Category Archives: 100 Daang Tula Para Kay Stella
Hindi Magmamaliw
Taludturan ay muli kong lalakbayin
Pintig ng puso’y pagtutugma-tugmain
Talinhaga nito pilit mong talusin
Sa kanyang kariktan sarili’y lunurin
Mga saknong sa tayutay hahabiin
Maraming pagwawangis dito’y gagamitin
Hindi dahil nais isip mo’y guluhin
Nang ito’y maarok puso ang gamitin
Damdaming dumaloy sa bawat taludtod
Ay laman ng pusong sa pantig tumibok
Kung isip ang gagamitin ‘di mo maaarok
Tanging sa puso damdami’y iindayog
Mata mo sana’y ipikit aking giliw
Sumayaw tayo sa kumpas ng aliw-iw
Sabihin man nilang ako’y isang baliw
Pag-ibig sa iyo’y hindi magmamaliw