Bayan at Pananampalataya

BAYAN
Ang bawat mamamayan ay may tungkulin –
Na pagmalasakitan ang bayan natin.
Kung ayaw gampanan ‘di ka pipilitin,
Basta’t irespeto mo at ‘wag laitin!
Wala namang sa iyo ay humihiling –
Na bansang pinanggalingan ay purihin.
Kung ito ay bulok sa iyong paningin,
Aba’y tumulong kang ito’y pagandahin.
Kagalingan ng ibang bansa kung pupurihin,
Bakit kabuntot ay batikos sa bansa natin?
Kung bayang pinanggalingan ‘di kayang mahalin,
Pakiusap naman huwag mo ng alipustain.
Palaging may mali, palaging may kulang.
Mahirap sundin ang iyong pamantayan.
Bakit ang mamuno hindi mo subukan?
Lutasin mo ang suliranin ng bayan.
Bakit mas piniling lahi mo ay batikusin?
Tayo ba’y walang katangiang pwedeng purihin?
Nagagalak kang pagka-Pilipino’y kutyain!
Mukhang masaya kang sariling lahi’y sumpain.
Mga basurang sa balota mo isinulat,
Sa iyong pamahalaan sila’y nakatambak.
At nakakatawa na ikaw ay nagugulat,
Sa kanilang bahong iyo ngayong nalalanghap.
May mga kumukupit sa kaban ng bayan.
May mga parang batang nagbabangayan.
DIYOS na mahabagin kami po’y kaawaan!
Matitinong pinuno kami’y biyayaan.
Maupo sa pwesto’y nakakahumaling
Para itong alak na nakakalasing.
Animo’y droga ito’y nakakapraning…
Di mapakali baka pwesto’y agawin
Kapangyarihan kapag minsa’y natikman,
Hindi na gugustuhing ito’y bitawan.
Gagawin ang lahat manatili lamang,
Animo’y tuko kung pwesto ay kapitan
Kandidatura’y milyon-milyon kung gastusan
Sukdulang kitlin ang buhay ng kalaban.
Iyan ba ay dahil mahal mo ang bayan?
O sa pwesto may matindi kang pakinabang.
Mananatili bang pangarap na lamang –
Na ang bayang hapis ay mabiyayaan
Ng mga pinunong tunay na lingkod-bayan
Buong tapat magsisilbi sa mamamayan?
Lahing kayumangi humayo magkapit-bisig.
Bumangon sa guho ng trahedyang humagupit.
Debate ay isang uri lamang ng “LIP SERVICE”,
Kamay natin ang pakilusin huwag sana bibig.
Ang lahing kayumangi sa Diyos nananalig,
Sa dagok ng tadhana ay hindi padadaig.
Lugmok man at lupaypay tiyak babangong pilit,
Sa gumuhong pangarap tagumpay iuukit.
Matapos ang trahedyang humagupit sa bayan
Bakit pa sinisilip kung sino ang nagkulang?
Bibig ninyo’y itikom itigil ang bangayan.
Kung walang itutulong manahimmik na lamang.
Ilang “Napoles” nga kaya ang umikot
Umaligid sa katakam-takam na “pork”?
Ilang “Napoles” kaya ang nakidukot
Tumulong kay “YOUR HONOR” sa pangungurakot?
Taon-taong “pork” sa kanila’y inihahain.
Kanya-kanya ng gayat mga pinuno natin.
Taba at laman paghahati-hatiin,
Buto’t balat ang ititira sa atin.
Nakataas ang kuyom na palad mo Juan,
Galit nang mapagtantong ika’y ninakawan.
Ngunit Juan kay sarap mo yatang batukan
Dahil ibonoto mo pinunong kawatan.
Huwag asahan ganid na pulitiko.
Sila’y mga Kastilang nanatili dito.
Sila’y nagkukuwaring mga Pilipino.
Ang tingin nila’y alipin pa rin tayo!
Wika ni J.F. Kennedy huwag tanungin
Kung ano ibibigay ng bayan sa atin
Bagkus sa sarili atin sanang bulayin
Sa sinilangan ano ang alay natin.
Mahirap aminin subalit ang totoo
Nagpabaya at nagkulang din naman tayo.
Hindi nga ba’t tayo ang nagluklok sa puwesto,
Sa mga tiwali’t ganid na pulitiko.
Your honor sa hapag mo alak ay bumabaha.
Si Juan nama’y iniinom mapapait na luha.
Your honor sa yaman sa yate ka humihilata,
Habang si Juan nanaghoy sa baha namamangka.

PANANAMPALATAYA
Sa pag-ibig mong nag-aalab na parang apoy…
Sa bulaklak na patuloy ko pang naamoy…
Sa hininga kong hanggang ngayo’y nagpapatuloy,
na parang ritmong sa tula ko’y pinadadaloy…
SALAMAT PO!
Sa muling paggising sa isang umaga,
Sa sariwang hanging dulot ay ginhawa,
Sa pagpapalang nakahain sa mesa,
Tayo ay lumuhod, pasalamatan S’YA.

Leave a comment
Comments 0