Igalang ang Bayan

Sa harap ng dayuhan bayan huwag kutyain
Pagkamamamayan mo ay huwag lilimutin
Hindi porke sa ibang bansa nakarating
Bayang sinilangan basura kung ituring

Ang bawat mamamayan ay may tungkulin
Na pagmalasakitan ang bayan natin
Kung ayaw gampanan ‘di ka pipilitin
Basta’t irespeto mo at ‘wag laitin

Wala namang sa iyo ay humihiling
Na bansang pinanggalingan ay purihin
Kung ito ay bulok sa iyong paningin
Tumulong ka kaya na ito’y baguhin

Bayan mong kinutya panahon ay darating
Huling hibla ng buhay mo doon hihingain

Leave a comment