Usaping Puso

love-sunset

Pumikit ka lamang piliting damhin
Hintaying bumulong ang malamig na hangin
Diwa mo’y buksan ako ay patuluyin
Sa panaginip kita’y hahagka’t yayakapin

__________

Minsan may kamay na pilit hinahanap
Hayan pala’t sa braso mo nakahawak
Ang tadhana palang iyong nilalandas
Ay nakaguhit na sa kanyang palad

__________

Ala-ala mo’y balabal dulot ay init
Mahigpit akong yakap kapag taglamig
Ala-ala mong sa isip naka-ukit
Kasama palagi maging sa panaginip

__________

Gabi’y niyayakap ng matinding lamig
Sa kalungkutan laman ko’y nanginginig
Malayo ka habang pasko’y papalapit
Labis nangungulila sa yakap mo’t halik

__________

Puso mo’y nahihirapan nang umawit
Ayaw nang umindak sa saliw ng pa-ibig
Tila namaos ang ginintuang himig
Ritmo’y di tumagos sa tengang namanhid

__________

Sa tigang na puso pag-ibig dumaloy
Sa batis ng damdamin muling lalangoy
Iindak sa saliw ng galak at panaghoy
Andap sa puso’y hihipan nang mag-aapoy

__________

Mala-nobela ganyan ang pag-ibig
Maraming kabanatang sa drama ay hitik
Sa gulong ng damdamin liliko’t pipihit
Kawawakasan ay mahirap malirip

__________

Kapag andap sa uling aking hinipan
Mga tuyong dahon ito ay lalagyan
Apoy mabubuhay dahon ay didilaan
Lamig sa gabi’y di na mararamdaman

__________

Larawan mo ay hindi na iniligpit
Sa taguan ko baka ito’y makagipit
Marahan ko itong pinagpunit-punit
Isinama sa mga itinapong gamit

__________

Puso’y tuyong dahon sa sanga nalagas
Pabulusok itong sa lupa ay babagsak
Subalit hangin kang humihip ng malakas
Puso’y di hinayaang sa lupa sumayad

__________

Itong paningin saan ko man ibaling
Wari ko’y lagi kang nakatingin sa akin
Isip ko ma’y lunod sa maraming gawain
Daloy ng ala-ala kay hirap pigilin

__________

Kung puso ay dahon pag-ibig ang hangin
Sa hangin ang dahon ay kawawng alipin
Ngayon sa alapaap dahon ay dadalhin
Bukas sa batuhan sa lungkot dudurugin

__________

Sumikat muli ang araw nang ngitian
Sigla’y bumalik nang kamay ko’y hawakan
Paghawak mong yan iyo sanang higpitan
Kapag unos dumating sana’y wag bitawan

__________

Tampo mo’y parang batong sa dibdib ko nakadagan
Sa rosas mo ito’y tinik tumusok sa kalamnan
Kamay ko na’y abutin tapusin ang pagdaramdam
Galak sa puso’y babalik kapag ako’y nginitian

__________

Sa tsokolate ko’y ngiti mo ang kapalit
Rosas ko’y katumbas yakap na mahigpit
Sinasalubong ng lambing tampo kong bitbit
Galit ko’y lusaw sa init ng iyong halik

__________

Tuwing nasa labas ka’y marami ang bumubuntot
Ako’y di mapakali sa selos ay nayayamot
Kaya’t mga aso’y huhulihin ko’t igagapos
Titiyaking ang puso mo’y ‘di nila mahahablot

__________

Lipad-lipad lipat-lipat ako’y pilyong bubuyog
Hangga’t aking namataan rosas na maalindog
Kamandag ng bango nito’y sa aki’y pumulupot
Tinik sa kanyang tangkay puso ko ay dinurog

__________

Tunay ngang pag-ibig parang isang aklat
Kwento ng puso dito ay nakasulat
Isang kabanata ay pwedeng magwakas
May susunod patuloy lang sa pagbuklat

__________

Ninais buksan ang nakapinid na pintuan
Ngunit nangangambang batiin ng kabiguan
Lumapit ka‘t masuyong kamay ko’y hinawakan
Pag-ibig mo’y gabay daan ko ay tinanglawan

__________

Marapat nang sa iyo ay magpaalam
Igawad sana hiling kong kapatawaran
Natutuwa’t saya’y muli mong nasumpungan
Kasaysayan natin ngayon ay tutuldukan

__________

Muhi sa dibdib mo ay umabot sa sukdulan
Inakalang sumpa ko’y nais lamang talikdan
Samo ko ay unawain ang mga dahilan
Igawad mo sana hiling kong kapatawaran

__________

Ang tula ay kantang puso ang umaawit
Ang talino ay hindi ito malilirip
Tula’y wikang puso lamang kayang gumamit
Hindi mabibigkas ng sintunadong isip

__________

Ako kaya’y naiisip kahit man lang minsan
Tumatawid ka ba sa tulay ng nakaraan
Sa puso’t isip mo ako pa ba ay may puwang
O ang kwento natin tuluyan nang tinuldukan

__________

Ang mga luhang sa pisngi mo nanalaytay
Parang hagupit na sa puso ko lumatay
Balon ng luha mong kamay ko ang humukay
Pumanaw kong ligaya’y doon nakahimlay

__________

Pilit ala-ala mo’y binubura sa isipan
Pag-ibig man sa puso ko’y ayaw nang tanganan
Ngunit kapag ngiti mo’y sa larawan nasilayan
Pagtalikod sa iyo ay dagling nalilimutan

__________

Isang kahilingang ibinulong sa hangin
Pagsusumamong kasama sa dalangin
Kapag muli nag-krus mga landas natin
Apoy sa puso muli sanang pagalabin

__________

Sa bawat sulok ng aking isipan
Ala-ala mo tanging nilalaman
Bawat tanawin na aking mamasdan
Nakaukit doon iyong larawan

__________

Sa labi ko’y banaag bakas ng iyong halik
Sa isip nakatatak ngiti mong kay tamis
Kaulayaw kita bawat panaginip
Pagmamahal sa iyo walang hihigit

__________

Ikaw ang hanging aking hininga
Sikat ng araw sa aking umaga
Galak kang dinilig puso kong nalanta
Hinugot ako sa kawalang pag-asa

__________

Apoy kang dumarang sa pusong nanlamig
Tubig kang binuhay nalantang pag-ibig
Siphayo’y naglaho ligaya’y bumalik
Nang masilayan ko ngiti mong kay tamis

__________

Habang buhay na kita’y pangingitiin
Ang tanging nais ikaw ay pasayahin
Lungkot sa buhay mo lahat tatanggalin
Di nga ba’t LIGAYA tawag mo sa akin

__________

Mata ko man minsan sa iba matingin
Puso ko’y ngalan mo lang ang titibukin
Utak ko’y ikaw lang tanging iisipin
Buhay ko’y laan upang ika’y mahalin

__________

Animo’y bawal na gamot ang pag-ibig
Kapag tinamaan ka’y t’yak na maaadik
Harangan ka man ng sibat o ng kampit
Bisig ng sinta mo’y yayakaping pilit

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: