Muling Umawit

the-silhouette-of-a-lonely-man-vector-16961044

Ayaw nang umawit ng puso kong paos
Biglaang huminto ayaw nang tumibok
Damdaming namanhid walang kumukurot
Hindi na masaya, hindi rin malungkot

Balag sa isipa’y ayaw nang gapangan
Ng mga ala-alang sa ati’y nagdaan
Lungkot at saya’y tila nakalimutan
Ligaya’t siphayo’y ayaw ng balikan

Puso ko’y namanhid, damdami’y lumisan
Luha’t ngiti nawalan ng kahulugan
Tula sana’y magsilbi kong kaligtasan
Ibalik sa puso, nagkubling pakiramdam

Ngunit walang saysay, aking taludturan
kung nakalipas nati’y ‘di ko babalikan
Pinto ng ala-ala ko’y iyong buksan
Sa loob nito ako sana’y samahan

Doo’y samahan ako kahit lang saglit
Turuan ang puso kong muling umawit
Doo’y muling paindayugin sa pantig
Ang kahulugan ng tunay na pag-ibig