Huwag Kang Lingon ~ Chapter 4

Chapter 4
“Ang Paglusong Sa Kadiliman”

Ang unang mga hakbang ko palayo sa balsa ay mabigat. Parang ayaw kumilos ng aking mga paa. Parang pinipigilan ako. Maaring ganoon din ang pakiramdam ng aking mga kasama. Ang sanga ng kahoy  sa aking kamay ay hindi ko malaman kung hawak ko ba  o ito’y kinakapitan ko… parang salbabidang ayaw kong bitawan baka ako malunod.

Mahigpit ang hawak ni Jasmine sa patalim  sa kanyangkamay.  Ang rosaryong nakapulupot sa kanyang kaliwang pulso ay tila nagsisilbing panangga.

Pinagmasda ko siya—matatag, tahimik, inihahanda ang sarili sa ano mang panganib na aming susuungin.

Sinulyapan siya ni Tomas. “Baka ma-injure ka niyan, Jasmine. Halos paatras  ka na kung lumakad.”

“Ayos lang,” bulong ni Jasmine, lalong hinigpitan ang pagkakahawak sa kanyang patalim. “Kung aatake ang mga Sutsot mula sa likuran, handa ako. Traydor at tuso kasi ang mga iyan, saka sumasalakay kapag nalingat ka.”

“Sige… sige… Magpapalitan na lang tayo sa pagbabantay sa likod,” sabi ko.

“Bago tayo pumasok sa gubat, bagtasin muna natin itong dalampasigan,” mungkahi ni Jasmine. “Malamang na nag-camp ang kapatid mo at ang mga kaibigan niya sa tabi lang ng dagat para mas malapit sa gusto nilang languyan.”

Maingat kaming kumilos. Bawat hakbang ay tila sinusukat. Ang tanging ingay ay ang paglangitngit ng buhangin sa ilalim ng aming mga paa. Napakatahimik ng gabi—isang uri ng katahimikan na nakakabingi… katahimikang hindi kapayapaan ang dala kundi matinding kaba at takot. Bawat ingay na nililikha namin ay tila umaalingawngaw nang mas matagal na tila ba nais na iparating sa mga halimaw na nakatira doon na may mga dumating na tao. Ramdam namin ang bigat ng panganib. Alam naming naroon lang sa paligid ang mga halimaw, naghihintay.

Nangunguna na si Jasmine… ako naman ang nagbantay sa aming likuran. Nakakahiya—ang kaisa-isang babae sa aming grupo ang siyang umaakay sa amin sa dilim. Nakaharap na niya’t nakalaban ang mga Sutsot noon… at nabuhay para ikwento ito.

Biglang tumawag si Tomas. Hindi na mapigil ang sarili..

“EVEEE! EVEEE…! Nandidito kami!”

Ang kanyang sigaw ay naglakbay sa tilaa walang lamang dalampasigan, bumabalik mula sa mga hindi nakikitang bangin. Sa bawat pagbanggit niya sa pangalan ni Eve, tila pumupuno sa  puwang sa puso kong na matagal ko nang inilaan para sa kanya.

Ngunit isang nakapanlulumong sagot ang bumalik sa tawag ni Tomas—isang koro ng nakakagimbal na alulong at garalgal na ungol ang nagmula sa gilid ng gubat. Ang mga ingay na iyong ay  rumagasa patungo sa amin na parang alon na gusto kaming lunurin sa takot. Bumilis ang kabog ng dibdib ko. Lalong napahigpit ang kapit ko sa hawak kong pamalo. Nararamdaman ko ang mga matang nakamasid sa amin mula sa dilim. Sobra-sobra ang pangangalisag ng mga balahibo ko sa buong katawan.

“Nandiyan na sila,” babala ni Jasmine. Kalmado ang kanyang boses sa kabila ng tensyong unti-unting namumuo. “Magmatyag kayo.”

“Teka… sandali lang,” bulong ni Tomas, halos malunod ang boses sa hampas ng alon. “Parang may tent sa banda doon.”

Tama siya. Sa malabo at pasulput-sulpot na liwanag ng aking gasera, nakita ko ang isang tent na gula-gulanit. Gusto ko sanang tumakbo para tingnan kung nandoon si Eve, pero pinigilan ako ng babala ni Jasmine.

Habang papalapit kami, nagsimulang lumitaw ang mga bakas ng buhay na naiwan… mga damit na nagkalat, mga boteng walang laman, at isang sapatos na kalahati nito’y nakabaon sa buhangin.

Napaluhod si Tomas sa tabi ng isang lumang backpack. Inilapag niy ang hawak na baril at gasera, at kinuha ang backpack.

“Hindi ako puwedeng magkamali. Bag ito ni Eve. Ako mismo ang bumili nito para sa kanya.” Garalgal ang kanyang boses sa tindi ng emosyon. Sinasalamin ni Tomas ang aking nararamdaman. “Diyos ko… nasaan ang kapatid ko?”

Naghiwa-hiwalay kami para suriin ang paligid. Ang mga anino ay tila yumuyuko papalapit, nakikinig.

Hinawakan ko nang mahigpit ang sanga—hindi lang bilang armas, kundi bilang pangako. Anuman ang mangyari, ipaglalaban ko siya.

“O mahabaging Nazareno!” Ang gulat na gulat na wika ni Jasmine.

Nagmadali kaming lumapit sa kanya. Doon tumambad sa amin ang kanyang nakita. Sa liwanag ng gasera, bumulaga ang dalawang bangkay—isang lalaki at isang babae—nakasubsob sa buhangin.

“Tulungan mo ako, Daniel.” Ang wika ni Tomas. “Bilis!!! Tignan natin kung sino ang mga ito.”

Napaurong si Daniel. “Bakit ako?” nauutal niyang tanong.

Wala nang nagawa si Tomas kundi umiling.

Kahit nag-aalinlangan, susubukan ko sanang tumulong, pero naunahan na ako ni Jasmine. Matatag at walang kaba niyang tinulungan si Tomas na iikot  ang mga bangkay.

Nang galawin nila ang mga bangkay ay umalingasaw ang amoy na nakakasulasok. Halos bumaligtad ang aking sikmura. Pero mas nakakapangilabot ang kanilang hitsura.

Ang kanilang mga braso at binti ay tila buto’t balat na lamang, ang kanilang mga tiyan laslas at ang kanila bungo ay wasak. Ang natitira sa kanilang mga lamang-loob ay nangingitim at pinagpipiyestahan na ng mga uod.

Wala ang kanilang mga mata.

Mabilis kong iniwas ang aking tingin bago pa man tumatak nang mas malalim ang imaheng iyon sa aking isipan.

Hindi kinaya ni Daniel ang nakita. Tumalikod siya at nasuka sa buhangin. Nilapitan ko siya at hinaplos ang kanyang likod hanggang matapos ang kanyang pagsusuka at siya’y kumalma.

“Katapusan na natin ito,” mahina niyang bulong nang makahinga nang malalim.

Biglang umalingawngaw sa isip ko ang mga salita ni Kharon:

“Isa sa inyo ang mabubuhay para ibahagi ang kuwentong ito. Ang iba’y magiging plamuti sa kuwento.”

Sandaling namayani ang katahimikan. Ang tunog ng mga alon ay tila isang mabigat at mabagal na paghinga. Tumingin sa akin si Tomas, pagkatapos ay kay Jasmine. Nagtagpo ang aming mga mata—tatlong kaluluwang nakakulong sa pagitan ng pagkabigla at ng katotohanang nagsisimula na ngang magkatotoo ang propesiya ni Kharon.

“Hindi,” sabi ko nang mahinahon pero may paninindigan. “Hindi dito magtatapos ang lahat-lahat. May mga pangarap pa ako… ang magpakasal, ang magkaroon ng pamilya. Marami pa akong gustong marating. Hindi dito magtatapos ang kwento ko—o ang sa inyo.”

Sinubukan kong ngumiti para kay Daniel, kahit na nanginginig ang boses ko. “Aalis  tayong buhay dito. Makakabalik tayo sa pinanggalingan nating breakwater. Makakauwi tayo sa ating mga bahay.”

Lumapit si Jasmine, seryoso pero determinado. “Makakabalik tayo sa breakwater nang buhay.”

Sinuri ni Jasmine ang mga bangkay nang masinsinan, parang bale-wala lang sa kanya ang ginagawa niyang iyon. Matibay ang kanyang sikmura. Mukhang sanay siya sa mga ginagawa niya.

“Mga kaibigan sila ni Eve,” bulong ni Tomas. “Kasam sila sa mgasumundo sa kanya noon sa bahay. Iyan ang mga damit na suot nila”

“Nabiktima sila ng mga pinakamababang uri ng Sutsot,” ani Jasmine, habang ang mga mata niya ay mabilis na nagmamasid sa paligid. “Mas gusto nilang kainin ang mga lamang-loob ng tao kaysa manatili sa loob ng katawan ng biktima nila.”

Nawala ang lahat ng pagdududa ko. Ang mga babala ni Jasmine ay totoo. Nakakilabot at nakakatakot, pero toto. Ang lahat ng ibinunyag niya kanina ay hindi script ng pelikula. Ang lahat ay nangyayari eksakto sa paraang inilarawan niya.

“Anong gagawin natin ngayon?” puno ng taranta ang boses ni Daniel. “Dapat na tayong umalis sa islang ito bago pa maging huli ang lahat!”

Daniel, tama na!” ang wika ko, mas malakas ang boses ko kaysa sa gusto kong gawin. Ayaw ko kasi sanang mas lalong bumaba ang morale ng kaybigan namin. “Hahanapin natin si Eve. Pero kung gusto mong tumakbo, gaya ng sabi ko kanina, sige—lumangoy ka pabalik sa pinanggalingan nati, o bumalik ka sa balsa at hintaying mo na lang kami doon.!”

Hindi ko na mababawi ang mga sinabi ko. Hindi ko na napigilang pa. Nakita ko ang gulat sa mukha ni Daniel at naramdaman ko ang titig ni Tomas—marahil nagtataka. Ganoon ba kahalata na mas mahalaga sa akin ang mahanap si Eve kaysa sa sarili kong kaligtasan?

Para yatang sumobra ako sa mga sinabi ko kay Daniel. Tama bang singhalan ko siya nang ganoon? Siguro sinasabi lang ni Daniel ang totoong nararamdaman naming lahat. Siguro nagagalit ako dahil tuluyan na akong nilamon rin ng takot. Ang pagsabog ko ba ay isa lamang desperadong paraan para itago ang sarili kong pangamba?

Pumagitna si Jasmine sa amin, kalmado pero matigas ang tono. “Guys, please. Hindi ito ang oras para mag-away.”

“Pasensya na Daniel… sorry.” Ang wika ko ng buong pagpapakumbaba.

Pagkatapos ay nakarinig kami  ng matitining na sigaw t garalgal na ungol ng mga nilalang na pakiramdam ko papalapit na sa amin. Parang nanigas ang bawat kalamnan sa katawan ko. Napakalapit na nila—masyadong malapit.

Bumulong si Daniel, nanginginig sa takot, “Wala tayong laban sa mga halimaw na ‘yan. Para tayong mga tupang ini-aalay sa kanila.”

Tiningnan ni Tomas si Daniel. Walang galit sa kanyang mga mata—pawang habag at pang-unawa lamang.

Tila nauunawaan niya ang taranta ni Daniel, marahil ay nararamdaman din niya ito, pero tumanggi siyang magpatalo rito. Bumuka ang kanyang mga labi, tila sasagot, magpapakalma, o magagalit. Mahirap sabihin. Pero pinigil niya ang sarili. Nilunok niya ang mga salitang namumuo sa kanyang lalamunan at hinayaan ang katahimikan ang mamayani.

Ang pigil na emosyon sa kanyang mga mata ang nagsabi ng lahat… ang takot ay nanunuot na sa pagkatao aming lahat sa pagkakataong iyon, pero hindi niya hahayaang ito ang maghari.

Nagpasya na rin akong manahimik. Pagod na akong makipag-talo kay Daniel. Ang pasensya ko ay tila isang lubid na sobrang nang nahigit at malapit nang maputol. Pero hinayaan ko na lang.

Napasubasob si Daniel ng ilang hakbang bago tuluyang lumuhod. Nakayuko. Nanginginig ang mga balikat. “Ayokong mamatay,” bulong niya sa sarili.

Tumabi ako sa kanya at ipinatong ko ang aking kamay sa kanyang balikat. “Hindi tayo mamamatay, Daniel,” ang mariing kong sabi. “Matibay at matapang  tayo. Kaya nga gusto nating maging pulis ‘di ba.”

Hinawakan niya ang aking braso. “Pasensya na, bro.”

“Kalimutan mo na ‘yun, bro.” Inabot ko ang aking kamay para tulungan siyang tumayo. “Hindi tayo pababayaan ng Diyos.”

Nag-alinlangan siya, bago bumulong, “Paulit-ulit na pumapasok sa isip ko ‘yung sinabi ni Kharon. At kung isa lang ang mabubuhay, siguradong hindi ako iyon.”

Inabot niya ang kamay ko at dahan-dahang tumayo. Ang hindi niya lang alam ay paulit-ulit ko ring naiisip ang mga sinabing iyon ni Kharon. At puwede ko ring sabihin na imposibleng nakalimutan na nina Tomas at Jasmine ang mga iyon.

 Habang pilit niyang pinatatatag ang sarili, idinagdag niya, “Kung sino man sa inyo ang makakabalik sa atin… pakisabi sa nanay ko, sorry. Sabihin niyo, mahal na mahal ko siya.”

“Tigilan mo ang kalokohang ‘yan,” madiing sabi ni Tomas.

“Hindi… mangako kayo sa akin,” giit ni Daniel.

“Okay… okay…,” ang wika ko. “Promise.”

Sandaling walang nagsalita—ang hangin ay may dalang mahinang ugong ng dagat at ang kaluskos ng isang bagay na hindi nakikita sa likod ng mga puno.

Kinuha ni Tomas ang kanyang baril at gasera at muling naglakad, ang kanyang mga hakbang ay nagpapahayag ng katiyakan.

Habang sinusundan namin siya, lalong humigpit ang kapit ko sa hawak kong kahoy. Ang isiping si Eve ay nasa kalagitnaan ng pugad ng mga halimaw… nagtatago…nag-iisa… natatakot… ay nagbibigay sa akin ng dahilan para tibayan ko ang aking dibdib.

“Jasmine, ako na ang titingin sa likod natin,” sabi ko.  Tumango siya at nag-antanda ng krus. Nanguna si Tomas, habang nakasunod si Daniel sa likod niya.

Nagpatuloy kami sa paglalakad sa kahabaan ng  dalampasigan—ang dagat sa aming kaliwa, ang kadiliman sa aming kanan. Ang mga puno ay tila mga bantay, nagpapatong-patong ang kanilang mga anino, ang kanilang kaluskos ay mahina at tila nagbabanta. Ang mga tunog ay pabalik-balik, nanunukso sa aming pandinig.

Biglang nag-iba ang ihip ng hangin, may dalang isang bulong—masyadong mahina para malaman kung ano, pero masyadong matalim para balewalain.

Dumampi ito sa aking tenga, na tila hininga mula sa isang bagay na hindi nakikita.

Chapter 5A
“Bulong Mula Sa Kawalan”

Share this: