Higit Pa Sa Kaibigan (Part 3)

4At ang pangatlo sa sinasabi kong higit pa sa kaybigan, bagkus ay bilang kapatid, ang aking turing,  ay si Noli.

Hindi man namin s’ya kasama sa apartment building na tinitirhan namin nina Randy at Jonathan sa Gyeongju-si ay madalas kaming pasyalan ni Noli. Present s’ya palagi sa aming “movie night” tuwing gabi ng Huwebes. Kasa-kasama naming s’ya sa mga lakaran at kainan.

Nang ako’y magdiwang ng kaarawan noong 2013 ay napakaganda ng naging huntahan namin. Ang huntahan namin ng gabing iyon ang pinagbasehan ko sa pagusulat ng isang “dulang may isang yugto” na ang pamagat ay “Usapang Lalaki.”

Sa grupo namin ay dalawa ang “good boys.” Si Jonathan at (oops…hindi ako iyong isa) at si Randy. Kami ni Noli ang pambalanse…the bad boys. Kami ni Noli ay parehong baguhan sa South Korea noong 2013 samantalan sina Jonathan at Randy ay mga beterano na.

Sina Randy kasi at Jonathan ay mga seryosong tao. Pormal sila. Mahirap kwentuhan ng mga kapilyuhan. Nakikinig naman sila sa mga kwentong may kababawan at kaberdehan pero sesermunan ka sa bandang dulo. Wika nga ay sila’y prim and proper.

Kay Noli naman ay pwede mong ikwento ang kahit anong bagay. Pareho kaming informal pero alam namin syempre kung kaylan kami dapat magpakapormal. Pareho lang kaming kalog at mapagbiro. Pero ang isang bagay na nadiskubre ko kay Noli ay kalog man s’ya at mapagbiro ay masama s’yang magalit.

Si Noli ay maituturing na isang “jack of all trades.” Maraming bagay siyang alam gawin. Hindi mo aakalain na ang isang magaling na gurong katulad n’ya na may 2 Master degrees ay isa ring mekaniko, tubero, karpintero at mason. At ang PINAKAMASARAP ay magaling s’yang magluto.

S’ya ang chef sa aming grupo. Tuwing kami ay may session (inuman kapag walang trabaho kinabukasan…o kahit pa meron, hehe) ay nagluluto s’ya ng pulutan. At kapag s’ya ay may nilutong masarap na putahe ay iimbitahan n’ya kaming doon sa bahay n’ya kumain.

Katulad nina Randy at Jonathan ay maasahan si Noli sa panahon na kaylangan ng tulong. Hindi s’ya madamot. Sa mga lakaran ay asahan mong palagi s’ya ang unang bubunot ng pitaka…ako ang huli…hehe!!!

Madalas din na kapag ako ay may balak sulatin at kaylangan kong i-explore muna iyong topic ay tinatanong ko s’ya. Nakakapagbigay kasi s’ya ng ibang angulo sa mga isyu na gusto kong talakayin sa aking panulat. Philosophy ang linya n’ya kaya malawak ang pwede n’yang pagdalhan ng isang usapan.

%d bloggers like this: