal mo. Nakatsamba ka lang kanina. Sanggot na sutsot lang ang kalaban mo kanina kaya ka nakabalik sa katawan mo. Ang tinatawag mong Ama ay hindi darating para tulungan ka. Takot Siya sa akin.” Ang kanyang kalapastanganan niyang iyon ay sinamahan ng malademonyong tawa.
Pagkatapos ay tumayo si Berith sa ibabaw ko, ang malamig na talim ng macheteng hawak niya’y dahan-dahang idiniin sa aking leeg. Humalik ang bakal sa aking balat.Ang init ay sumiklab kung saan nagbabantang gigilitan ako machete.
“Pipira-pirasuin kita para mas madali kang makain ng mga anak ko,” ang pananakot niya. “Pero ang mga mata mo at ang utak mo ay akin. At dahil lagi mong sinasabing ang puso mo ay para kay Eve… ipakakain ko ito sa kanya.”
Tinawag ni Berith si Eve. “Mahal ko, kakainin mo ba ang puso ng iyong pinakamatapat na tagahanga?”
Tumango si Eve at tumingin sa akin, ang kanyang ngiti ay tila isang patalim… nakakasugat ng damdamin. Tuluyan ng nilamon si Eve ng kabaliwan.
Itinaas na ni Berith ang hawak na machete—dahan-dahan niya itong ginawa, tila isang seremonya—handa na akong tapusin.
Habang hinihintay ko ang pagbagsak ng talim sa aking leeg, ang tingin ko ay napako sa panalanging nakasulat sa ilalim ng mural ni San Miguel Arkanghel. Binasa ko ito nang malakas.
“San Miguel Arkanghel, ipagtanggol mo kami sa labanan… maging sandigan ka nawa namin laban sa kasamaan…”
“Kahit ‘yan ay hindi makakatulong sa’yo. Si Lucifer ang tinalo niya—hindi ako!” sigaw ni Berith, pilit na nilulunod ang aking boses. Pero nagpatuloy ako.
“Buong taimtim kaming nagdarasal na, gaya ng iniutos ng Diyos, itaboy mo ang mga demonyo.”
Pagkatapos—isang kaguluhan ang naganap sa labas ng bahay. May mga nagsisigawan. May mga, marami.
Nagulat siBerith at lumingon sa pinanggalingan ng ingay; nanlaki ang kanyang mga mata. Itinulak ko siya gamit ang huli kong lakas, at napaatras siya’t napaluhod.
Sinubukan niyang tumayo ulit. Hirap siya. Bawat galaw niya ay mabagal at hirap—patunay na ang kanyang mga sugat ay tuluyan na siyang pinanghihina.
“Palibutan ang bahay! Itaas ang mga metal drag nets hangga’t maaari! Punuin ang bakuran ng spotlights!” sigaw ng isang boses mula sa labas.
“Huwag hayaang may makalabas!” sigaw pa ng isa.
Wala na sa akin ang atensyon ni Berith. Lumapit siya kay Eve.
“Adam, anong nangyayari?” tanong ni Eve, lito. Ang mga sanggol na Sutsotay nagkumpulan sa likod ni Berith, naramdaman ang panganib.
Isang nakabibinging atungal ang pinakawalan ni Berith.
Ang mga pinto sa harap at likod ay puwersahang binuksan. Ang mga lalaking nakasuot ng madilim na pulang tunika ay sumugod sa loob, may mga baril at itak sa kamay. Isa sa kanila—isang paring may punit-punit na abito—ay nagtaas ng boses sa gitna ng kaguluhan. Ang iba ay may dalang portable flamethrowers.
“Iwasan ang kanilang tingin!” sigaw ng pari. “Huwag hayaang mahuli ang inyong mga mata! Huwag kayong maniniwala sa mga gagawin nilang panlilinlang.”
Humakbang siya sa harap ng mga Guardians, nagsasaboy ng banal na tubig mula sa isang gasgas na flask at itinataas ang isang krusipiho.
“Liwanag laban sa kadiliman!” Sigaw ng pari. “Sunugin ang mga anino! Linisin ang bahay!”
Muling umatungal si Berith. Napaatras siya, sinasangga ang kanyang mukha mula sa banal na tubig na sumasagitsit sa kanyang balat na parang asido.
Humalinghing siya sa sakit. Ang mga sanggol na demonyo ay nagpulasan sa bawat direksyon, nangingisay tuwing natatalsikan ng mga patak ng banal na tubig.
“Pakiusap huwag niyo siyang saktan… huwag ang mga anak ko!” tili ni Eve, nagpupumiglas sa gitna ng kaguluhan
Si Berith, na halatang mahina na, ay sumugod sa mga Guardians, ang kanyang itak ay humiwa sa balikat ng isang lalaki. Bumagsak ang Guardian habang sumasabog ang dugo sa sahig. Sinubukang itaas muli ni Berith ang kanyang sandata, pero umalingawngaw ang mga putok ng baril—parang kulog sa loob ng bahay.
Sa harap ko mismo, bumagsak ang Sutsot, paluhod. Sa takot na baka tumalon siya mula sa katawan ni Adam patungo sa akin, ipinikit ko nang mariin ang aking mga mata.
“Sige! Pugutin ang ulo—ngayon na!”
Nanatili akong nakapikit. Wala na akong ibang magagawa kundi maghintay.
“Huwag… huwag… huwag… pakiusap. Diyos ko, Adam!!!” Wala nang nagawa si Eve.
Idinilat ko ang aking mga mata. Si Berith, suot ang katawan ni Adam, ay nakaluhod sa harap ko, wala nang ulo. Ang dugo ay tumalsik sa aking mukha. Isa-isa, ang mga talim ng mga Guardians ay tumama sa naputol na ulo—sunod-sunod… hanggang sa nagkapira-piraso ito.
Lumuhod ako at kinuha ang nalaglag na machete sa sahig. Itinarak ko ito nang malakas sa dibdib ng Sutsot. Sa sandaling iyon, hindi ko alam kung ginawa ko ba iyon para sa lahat ng biktima niya, o para lang sa babaeng mahal ko—si Eve.
Isang kakaibang pakiramdam ng tagumpay ang umapaw sa akin, pero naputol ito ng tili ni Eve. Gusto lapitan ang bangkay ng halimaw pero pinipigilan siya ng mga Guardians..
Napabaling ang atensyon ko sa kanya. Napaka-aba ng kanyang hitsura, naghihirap dahil sa kamatayan ni Berith. Pagkatapos ay nawalan siya ng malay at bumagsak sa sahig. Matapos ang lahat ng pangyayari, ganoon pa rin ba ang pagtingin ko kay Eve. Walang nagbago sa pagtingin ko sa kanya.
Gusto ko siyang lapitan para hawakan ang kanyang kamay. Kahit ngayon lang. Pero sa sobrang hina ko ay hindi ko na maigalaw ang aking katawan. Akala ko ay susunod na akong mawawalan ng malay dahil sa dami ng dugong nawala sa akin. Pero pinilit kong manatiling gising. Kailangan kong makitang mamatay ang kahuli-hulihan sa mga sa mga nilalang mula sa impiyerno bago ako mamahinga.
Ang mga sanggol na Sutsot ay tumitili habang sumusugod sa mga Guardians. Ang ilan ay naging usok pero mabilis na natupok ng mga flamethrower. Ang iba’y namatay sa taga, and iba’y sa bala.
Ang mga sigaw ay humalo sa hangin hanggang sa tila yumayanig ang buong paligid. Ilan sa mga sanggol na Sutsot ay lumabas sa bintana.
“May mga Sutsot na nakakalabas! Habulin sila!” sigaw ng isa sa mga Guardians.
Sa labas, umalingawngaw ang mga putok ng baril; sinagot ito ng matinig na hiyaw ng mga sanggol na sutsot. Ang gabi ay lumalim na ng lumalim. Isang hindi maipaliwanag na kasiyahan ang naramdaman ko habang iniisip ko ang mga demonyong natutupok sa apoy sa may isla at ngayon dito mismo sa bahay.
“Siyasatin ang bawat sulok ng bahay. Siguraduhing walang Sitsit na makakalabas dito nang buhay!”
Habang humuhupa ang ingay sa loob at labas ng bahay, naramdaman ko ang lalong paghihina; dumulas ako sa pader, ang mundo ay naging tila usok, ang sakit sa aking binti ay hindi ko na matiis. Napakabigat ng aking katawan, at ang dilim ay nagbabantang tuuyan akong lamunin. Ngunit kahit nararamdaman kong nawawala na ako, isang kakaibang kaligayahan ang bumalot sa akin. Kung dito na matutuludkan ang buhay ko ay masaya akong mamamaalam sa mundo dahil nakita ko ang pagwawakas ng kademonyohan ng mga sutsot. At ang pinakamahalaga ay buhay si Eve.
Sa gitna ng nanlalabo kong paningin, nakita ko ang pari at ang isa pang Guardian na lumalapit sa akin. Lumuhod ang pari at hinawakan ako. Isinuot niya sa aking leeg ang isang kwintas na may krusipiyo. Pagkatapos ay dahan-dahang ipinatong ang kanyang kamay sa aking noo, tila tinitingnan ang aking kondisyon.
“Tumawag ng medic, bilisan niyo!” sigaw niya.
“Ipagdasal niyo ako—at ang mga kaibigan ko, Father,” bulong ko, pilit kong inaabot ang kanyang mga kamay.
At hindi ko na alam kung nahawakan ko ang mga kamay ni Father sa dahilang ang mga talukap ng mata ko’y tila bintanang nagsara. Dumilim.
Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 10B
Chapter 10B
“Ang Tunggalian”
Si Marco ay hindi mapakali. Halos magsalubong ang kanyang mga kilay. “Kailangang mamatay ni Eve bago pa niya ilabas ang mga anak ng halimaw.Ang mga demonyong isinisilang mula sa tao ay mas mapanganib.”
Napapikit si Jasmine. Tinakpan ng mga kamay ang kanyang mukha. Marahil ay hindi niya malaman kung ano ang dapat mamayani sa kanya, ang pagiging kapwa niyang tao si Eve o ang sinumpaang tungkulin bilang miyeybro ng Guardians. Ang sundalo ng pananampalataya ay naipit sa pagitan ng sumpa at puso. Tiningnan niya si Eve, dinudugo at umiiyak.
“Mang Fidel… Marco…” bulong niya. “Tao pa rin siya. Naghihirap siya.”
Nanidigan si Marco “Kung kaaawaan mo siya ngayon, ang sangkatauhan ang maghihirap. Mamamatay tayong lahat kasama niya.”
Napapikit na lamang si Jasmine. Hindi malaman kung saang panig siya kikiling.
Mabilis na ikinasa ni Marco ang kanyang baril at humakbang patungo kay Eve.
“Sandali—sandali! Baka may ibang paraan!” sigaw ni Tomas, humarang siya sa pagitan ni Marco at ni Eve. Itinanim niya ang kanyang mga paa at itinaas ang patalim na hawak.
Pagkatapos ay isang boses ang aming narinig
“Tama ‘yan, Tomas. Huwag mong hayaang patayin nila ang kapatid at mga pamangkin mo.”
Si Berith iyon, ginagaya ang boses ni Adam.
“Jasmine… mahiya ka naman? Bakit mo sila hahayaang saktan kami? Magkapatid tayo. Ang mga nasa sinapupunan ni Eve… sila ay sarili mong dugo—ang aking mga anak. Pamilya tayo. Tingnan mo si Tomas—pinatutunayan niyang kapatid siya ni Eve. Eh, ikaw?”
“Itigil mo ang pagpapanggap, Berith!” sigaw ni Jasmine.
“Berith? Sinong Berith?” ang wika ng Sutsot na si Berith. “Ako ang kapatid mo, Jasmine. Hindi mo ba nakikita? Ang mga sanggol sa tiyan ni Eve ay iyong mga pamangkin.”
“Patay na ang kuya ko,” mabilis na sagot ni Jasmine. “Ninakaw mo ang katawan niya. Ginamit mo siya. Subukan mo lang akong lalapitan—ako mismo ang pupugot sa ulo mo.”
Tumawa ng tumawa ang Sutsot. “Ano na ang nangyari sa kasabihang ‘ang dugo ay mas matimbang kaysa sa tubig”?.
“Pula ang dugo ko… ang sa iyo eh berde, gago,” sagot ni Jasmine.
Panandaliang tumahimik ang paligid. Patuloy pa rin nang pamimilipit si Eve.
Ramdam ko ang tensyon. Habang may pangamba sa ano man ang susunod na gagawin ni Berith, ay nagpapakiramdaman kami sa loob. Nandoon si Tomas na handang gawin ang lahat upang huwag masaktan si Eve. Sa kabilang banda ay nandoon sina Mang Fidel at Marco, mga miyembro ng Guardians of Light na sumumpang gagawin ang lahat upang puksain ang mga Sutsot.
Si Jasmine ay nalilito. Ang ba ang mamamayani sa kanya… tungkulin o ang awa para kay Eve.
Ako, hindi ako nalilito. Malinaw, hindi ang ano ang dapat kong gawin kundi ang gusto kong gawin… ipagtanggol si Eve.
Tumayo ako sa tabi ni Tomas. Hawak ko ng mahigpit ang machete na ibinigay sa akin ni Marco. Kaibigan ko si Tomas. Hindi ko siya hahayaang mag-isa sa labang ito. Higit sa lahat, hindi ko hahayaang saktan ng sinoman si Eve.
Nagtama ang paningin namin ni Mang Fidel. Umiling-iling siya “Hindi kailangang humantong sa ganito. Panginoon, kaawaan Mo kami.”
May ingay na nagmula sa may bandang bintana. Puwersahang ito’y nabuksan. Si Adam. Gamit pa rin ng demonyong si Berith ang kanyang katawan,
“Sige lang… magpatayan kayo. Gustong-gusto ko ‘yan… gustong-gusto ko.”
Hindi nag-atubili si Marco. Itinaas niya ang kanyang baril at nagpaputok. Ang putok ay parang kulog; ang Sutsot sa bintana ay hindi tinamaan. Kung paraan lang iyon ni Berith para ilayo angatensyon ng mga Guardians kay Eve, nagtagumpay siya.
“Kuya… kuya, hindi ko na kaya!” sigaw ni Eve. Walang magawa si Tomas kundi pisilin ang kamay ng kapatid; nanatili akong bantay, ang mga mata ay naglilibot sa paligid para masigurong walang Guardian na lalapit sa kanya.
“Adam… nasaan ka? Tulungan mo ako, ano ba… lalabas na ang mga anak natin.”
Ang Sutsot ay muling umatungal. Tila ba nagdiriwang ito.
“Malapit nang lumabas ang mga anak ko. Maniwala kayo… hindi kayo handa para sa kanila.”
Ang babalang iyon ay sinundan ng isa pang atungal..
Sina Mang Fidel at Marco ay pumunta sa likod ng bahay. Ilang sandali pa, ang gabi ay napuno ng mga sigaw, mga atungal, at mga putok ng baril sa gitna ng ulan.
Biglang bumukas nang malakas ang pinto sa harap.
Ang Sutsot ay pumasok, ang isang kamay ay nakahawak sa kanyang dumudugong tiyan.
“Eve… Eve…”
Sa kabila ng sakit at hirap, pilit na bumabangon si Eve mula sa sofa para salubungin sana siya.
“Adam!!! Anong ginawa niyo kay Adam?!” sigaw ni Eve.
Dalawa pang putok ang umalingawngaw.
“HUWAG!!! HUWAG!!! Pakiusap huwag ninyo siyang saktan!” Ang pagsamo ni Eve.
Bumagsak si Adam sa harap namin, at sa likod niya, lumitaw si Marco. Binitiwan niya ang kanyang baril at lumuhod. Umaagos ang dugo sa kanyang tagiliran.
Kasabay ng pagbagsak ni Berith ay namanhid ang aking kaliwang hita. Tinamaan ako ng isa sa mga bala niya. Umagos ang dugo sa aking binti habang pilit akong kumikilos.
Dinaluhan ni Jasmine si Marco. Nanatili akong nakatayo, nag-aabang.
May itak na ang nakabaon sa likod ni Marco.
“Jasmine, ang… si ama ay patay na. Tingin ko… hindi na rin… hindi na rin ako magtatagal. Gawin mo ang iyong sinumpaan. Sa… sa ngalan ng Diyos.”
Tuluyan nang bumagsak si Marco sa sahig, wala ng buhay.
“Kuya… ang tiyan ko… sasabog na!” sigaw ni Eve, nangingisay sa sofa.
Gusto ko siyang lapitan, tulungan, pero nang humakbang ako’y bumigay ang aking binti. Napasandal ako sa pader, para akong kandilang nauupos.
Binunot ni Jasmine ang itak mula sa likod ni Marco at mabilis na sumugod kay Eve.
“Pakiusap, huwag, Jasmine!” sigaw ko.
Napalingon si Tomas dahil sa aking sigaw. Bakas ng pagkalito sa kanyang mukha. Pagkatapos ay nangyari ang lahat sa isang iglap. Sumabit ang paa ni Jasmine sa gilid ng basahan na nasa sahig. Nawalan siya ng balanse. At bago pa man kami makakilos, dumulas siya pabagsak nang diretso sa sandatang hawak ni Tomas.
Nahiwa ang talim ng macheteng hawak ni Tomas ang tiyan ni Jasmine. Habang siya ay bumabagsak patagilid, ang kamay niyang may hawak na machete ay naiwasiwas niya. Nahiwa ng hawak niyang machete ang leeg ni Tomas.
Habang sina Tomas at Jasmine ay halos sabay na napaluhod tutop ang mga parte ng katawan nilang nasugatan ay bumagsak sa sahig ang mga macheteng hawak nila. Ang mga sandatang iyon ay dapat sa mga Sutsot ginamit.
Sa pagkakataong iyon ay nanumbalik sa aking isip ang babala ni Kharon kina Tomas at Jasmine…mag-ingat sa bagay na matalim.
Tuluyan nang bumagsak sa sahig ang mga katawan nina Tomas at Jasmine. Hawak ni Tomas ang kanyang leeg; si Jasmine ay nakahiga sa tabi niya. Pareho silang naghihingalo… ang mga mata nila ay nakabukas… nakatitig sa akin. Pinilit kong kumilos para tignan kung ano ang puwede kong gawin. Pero bawat kilos ko’y nagdudulot ng sobrang kirot sa aking sugatang hita.
Trahedya… sunod-sunod.
Sa isang saglit pakiramdam ko’y tila huminto ang pag-ikot ng mundo. Ang bagyo sa labas ay nagngangalit, pero sa loob, tanging katahimikan… nakakabinging katahimikan.
Sumigaw ako para pigilan si Jasmine na saktan si Eve, at ang desisyon kong iyon ang nag-umpisa ng sunod-sunod na pangyayari na tumapos sa kanilang buhay. Ako ba ang dapat sisihin sa kanilang kamatayan?
Hindi ako makapag-isip nang malinaw. Lahat ay nangamatay sa harapan ko. Kami na lang ni Eve ang natitirang buhay. Ang masakit, hindi ko man lang magawang lumapit kay Eve.
Ang silid ay tila umiikot; ang mga anino ay naghahalo-halo. Bumabaha ng dugo sa sahig galing sa mga patay at sa aking hitang sugatan at sa Sutsot na si Berith na nasa katawan ni Adam.
Dugo—pula at luntian—ay kumalat na parang dalawang maliit na sapa sa sahig.
Sina Jasmine at Tomas ay tuluyan nang nalagutan ng hininga, habang si Eve ay patuloy sa pag-ire, pilit na inilalabas ang bagong buhay—isang bagong buhay na magdadala lamang ng higit pang kamatayan.
Ang tiyan ni Eve ay namaga nang nakapangingilabot, ang balat niya sa tiyan ay banat na banat na parang bubog na malapit nang mabasag.
At animo’y hindi pa sapat ang lagim na nasaksihan ko, ang pagkamatay nina Marco, Tomas, at Jasmin at ang malapit ng paglabas ng mga nilalang ng kadiliman na nasa tiyan ni Eve, ang katawan ni Adam ay dahan-dahang tumagilid.
Buhay pa si Berith. Buhay pa ang demonyo. Kay hirap patayin ng halimaw na Sutsot.
Dahan-dahang bumangon ang Sutsot. Nang makatayo na siya’y ibinaling ang kanyang tingin sa akin. Gumuhit sa kanyang labi ang isang mapanuyang ngiti.
Nilapitan ni Berith si Eve. Bagama’t halatang nanghihina dahil sa mga sugat na tinamo, ay para siyang nagbubunyi.
“Adam… oh Adam… pakiusap bilisan mo,” iyak ni Eve, inaabot siya.
Naupo si Berith sa tabi niya at dahan-dahang hinalikan ang kanyang mga labi. Ang kanyang mga mata ay hindi umalis sa akin—puno ng pangungutya.
“Oh, Willy… ang mga labi na pinapangarap mong mahagkan ay napakatamis… masarap. Gustung-gusto ko siyang halikan.”
Nakita ko kung paano tumugon si Eve sa halik ni Berith—hinalikan niya ito pabalik, nang may panggigil at pananabik. Napapikit ako.
“Lumalabas na ang ating mga anak, Eve. Magiging ina ka na… at magiging ama ako,” ungol ng demonyo.
Si Eve, ay wala nang pakialam kay Tomas na kanyang sariling kapatid. Namatay ito sa pagtatanggol sa kanya. Nakatuon na lamang ang atensyon niya siya Sutsot. Tila siya ay nahibang. Para pa siyang nagbubunyi sa piling ng nilalang na kumuha sa katawan ni Adam.
Ang Sutsot ay nagpakawala ng isa pang nakabibinging atungal. Nagbubunyi. Nagmamalaki.
Sumigaw si Eve, nakakapit sa mga braso ng Sutsot. Wala nang sakit na mababakas sa kanyang mukha—tanging matinding determinasyon, na tila sabik na isilang ang mga anak ng isang demonyo.
At ganoon na nga ang nangyari. Lumabas ang unang sanggol. Pagkatapos ay may pangalawa… pangatlo… pang-apat. Bumilis ang paglabas ng mga ito, hindi na ako nakasunod sa pagbibilang.. Mukhang may labintatlo sila, o baka higit pa. Lumabas sila na parang usok at nagkatawang-tao bago lumapag sa sahig.
Sa halip na iyak ng bagong silang, ang paligid ay napuno ng unga ng kinakatay na baka at palaka sa bukid kapag umuulan.
Pilit kong inaabot ang machete sa sahig. Pero parang wala na akong natitirang lakas pa. Tila sumama ito sa mga dugong umagos mula sa aking sugat.
Masayang tinipon ni Berith ang mga bagong silang na Sutsot. Isa-isa niyang kinarga ang mga ito at dinilaan ang madulas na likido mula sa kanilang balat. Si Eve nama’y dahang-dahang naupo sa sahig. Pinangko niya ang dalawa sa mga sanggol na sutsot at masuyo niyang hinagod ang katawan ng mga ito.
Mapuputi ang mga sanggol na Sutsot—mukhang mga anghel sa unang tingin, pero biglang lumalaki ang mata at lumalabas ang maliliit at matatalas na ngipin. Nakakapangilabot ang nasaksihan ko. Ang kanilang katawan ay nagbabago—tao sa isang sandali, usok sa susunod, saka magiging katawang tao ulit.
Ito pala ang ibig sabihin ni Jasmine na ang mga Sutsot na ang isang magulang ay tao ay mas mapanganib. Hindi na nila kailangang mang-agaw ng katawan para magkaroon ng pisikal na anyo. Kaya na nilang magpalipat ng anyo mula sa usok at laman ayon sa kanilang kagustuhan.
Tiningnan ko si Berith na suot ang katawan ni Adam. Pinagmasdan ko din si Eve. Magkasama sina Adan at Eba, pero hindi sa Hardin ng Eden, kundi sa impiyerno dito sa lupa. Isinilang ni Eve hindi si Abel, kundi si Cain—hindi lang isa, kundi marami.
Chapter 10C
“Ang Tunggalian
(Scheduled posting: 01 -23-26)
Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 10A
Chapter 10A
“Ang Tunggalian”
Hangga’t hindi ko tiyak na si Berith, na nasa katawan ni Adam, ay nagapi nina Mang Fidel at Tomas, hindi ko masasabing kami’y ligtas na. Ganoon pa man, nakahinga ako nang maluwag nang muling lumapat ang aking mga paa sa buhangin. At ito’y hindi sa pampang ng Isla Miedo.
Sa kalupaan ay may panganib pa rin kaming haharapin pero hindi katulad nang nasa dagat kami na pati ang mga alon at ang hangin animo’y kakampi ng mga Sutsot, gusto kaming lunurin.
Bitbit ang isang flashlight, pinangunahan kami ni Marco sa pagbagtas ng daan sa gitna ng maraming puno ng niyog. Huminto kami sa harapan ng bahay na napapalibutan ng mataas na bakod. Ang bahay na iyon ay ang nadaanan namin nang pumunta kami sa breakwater. Tanda ko pa ang mga nakapalibot na CCTV doon.
Inilabas ni Marco ang susi. Pumasok kami sa loob.
“Hintayin ninyo ako dito.”
Nagkumpulan kami sa ilalim ng bubong ng terrace, basang-basa kami at nanginginig habang ang magkahalong tubig-ulan at tubig-dagat ay tumutulo mula sa aming mga damit. Ilang sandali pa, ang ugong ng makina ay umabot sa aming mga pandinig, at biglang nagliwanag ang buong kabahayan.
Binuksan ni Marco ang pinto mula sa loob, at pumasok kami.
Dumiretso si Marco sa CCTV monitor na nakakabit malapit sa pinto. Tumingin siya sa camera at sumigaw, bakas ang pagmamadali sa kanyang boses, “Kailangan namin ng tulong… kailangan namin ng tulong!” Pagkatapos mayroon siyang isinenyas. SOS signal iyon.
Sa loob, ang hangin ay bahagyang amoy-insenso. Dalawang silid ang nasa magkabilang panig ng malawak na sala. May hiwalay na palikuran malapit sa pintuan papunta sa likod ng bahay. Ang dining at living areas ay nahahati ng isang display counter na pinalamutian ng mga imaheng relihiyoso.
Malawak ang sala at kompleto sa gamit. Isang malaking mural ni San Miguel Arkanghel na nakaibabaw sa nakahigang si Lucifer ang nakapaskil sa pader. Nakasulat sa ibaba ng mural ang “Guardians of the Light”. Sa ilalim nito, may dalawang linyang panalangin: “St. Michael the Archangel, defend us in battle…”
“Dito nananatili ang mga Guardians bago at pagkatapos ng aming operasyon sa dagat,” sabi ni Jasmine, na umagaw ng atensyon ko palayo sa inskripsyong binabasa ko.
“Dito muna tayo magpapalipas ng gabi,” dagdag ni Marco habang hinuhubad ang kanyang basang damit. “Sandali lang, may mga damit sa loob ng kwarto.”
Sumenyas si Jasmine na mauna na ako. Paglabas ko, siya naman at si Eve ang pumasok sa silid para magbihis.
“Bro, baka kailanganin mo ito.” Inabutan ako ni Marco ng isang machete, bago siya nagsuot ng tuyong damit. “Binasbasan ito—tatalab ito laban sa mga Sutsot.”
“Salamat,” sabi ko. “Nasaan na kaya sina Tomas at ang tatay mo ngayon? Ano kaya ang nangyari sa kanila?”
“Malalaman natin mamaya. Malaki ang tiwala ko sa tatay ko—marami na siyang napatay na mga Sutsot noon, sa dagat man o sa lupa. Sinanay kaming lumaban sa mga halimaw na iyon at sa iba pang uri ng demonyo,” sabi ni Marco habang nililinis ang kanyang .45 caliber na baril.
Hindi pa rin namin alam kung ano ang nangyari kay Tomas at sa tatay ni Marco—o kung ang Sutsot na sumanib sa katawan ni Adam, si Berith, ay patay na o buhay pa.
Binuksan ko ang bintana ng bahay. Tumigil na ang ulan, at ang hangin sa labas ay tila tahimik at mukhang mapayapa. Pero nararamdaman ko, hindi pa ito ang dulo. Wika nga’y dumadaan lang ang mata ng bagyo.
Sa isang dako, sa kabila ng katahimikang iyon, naghihintay si Berith. Ang bagyong sinimulan niya ay hindi pa lumilipas—huminto lang ito sandali para kumuha ng lakas bago muling sumalakay.
Sa loob, tahimik ang bahay, nagkukunwaring walang nangyari. Ang bahagyang amoy ng insenso ay nananatili pa rin sa hangin, na ngayon ay nahaluan ng amoy ng mga basa naming damit.
Lumabas sina Eve at Jasmine mula sa silid, suot na ang malinis na shorts at T-shirt. Dumiretso si Jasmine sa kalan. “Magpapakulo ako ng tubig para makapag-kape tayo,” sabi niya.
Naupo kami sa sala. Ilang beses nang tumatayo si Marco, binubuksan at isinasara ang mga pinto, at sumisipsip sa labas, laging hawak ang kanyang machete at nakasukbit ang baril sa baywang.
“Aray.” Napangiwi si Eve at hinawakan ang kanyang tiyan. “Biglang sumakit ang tiyan ko!”
“Baka gutom ka lang,” ang wika ko sa kanya..
“Baka nga,” bulong ni Eve, nagsasalubong ang mga kilay niya. “Oww! Parang lumalala. Parang humihilab ang tiyan ko. Sandali, pupunta muna ako sa banyo.”
Nang haplusin niya ang kanyang puson, naramdaman ko ang isang kirot na hindi ko mapangalanan, pag-ibig ba, awa, o ang multo ng dalawang ito.
Nang mapasok sa banyo si Eve, lumapit si Jasmine at bumulong, “May boyfriend ba si Eve?”
“Oo, meron. Jeff ang pangalan niya,” sagot ko. “Bakit mo naitanong?”
Ang mga mata ni Jasmine ay lumingon sa direksyon ng banyo. “Mukhang malaki ang tiyan niya. Mukha siyang… buntis.”
Ang mga salitang iyon ay tumama sa akin na parang isang suntok. Iyon ang kinatatakutan ko—ang madilim na kaisipang pilit kong ibinabaon pero hindi ko mapatay. Kay Jeff ba ito… o— Oh, Diyos ko. Huwag naman sana.
“Tulong! Pakiusap! Masakit ang tiyan ko!” Ang sigaw ni Eve.
Natigilan kami panandalian. Pagkatapos ay halos sabay kaming tumakbo papunta sa banyo.
Naunang nakarating si Jasmine sa pinto at itinulak ito, nanginginig ang boses habang tinatawag ang pangalan ni Eve.
“Anong nangyari? Willy… Marco… dinudugo si Eve! Tulungan niyo ako!” ang sumamo ni Jasmine. “Kailangang mailabas natin siya rito.”
Tinulungan namin ni Marco na buhatin si Eve palabas ng banyo. Inihiga namin siya sa sofa sa sala. Mabilis na kumalat ang dugo sa ilalim niya, madilim at makintab sa ilalim ng ilawan. Napaarko ang katawan ni Eve sa sofa, ang mga daliri niya ay bumaon sa mga sandalan habang siya ay namimilipit sa sakit.
Tumama sa akin ang kaisipan—kung buntis nga siya, mukhang makukunan siya.
“Eve, lumalaki ang tiyan mo,” sabi ni Jasmine, ang boses ay puno ng pag-aalala.
Sa harap ng aming mga mata, ang kanyang tiyan ay nagsimulang mamaga. May kung anong gumagalaw sa ilalim ng kanyang balat—mabagal noong una, pagkatapos ay mabilis at malakas na tila may mga alon.
Napakasakit nito, hindi lang dahil sa nangyayari sa kanya. Isang bahagi ng aking sarili ang nasusunog pa rin sa selos, ang baluktot na hapdi ng pagmamahal sa kanya habang alam kong ibinigay niya ang sarili niya sa iba. At ngayon, habang pinagmamasdan ko ang kanyang katawan na nangingisay sa hirap, hindi ko malaman kung alin ang mas masakit—ang hirap niya, o ang sa akin.
Pero may panahon para ramdamin ko ang sakit. Sa pagkakataong iyon nangagaylangan siya ng tulong at unawa… lalo na’t ang paglaki ng tiyan niya’y kakaiba.
Sa sandaling iyon, biglang bumukas ang pinto sa likod ng bahay.
Pumasok sina Tomas at Mang Fidel, basang-basa.
“Ama, salamat sa Diyos at ligtas kayo!” bulalas ni Marco. “Napatay niyo ba ang Sutsot?”
Umiling si Mang Fidel. “Nawasak ng alon ang balsa, nagkahiwa-hiwalay kami. Sa breakwater ko na inabutan si Tomas.”
“Kuya… tulungan mo ako.”
Noon pa lang napansin nina Mang Fidel at Tomas ang kalagayan ni Eve.
Nilapitan kaagad ni Tomas si Eve. Hindi maikakaila sa reaksyon ni Tomas ang labis na pagtataka. Mukhang umurong ang kanyang dila. Tumingin siya kay Jasmine at parang naghahagilap ng paliwanag.
“Kuya, tulungan mo ako. Masakit na masakit ang tiyan ko.”
“Diyos ko! ang nangyayari rito?!” sigaw ni Mang Fidel, ang boses ay pumiyok sa kabiglaanan.
Lumuhod si Tomas, nangilid ang luha bago pa siya makapagsalita. “Ano ba ang nangyari?”
Noong una, nakatitig lang si Eve sa kanya. Nanginig ang kanyang mga labi, pero walang salitang lumabas. Yumayanig ang kanyang mga balikat sa bawat hikbi.
“Eve… magsalita ka,” pakiusap ni Tomas.
Hindi ko na kailangang marinig ang kanyang sagot—alam ko na. Nabuo ko na ang kwento mula nang umalis kami sa dampa ni Adam hanggang ngayon. Marahil alam na rin ni Tomas. Gusto lang niyang kumpirmahin ito ni Eve.
“Kuya… kuya!”
“Ano? …Evvveee!”
“Kami ni Adam…” Huminga siya nang malalim. “Sa isla… nangyari ito nang maraming beses. Nagtangka siya na—hindi ko siya mapigilan. Hindi ako nakatanggi. Ayaw kong tumanggi.”
Ang mukha ni Tomas ay namilipit sa hindi paniniwala. “Anong problema mo, Eve? Paano si Jeff?”
“Hindi ko alam… hindi ko alam. Hindi ko maipaliwanag,” hagulgol niya. “Ang mahalaga lang sa akin ngayon ay si Adam. Mahal ko siya. Kuya, pakiusap—hanapin mo siya. Huwag mo siyang sasaktan.”
Matindi ang sakit na dulot sa akin ng mga sinabi ni Eve. Alam ko na wala akong karapatang husgahan siya—pero ang mga salitang iyon, Mahal ko siya, ay parang batong tumama sa aking mukha. Mas masakit na ‘di hamak ang dulot nito kumpara noong narinig ko siyang nagsabi ng I love you kay Jeff—mga salitang pinapangarap kong marinig mula sa kanya… pero marahil ay hindi na kailanman mangyayari.
Pagkatapos niyon ay nangyari na ang aking kinatatukutan. Narinig ko ang isang pamilyar na atungal. Napakalakas na sa pakiwari ko ay parang nayanig ang buong kabahayan. Ang atungal na iyon ay ipinalangin ko ng huwag ko na sanang muling marinig pa.
Naging malinaw sa aming lahat, buhay ang Sutsot. At ang kanyang atungal… tila naging mas mabagsik.
“Ang Sutsot,” bulong ni Marco. “Buhay si Adam.”
“Hindi. Hindi siya ang kuya ko.” Ang madiing wika ni Jasmine. “Hindi ko na kapatid ‘yan,” Pakiwari ko’y mas humigpit ang hawak niya sa kanyang machete. “Hindi siya si Adam. Si Berith ‘yan.”
“Adam… Adam… tulungan mo ako… manganganak na ako!” sigaw ni Eve.
Ang kaligtasan ni Eve ang nais kong matiyak.Pero kung ang batayang gagamitin ay ang mga sinabi Jasmine tungkol sa mga halimaw ng Isla Miedo at sa mga naganap, nakakatakot isipin kung ano ang mangyayari kapag iniluwal na ni Eve ang kung ano man ang nasa kanyang sinapupunan. Dapat bang pingilan ang malapit nang maganap o tiyaking si Eve ay ligtas.
At biglang kumalabog ang pintuan.
Lahat kami ay nagulantang. Merong nagpipilit buksan ang pintuan. Hindi na kaylangang hulaan pa kung sino iyon.
Kumalabog muli ang pintuan… mas malakas.
Isa pa.
Ang mga bisagra ng pintuan mukhang bibigay na. Itinaas ni Marco ang kanyang baril at nagpaputok.
Nabutas ang pintuan. Tumigil ang pagkalabog.
Ang kalabog ay pinalitang ng nakakabinging atungal mula ka Berith… malakas at nagngangalit. Wala na si Empusa para sundan ang atungal na iyon pero nandoon ang hangin na humalinghing bilang sagot..
“Kuya… kuya… hindi ko na kaya! Parang may lalabas na bata! Arrrray!!!”
“Hindi bata,” sabi ni Mang Fidel, ang boses ay seryoso. “Mga bata. Hindi lang isa, Tomas—maraming sanggol na Sutsot ang nasa loob ng tiyan ng kapatid mo..”
Muling sumigaw si Eve, nangingisay sa sofa, ang dugo ay umaagos sa mga unan. “Tulong, kuya! Anong gagawin ko?! Kuya!”
Hawak ni Tomas ang mga kamay ni Eve. Mangiyak-ngiyak ito… hindi malaman kung ano ang gagawin.
Napansin ko ang titigan nina Mang Fidel at Marco. Halos sabay pa silang tumitig kay Jasmine
Hindi maganda ang naramdaman ko. Kinabahan ako.
Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 9B
Chapter 9B
“Ang Pagbubunyag”
Siguro naman ay hindi pa ninyo nakakalimutan ang aking mga sinabi…“Isa sa inyo ang mabubuhay para ibahagi ang kuwentong ito. Ang iba’y magiging plamuti sa kuwento.”
At bago pa tuluyang lumayo ang balsa ni Kharon ay naihabol pa niyan itanong ang babala niya kina Tomas at Jasmine… ang mag-ingat sa bagay na matalim.
Habang papalayo si Kharon ay unti-unti numinipis ang hamog at muling nanamang dumilim ang paligid. Umasa sa na lang kami sa maputlang liwanag ng flashlight ng aking cellphone. Nang tuluyang maglaho ang hamog, isang dambuhalang alon ang sumalubong sa amin. Tumagilid ang balsa sa tindi ng hampas ng along iyon.
Habang sinisikap naming bumalanse ay may nakita akong liwanag mula sa malayo.
“Ang parola,” bulong ko. “Ang breakwater.”
Isa pang alon ang humampas—at sumunod ang isang mapurol na kalabog sa harapan ng balsa. Itinutok ko ang flashlight ng aking cellphone doon. Isang sibat ang nakatarak doon, may nakataling lubid. Mula sa itaas, gumuhit ang apoy at bumagsak ito sa aming paanan—isang Molotov cocktail. Mabuti na lang at hindi kami tinamaan. Nabasag ang bote pero hindi ito sumabog. Ang amoy ng gasolina ay ikinalat nghangin habang ang apoy sa mitsa ay mabilis na napatay ng mga along humahampas sa balsa.
Tumagilid muli ang balsa namin, halos tumaob nanaman ito. Tanging si Adam lang ang nanatiling matatag ang tayo sa gilid. Itinaas niya ang kanyang itak at tinaga ang lubid ng sibat.
Naputol ang lubid.
Itinulak ni Tomas ang balsa palayo sa bangka, pero isa pang sibat ang tumarak sa harap, na humihila sa amin pabalik doon. Iyon ay isang bangka na katulad ng sinakyan nina Jasmine, Marco, at Mang Fidel noong una namin silang makatagpo.
Patuloy ang ugong ng hangin. Ilang sandali pa, isang malaking alon pahumampas sa amin. Basang-basa na kami; kung hindi dahil sa lubid ng sibat na nagsisilbing angkla, malamang ay tumaob na ang balsa.
Lalong lumakas ang hangin. Bumubuhos ang tikatik na ulan.
“MARCO… MANG FIDEL?” sigaw ni Jasmine. “AKO PO ITO… SI JASMINE.”
Walang sagot. Tanging ang dagundong ng kulog at guhit ng kidlang ang tumugon.
Lumuwag ang tensyon sa lubid, at ang balsa namin ay dahan-dahang tumama sa gilid ng bangka. Dalawang lalaki ang nakatayo roon, hindi gumagalaw. Tatalon na sana si Adam sa bangka, pero hinawakan ni Jasmine ang kanyang kamay.
“Huwag kang padalos-dalos, kuya,” bulong niya. “Kung miyembro sila ng Guardians of Light, baka barilin ka lang.”
Akala ko kapag nakaalis na kami sa Isla Miedo, tapos na ang problema namin. Mali ako. Doon ko naalala ang mga babala ni Jasmine tungkol sa mga Guardians.
Binuksan ng isa sa mga lalaki ang kanyang flashlight. Ang liwanag ay tumutok isa-isa sa aming mga mukha…kay Tomas, Eve, Jasmine, Adam, at sa huli ay sa akin.
“Sino ang mga bagong mukhang kasama mo?” tanong ng isang lalaki.
Walang duda, ang boses na iyon ay kay Mang Fidel iyon. At ang isa pang anino na nakatayo sa tabi niya ay tiyak na si Marco.
“Si Eve po ito,” panimula ni Jasmine. “Siya ang kapatid na hinahanap ni Tomas. At ang lalaking ito sa tabi ko…” nabulol siya, “ay ang kuya ko, si Adam. Siya po ang dahilan kung bakit ako nakiusap na sumama sa kanila sa Isla Miedo.”
Katahimikan ang sumunod.
“Nilinlang mo kami, Jasmine. Itinago mo ang tunay na dahilan kung bakit gusto mong maging Guardian,” ang wika ni Mang Fidel.
“Alam kong hindi po ninyo papasalihin sa grupo kung nalaman niyong nawawala ang kuya ko at pumunta sa Isla Miedo” sagot ni Jasmine.
Walang nagsalita sa dalawang lalaki. Ang tanging sagot ay ang hampas ng mga alon at ang sitsit ng ulan. Patuloy na hinahampas ng hangin at alon ang balsa at ang bangka. Tila kahit gaano kami kalayo maglayag, ang sumpa ng Isla Miedo ay hindi kami binibitawan.
Parang isang kawalang-hanggan na ang lumipas. Pagkatapos, biglang bumukas ang spotlight, na nagliwanag sa balsa.
“Kung hindi dahil sa pakiusap ni Marco—at sa mga kontribusyon mo sa mga Guardians—wala na sana ang balsa ninyo ngayon… at malamang patay na kayong lahat.”
“Salamat po Mang Fidel,” ang malumanay na tugon ni Jasmine.
“Pero kailangan naming makasiguro,” patuloy ni Mang Fidel. “Marami na kaming nakitang nabiktima ng mga Sutsot. Malay ko ba kung ang isa sa inyo ay sinaniban na. Kahit ikaw, Jasmine. Paano ako makakasiguro na ikaw pa rin ‘yan—at hindi isa sa kanila na suot ang mukha mo’t kami ngayo’y nililinlang?”
“Ano… ano po ang kailangan naming gawin?” ang tanong ni Tomas.
“Susugatan ko ng kaunti ang mga palad niyo gamit ang aking binasbasang balisong bago namin kayo payagang lumipat dito. Titingnan natin kung anong kulay ng dugo ang lalabas,” sabi ni Mang Fidel.
Matapos hugutin ang sibat at irolyo ang lubid, naglatag si Marco ng isang tabla bilang tulay sa pagitan ng balsa at ng bangka. Ginamit ito ni Mang Fidel para tumawid sa aming balsa.
Nagprisinta si Eve na mauna.
Sinugatan ni Mang Fidel ang kanyang palad, at ang dugo ay umagos—PULA.
“Pasensya na sana kayo. Kailangan kong gawin ito. Masyadong mapanganib ang mga Sutsot. Alam ni Jasmine ‘yan. Sige, umakyat ka na sa bangka,” sabi niya.
Sumunod kami ni Jasmine. Pigil-hininga ako nang humalik ang talim sa aking balat—pero ang makitang pula ang dumadaloy sa aking palad ay tila isang kaligtasan. Ang dugo ni Jasmine ay malinis din.
Pagkatapos ay si Tomas. Pulang muli.
“Ikaw naman, Adam,” sabi ni Mang Fidel, habang pinupunasan ang talim ng kanyang balisong.
Hindi gumalaw si Adam. Sa halip, humakbang siya nang dahan-dahan palayo kay Mang Fidel, ang kanyang kamay ay humigpit sa hawakan ng kanyang machete.
“Kuya?” bulong ni Jasmine.
“Adam?” ang wika naman ni Eve.
Pagkatapos—isang malalim at malakas na atungal. Ang atungal na iyon ay katulad ng unang atungal na narinig ko sa Isla Miedo.
Parang nanghina ang mga tuhod ni Jasmine. Napapaatras siya at humawak sa braso ko para hindi matumba. Nabigla rin si Tomas. Napakapit siya sa gilid ng tabla, ang mga mata ay nanlalaki pilit inuunawa ang mga pangyayari.
At sa sandaling iyon, ang lahat ay luminaw. Ang katotohanang ayaw naming makita ay sumisigaw na ngayon mula sa lalamunan ni Adam. Ang nilalang na nasa harap namin ay hindi ang kapatid ni Jasmine. Hindi na kailanman magiging siya.
Ang Sutsot na pinagkatiwalaan namin—si Berith pala mismo—ay kasama na pala namin simula pa noon sa sapa. Tunay ngang magaling siyang manlinlang.
Naipaliwanag nito ang lahat: kung paano tila hindi sumasalakay ang mga demonyo noong nasa isla pa kami. Hindi gustong patayin ni Berith si Eve—sinubukan niya itong angkinin. Gamitin siya. Para dalhin ang kanyang panlilinlang pabalik sa mainland.
Gusto kong magkamali. Diyos ko, nanalangin ako na sana ay mali ako. Pero ang hula ni Kharon ay muling umalingawngaw sa isip ko, “Isa sa inyo ang mabubuhay para ibahagi ang kuwentong ito. Ang iba’y magiging plamuti sa kuwento.”
Siguro ang nagpanatili sa akin na buhay ay ang aking matigas na kagustuhang mabuhay. Marahil ay hinayaan niya si Tomas dahil kapatid ito ni Eve. Pero bakit niya pinili si Eve?
Marahil ang sagot ay nasa galit na kanyang ginising. Kaya naman pala ganoon na lang ang poot ni Empusa. Ang kanyang galit ang nagbigay sa kanya ng lakas—ang lakas na maaaring nakasira kay Berith mismo, kung hindi lang kami nakialam. Totoo ngang wala nang mas titinding galit pa kaysa sa galit ng isang babaeng nalinlang.
Pinatay niya ang babaeng Sutsot—si Empusa, ang demonyong nagmahal at nagsilbi sa kanya sa loob ng ilang siglo. Ang pagkamatay nito ay hindi aksidente; mukhang bahagi ito ng isang plano. Pinatahimik niya ito para burahin ang huling saksi sa kung ano siya noon. Ngunit sa halip na bumaling sa amin, nagpakita ng interes si Berith kay Eve—tila ba may hawak itong bagay na wala sa aming lahat. Pinatay ni Berith si Empusa dahil kailangan niyang pumili sa kanilang dalawa.
Pag-ibig ba ito? O isang mas madilim na layunin na tanging mga demonyo lang ang nakakaintindi?
Anuman iyon, ang isiping pinili ni Berith si Eve ay nagdulot ng sakit sa kalooban ko. Siguro hindi lang ito takot—ito ay panibugho. Maging ang isang demonyo ay nangahas na gustuhin ang bagay na hindi ko kailanman nakuha.
Ang mga langitngit mula sa balsa ang nagbalik sa akin sa kasalukuyan. Nakatayo si Tomas sa tablang nagsisilbing tulay sa pagitan ng balsa at bangka. Napaluhod si Jasmine sa tabi ko, hindi siya makapaniwala sa nasasaksihan.
“Wala na ang kuya ko… wala na ang kuya ko!” hikbi niya.
Lumuhod ako sa tabi niya, dahan-dahang kong hinawakan ang kanyang batok para aluin siya. Hindi ko alam kung ano ang tamang sabihin sa pagkakataong iyon.
At sa dahilang siya lang ang nakakaalam, nagtangka si Eve na bumalik sa balsa. Tumalon si Tomas mula sa tabla patungo sa bangka at pinigilan ang kanyang kapatid.
“Bitiwan mo ako, kuya. Pakiusap, huwag ninyong sasaktan si Adam!”
“Eve, hindi ‘yan si Adam—si Berith ‘yan,” sabi ni Tomas, habang hinihigpitan ang hawak sa braso niya.
Ang hirap paniwalaan na nangyayari ang nasasaksihan ko. Mukhang hindi alam ni Eve ang kanyang ginagawa. Mukhang hindi niya naiintindihan ang nangyayari. Ngayong alam na niya na nasaniban ni Berith si Adam, bakit niya ito pilit na ipinagtatanggol?
Patuloy akong sinasaktan ni Eve… subalit handa pa rin akong siya ay unawain.
Gusto ko sanang sabihin sa kanya na ang pag-ibig ay maaaring maging bulag para yakapin ang sarili nitong kapahamakan—pero ang mga salita ay hindi lumabas sa aking bibig. Ang tanging nagawa ko lang ay panoorin siyang nanginginig sa mga bisig ni Tomas habang nagpupumiglas at nagpipilit na puntahan ang halimaw na tila kanya nang iniibig.
Sa halip na galit ay awa sa kanya ang aking nararamdaman.
“Pakiusap… huwag niyong sasaktan si Adam!” sigaw ni Eve.
Mahirap unawain kung bakit ipinagtatanggol ni Eve ang halimaw? Tumingin sa kanya si Jasmine, napapailing sa kalituhan sa nakikitang asal ni Eve. Pasasalamat ba ito, dahil iniligtas siya ng Sutsot na noo’y nagpapanggap na si Adam? O nalilito lang siya… nakakulong sa mga pang-aakit at labing ni Berith na mapanlinlang?
Pagkatapos ay idiniin niya ang kanyang nanginginig na kamay sa kanyang tiyan. Para siyang napangiwi. Sinabi ko sa sarili ko na maaring kumirot lang bigla ang bahagin iyon ng kanyang tiyan—pero may isang mas madilim na kaisipan ang sumagi sa isip ko. Pilit ko itong iwinawaksi. Nang bumalik ito at unti-unting kinakain ang aking isipan, ang tanging naibulong ko na lang ay, “Diyos ko, huwag naman sana.”
Isang malaking alon nanaman ang humampas sa amin dahilan upang mapahiwalay sa bangka ang balsa. Ang spotlight ay kumurap-kurap pero nanatiling nakabukas, nagbibigay ng nanginginig na liwanag sa kaguluhang nangyayari sa harap namin. Nagtapat sina Adam at Mang Fidel. Si Adam ay may itak, habang si Mang Fidel naman ay may balisong.
Tumalon si Tomas pabalik sa balsa matapos kaming pakiusapan na pigilan si Eve sa pagsunod. Inihagis ni Mang Fidel ang balisong kay Tomas at binunot ang dalang machete mula sa kanyang baywang. Inikutan nina Tomas at Mang Fidel si Adam.
Nakita ko si Marco na itinututok ang baril kay Adam, ang kanyang mga kamay ay nanginginig habang sinusubukang puntiryahin si Adam. Hindi nakatulong ang malalakas na alon na patuloy na humahampas sa bangka. Dalawang putok ang bumasag sa bagyo—isa, at isa pa. Hindi natamaan ang Sutsot. Nanatili itong nakatayo.
Sinubukan ni Marco na muling iputok ang kanyang baril. Hindi ito pumutok. Mukhang naubusan ng bala. Mula sa kanyang bulsa ay kumuha siya ng mga bala, pero dahil sa paulit-ulit na hampas ng alo ay hindi niya ito mailagay sa kanyang baril.
Ang bangka ay patuloy na hinahampas ng malakas na alon. Patuloy ang paglayo ng balsa rito.
At di nagtagal ay naglaho na ang balsa sa paningin namin. Inikot ni Marco ang spotlight upang hanapin ang balsa pero wala na kaming makita.
Ang kulog ay kumakalmot sa langit habang ang wisik ng tubig-alat ay nagdudulot ng hapdi mga mata.
Narinig ko ang pamilyar na atungal, sinundang ng sigawan. Mahirap tukuying kung saang direksyon nangaling.
Paulit-ulit na hinila ni Marco ang tali ng motor, pero ayaw itong umandar. Sinubukan niya nang ilang beses, pero tila bumigay ang makina sa kung kaylan kaylangang-kaylangan ito.
Pagkatapos ay dumating ang malakas na buhos ng ulan—parang mga kumot ng tubig na humahampas sa aming mga mukha.
Napilitan kaming gumamit ng mga sagwan, pero hirap kaming maigaod ang bangka dahil sa alon at hangin. Ang aming mga pagtatangkang hanapin ang balsa ay walang saysay laban sa malupit na hangin at naglalakihang alon. Wala kaming malinaw na direksyon, kaya wala kaming nagawa kundi hayaan ang alon at hanging magpasya kung saan kami dadalhin.
Ilang saglit pa’y humupa ang malakas na hangin. Luminaw ng kaunti ang paligid. Hindi pa rin namin matanawan ang balsa. Pero sa isang dako ay my nakita akong ilaw. Maaaring iyong ang parola sa pinanggalingan naming breakwater. Ang agos ay sa direksyong ng ilaw na iyon kami dinadala.
Tila ba ang karagatan mismo ay napagod na sa pakikipaglaro sa amin, at nagpasya nang ibalik kami kung saan kami nanggaling. Sa pagod ay napaupo na lamang kaming lahat sa sahig ng bangka.
Naalimpungatan ako ng naramdaman kong sumadsad ang bangka. Panandalian pala akong nakatulog. Halos sabab-sabay kaming tumayo.
Kasabay ng pagsadsad namin sa buhanginan malapit sa breakwater ay ang paghinto ng ulan. Huminto na rin ang malakas na hangin.
Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 9A
Chapter 9A
“Ang Pagbubunyag”
Itinulak ni Tomas ang balsa palaot, pero bago pa man kami makalayo, may mga aninong sumulpot mula sa aming likuran at nagsitalunan rin papunta sa aming balsa.
Kumalabog… tatlong sunod-sunod. Animo’y tinamaan ng malakas na alon ang balsa. Halos tumaob ito. Nabuwal ako’t gumulong papunta sa likurang bahagi… kasabay ko sina Eve at Jasmine. Sina Tomas at Adam ay nakabalanse. Matataga ang kanilang pagkakatayo.
Nang tumigil sa pag-ugoy ang balsa ay may tatlong katawang nakatayo sa aming harapan. Mga Sutsot na nasa katawan ng mga tao. Dalawang lalaki… isang babae. Silang lahat eh halos kasingtangkad nina Adam at Tomas. Ang mga lalaki’y pawang nakahubad… matitipuno ang katawan.
Unti-unti lumapit ang mga Sutsot. Tinignan ko si Eve. Tumayo ako sa harapan niya, gusto kong magsilbing kalasag niya laban sa mga papalapit na nilalang.
Tatlong putok ng baril ang umalingawngaw. Dalawa sa mga Sutsot ang napaatras, dahan-dahang lumuhod habang ang kulay berdeng likido ay bumubulwak mula sa kanilang dibdib.
Bago pa sila tuluyang tumimbuwang, sinalubong na sila ni Adam. Iwinasiwas niya ang kanyang itak nang dalawang beses—malinis, walang awa. At ang dalawang bangkay ay nahulog sa dagat… magkahiwalay ang ulo’t katawan.
“Hindi mo laging matatamaan ang target mo, Tomas,” isang boses ang nangutya.
Tinig iyong ng isang babae.
Ang ikatlong Sutsot ay tumayo nang matuwid. Gamit niya ang katawan ng isang babae. Muling kinalabit ni Tomas ang baril.
Click.
Ubos na ang bala.
Kinapa niya ang kanyang bulsa.
“Diyos ko… nalaglag ko ‘yung ibang mga bala ko,” bulong niya, bakas ang pagkadismaya sa kanyang boses.
Inilabas ni Jasmine ang kanyang patalim at ibinalibag sa Sutsot. Sinubukang umiwas ng demonyo, pero tinamaan ito sa kanang balikat. Hindi siya napuruhan. Daplis pero nakabaon ang patalim sa kanyang balikat.
Parang balewala lang na hinugot ng Sutsot ang patalim. Berdeng likido rin ang umagos mula sa kanyang sugat.
“Salamat sa patalim. Sayang… dapat sa puso ko pinuntirya mo. Tapos na sana problema ninyo.”
Tumitig sa amin ang halimaw. Para isa-isa kaming kinikilatis. Ang kanyang galit ay hindi maitago nang mala-anghel niyang kagandahan. Parang hindi ordinaryong babae ang nasa aming harapan. Mukhang ang katawang iyon ay hindi niya inagaw kung kanino man. Isa lang ang alam kong makakahigit sa kagandahang iyon… si Eve.
Sa likod ng paghanga sa kagandahang angkin ng Sutsot ay kinikilabutan ako. Siya kaya si Empusa.
Lima kaming tao laban sa isang Sutsot. Ang demonyo ay may patalim, at si Adam ay may hawak na machete. Hindi sumasalakay ang Sutsot. Naglalakad siya sa balsa na parang isang leon na sinusukat ang layo niya sa kanyang bibiktimahing usa.
Huminto siya sa tapat ni Adam, ang mga mata ay nakapako sa huli.
Nagsalita ang Sutsot sa isang wikang hindi ko maintindihan. Ang boses niya ay parang paos at puno ng poot. Habang siya’y nagsasalita ay tumuro siya sa direksyon ng nasusunog na isla. Sinisisi ba niya si Adam sa sunog?
Walang sinabi si Adam. Hinigpitan lamang niya ang hawak sa machete; hindi niya inalis ang tingin sa Sutsot na nasa kanyang harapan. Pareho silang handang pumatay.
“Berith, ginawa mo ang lahat ng ito dahil sa isang babae? Hindi pa ba ako sapat? Daan-daang taon na tayong magkasama,” Nagsalita na ang halimaw sa wikang naiintindihan namin.
Tinawag ng demonyo si Adam sa pangalang Berith. Ang pangalang iyon ay umalingawngaw sa isip ko.
“Ako ang anino mo, Berith. Pinagsilbihan kita… binigyan ng maraming supling… sinunod ko lahat ng iyong kagustuhan… at ngayon ay itatapon mo ako para siya ang makasama mo? Tanga ka ba… ako ay ganito ang hitsura ko hanggang sa dulo ng panahon. Pero iyang si Eve ay ilang taon lang eh tatanda… mangungulubot. Ako hindi.”
“Tomas… Willy… iyan si Empusa,” ang bulong ni Jasmine sa amin.
“Adam ang pangalan ko!” Pa-angil na wika ni Adam. “Bistado na namin kayong mga Sutsot. Hindi na tatalab sa amin ang mga kasinungalingan mo… ang panlilinlang mo!”
“Ah talaga? Nagbibiro ka ba, Berith?” pangungutya ng Sutsot. Tumawa nang tumawa ang babaeng Sutsot.
“Berith… Berith… Prinsipe ng Impiyerno, panginoon ng panlilinlang. Pinaniwala mo ako na may dakila kang plano para sa ating lahat. Pero ano ang ginawa mo? Hinayaan mong masunog ang mga kasamahan mong anghel na libong taon mo nang kasama… pinaglingkuran ka… sinusunod ka… at ang ating mga mga anak… hinayaan mong masunog. Itinakwil mo kami—lahat dahil sa isang sariwang karne na ni hindi na birhen nang makuha mo.”
Itinuon ng Sutsot ang paningin kay Eve, mabilis na tumakbo patungo sa kanya at sinubukang saksakin ito. Pero mas mabilis si Adam, pinatid niya ang demonyo at sinipa palayo.
Sa sandaling iyon, hindi ko alam kung sino ang mas dapat katakutan—ang babaeng Sutsot o si Adam, na tinawag nitong Berith. Bakas din ang kalituhan sa mga mata nina Jasmine at Tomas.
Napatingin ako kay Eve… minsan akong nagbiro na sa kariktan niyang angkin ay kahit mga maligno, halimaw, o demonyo, kung sila’y damdamin ding katulad ng mga tao, ay imposibleng hindi sa kanya magkagusto.
Tumayong muli ang babae Sutsot… binuksan nito ang kanyang bibig. Narinig kong muli ang atungal na inisip ko noon na galing sa isang babaeng halimaw. Ang atungal na iyon ang laging pumapangalawa noon tuwing magiingay at maghihiyawan ang mga Sutsot.
“Kasalanan mo ang lahat ng ito, babae! Inakit mo si Berith. Tingnan mo kung ano ang ginawa niya para sa’yo.” Itinuro ng nanginginig na daliri ng demonyo ang nasusunog na isla.
Muling sumugod ang halimaw kay Eve, pero sinalubong siya ni Adam at nagpambuno sila sa sahig ng balsa. Yumanig nang malakas ang balsa, kaya napakapit kami sa mga panaling nakausli sa mga pagitan ng sahig nito para hindi kami mahulog.
“Hanggang sa huli, ipagtatanggol mo ang babae mo.”
Nagpambuno sina Adam at ang Sitsit. Naibagsak ng Sutsot si Adam at napatungan ito. Parang eksena sa pelikula ang aking nakikita. Nakontrol ng Sutsot ang kamay ni Adam na may hawak na machete, habang ang kabilang kamay nito ay itinaas ang kutsilyo, handang itarak sa mukha ni Adam.
Mabilis kaming sumaklolo nina Tomas. Hinawakan ko ang braso ng Sutsot, habang pilit na ibunubuka ni Tomas ang mga daliri nito. Sumali si Jasmine, at si Eve naman ay walang tigil sa pagsipa sa binti ng demonyo.
Kalauna’y naagaw namin ang patalim.
Hinawakan namin ang mga braso at binti ng Sutsot. Malakas siya, hirap kaming siya’y kontrolin. Nakawala si Adam mula sa ilalim. Pinagtulungang naming idapa sa balsa ang halimaw.
Tila napagod sa pagpipiglas ang Sutsot. Hindi na ito kumikilos kalaunan.
“Bakit mo ito ginawa sa akin, Berith? Minahal at pinaglingkuran kita,” bulong ng Sutsot.
Niluhuran ni Adam ang Sutsot. Idiniin nito ang kanyang tuhod sa likod ng halimaw. Hinablot niya ang buhok nito at hinila ang ulo pabalik. Sa isang malamig na boses, sinabi niya, “Itigil mo na ang panlilinlang… Adam ang pangalan ko.”
Dahan-dahan niyang nilaslas ang leeg ng Sutsot gamit ang kanyang machete. Kahit demonyo ang ginagawan niyong ay hindi ko kayang panoorin. Si Eve ay umiwas din ng tingin. Pero sina Tomas at Jasmine ay hindi kumurap. Pinanood nila ang pagpipiglas ng Sutsot habang hawak nila sa magkabilang kamay nito.
Mula sa nakadilat na mata ng Sutsot ay parang may lumabas na kulay itim na usok.
Nang tuluyang maputol ang ulo ng halimaw ay sinipa ni Adam ang katawan hanggang sa ito’y mahulog sa dagat. Ang hawak nito ulo ng Sutsot ay palayong ibinalibag.
Matagal na walang nagsalita. Siguradong iniisip din nina Tomas at Jasmine ang sinabi ng demonyo.
Kung hindi lang namin alam na mga dalubhasa sa panlilinlang ang mga Sutsot ay maaaring paniwalaan namin ang mga sinabi niya tungkol kay Berith.
*****
Bumalik si Tomas sa paggaod.
Lumingon ako sa Isla Miedo.
Ang apoy ay naging isang dambuhalang halimaw, isang buhay na nilalang na inuubos ang lahat ng madilaan nito. Naririnig pa namin ang ingay ng mga Sutsot. Ang kanilang panaghoy ay hindi awa ang nilikhang damdamin sa akin kundi pagbubunyi.
Nanalangin ako na sana ay ubusin ng apoy ang bawat anino at walang itira kahit isa sa kanila. Umaasa ako na wala nang Sutsot na mabubuhay pa. Umaasa ako na wala nang tao ang mapupunta sa Isla Miedopara mabiktima.
Lumapit si Eve sa kanyang kapatid at niyakap ito, habang ang mga mata ni Jasmine ay nanatili kay Adam. Hindi mabasa ang kanyang mukha, naghahalo ang paghanga at pagdududa. Ang mga alon ay humahampas sa balsa, tila hinuhugasan ang init na naramdaman niya nang makitang buhay ang kanyang kapatid.
Unti-unting nagdilim habang lumalayo kami sa isla hanggang sa ang dagat at langit ay naging isang walang katapusang itim na salamin. Ang tanging liwanag ay nagmumula sa malamlam na kislap ng aking cellphone. Mabuti at may kaunting battery pa ito.
Ilang minuto ang lumipas, isang mahinang liwanag ang kuminang mula sa kung saan. Patuloy na lumaki ang liwanag at kalaunan ay isang haligi ng hamog ang nabuo sa harap namin—katulad ng nabuo nang sunduin kami ni Kharon sa breakwater.
“Dito tayo dumaan para makarating sa Isla Miedo,” sabi ni Jasmine. “Maaaring ito rin ang daan natin palabas.”
Tila ginagabayan ng isang puwersang hindi nakikita, pumasok ang aming balsa sa hamog. Hanggang sa mga sandaling iyon, ang kilabot sa aking gulugod ay hindi pa rin nawawala. Malayo na kami sa isla, pero may nararamdaman pa rin ako. Ito’y isang panganib pero hindi ko alam kung saan galing.
Sa halip na humawak sa kanyang kapatid, mahigpit na umukyabit si Eve sa braso ni Adam. Nahuli ko sina Tomas at Jasmine na muling nagpalitan ng mga nag-aalinlangang tingin. Sanay na akong makita siyang nakakapit sa braso ng iba sa halip na sa akin—una kay Jeff, at ngayon kay Adam. Kung darating pa ba ang pagkakataong braso ko naman ang hahawakan niya ay hindi ko alam.
Sa unahan namin, ang liwanag sa likod ng makapal na hamog ay naging mas malinaw. Hindi ako nagkakamali—si Kharon iyon, sakay muli ng balsang kawangis ng balsang sinasakyan namin.
May mga sakay nanaman siya… lahat sila ay nakaupo, tila natutulog. Nakita namin sila nang mas malapitan nang ang kanilang balsa ay ilang metro na lang ang layo sa amin.
“HOY! HOY! GISING! HUWAG KAYONG PUMUNTA SA ISLA!” Ang bulalas ni Jasmine.
Pero ang mga tao sa balsa ni Kharon ay nanatiling tahimik, hindi gumagalaw, tila ba natutulog habang nakaupo.
“Matanda! Wala na ang isla mo—sinunog na namin!” sigaw ni Tomas.
At muli ay narinig ko ang boses ni Kharon.
“Iyan ang akala niyo. Iyan ang pinaniniwalaan niyo, mga hangal na tao.”
Sinundan niya ito ng isang mala-demonyong tawa.
“Patay na ang lahat ng mga amo mong Sutsio!” sigaw muli ni Tomas.
Muli, sumagot si Kharon sa tonong tila pamilyar.
“Umasa kayo sa wala… hilingin niyo ang hindi mangyayari. Ang gabing ito ay simula pa lamang… hindi ang wakas.”
Pagkasabi niya niyo’y muli siyang tumatawa. Nang-uuyam. Ang hamog ay tila tumitibok kasabay ng kanyang tawa.
Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 8
Chapter 8
“Sa Ningas Ng Paghihiganti”
Humakbang kami palabas ng bahay ni Adam. Sinalubong kami sa makapal at malagkit na hangin. Tahimik ang paligid pero ang katahimikang iyon ay isang patibong. Hindi kami puwedeng maging kampante.
Habang binabagtas namin ang gubat pabalik sa sapang pinanggalingan namin ay ramdam ko pa rin ang kilabot sa aking gulugod. Hindi ito halos nawala mula nang makita namin si Adam sa may sapa.
Nang makarating kami sa sapa ay tumigil kami panandalian. Tinitigan ko ang malaking kagubatan na nakatayo sa pagitan namin at nang dalampasigan na kung nasaan ang balsang gagamitin namin pabalik sa pinanggalingan naming breakwater.
Sinimulan naming pasukin ang kagubatan. Ako ang nasa huli habang nangunguna si Adam, ang kanyang itak ay bahagyang kumikislap sa dilim. Nasa gitnang sina Jasmine at Eve. Si Tomas ay sinasabayan sa paglalakad ang kanyang kapatid.
“Brod meron akong nararamdaman na hindi ko maipaliwanag.” bulong sa akin ni Tomas na binagalan ng kaunti ang paglalakad upang maabutan ko siya.
Habang papalapit kami sa gubat, ay nakita kong parang nahawan ang matataas damo na tila may dumaan doon. Sigurado akong mga Sutsot iyon. At nang nakapasok na kami sa gubat ay nagsimula ng lumikha ng ingay ang mga Sutsot. Malakas ang sigawan ng mga halimaw ngunit kung noong dati ay nahihintakutan ako kapag narinig ko sila, ngayo’y wala na. Marahil ay mas iniisip ko ang gagawin naming pagtakas mula sa mala-impyernong isla.
Mabilis ngunit maingat ang ginawa naming pagtakbo. Tinitiyak namin na walang maiiwan at mahihiwalay sa amin.
Nakarating kami sa lugar kung saan namin inilibing si Daniel—ang kanyang katawan ay wala sa hukay na ping libingan namin sa kanya, at malayo s ang kinalalagyan ng kanyang ulo.
“Sandali!” sigaw ko. “Hindi natin pwedeng iwan si Daniel nang ganito.”
“Ha—!?” Naputol ang boses ni Eve. “Diyos ko… si Daniel ‘yan?”
Napaatras siya, ang mga mata ay nanlalaki sa takot at pagkagulat. Tila nanghina ang kanyang mga tuhod, napaluhod siya.
“Ilang kamatayan pa ba ang kailangan kong makita?” Ang mga salita niya ay putol-putol, barado ng hikbi. “Kasalanan ko ang lahat ng ito… may ibang tao pang nadamay.
Itinakip niya ang dalawang kamay sa kanyang bibig para pigilin ang sigaw na namumuo sa kanyang lalamunan. Nangangatog ang kanyang mga balikat.
Mabilis na lumapit sina Tomas at Adam sa kanya. Naunang lumuhod si Adam sa tabi ni Eve. Ibinaba ang kanyang itak. Inakbayan ni Adam Eve.
“Huwag mong sisihin ang sarili mo dahil sa nangyari,” ang wika ni Adam. “Hindi na bata si Daniel. Ginusto niyang pumunta dito sa isla..”
Wala akong magawa kundi pagmasdan sina Eve at Adam. Noon ka lamang siya nakitang umiyak at gusto ko sana siyang aluin. Pero naunahan ako. Lagi akong nauunahan pagdating kay Eve… nauhanan ako ni Jeff… at mukhang naunahan din ako ni Adam. Pumunta ako sa isla para iligtas siya, pero naunahan ako. Lagi akong nahuhuli pagdating sa kanya.
Nang halos malagutan na ako ng hininga dahil sa panibugho, ay itinuon ko ang aking atensyon sa hawak kong pamalo. Ganoon naman ang naramdaman ko. Hindi ko malamang kung hawak ko ang piraso ng kahoy o kinakapitan ko ito na parang salbabida na kapag binatawan ko’y baka malunod ako sa ilog ng kalungkutan.
Pagkatapos ay humagupit ang hangin, dala ang masangsang na amoy ng nabubulok na laman. Nagising ako mula sa panibugho at muling natuon ang pansin sa luray-luray na katawan ni Daniel. Guta-gutaytay ang kanyang katawan, ang kanyang mga laman-loob ay nilapa—kung ng mga lobo ba o ng mga demonyong Sutsot, hindi na namin alam. Napako ako sa aking kinatatayuan.
Narinig namin ang mga galaw sa paligid. Nagsimula ang nakakabinging atungal at alulong. May mga aninong mabilis na gumagalaw sa pagitan ng mga puno, ang kanilang mga hiyaw ay umaalingawngaw sa bawat panig.
Tinulungan ni Adam si Eve na tumayo at sinabing, “Pasensya na, pero kailangan na nating magpatuloy. Huwag titingala—nasa itaas natin ang mga Sutsot!”
Inihanda nina Jasmine at Adam ang kanilang mga sandata.
“Tara, Willy, tulungan mo ako,” sabi ni Tomas, at sumunod naman ako.
Mabilis naming inayos ang katawan at ang pugot na ulo ni Daniel sa ilalim ng kumot ng mga tuyong dahon at sanga. Tumulong din si Eve.
Mula sa aking backpack, kinuha ko ang mga mitsa at inipong kerosene ni Daniel. Ibinuhos ang mga ito sa ibabaw sa pinaglagyan namin ng kanyang bangkay. Sa isang pitik ng lighter ni Daniel, nasindihan ko ang tumpok ng mga sanga at dahon. Pinanood namin ang pagsiklab ng apoy.
Nagpatuloy ang mga hiyaw —pero sa pagkakataong ito, hindi para magdiwang, kundi dahil sa takot. Napansin kong lumalayo ang mga Sutsot sa kinalalagyan namin. Totoo ngang takot ang mga halimaw sa apoy.
Mabilis na kumalat ang apoy. Nagdagdag pa kami ni Tomas ng mga dahon at sanga. Ang apoy ay lumaki, dinidilaan ang mga kalapit na dahon at gumagapang sa mga tuyong baging na nakapulupot sa mga puno. Wala na akong marinig na galaw sa paligid, tanging ang lagitik at sagitsit ng apoy na lumalamon sa bawat tuyong dahon at marupok na sanga madilaan nito.
Tila nararamdaman ko ang espiritu ni Daniel sa dila ng mga apoy. Pinapaypayan niya ang apoy gamit ang mga kamay na hindi nakikita… inuutusang habulin ang mga Sutsot at ubusin sila upang siya’y makapaghiganti.
Mula sa malayo, dinig namin ang hiyaw at ungol ng mga Sutsot. Nagsisigawan sila, hindi upang magdiwang at magkasayahan. Sigaw iyon ng paghihirap at sindak.
Tuloy-tuloy ang aming pagtakbo at hindi na nangangamba sa panganib na dala ng mga halimaw. Sila man kasi ay tumatakbo, hindi para kami habulin. Tumatakbo sila upang takasan ang apoy na likha ng paghihiganti ni Daniel.
Pagkatapos ay narinig ko ang pamilyar na atungal—muli, isa na lang—na sinundan ng koro ng mga takot na hiyawan. Napaisip ako kung nasaan ang kanilang pinuno. Patay na ba siya? O may iba na bang nag-uutos sa mga Sutsot? May kakaiba sa solong atungal na iyon. Galit na galit.
Sa pangunguna nina Adam at Jasmine, tinahak namin ang daan patungo sa dalampasigan. Habang nagngangalit ang apoy, naramdaman namin ang tindi ng init sa aming likuran, na nag-uutos sa aming bilisan ang takbo at lumabas mula sa gubat.
Pagod na pagod na ako pero hindi ko magawang huminto. Batid kong ganoon din ang mga kasamahan ko. Batid naming lahat na kapag huminto kami sa pagtakbo ay baka abutan kami, hindi ng mga Sutsot kundi ng naglalaglab na apoy na walang pinapatawad sa mga nadadaanan nito.
Kakaibang ginhawa dulot ng isipin na ang islang ito ay malapit nang maging isang libingan—hindi lang para sa mga biktima nito, kundi para na rin sa mga halimaw na naninirahan dito.
*****
Nakalubog na ang araw nang lumabas kami mula sa gubat. Mula sa pampang, kitang-kita ang malaking apoy na aming sinimulan. Sinabi ni Adam na nagkalat siya ng gaas sa ilang bahagi ng gubat, at tila ito ang nagpapalakas sa apoy.
Ang mga dating mapanghamong hiyaw ng mga demonyo ay naging mga desperadong tili; ang kanilang kayabangan ay napalitan ng takot.
Habang tumatakbo kami, isang kakaibang saya ang bumangon sa akin. Naiganti namin si Daniel—at ang hindi mabilang na iba pang biktima ng mga Sutsot sa loob ng mahabang panahon. Ngunit sa likod ng tagumpay na iyon, alam kong hindi pa tapos ang laban. Hindi magtatagal at ang mga halimaw na nakaligtas sa apoy ay makakarating din sa dalampasigan—o baka naunahan pa nila kami. Ang pampang na lang ang tanging matatakbuhan nila.
Bagama’t takipsilim na, ang dalampasigan ay nagliliwanag nang nakapangingilabot dahil sa nasusunog na gubat. Ang apoy ay bumabakas sa mga alon, kinukulayan ang dagat ng kahel na parang likidong apoy.
Mabilis kaming tumakbo sa dalampasigan patungo sa kinalalagyan ng balsa ni Kharon. Nasa hulihan pa rin ako. Kaylangan nang bantayan ko ang likuran upang tiyakin na walang Sutsot na bigla sa aming susugod.
Nangunguna si Tomas, habang kami ni Adam ay hirap na sumasabay kina Jasmine at Eve. Kaya ko namang tumakbo nang mas mabilis, pero nanatili ako sa huli para magbantay sa likuran—at para hindi mawala si Eve sa paningin ko. Hindi ko inalis ang tingin ko sa kanya habang nagtatakbuhan kami patungo sa pampang.
May mga yabag na narinig ko sa aking likuran—tiyak kong hindi tao ang may-ari ng mga yabag na iyon. Pero patuloy lang ako sa pagtakbo. Hindi kami pwedeng huminto. Hindi kami pwedeng magpahinga.
“Bro, mauna ka na kaunti.” Ang wika ni Tomas. Mukhang naulinigan din niya ang mga yabag na sumusunod sa amin.
Nang marinig kong nagkasa ng baril si Tomas ay biglang huminto ang mga yabag na sumusunod sa amin. Nakahinga ako ng maluwag.
Sa wakas, nakita kong narating ni Adam ang pampang kung saan namin iniwan ang balsa ni Kharon. High tide na noon, at halos kalahati na ng balsa ay lubog na sa tubig. Naging madali para kina Tomas at Adam na itulak ang balsa sa dagat.
Unang tumalon si Tomas sa balsa, inihahanda ang kawayang tikin. Hinintay kami ni Adam, hinayaang sumakay muna sina Jasmine at Eve. Nakatayo siya paharap sa direksyong pinanggalingan namin, hawak ang kanyang itak.
Nagsimulang itulak ni Tomas ang balsa palayo sa pampang.
“Bilis, Willy!” sigaw ni Adam.
Tumalon ako sa balsa sa tamang oras; yumanig ito nang lumapag doon ang aking mga paa. Si Adam ang huling sumakay. Lumingon ako at nakita ang apoy sa gubat na kumakalat—ang mga dila ng apoy ay kumakalos sa mga puno, nilalamon ang lahat ng malapit sa pampang.
Pero hindi lang apoy ang humahabol sa amin. Unti-unti lumalakas ang alon.
Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 7
CHAPTER 7
“Sa Muling Pagtatagpo”
Nakaalpas kami mula sa sakmal ng gubat na siyang naging libingan ng mga biktima ng mga halimaw at bumulaga sa amin ang isang sapa.
Napakalinis at napakalinaw ng tubig nagaanyayang kami’y magtampisaw… hinihimok kaming limutin ang lahat ng mga hindi magagandang karanasan namin mula ng dumating kami sa islang iyon. Pero napakahirap gawin niyon.
Naupo kaming magkakalapit, ang mga mata ay patuloy sa pagmamasid sinusuri ang bawat sulok sa paligid. Maging ang sapa, para sa akin, ay kahina-hinala—masyadong malinis, masyadong tahimik, masyadong mapang-akit.
Naupo ako sa mabatong bahagi sa tabi ng tubig, pinagmamasdan ang aking repleksyon na gumagalaw sa umaagos na tubig ng supa. Tuyot na tuyot na ang lalamunan ko mula sa mahabang oras ng paglalakad at nakaktuksong yumuko para uminom. Kumikinang ang malamig na tubig, napakahirap tanggihan.
Ibinaba ko ang aking hawak na pamalo, bagama’t nag-aalinlangan akong bitawan ito. Ang kahoy na ito ay parang nagbibigay sa akin ng lakas ng loob at huwag matakot sa mga Sutsot.
Akmang ilulubog ko na ang aking kamay sa sapa, ang mga daliri ko’y nasa ibabaw na ng tubig. Pero may pumigil sa akin. Iginala ko ang aking paningin sa paligid. Sa likuran namin ay pinanggalingang gubat. Sa kabilang pampang ng sapa ay isa nanamang kagubatan.
Nakakangilo ang katahimikan. Napakahirap kumampante at isipang okay na ang lahat.
Paano kung ito ang sandaling piliin ng mga Sutsot para sumalakay? Ang sapa ay mukhang masyadong perpekto, ang agos ay tila isang duyan na parang gusto akong ipaghele.
Binawi ko ang aking mga kamay. Baka may kung ano sa tubig—isang bagay na kapag nainom namin ay magpapahina sa amin laban sa mga demonyo. Kung ano-ano na ang inisip ko. Pati tubig na walang malay ay pinagduduhan kong kakampi ng mga halimaw.
Sinulyapan ko sina Tomas at Jasmine. Ang kilos nila’y nagpapahayag nang pag-aalinlangan. Huminga ako nang malalim. Hindi ako pwedeng maging pabaya. Hindi ngayon… hindi kaylanman. Hindi ako pwedeng mamatay. Hindi ngayon. Hangga’t hindi ko nasisigurong ligtas si Eve.
Pagkatapos ay muli kong naramdaman ang pamilyar na kilabot na gumapang sa aking gulugod, malamig at matalas, parang haplos ng mga daliring hindi nakikita. Natutunan ko nang pagkatiwalaan ang pakiramdam na iyon. Iyon ang paraan ng katawan ko para magbabala na meron nagbabantang panganib pero hindi ko nakikita.
Tumayo ako, at pinagmasdan ko ng mabuti ang paligid. Bawat kilos sa madilim na bahagi sa harapan namin at likuran ay pilit kong inaaninag. Bawat tunog ay mabusising pinapakinggan. Batid kong ganoon din sina Tomas at Jasmine. Kaligtasan namin ay kaylangang tiyakin. Lahat kami’y nangangamba na biglang sumulpot ang mga Sutsot at katawan nami’y pilit na agawain..
Napansin ni Tomas na ako ay balisa.
“Ano ‘yun, bro?” tanong ni Tomas.
“Hindi ko alam…” Pabulong kong sagot. “May nararamdaman lang akong kakaiba.”
Mula sa likod ng isang malaking bato, isang lalaki ang lumabas.
Ang kanyang buhok ay tila mga madulas na lubid, ang kanyang balbas ay ligaw at may mga guhit ng abo. Halos kasing-tangkad siya ni Tomas pero mas malapad ang balikat. Ang machete sa kanyang baywang ay bahagyang kumikislap—ang hawakan nito ay parang pudpod na dahil sa ilang taong paggamit.
Dahan-dahan siyang humakbang palapit. Naamoy ko ang alat, kalawang, at pawis na umalingasaw mula sa kanyang katawan. Bumilis ang tibok ng puso ko. Hinablot ko ang aking sanga at humanda sa pakikipaglaban. Itinaas ni Tomas ang kanyang baril at itinutok sa lalaki. Pero nakakagulat ang bilis na ipinamalas ng lalaki. Sa isang iglap, naagaw niya ang baril ni Tomas at itinutok ito sa amin.
Susugod sana si Jasmine, pero mabilis na ibinaling ng lalaki ang baril sa kanya. “Huwag mong gawin ‘yan, Jasmine!”
Napatigagal kami.
“Kuya? Kuya Adam! Ikaw ba talaga ‘yan?”
Bahagyang ibinaba ng lalaki ang baril. “Oo. Ako nga. Kanina ko pa kayo pinagmamasdan simula nung makarating kayo sa sapa.”
Dali-daling lumapit si Jasmine para yakapin ang kapatid, pero mabilis akong humarang. “Sandali lang, Jasmine. Paano kung—”
“Huwag kang mag-alala, hindi ako Sutsot. Hindi ako nasaniban.”
Nakahinga ng maluwag si Jasmine. “Salamat sa Diyos at buhay ka! Alam kong matatag ka!” bulalas niya, bago mahigpit na niyakap ang kapatid. Pagkatapos ay humarap siya sa amin at ipinakilala kami ni Tomas sa kanyang kuya.
“Kayo ba ‘yung nasa balsa ni Kharon kagabi?” tanong ni Adam habang ibinabalik ang baril ni Tomas.
Tumango ako.
“Ako ‘yung nagwawagayway ng sulo kagabi. Tuwing nakakakita ako ng hanay ng ilaw sa gitna ng dagat, umaakyat ako sa tuktok ng mga burol na ‘yan.” Itinuro niya sa pinakamataas na bahagi ng isla. “Doon ako nagsisindi ng sulo para makita ng mga nasa balsa.”
Napailing si Tomas. “Mahirap paniwalaang nakatagal ka nang ganito dito sa dami ng mga demonyong ‘yan sa paligid.”
Ngumiti si Adam. “Sa tingin ko, ang training ko sa militar ang naghanda sa akin para rito. Pero ang tunay na nagpatibay sa akin ay ang kagustuhang ipaghiganti ang pagkamatay ni Julie… at iligtas ang sinumang maihahatid ni Kharon dito.”
Lalong hinigpitan ni Jasmine ang yakap sa kapatid. “Pero bawat taong naililigtas ko,” patuloy ni Adam, bakas ang panghihinayang sa kanyang boses, “sa huli ay kinakain din ng mga demonyong Sutsot.”
Kumalas siya sa yakap ni Jasmine. Tumingin sa aming isa-isa “At hindi ko alam kung hanggang kailan tatagal ‘yung nailigtas ko kamakailang lang… at kayo man.”
Nanlaki ang mga mata ni Tomas. “Ano? May nailigtas kang buhay pa hanggang ngayon?”
Hindi makahinga si Jasmine. “Babae ba siya, kuya?”
Sinalubong ni Adam ang kanyang tingin. “Oo.”
Nag-atubili siya—saka bumulong, “Evelyn ang pangalan niya.”
Nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na kaligayahan. Kitang-kita ko rin kung paano nagliwanag sa galak ang mukha ni Tomas.
“Nasaan ang kapatid ko? Nasaan siya?” Ang tanong ni Tomas.
Laking gulat ni Adam. “Oww, ikaw ang kapatid ni Eve?”
Lumapit ako’t kinamayan ko si Adam. “Salamat brod. Maraming salamat. Si Eve ang dahilan kung bakit kami narito. Dalhin mo kami sa kanya.”
Sandaling hindi gumalaw si Adam. Pagkatapos, sa isang dahan-dahang tango, humarap siya sa mabatong bangin. “Sumunod kayo sa akin.”
Tumawid siya sa sapa. Mababaw lang naman ito. Lampas tuhod lang angn pinakamalalim na bahagi. Sinundan namin siya. Hawak ko ng mahigpit ang aking pamalo. Si Tomas ay nagkasa ng baril. Nakahanda rin ang patalim ni Jasmine. Batid naming lahat na hindi kami puwedeng kumampante.
Nang matawid namin ang sapa ay pumasok kami sa isa pang bahagi ng gubat. Mas malinis ito, hindi gaanong masukal—pero amoy ng kerosene ang paligid.
Nagtaas ng kamay si Adam, hudyat na magdahan-dahan kami. “Mag-ingat kayo sa bawat hakbang,” babala niya. “Ang bahaging ito ng gubat ay puno ng mga patibong. May mga hukay dito na may mga matatalas na tulos at binuhusan ko ng kerosene. May mga alarm system din ako dito sa bahaging ito ng gubat. Ginawa ko ito para hindi hindi ako masalisihan ng mga Sutsot habang ako’y natutulog.
Habang naglalakad, napansin ko ang mga bahagyang kislap ng bakal sa pagitan ng mga ugat at sanga na natatabunan ng dahon. Ang hangin ay malapot sa amoy ng kerosene at kalawang.
Pagkatapos ay biglang tumigil si Jasmine. Sa unahan namin, nakasabit sa isang animo’y sapot ng gagamba pero yari sa baging ang isang kalansay—malinis na ang mga buto nito, ang bungo ay nakatingala sa langit. Ilang hakbang pa, may isa pang kalansay na nakasalampak sa isang hukay na puno ng matutulis na tulos ng kawayan.
“Mga Sutsot ang mga ‘yan,” ang wika ni Adam. “Mga biktima ng bitag ko ang mga iyan. Kapag narinig kong humihiyaw sila kapag nahuhuli sa mga patibong na iyan eh pinupuntahan ko para gamitan ko nitong bendidatong machete ko. Kaya takot na silang pumasok sa bahaging ito ng isla. Marami sa kanila ang namatay rito.”
Sa malayo, natanaw namin ang isang dampa na may bubong na gawa sa tuyong dahon ng nipa. Habang papalapit kami, may lumabas ng bahay… Eve.
“Diyos ko! Kuya! Kuya!” Ang boses niya ay binalutan ng magkahalong galak at iyak.
Mabilis na tumakbo si Tomas at niyakap nang mahigpit si Eve. “Salamat sa Diyos at buhay ka! Alalang-alala si Nanay sa’yo—pati na si Jeff.”
Gusto ko ring yakapin si Eve, sabihin sa kanya kung gaano ako kasaya na ligtas siya. Pero ang tanging nagawa ko lang ay ipikit ang aking mga mata at bumulong ng isang dasal ng pasasalamat.
“Hindi mo na kaylangang pumunta dito Kuya. Sobrang mapanganib.”
“At bakit hindi? Pinangako ko kay Tatay na poprotektahan kita sa lahat ng oras. Gagawin ko ang lahat para tiyaking ligtas ka Eve.”
“Sorry! Patawarin mo ako! Dapat nakinig ako sa’yo. Hindi ko na lang sana pinatulan ang hamon ng mga classmates ko na pumunta sa islang ito. Na-excite kasi sila sa mga napanood nila sa YouTube tungkol dito. At totoo nga palang may mga halimaw na naninirahan dito.”
“Masaya kami Eve na makitang ligtas ka.” sabi ko.
“Oo, salamat kay Adam. Iniligtas niya ako,” sabi ni Eve habang kumakalas sa yakap ni Tomas at sumisiksik kay Adam, ang kanyang ulo ay sumandal sa balikat nito. Para bang kay tagal na nilang magkakilala.
Gusto ko ring pasalamatan si Adam, pero ang mga salita ay tila bumara sa aking lalamunan. Sandaling nakalimutan ko ang isla, ang mga demonyo, pati ang pagkamatay ni Daniel. Ang makita si Eve na ganoon, buhay pero nakasandal sa balikat ni Adam—ay naghatid ng isang matinding kirot sa aking dibdib.
Gusto kong magdiwang dahil nakita ko siyang buhay, pero hindi ko magawa habang nakikita ko na parang napakalambing niya kay Adam. .
Tumingin ako sa malayo bago pa mabasa nina Tomas o Jasmine ang nakasulat na pagkadismaya sa mukha ko. Pero duda akong napansin nila. Ang mga mukha nina Tomas at Jasmine ay bakas rin nang pagkalito habang pinagmamasdan ang ipinapakitang lambing ni ni Eve kay Adam.
Napansin ko ang pag-aalinlangan sa ngiti ni Tomas. Ang kanina’y pasasalamat na ipinpakita niya kay Adam ay mukhang napalitan ng duda at kalituhan. Halatang pilit ang kanyan ngiti nang tumingin siya sa akin.
Si Jasmine naman ay parang nagtataka. Ang kanyang tingin ay nakatutok sa kanyang kapatid, pinagmamasdan kung paano nito hawakan si Eve. Hindi ko mahulaan kung ano ang naglalaro sa isip ni Jasmine. Pag-aalinlangan, marahil. O takot. Tahimik siyang nag-antanda ng krus, bumubulong ng dasal na siya lang ang nakakarinig.
“Siyanga pala, gustong sumama ni Jeff, pero hindi siya pinayagan ng nanay niya,” sabi ni Tomas, upang basagin ang katahimikan biglaang namayani sa kalagitnaan namin.
“Jeff… Sino naman si Jeff?”
“Ha… eh … Family friend,” mabilis na sagot ni Eve.
Napansin ko ang bahagyang inis sa kanyang boses. Kung bakit hindi niya sinabing kasintahan siya nito ay hindi ko alam. Marahil galit siya dahil hindi ito sumama sa amin para hanapin siya. O baka may iba pang dahilan.
“Ah… Kuya, nakita mo ba ang mga classmates ko?” tanong ni Eve ng may bahid ng pananabik na marinig ang kasagutan.
Nagkatinginan kami ni Tomas.
“Sorry Eve… pero wala na sila—maliban na lang sa isa, marahil,” seryosong sagot ni Tomas.
Napayuko si Eve nang madinig iyon.
“Kami lang ni Eve ang nakaligtas sa islang ito. Maging ang mga kasama namin ni Julie na pumuta dito noon ay isa-isa ring namatay,” dagdag ni Adam. “Halika, pasok tayo sa dampa.”
Sumunod kami sa loob. Isang lamesa na yari sa kahoy ang nasa gitna ng bahay. May mga prutas at tila bagong ihaw na mga isda sa ibabaw nito. Ang mga upuang nakapaligid sa lamesa ay yari din sa kahoy. Sa isang sulok ay may dalawang manipis na kutson—luma, sira-sira, at magkatabi.
“Kumain muna kayo—alam kong gutom na gutom na kayo. May tubig din dito.”
Atubili man ay kaylangan naming kumain.
“Huwag kayong mag-alala. Walang lason iyan.” Ang pabirong sabi ni Adam ng napansin niya tila parang nagaalangan kaming isubo ang mga pagkaing hawak na namin.
Habang kumakain, muli kong naramdaman ang pangangalisag ng mga balahibo ko sa aking kamay at batok. Parang may mga matang nakatingin mula sa labas o baka nasa bubong ng dampa.
“Paano ka nailigtas ni Adam, Eve?” tanong ni Tomas.
Ang tingin ni Eve ay napako sa sahig, napabuntong-hininga. “Ang natatandaan ko lang… matapos naming itayo ang mga tent, ang isa sa mga kasama ko ay nagpasimula ng siga. Nakaharap kami sa apoy nang makarinig kami ng paswit mula sa likuran namin. Lahat ng lumingon ay nagsimulang mangisay. Nawala ang kanilang mga mata, at ang kanilang mga tiyan ay unting nawawakwak.”
Nanginginig ang boses ni Eve habang ito’y nagkukwento.
“Dahil sa takot, tumakbo ako sa gubat. Nang tumigil ako para huminga, may humablot sa akin mula sa likuran at tinakpan ang bibig ko. Si Adam ‘yun. Sinabi niya sa aking huwag gagalaw at huwag gagawa ng ingay. Sinabi niya ring huwag akong magpa-panic habang naglalakad kami.”
Nabulunan si Eve sa emosyon. Inakabayan siya ni Adam. Isinandal ni Eve ang kanyang ulo sa kanyang balikat.
Sinakmal nanaman ako ng matinding panibugho. Pero wala akong magawa.
“Paulit-ulit na nagbabala si Adam na huwag lilingon sa likod, anuman ang mangyari—kahit may tumawag pa sa pangalan ko o may papaswit. Ang mga Sutsot ay tinatawag ang pangalan ko. May kaboses nga noon si kuyaTomas.”
“Patuloy niyang iwinawasiwas ang kanyang itak para hindi makalapit ang mga demonyo. Tumigil lang sila sa pagsunod nang makarating kami sa sapa.” Sinulyapan ko si Adam. Gusto kong magpasalamat sa kanya, pero aaminin kong mas nanaig ang matinding selos.
Napapikit ako ng makita kong halos idikit na ni Eve ang ulo sa mukha ni Adam. Nakakainggit. Dapat ako ang nakapagligtas sa kanya mula sa mga Sutsot. Kung nangyari iyong marahil ay sa balikat ko ngayon nakahilig ang ulo ni Eve.
Ngunit, may kung ano kay Adam na bumabagabag sa akin. Hindi panibugho. Parang mas mas malalim. Hindi ko maintindihan kung ano.
“Bakit kaya hindi tayo sinusundan ng mga Sutsot dito?” tanong ni Tomas. “Ang mga halimaw na nakapasok sa katawan ng tao lang ang pwedeng masaktan ng mga bitag na nakita natin kanina.”
“Apoy lang ang tatapos sa isang demonyo na wala pa sa katawan. Alam nila na ang bahaging ito ng isla ay diniligan ko ng kerosene—lalo na ang paligid ng dampang na ito—at susunugin ko ito hanggang dagat kung kinakailangan. Kumukuha ako ng kerosene sa mga balsa ni Kharon tuwing may mga bagong dumarating.”
“Takot din sila rito.” Binunot ni Adam ang itak sa kanyang tabi; ang talim ay kumislap sa liwanag ng gasera. “Marami na itong napatay sa mga halimaw na yan. Dala ito ni Julie nang pumunta kami rito—sabi niya ay binasbasan ito ng isang pari.”
May kinapa si Jasmine sa kanyang bulsa. Inilabas niya ang singsing ni Julie—at inilagay ito sa palad ni Adam.
Pinagmasdan ni Adam ang singsing. “Nawa’y makahanap ng kapayapaan ang kanyang kaluluwa,” bulong ni Adam, ipinikit ang kanyang mga mata at itinikom ang kamay sa singsing na parang isang dasal at pangako. “Nawala ko siya nang ang isang Sutsot ay nagbago ng anyo at nagpanggap na ako. Iyon lang ang tanging paraan para makuha nila siya. Sandali lang akong pumunta sa sapa para kumuha ng tubig noon. Pagbalik ko… wala na siya.”
Lumapit si Jasmine at niyakap siya.
“Kailangan na nating makaalis sa islang ito,” sabi ni Adam. “Okay pa ba ang balsang ginamit niyo?”
Tumango si Tomas. “Oo.”
“Kailangan nating kumilos nang mabilis. Kung tapos na kayong kumain, tara na.”
Nagpalitan kami nina Tomas at Jasmine ng mga seryosong tango.
“Kailangan nating makarating sa dalampasigan bago lumubog ang araw,” sabi ni Adam. “Ang ilang minuto pagkatapos ng paglubog ng araw ang tanging pagkakataon natin.”
Noon ko lang tiningnan ang aking relo—halos alas-kuwatro na ng hapon. “Tara na,” sabi ni Adam, at humakbang na siya papalabas ng bahay. Sinundan namin siya.
Chapter 8
“Sa Ningas Ng Paghihiganti”
Huwan Kang Lilingon
(Maikling Nobela – Horror)
__________
This short novel has been translated into English and published through Amazon.























