Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 11

Chapter 11
“Kabuntot Na Anino”

Sa gitna ng kadilimang iyon ay bigla kong naalaala ang propesiya ni Kharon. Akala ko ba ay mabubuhay ako para isalaysay ang kwentong ito.

Bakit ang mga ingay na narinig ko kanina ay unti-unting naglaho? Bakit nawala ang liwanag?  Para akong lumulutang. Pakiramdam ko’y nawalan akong ng bigat. Para akong balahibo ng ibon na nakalutang at itinataboy ng hangin patungo sa  hindi ko malaman kung saan.

Ang mga alaala sa isip ko’y dumaan na parang mga bubog ng salamin—bawat isa ay nagpapakita ng isang eksena sa buhay ko bago tuluyang maglaho.

Pagkatapos ay biglang dumating ang mga Sutsot.

Bakit narito pa rin sila? Akala ko ay wala na. Nasaan ang mga Guardians? Nasaan si Eve? Wala na silang lahat. Ako na lang—ako laban sa mga Sutsot?

Naramdaman ko ang malamig na hawak  ng mga Sutsot  sa aking binti, hinihila ako pababa, gusto akong ibaon sa kailaliman. Nilamon ng pangamba  ang aking dibdib. Sumipa ako, nagpupumiglas—bawat galaw ay dala ng matinding desperasyon. Sa pagpupumilit ko’y, nakawala ako sa kanilang kapit at tumakbo, habang ang sakit ay nag-aapoy sa aking sugatang binti.

Lumingon ako at nakita ko sila sinusundan ako. Tila ayaw akong pakawalan. Umaatungal at umaalulong ang mga aninong humahabol sa akin, hanggang sa may lumitaw na isang lagusan, nasa bandang unahan.Parang umiikot ang lagusan ngunit wala akong ibang puwedeng takbuhan. Tanging ang liwanas sa bandang dulo ang aking nakikita. At parang hinihila ako ng liwanag na iyon.

Muli akong lumingon. Malapit na akong abutan ng mga Sutsot.

Binilisan ko pa ang aking takbo. Masakit man ang isang binti ko’y tiniis ko. Ang liwanag sa unahan ay lalong nagningning sa bawat hakbang, nangangako ng init, buhay, at pagkakataong makaligtas. Tumakbo ako, sumugod—ibinigay ang bawat hibla ng aking lakas. Nang malapit na ako sa dulo ng lagusan, tumindi ang liwanag, masakit sa mata.Napapikit ako. Pagkatapos ako ay natisod.

Nakadapa ako sa sahig. Tumangging kumilos ang aking katawan. Kahit anong pilit ko, hindi ako makatayo. Naubos ng pagtakbong iyon ang bawat hiblang aking lakas. Sumisigaw ang isip ko na magpatuloy, pero ang katawan ko ay sumuko na.

Akala ko ay narating ko na ang dulo. Sa pagitan ng dilim at liwanag, nakita ko ang kanyang mukha—hindi ang Eve na binaluktot ng sumpa ni Berith, kundi ang babaeng minsang ako’y nginitian. Kumapit ako sa imaheng iyon na parang isang butil ng rosaryo—ang huling dalisay na bagay na natitira sa loob ko.

Hinintay ko ang pagdating ng mga kampon ni Berith. Pero walang dumating. Nasaan kaya sila?

Idinilat ko ang aking mga mata. Ang matalas na sinag ng ilaw sa kisame ay tumusok sa aking paningin. Muli akong pumikit. Ako’y nalilito, nagtataka kung ano ang nangyayari.

Pagkatapos ay naramdaman ko ang unan sa ilalim ng aking ulo.

Nakahiga ako sa isang kama. Ang tuluy-tuloy na tunog ng “beep” at ang mahinang ugong ng mga makina ang humila sa akin pabalik mula sa kawalan. Ang amoy ng gamot ay nasagap ng akin ilong. Nagpaalaala ito sa akin ng mga gabing binantayan ko ang aking ina noong minsang siya ay nasa ospital.

Dahan-dahan, idinilat kong muli ang aking mga mata at napangiwi sa liwanag sa itaas. May mga manipis na tubo mula sa aking mga kamay patungo sa dalawang IV bags na nakasabit sa tabi ng kama—mga linyang nag-uugnay sa akin sa mundo ng mga buhay. Itinaas ko ang aking nanginginig na braso at naramdaman ang malamig na tape sa aking balat—patunay na hindi panaginip ang lahat-lahat.

Buhay pa ako. Huminga ako… at huminga pa ako nang mas malalim. Ang hindi maipagkakailang amoy ng silid ng isang hospital ay pinatutunayan ang marupok na katotohanang buhay pa ako.

Pero nasaan si Eve?

Napansin ko ang isa pang pasyente na nakahiga sa aking kanan, malapit sa isang bukas na bintana. Nandoon siya, si Eve. Maputla ang kanyang mukha, nakapikit ang kanyang mga mata, at ang kanyang kamay ay nakalaylay sa gilid ng kama.

Isang malaking ginhawa ang bumalot sa akin nang makita kong tumataas-baba ang kanyang dibdib, mahina pero matatag. Pareho kaming nakaligtas sa kalupitan ng mga Sutsot.

Dahil wala na si Tomas, ang tungkuling protektahan siya ay mas mabigat pa kaysa sa benda sa aking binti. Alam kong wala na si Berith, at ang Diyos Ama ay laging magbabantay sa amin. Pero walang puwang para maging kampante. Hindi ko sigurado kung naubos ba ng apoy ang lahat ng mga kampon ni Berith sa Isla Miedo. Kailangan kong bantayan si Eve.

Kumikirot ang aking binti—ang bahaging tinamaan ng bala—tumitibok sa bawat paghinga ko. Sa kabila ng sakit, isang tahimik na pagdiriwang ang nabuo sa loob ko habang inaalala ang lahat ng nangyari bago ako nawalan ng malay. Natalo ang mga Sutsot. Hindi nagwagi ang kasamaan.

Naalaala ko ang sinabi ni Jasmine: “Maaaring bumagsak ang katawan ng mga demonyo, pero ang kanilang espiritu ay nananatiling buhay. Hindi sila namamatay gaya ng mga tao. Ngunit kapag sila ay nagapi, itinatapon sila sa lawa ng apoy—isang lugar na walang takasan, kung saan ang paghihirap ay walang katapusan.”

Si Berith ay nasa kailaliman na ngayon ng lawa ng apoy, nangingisay ng walang hanggan,  isinumpa, at walang ng kapangyarihan. Ang mga sakripisyo nina Tomas, Daniel, Fidel, Marco, at Jasmine ay hindi nawalan ng saysay. Ang pagkamatay nina Adam, Julie, at lahat ng biktima ng mga Sutsot ay naiganti na, kasama ang hindi masabing kalapastangang ginawa ni Berith sa isip at katawan ni Eve.

Hindi nagtagumpay ang kasamaan. Pero nagtatago lang ito sa likod ng kadiliman at muli ito magtatangkang bumalik sa ano mang pagkakataon. Hindi ito susuko kahit kaylan. Kaya dapat laging magbantay at handang muling lumaban.

*****

May dalawang tao palang nakaupo malapit sa pintuan—mga kasamang hindi inaasahan pero pamilyar. Ang kanilang madilim na pulang tunika ay nagmamarka sa kanila bilang mga miyembro ng Guardians of Light.

Sa mga dahilan na hindi ko maipaliwanag, muli akong nakaramdam ng kilabot. Hindi ko alam kung dahil ba ang presensya ng mga Guardians ay nagpapaalaala sa akin ng mga nakatatakot na karanasan namin sa Isla Miedo at sa safehouse.

Pagkatapos, isang kakaibang init ang bumukal sa aking leeg at dibdib. Nanggagaling ito sa kwintas na may krus na ibinigay sa akin ng pari. Bakit hindi niya ito kinuha pabalik?

Inilabas ko ito mula sa ilalim ng aking damit at hinalikan ang krus. Gawa ito sa pilak. Ito ay mas malaki kaysa sa mga pangkaraniwang krus na ginagawang kwintas. Tila nilikha ito para sa uri ng kasamaang dasal lamang ang puwedeng ipanlaban.

May kumatok sa may pintuan. Ang isang Guardian ay bumunot ng baril, ang isa naman ay inihanda ang  machete. Dahan-dahan nilang binuksan ang pinto.

At nandoon siya—si Jeff.

Tumingin sa akin ang mga Guardians.

“Kaibigan namin siya,” sabi ko. “Pakiusap, patuluyin ninyo.”

“Salamat, bro.” Iaabot ko sana ang aking kamay pero nilagpasan ako ni Jeff… dumiretso siya kay Eve.

Nakita ko siyang hinahaplos ang buhok ni Eve gamit ang nanginginig na mga kamay. Ipinikit ko ang aking mga mata. Akala ko na noong nawala na si Berith, hindi ko na kailangang makipagkumpitensya para sa kanyang puso. Pero nakalimutan ko—bago pa siya kinuha ni Berith, pagmamay-ari na nga pala siya ng iba. Hindi siya akin. Hindi ko puwedeng angkinin.

“Willy.”

Idinilat ko ang aking mga mata. Nagulat ako nang makitang nakatayo na si Jeff sa tabi ko, ang kanyang kamay ay nasa aking balikat.

“Salamat sa ginawa mo para kay Eve,” sabi niya. “Ako na ang bahala sa kanya ngayon. Hindi mo na kailangang mag-alala.”

Ang kanyang tingin ay palipat-lipat sa aking mukha at sa krus sa aking dibdib. Tumango lang ako. Wala namang kaylangan pang sabihin.

Bumalik siya sa tabi ng kama ni Eve, kumuha ng upuan, at naupo. Habang pinapanood ko siyang hinahaplos ang pisngi ni Eve, naramdaman ko ang selos sa ilalim ng aking mga benda—isang hapdi na dulot ng kanyang pagpili kay Jeff.  Hinarap ko ang mga halimaw at tinawid ang impiyerno mismo, pero ang puso niya kahit kaylan ay hindi kailanman ko mapapanalunan.

Pero ang pag-ibig ay hindi laging tungkol sa pagmamay-ari; minsan, ito ay ang tahimik na hiling para sa kaligtasan at kabutihan ng minamahal mo. Anuman ang mangyari sa kanya, alam kong lagi ko siyang mamahalin—nang tahimik, nang buo, kahit na mangahulugan itong mahahalin siya mula sa malayo.

Gusto kong magsalita—ipaliwanag ang lahat ng nangyari—pero hindi na muling tumingin sa akin si Jeff. Marahil ay hindi ito ang tamang panahon.

Ang presensya ni Jeff ay maaaring labag sa aking kagustuhan, pero ang isiping si Eve ay may karagdagang tao na magbibigay sa kanya ng proteksyon ay nagpapanatag sa akin. Sa piling ni Jeff, maaari ko munang ipikit ang aking mga mata, hayaang makapagpahinga ang aking katawan, at hindi mag-alala sa kanyang kaligtasan.

*****

Naalimpungantan ako. Ako pala’y panandaliang naidlip. Isang manipis na kurtina ang naghihiwalay sa amin mula sa mga Guardians. Ang kanilang mga bulong ang gumising sa akin. Nanatili akong tahimik, nakapikit ang mga mata.

“Siyanga pala,” bulong ng isa, “totoo bang nakatakas si Berith mula sa katawang inagaw niya bago pa man mapugotan ang ulo?”

“Oo,” sagot ng isa pa. “Iyon ang narinig ko. At isa sa mga Guardians na kasama sa safehouse kagabi ay nawawala.”

Bigla kong naalaala—ang dugong tumalsik sa aking mukha nang mapugot ang ulo sa katawan ni Adam.

Hindi nga pala berde. Pula. Oo, pula iyon

Sumikip ang aking dibdib. Masyado akong maagang nagdiwang. Hindi pa pala tapos ang bangungot. Nagpalit lang ito ng mukha. At si Berith, na hindi na nakagapos sa Isla Miedo, ay isang nakapangingilabot na kaisipan.

Lahat ng tinawag kong kaibigan ay wala na. Ang tungkuling protektahan si Eve ay nasa akin na lang—at marahil kay Jeff. Sana lang ay matibay ang kanyang paninndigan na ipagtanggol si Eve. Sana ay handa siya magbuwis ng buhay para sa kanya.

Magtutulungan kami ni Jeff sa patiyak na walang mangyayaring masama kay Eve.

Pagkatapos ay muli kong naramdaman ang init mula sa kwintas kong suot. Sinundan itokilabot sa aking gulugod. Hinawakan ko ang krus, mainit pa rin ito, na tila nagbabala sa akin ng may nagbabantang panganib.

Tumingin ako sa kama ni Eve.

Bakante.

Wala na rin si Jeff.

Bigla akong napa-upo, hinablot ang IV tubing mula sa aking kamay, at pilit na tumayo.

“Wala si Eve!” sigaw ko.

Nagmadaling lumapit ang mga Guardians habang paika-ika akong naglakad patungo sa kanyang kama. Ang bintana sa tabi ng kama ni Eve ay nakabukas at ang mga kurtina ay hinahampas ng hangin.

Doon ko lang napagtanto na nasa ground floor kami ng hospital. Gusto kong tanungin ang mga Guardians kung bakit hindi nila na-secure ang bahaging iyon ng kwarto. Pero huli na ang lahat.

Marahil ay hinayaan ako ng Diyos na mabuhay hindi para magpahinga, kundi para magbantay sa huling pagkakataon. Isang malamig na hangin ang gumapang sa loob ng kuwarto, bumabalot sa aking leeg na parang bulong mula sa libingan. Sa labas, ang mga sanga ay kumakaluskos.

Pagkatapos ay muli kong narinig ang paswit  na iyon…

PSSSSTTTT…

Ang krus ay lalong uminit sa aking dibdib; mabilis na dumapo ang kamay ko rito.  Nangibabaw ang aking instinct. Ipinikit ko nang mariin ang aking mga mata, pinipilit ang sarili na huwag tumingin sa pinagmumulan ng tunog.

Ganoon din ang ginawa ng mga Guardians—lahat kami ay tumalikod sa bintana. Maaaring may Sutsot sa labas, inaakit kaming salubungin ang kanyang tingin, naghihintay ng kahit kaunting lamat sa pananampalataya para makapasok sa loob.

Tila nagpigil ng hininga ang buong silid.

Dahan-dahan, idinilat ko ang aking mga mata. Ang isang Guardian ay humakbang pasulong at isinara ang bintana, habang ang isa naman ay tumakbo sa pinto at pumwesto roon. Inilabas niya ang kanyang telepono at tumawag.

“Nawawala si Eve… Nawawala si Eve… Kailangan namin ng tulong… Kailangan namin ng tulong.”

Nilapitan ko ang  bakanteng kama kung saan dating nakahiga si Eve. Ang mga kumot ay hawak pa rin ang manipis na hugis ng kanyang katawan, ang multo ng init na mabilis na naglalaho. Maging ang krus ay naging malamig—wala nang buhay, tila ang liwanag nito ay umurong sa katahimikan.

Isang luha ang pumatak sa aking pisngi bago ko pa ito mapigilan. Ipinatong ng isang Guardian ang kanyang matatag na kamay sa aking balikat.

Marahil ay hindi siya nawala. Marahil ang pag-ibig—gaya ng kasamaan—ay hindi tunay na namamatay. Nagbabago lamang ito ng anyo.

Hindi pa tapos ang mga Sutsot. Si Berith ay buhay—suot ang laman ni Jeff na parang isang maskara. Ang dalawa kong karibal ay nagsanib puwersa na. Magkasama nilang kinuha si Eve mula sa akin.

Pero hindi pa tapos ang laban. Hahanapin ko siya. Ibabalik ko siya.

Pagkatapos, ang krus sa aking leeg ay muling uminit.

– W A K A S –