Blog Archives

Tunay Na Kaibigan

kaibiganSimple ang tanong. Kaylan masasabi na ang taong tinatawag kang kapatid, kapuso, kapamilya o kabarkada ay tunay mo ngang kaibigan at hindi nagpapanggap lamang? Nakakatiyak ka ba na ang fren o BFF mo, na minsan ay tinatawag mong sister o brother, kahit hindi kayo magkadugo, ay tunay mong kasangga at pinagmamalasakitan ka?

Tunay ngang napakasarap na magkaroon ng kaibigan. Iyong taong kasama mong tumatawa kapag ikaw ay masaya at kasama mong nagdiriwang kapag ika’y nagtatagumpay. Subalit hindi sa lahat ng pagkakataon ay masaya ka, nakakamit mo ang iyong mga pangarap, at ang takbo ng buhay mo ay sumasangayon sa iyong kagustuhan. May mga panahong igugupo ka ng kalungkutan at kabiguan. Ito ang pagkakataong kaylangan mo ng balikat na iiyakan – ng taong kadamay.

Ang kaibigan bang kasama mo kapag masaya ka at masagana ay nandoon rin kapag gumagapang ka sa balag ng pighati at kabiguan? Kung siya ay nandoon kasama mong sumasagwan habang ang bangka mo ay tumatawid sa lawa ng kalungkutan at paghihirap ay mapalad ka sa dahilang meron kang tunay na kaibigan.

Hindi kasi lahat ng taong akala mo ay kaibigan ay tunay na nagmamalasakit sa iyo at handa kang damayan sa abot ng kanilang makakaya. May mga tao na gusto ka lamang kasama sa lakaran, inuman, kainan o kantahan. Wika nga sa English, “friends in good times,” lalo na nga kung ikaw ang taya.

Marahil narinig mo na rin ang idyom sa wikang English na “fair-weather friends.” Sila ang mga taong ituturing kang kaybigan kung may mapapala sila.

May mga tao kasing ang pananaw sa pakikipagkaibigan ay nakabase sa tanong na ,“Ano ba ang pakinabang ko sa iyo?” Kung merong mapapala mula sa iyo ay babarkadahin ka upang sa panahon na may kaylangan sila ay tatawagin o pupuntahan ka.

May ganyan bang tao na kaybigan ang tawag sa iyo? Mag-ingat ka dahil siya ay manggagamit – isang “user.” Maaala-ala ka lang ng ganyang uri ng kaibigan sa pagkakataon na may hihingin siyang pabor o kaya nalulungkot siya kaya kaylangan ng kausap. Kabilang ka sa listahan ng mga tinatawag niyang kaibigan dahil may mapapala sa iyo. Paminsan-minsan na may gagawin siyang pabor para sa iyo para hindi siya halatain. Pero kung lilimiin mo nang mas malalim ay makikita mo na hindi “symbiotic” ang uri ng relasyon ninyo. Makikita mong para siyang “parasite” na gusto laging kumabig. Hindi ka naman tanga para hindi mo mapansin na ang taong iyan ay  makasarili at nuknukan ng gulang.

Hindi sa naghihintay ka ng kapalit sa mga bagay na ginagawa mo sa iyong kaibigan. Hindi rin materyal na bagay ang pinaguusapan dito. Ang pagtulong natin sa mga kaybigan sa ano mang paraan ay pagpapakita natin ng kagandahang loob. At lahat ng tao, ano man ang estado sa buhay, may pinagaralan man o wala, mahirap man o mayaman, ay alam na dapat sinusuklian ang kagandahang loob kahit sa pinakasimpleng paraan. Subalit kung ang taong tinatawag kang kaibigan ay hindi alam iyan dapat eh magisip-isip ka.

Hindi lamang mga kaibigang may kagulangan ang pag-iingatan mo. Baka rin may mga taong traydor na ang tawag din sa iyo ay kaibigan. Sila ang mga taong kapag nakatalikod ka lahat ng baho mo ay isinisiwalat sa iba. Kaya’t kilatisin mo ng mabuti kung ang pinagsasabihan mo ng iyong mga problema at mga hinaing sa buhay ay mapagkakatiwalaan o hindi.

Mahirap magkaroon ng kaibigang makati ang dila na ang kaligayahan ay siraan ang mga tinatawag niyang kaibigan sa iba niyang mga kakilala. Kaya’t mag-ingat ka. Hindi nangangahulugan na kapag ang kaibigan mo may pinag-aralan na siya ay matinong tao. Hindi ibig sabihin na kung ang tumatawag sa iyo ng kaibigan ay pala-simba, nagnonobena at nagrorasaryo na siya ay isang santo o santa.  Ang siste nga ay kung habang nasa simbahan mismo kayo ay kung ano-ano ang kanyang pinupuna at sinasabi sa mga taong hindi naman ninyo kakilala eh magisip-isip ka na.

Ano pa ba ang ibang uri ng kaibigan ang dapat iwasan?

May mga kaibigan ka ba na sa tuwing kausap mo ay puro tsismis at kasiraan ng ibang tao ang laging bukang-bibig? Tandaan mo ito – kapag wala ka at kausap niya ay ibang tao, isa ka sa mga pinaguusapan nila. Pinagpipyestahan nila ang mga problema at sikreto mo. Tiyak iyan.

May kabarkada ka ba na kapag kausap mo ay puro pamimintas at paghuhusga ang ginagawa sa iyo? Iwasan mo na siya. Okay lang na sabihan ka sa mga maling ginagawa mo pero alam mo kung ano ang pagkakaiba ng pagpapayo upang itama mo ang isang pagkakamali  at pagsasabi ng pagkakamali mo para pintasan at husgahan ka.

At kung may kaibigan ka na minemenos ka’t minamaliit, aba, ora mismo, lumayo ka. Ang tunay na kaybigan ay dapat pinapalakas ang ating loob at naniniwala na may kakayanan tayo. Gusto nilang tayo ay magtagumpay at makamit natin ang ating mga pangarap sa buhay.

Meron kasing mga grupo ng magkakaibigan na kapag sama-sama sila ay kaylangang merong isa sa kanila na pagtsismisan, merong hahamak-hamakin at merong pagtatawanan. Sa madaling sabi, kaylangan nila ng “punching bag” – ng kaybigang pagtitripan. Huwag kang pumayag na ikaw iyon.  Umiwas ka sa ganyang uri ng grupo. Mero’t merong kang mahahanap na mga kaybigan na may paggalang at tunay na pagmamalasakit sa bawat isa – mga kabarkadang alam ang pagkakaiba ng biro sa lait.

Hindi tayo perpekto. Walang taong perpekto. Kaya’t kaylangan natin, bukod sa pamilya, ng mga kaibigan na tutulong upang maiangat natin ang ating sarili at mapagbuti ang ating pagkatao. Iyon bang susuporta sa pakikipagtunggali natin sa mga hamon ng buhay. Hindi iyong lalo pang magpapabigat sa ating mga dalahin. Kaylangan natin ng mga kaibigang bukal sa loob ang pagtulong at hindi pansariling interes lang ang iniisip,  kaybigan marunong magbalik ng kagandahang loob, sa ano mang paraan, hindi mo man ito hinihingi.

Kaylangang natin ng mga kaibigan na nakatampuhan mo man, may nasabi man kayong hindi maganda sa isa’t-isa, sa paglipas ng panahon, kapag muli kayong nagkita, nagkapaliwanagan ay muli ninyong yayakapin ang isa’t-isa. Ganyan ang tunay na kaybigan. Minsan nga, matindi man ang tampuhan ninyo, kapag nagkita kayong muli at nagyakapan ay ni hindi na kaylangan ng paliwanagan.

Isa pang palatandaan ng tunay na pagkakaibigan ay ang pagiging bukal sa puso ng pagtulong sa bawat isa. Hindi na kaylangang hingin, hindi na kaylangang sabihin. Ano mang bagay na makakatulong ay kusang loob na ibinibigay o ginagawa natin para sa ating mga kaybigan.

Ang tunay na kaibigan ay iyong naaalala ka kahit walang kaylangan, iyong tipong bigla kang yayayaing mag-kape dahil nami-miss ka.

Huling tanong, “Anong uri ka ng kaibigan, tunay o nagpapanggap?”

 

Higit Pa Sa Kaibigan (Part 1)

4

Madaling araw ng March 2 noong 2013 ako umalis ng Pilipinas sakay ng Asiana Airlines at bandang alas-otso ng umaga kami lumapag sa Pusan International Airport. Kasabay ko noon si sir Ken, kapwa ko guro sa Gyeoungju University, ang unang unibersidad na pinagturuan ko dito.

Aaminin kong sabog ako noong panahong iyon, hindi sa droga, kundi sa napakadaming agam-agam at isipin. Labag sa kalooban kong lisanin ang mga mahal ko sa buhay. Ayaw ko ring talikuran ang paraaalang pinanglikuran ko ng ilang buwan bilang isang principal. Subalit ayaw na ayaw kong nagpapadaig sa aking emoyson. Napakalinaw na kaylangan ko ng isang napakalaking pagbabago sa aking buhay dahil nga sa mga dahilang nabanggit ko sa “Sa Aking Pagtungo sa South Korea.” Sabi nga ni Jake Sully, ang main character sa pelikulang “Avatar,” “Sometimes your whole life boils down to one insane move.” At katulad din ni Jake, may pangamba man ay sigurado ako sa aking gagawin bago ako tumalon upang makipagbuno at mapaamo ang sariling kong “Toruk.”

May dalawang bagay akong baon ko nang pumunta ako sa South Korea… tiwala sa sarili at pananalig sa Diyos. Laging ito ang kumbinasyong ginagamit  kong panangga sa lahat ng pagsubok at panungkit sa ano mang inaasam kong makamit.

Hindi swerte ang hanap ko sa bansang pinuntahan, hindi ako naniniwala sa swerte. Naniniwala ako na “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.” Ang pakay ko ay sumulat dito ng bagong kabanata sa aking buhay… bagong yugto sa tadhanang naniniwala akong tayo ang gumuguhit.

Unang byahe ko iyon palabas ng bansa at mabuti na lamang na nakasabay ko si sir Ken, na bukod na sa matulungin ay sanay na sa “overseas travel.” Sa Gyeoungju University din s’ya pupunta kaya nakakatiyak na akong hindi ako maliligaw.

Nang makarating kami sa Pusan International Airport ay nagulantang ako sa lamig. Nanuot  ito sa suot kong jacket.  Buong akala ko ay dahil tapos na ang winter at noo’y papasok na ang spring ay parang sa Baguio lamang ang lamig. Mabuti na lamang at ang nasakyan naming bus papuntang Gyeoungju-si ay nakaandar ang heater. Antok na antok ma’y hindi ako makatulog sa biyahe dahil tinitignan ko bawat lugar na madaaanan. Wika ko sa sarili’y, “Heto na ako sa South Korea.”

Matapos ang halos dalawang oras na biyahe ay nakarating kami sa Gyeoungju-si. Ang sumalubong sa amin ay sir Mark. S’ya ang naghatid sa amin sa apartment na aming titirhan, si sir Ken sa “white house,” ako nama’y sa “blue house.”

Bago umalis si sir Mark ay tiniyak n’yang maayos ang unit na magsisilbi kong tirahan at ipinakilala din n’ya sa akin ang isa pang Pinoy na professor din sa Gyeongju University…si sir Randy.

Pumasok na ako sa aking kwarto at doon ko unang naramdaman ang pakiramdam ng literal na nag-iisa, malayo sa mga mahal sa buhay at nasa isang lugar na hindi ko kabisado. Nakatayo lamang ako, hindi ko malaman kung ano ang una kong gagawin. Binuksan ko ang aking maleta at unti-unti inayos ang mga dala kong gamit.

Tahimik ang paligid, wala akong nadidinig kundi ang mga sarili kong yabag at buntong-hininga.  Matapos kong ayusin ang mga damit at gamit ko’y  bigla nanamang naramdaman ko ang sobrang lamig at nagsimula na rin akong makaramadam ng gutom. Walang laman ang refrigerator na nandoon, may gas stove kaya lang wala naman akong lulutuin. Pinagtyagaan ko ang baon kong biscuits (Skyflakes) mula sa Pilipinas.

Naalala ko na kaylangan ko nga palang tawagan ang aking mga mahal sa buhay sa Pilipinas upang ibalitang nakarating ako ng ligtas sa South Korea. Nang kuhanin ko ang aking cellphone ay  noon ko pa lamang napagtanto na hindi ko nga pala na-activate ang aking sim na roaming. Pakiramdam ko’y napakatanga ko, napamura ako ng hindi oras. Hindi ako makakatawag, ang cellphone ko’y magagamit ko lamang na parang music player.

Aaminin kong sa pagkakataong iyon ay inatake ako ng matinding kalungkutan… gutom pa rin ako kahit naubos ko halos ang baon kong biscuit… giniginaw… tahimik… walang makausap… at nagiisip na baka nagaalala nang masyado ang mga mahal ko sa buhay, lalong-lalo na ang aking kabiyak, na naghihintay ng balita mula sa akin. Sa pagkakataoong iyon ay naramdaman ko ang totoong kahulugan ng HOMESICK, iyon eh matapos lamang ang ilang oras pagkalapag ko sa South Korea.

Pero sa kalagitnaan ng kalungkutang iyon ay napatingala ako sa langit at naala-ala kong ang pagtungo ko sa bansang ito’y naidulog ko na sa panalangin ng maraming beses. Hindi ko alam kung bakit pero sa pagkakaalam ko’y wala akong panalanging hindi n’ya dininig… kaya nga ang paborito ko sa mga tulang nagawa ko sa English na may pitong syllables lang ay…

HE answers.
Just wait.
Have faith!

Hihiga na sana ako upang lunurin na lang sa tulog ang gutom ko’t kalungkutan nang makarinig ako ng mga katok sa aking pintuan. Si sir Randy iyon. Pumasok s’ya at nakipagkwnentuhan sa akin. Hayun, at least may kausap na ako. Habang kami’y nag-uusap ay tinignan n’ya ang lutuan ko’t itinuro kung paano iyon i-operate. Maaring napansin n’yang giniginaw ako kaya’t itinuro din n’ya kung paano gamitin ang floor heater. Medyo na-relax ako sa pagtulong na ginagawa n’ya noon. Binuklat n’ya ang mga drawer at doo’y nakakita s’ya ng ilang de-lata na hindi pa naman expired. Maya-maya pa’y panandalian s’yang umalis at pagbalik ay may bitbit na ilang balot ng noodles at mga 3-in-1 coffee. Nagulat ako sa generosity na ipinakita ni sir Randy. Animo’y matagal na n’ya akong kakilala. Umalis ulit s’ya sandali at  nang pagbalik niya’y sinabing, “Halika na brod, nakaluto na girlfriend ko, kain tayo. Sunod ka sa 401.” Nagulat ako pero hindi na ako nagpakipot pa, hindi dahil sa talagang ako’y gutom sa pagkakataong iyon kundi dama ko ang sinseridad ng imbitasyon n’ya at nakakahiyang tanggihan.

Mainit ang mga inihaing pagkain, ngunit mas higit ang init ng pagaasikasong ipinakita sa akin nina sir Randy at nang kasintahan n’yang si Nikki na taga-China. (Mag-asawa na sila ngayong). Susubo na sana ako nang biglang nagdasal muna sir Randy bilang pasasalamat, lumalalim at tumataas ang pagtingin ko sa kanya sa nakita kong iyon. Sa  unang subo ko ay nangilid ang luha ko sa kabutihang loob na nasaksihan ko sa kanila at sa kung gaano sumagot ng panalangin ang Panginoon. Nang napatingin sa akin ang magkasintahan ay pasimple kong sinabi na sinisipon yata ako kaya ako naluluha.

Pagkakain ay inihatid ako ni sir Randy sa aking unit, may bitbit pa s’yang ilang lutong pagkain. Sabi ko’y, “Sobra-sobra na ito bro!” Ngumiti siya’t sinabing aalis silang magkasintahan papuntang Daejon at gusto lang n’yang matiyak na may kakainin ako hanggang kinabukasan. Tapos bumalik s’ya sa kanyang unit at kumuha ng kasirola, kawali ang pakuluan ng tubig, at karagdagang 3-in-1 coffee. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya noon, gusto ko s’yang yakapin sa sobrang pagtulong na ginagawa n’ya.

Hindi doon natapos ang pagtulong sa akin ni sir Randy. Nang malaman n’yang hindi ko magamit ang SIM kong roaming ay ipinahiram nya sa akin ang isa n’yang smart phone at ang kanyang i-pod bago sila umalis at iniwang bukas ang kanyang wifi sa kwarto upang makagamit ako ng internet.

Wala na akong masabi sa pagkakataong iyon. Gasgas na paulit-ulit na “thank you” na sinasabi ko. Gusto ko na talaga sanang s’ya ay yakapin pero nagmamadali s’yang umalis.  Napapikit na lamang ako at nagpasalamat sa NASA ITAAS.

Sobrang swerte ko. Hindi naman ako mabait na tao. Taimtim lang talaga akong magdasal at matibay ang pananalig ko sa KANYA.

%d bloggers like this: