TONG-ITS (3)

(Last of 3 parts)

tong-itsx

Ipinakita ni tata Berting ang mga buong niyang baraha. Tatlo na lang pala ang hindi pa buo – dalawang dos… isang alas. Singko na lang ang baraha ni tato Berting. Kaya pala kuwatro’t tres ang mga itinapon niya kay Khalil.  Akala ko pa naman sure win na ang baraha ko.

Batuktok ako.

“Ilan ka sir?”

“Talo po ninyo ito. Otso pa. Tatlo butas ko.”

“O ikaw Khalil. Kung kuwatro ka’y panalo,  pero kung singko ka eh resbak  ka lang… pero kung nagloko-lokohan ka nanaman eh patay kang bata ka.”

At ipinakita ni Khalil ang kanyang baraha. Ang hindi buo’y isang tao, dalawang singko,  isang sais, at isang alas. 27 ang bilang niya. Bale 22 ang butas. Malaki-laki ang babayaran niya.

Bago inayos ni  tata Berting ang baraha eh pinaglayo-layo niya ang mga baraha ni Khalil. May lumabas na isa pang tao sa ilalim ng baraha ni Khalil.

“Aha… may itinatago ka pa palang isang tao ha. Plus 10 ang butas mo.” Ang sabi ni tata Berting. “Mandadaya ka pa ha.

“Ay sorry… meron pa palang baraha sa ilalim. Nadikit siguro kaya hindi ko napansin.”

“Ganoon, hindi mo alam?” Ang tanong ko.

“Oo naman. Kaylan ko ba kayo dinaya?”

“Madalas.” Halos magkasabay na sinabi namin ni tata Berting iyon kay Khalil.

“Baka lang makalusot.” Ang sabi ni Khalil.

At nagtawanan kaming tatlo.

Nangyayari iyon minsan kapag naglalaro ng tong-its. Kaya kaylangang alisto ka. Minsan sasadyain ng player iyon, minsan nama’y talagang honest mistake. Kapag  may nagbaba ng straight na baraha – sabihin nating diamond – eh tignan mo nang mabuti at baka heart pala ang isa doon. Ginagawa ni Khalil paminsan-minsan iyon. Ako man ay ganoon din. Siguro si  tata Berting man, baka hindi ko lang napansin kahit minsan. Pandarayang maituturing iyon pero sa aming tatlo ay parang bahagi lang nang kapilyuhan na tinatawanan lang namin kapag may sumubok na gumawa. Pero kung hindi sila ang kalaro ko, lalo na kung hindi ko kabiruan, eh hindi ko kaylan man susubukang gawin iyon dahil baka bugbog ang abutin ko.

Nagbayad si Khalil. Kulang-kulang na 200.

“Hayan tata Berting may bagong record tayo… 200 hundred sa batuktok. Record holder – Khalil!!!” Ang wika ko sabay sundot sa tagiliran ng parang ngunguto-ngutong si Khalil.

“Heto… magtotong ako ng beinte kahit hindi pa ako nakaka-hit. Kasi naka jackpot ako. Ulitin mo pa ha Khalil. Laban ng laban kahit mataas ang baraha.”

“Talagang uulitin ko. Hindi naman ako marunong madala. Ngayon pang sugatan na ako.”

Nagpatuloy ang pagtotong-its namin.

Dalawang oras na halos ang lumipas. Umabot na ng labing-apat ang bato sa gitna pero wala pa ring nakaka-hit. Nangyayari talaga ang ganoon. Minsan nga eh umaabot pa kami ng hanggang labing-walong bato bago tamaan. Ang pagkakaiba lang at ang nakakapagtaka sa pagkakataong iyon ay kaming dalawa lang ni tata Berting ang nagpapalitan ng tama. Katakot-takot na ang kantiyaw na inabot sa amin ni Khalil dahil mula ng nanalo siya sa unang round eh hindi na ito naulit. Sabi niya’y nakaka mahigit na siyang 500 ng talo. Ako nama’y parang bawi lang. Na kay tata Berting ang pera.

“Tata Berting… mukhang nagdilang-anghel kayo ah. Iyong tama kanina ni Khalil nang magsimula tayo  eh iyon na ang una at huli.”

“Magtigil ka bulilit.” Ani Khalil.

“Sandali nga, break muna tayo. Iihi lang ako.” Ang sabi ni tata Boy.

“Oo nga, makaihi nga rin nang mailabas ko ang kamalasang ito.”

“Mas maganda siguro Khalil kung dumumi ka  na rin. Baka hindi lang ihi mo ang malas. Baka pati pupu mo.” Ang sabi ko.

Tumawa ng tumawa si tata Berting sa sinabi kong iyon.

“Hindi ka na uubra sa amin ngayon. Kabisado na namin ang diskarte mo. Ang wika ni tata Berting. “Sir, basta pagtulungan natin ha. Kaylangang hindi siya maka-hit kahit minsann lang”

“Naku tata Berting, napagtatatalo na nga ang tao eh ginaganyan mo pa . Tignan mo nga oh hindi na makangiti, mukhang stressed na stressed na.”

“Oy, hindi ah! Para iyong lang eh.”

“Oo nga sir. Para ngang galit na eh.

“He… magtigil kayo. Hindi pa tapos ang laban. Kaya huwag muna kayong magdiwang. Ni hindi pa nga nakukuha ang gitna eh o.”

“Tignan natin… basta hindi mo makukuha iyan. Nakatakda para sa akin o kay sir.”

“Ganun? Sige… tignan natin.”

“Ay siya sige mag-break muna tayo.” Ang sabi ko. “Ako naman eh magpapatimpla muna kay misis ng kape. Basta nasa akin ang hit ha”

Sampung minuto rin siguro kaming nagpahinga. At bago kami nagpatuloy maglaro eh pinagsaluhan muna namin ang meryendang inihanda ng aking butihing maybahay. Iyon ang isang bahagi pa ng paglalaro namin ng tong-its na masaya – may kasamang kainan at kapehan. Malimit eh hapunan. Para lang kaming nagpi-picnic Nagmungkahi noon sina tata Berting at Khalil na magbigay ng tong  ang makakahit para daw may maibili ang aking kabiyak ng aming pagkain at kape. Sinabi kong huwag na pero ipinilit nila.

Bilang hitter eh ako ang nagbalasa matapos kaming magmeryenda.

Hindi maganda ang pagkakabalasa ko. Ubod ng pangit ang sumampang baraha  sa akin.  Ako pa naman ang hitter. Maingat magtapon si Khalil dahil alam niyang kapag ako ang nanalo eh makukuha ko na ang gitna. Puro mabababa ang itinatapon sa akin at kung magtapon man ng tao ay iyong siguradong hindi ko makukuha. At panay naman ang kain niya sa mga barahang itinatapon ni tata Berting.

Nang wala ng bunuting at kami’y nagbilangan ng baraha ay pinakamababa ang kay Khalil. Naagaw niya sa aking ang hit.

“O papaano ba iyan. Ako na ulit ang hitter. Natapos na ang sumpa sa akin ni tata Berting.”

“Naku sir, 15 ang bato. Tapunan mo ako ng tapunan para maagaw natin ang hit.” Ang wika ni tata Berting.

“15 bato… 75 plus 20 sa gitna. Bale 95 plus bayad sa panalo. Wow…100. Eh paano kung may alas pa ako, kuwadra at makakabatuktok pa. Medyo makakabawi-bawi sa talo.” Ani Khalil habang binabalasa ang baraha.

“Libre talaga ang mangarap.” Ang wika ni tata Berting.

“Ang nagbibilang ng sisiw nang hindi pa napipisa ang itlog… ay hindi makakarating sa paroroonan.”

“Ang galing talaga ni sir… nakaimbento ng bagong kasabihan.” Ang sabi ni Khalil. “Pero ito sisiguraduhin kong ako ang panalo. Hindi ako magdo-draw ng hindi pilado ang bilang ng baraha ko.”

“Owww! Hindi nga?” Ani ko.

 “Watch and see bulilit.” Ang sagot ni Khalil.

Nang pintahan ko ang mga barahang bigay sa akin ni Khalil ay medyo nadismaya ako. Walang buo. Ganoon pa man ay may 2 akong pares-pares at 2 na  magkasunod. Ang unang tapon ko – diyes na diamond – ay kinuha ni tata  Berting. Ngunit ang tapon niyang sais na bulaklak ay nakuha rin ni Khalil.

Ang pangalawang tapon ni Khalil ay hindi ko nanaman nakuha. Ganoon din ang pangalawang tapon ko – hindi rin nakuha ni tata Berting. Ngunit ang pangalawang tapo ni tata Berting – tres na spade eh nakuha ni Khalil. Bakit naman nagkataon na ang mabababang tapon ni tata Berting ay nagkakataong iyon ang hanap ng baraha ni Khalil.

Mabuti na lamang at may panapaw ako sa mga baba ni Khalil sa sumunod na 2 ikot. Sa sumunod kong bunot ay nakakuha ako ng pangdugtong sa hawak kong magkasunod na baraha kaya ako nagkabahay. Pero nakabawas din ng baraha si Kahlil nakasasapaw  siya sa mga ibinaba namin ni ka Berting. Pareho kasing straight. Iyon ang dahilan kung bakit ayaw kong magbaba ng straight. Sapawin. Hindi katulad ng trio na isa na lang ang puwedeng  isapaw.

Hanggang 2 na lamang ang natitirang baraha – ang bubunutin ko at ang bubunutin ni tata Berting. Malabo nang manalo ang hawak kong baraha – 2 nuebe at 2 jack. Nang bumunot ako, ang aking nakuha ay dos  na puso. Tinanong ko si tata Berting.

“Ilan pa ho ba ang hawak ninyong baraha?”

“Lima pa eh. Pero isa na lang  ang hinahanap ko”

Inilapag niya ang tatlo sa lamesa  Pero nakataob ito. Hindi ko alam kung buo nga o hindi.

“Heto… dalawa na lang… sana mabunot ko. Kung hindi, magbayad tayo ng mahigit 100.”

“Ako eh lima, pero buo ang apat. Isa na lang ang kalaban ninyo. Heto.”

Ipinakita ni Khalil ang isang alas at inilapag ang apat na baraha sa lamesa. Nakataob din kaya hindi ko alam kung ano ang mga barahang iyon.

“Buo ba talaga iyang apat na iyan?” Ang tanong ko.

“Gusto mo pustahan tayo ng isang daan o. Walang biro. Kung buo ito… talo ka, kung hindi talo ako.” Ang hamon ni Kahlil. “O heto isang daan kahit ikaw pa humawak.”

 Tinanggihan ko ang hamon ni Khalil.

Mukha ngang buo ang mga nakataob niyang baraha. Totoo nga yatang alas na lang ang natitira. Lagot kami ni tata Berting. Makaka-two hits si Khalil. Magbabayad kami ni tata Berting ng higit tig-100 at babalik lahat sa amin ang kantiyaw namin kay Khalil.

Kaylangang makuha ni tata Berting ang itatapon ko. Nakakalito kung alin – nuebe, jack, o ang nabunot kong dos. Binasa ko ng mabuti ang mga barahang naitapon na sa lamesa.

Madalas na hindi ko sineseryoso ang pagtotong-its. Naglilibang lang naman kasi ako.  Bunot lang nang bunot, tapon lang nang tapon. Sina tata Berting at Khalil, sa tingin ko, eh dinidibdib masyado ang paglalaro. Saka ko lamang talagang pagiisipan ng mabuti ang pagtatapon at gagalingan ang diskarte kapag marami na ang bato sa gitna. Sa pagkakataong ngang iyon ay 15 na.

“Ano ba sir, slow motion ka na rin ba? Kaylan mo ba balak magtapon? Next week pa ba? Wala na, talo na kayo. Alas na lang ito. O heto o ipapakita ko kay tata Berting itong apat na baraha. O hayan lolo… buo di ba?”

“Naku po, oo nga sir. Buo nga! Alas na lang talaga siya.”

“Eh ano po ba iyong buo?” Ang tanong ko.

“Ops…ops… tata Berting, keep your mouth shut or else…”

Nuebe… jack.. at dos. Lahat posible makuha. Inilatag ko na sa lamesa ang baraha ko. Pinagtabi-tabi ko ang nuebe, jack, at dos.

“Okay… kung saan matapat… A – lin – ang – i – ta – ta – pon – ko – he – to – o – he – to… he – to.”

Tumapat iyon sa dos na puso. Iyon ang itanapon ko.

Nakuha ni tata Berting… paningit sa hawak niyang alas at tres na puso. Natong-its siya. Tuwang-tuwa si tata Berting. Tuwang-tuwa din ako. Hindi nakuha ni  Khalil ang gitna.

“Ang bagal mo kasi sir magtapon. Hindi puwede kasi iyong ganoon. Mabilis lang kasi dapat ang tapon” Ani Khalil.

“Hayan tata Berting… nagagalit na si Khalil… maghuhurumentado na iyan.”

“Bulilitttt!” Ang bulalas ni Khalil habang paulit-ulit akong sinusundot sa tagiliran.

Masarap ang aming naging tawanan dahil sa nangyaring iyon. Hindi mabalasa ni tata Berting ng maayos ang baraha dahil sa katatawa. Katakot-takot na kantiyaw ang inabot nanaman sa amin ni Khalil.

At nang matapos naming bayaran si tata  Berting sa pakakapanalo niya ay ipinamahagi na niya ang baraha.

“Nasa akin ulit ang hit ha. Wow… 16 na ang bato. Kukunin ko na ito.”

“Mangarap ka impo.” Ang sagot ni Khalil kay tata Berting.

Sa sumunod na  round ay naubos ang baraha na walang nagdo-draw. Pare-parehong alas ang natira sa amin. Kinutuban akong alas na lang din sila kaya hinintay ko na lang na maubos and bunutin. Ako ang panalo dahil ako ang huling bunot. Naagaw ko mula kay tata Berting ang hit.

“Dadahasin ko na kayo para makuha ko na ang hit. Okay na sa akin ang 17 bato.” Ang pabirong sabi ko sa dalawa.

“Huwag mainit ang ulo sir. Baka magaya ka kay Khalil. Magkakabutas-butas ang noo mo.”

“O lolo… baka naman puwedeng tapunan mo ako ng tapunan para maagaw natin ang hit.”

“Okay… okay. Ako bahala sa  iyo. Puro malalaki ang itatapon ko sa simula. Abangan mo.” Ang sagot  ni tata Berting.

Binalasa ko ng mabuti ang baraha. Siguro’y mga apat na beses. Pagkatapos eh hinipan ko pa. Pampahiyang.

“May paihip-ihip ka pa. Baka may laway iyan ha. Baka mahawa kami ng corona virus mo.” Ani Kahlil.

“Coronahin mo face mo. O cut na.”

Sa halip na katin, eh binalasa ni tata Berting ang baraha.

“O hayan. Huwang ng katin. Ayos na iyan.”

Ipinamigay ko ang baraha. Habang ginagawa ko iyon eh biglang kong napagisipang pagmasdan ang mga reaksyon nila habang pinipintahan nila ang ibinibigay kong baraha. Si tata Berting eh parang nangingiti habang pinagsasama-sama niya ang kanyang mga baraha samantalang si Khalil eh parang nangingiwi at  kumukunot ang noo. Kung ang nakita ko ang sa mga reakasyon nila ang pagbabasehan, eh maganda ang pumanhik na baraha kay tata Berting at kabaligtaran naman ang kay Khalil.

“”Game na ba kayo?” Ang  wika ko pagkatapos kong ipamigay ang mga baraha.

“Aba’y kanina pa.” Ani Khalil.

“Handa na ba kayong magbayad?”

“Aba’y ipanalo mo muna sir.” Ang sagot ni tata Berting.

Isa-isa kong pinulot ang mga baraha ko. Mabilis, walang pinta-pinta. At nang mapagsama-sama ko’y natuwa ako sa aking nakita. Apat ang alas. Pero hindi ko dapat itaob bilang kuwadra dahil meron din akong dos at tres na bulaklak. Wala nang ibang buo pero ang bababa – tig-dalawa ang dos at kuwatro, tig-isang tres at kuwatro, at ang pinakamalaki na siyang dapat na pantapon ko ay siyete. Kapag itinapon ko ang siyete ay beinte na lang ang  ang bilang ng baraha ko.

Naisip kong totohanin ang sinabi ko kanina. Dadahasin ko na ang mga kalaro ko.

Nagbahay ako – tatlong alas. Nasa akin pa ang isa kaya wala na silang maisasapaw.

“Wow! Lalaban ka na ba sir?” Ang tanong ni Khalil.

Secret, walang clue!” Ang sagot ko.

Itinapon ko ang siyete.

Kinuha ni tata Berting. Na-trio ang siyete. Pagkatapos niya pagsamasamahin ang tatlong siyete ay may itinaob pa siyang kuwadra. Anim na baraha na ang nabawas sa kanya. Magiging lima iyon kapag nagtapon pa siya.

Biglang parang nagdalawang-isip na ako kung magdo-draw nga ako.

Jack na diamond ang itinapon ni tata Berting. Kinuha iyon ni Khalil. Paningit. Mayroon siyang nuebe, diyes, queen, at king na diamond.

“Suwerte, nakabuo pa ng isa.” Ang sabi ni Khalil.

Kung totoo ang sinabi ni Khalil – na may buo pa siya sa taas bukod doon sa naging bahay niya – o bluff lang eh tanging siya lang ang nakakaalam.

Nagtapon siya ng otsong flower.  Hindi ko nakuha iyon.

Kaylangan kong magdesisyon kung do-draw na ba ako. Nakakaalangan. Akala ko baraha ko lang ang maganda. Sa kanila din pala. May bahay na rin si tata Berting at  may kuwadra pa. Si Khalil naman ay mahaba ang kanyang naging bahay at maaari ding may buo pa siya sa taas.

Binilang ko ulit ang baraha ko – saradong beinte. Isang ikot pa lang kaya puwede-puwede  nang i-draw.

“Sir. Laban kung laban. Hindi naman mauubos ang mga dolyares mo diyan. Paminsan-minsan eh sumugal ka naman.”

Para tuloy lalo pa akong nagdalawang-isip maglaban. Para kasi akong  binubuyo ni Khalil. Parang gusto niya akong batuktukan.

Pero tama naman ang sinabi ni  Khalil. Bakit hindi ko subukang gayahin ang diskarte niya. Kung mabatuktukan eh di magbayad.

Worst scenario – dos  ang pinakamababa na puwedeng maging baraha nila. Lahat kasi ng alas eh nasa akin. Disiotso ang pinakamataas na puwede kong maging butas. 90 pesos iyon. 20 pesos naman ang batuktok. 110 pesos lang. Aba eh 2 dollars lang mahigit iyon ah. Pero kapag ako ang nanalo eh malaki  ang kakabigin ko – 17 ang bato sa gitna. May bayad pa ang panalo at 4 na alas.

It’s worth the gamble.

“Okay draw na.” Ang sabi ko.

Tama naman si Khalil. Dapat paminsan-minsan eh kaylangang mong sumugal. Kaylangang paminsan-minsan eh sumuong ka sa isang bagay na hindi mo tiyak ang kahihinatnan. Sabi nga ni Jake Sully sa pelikulang Avatar – “Sometimes your whole life boils down to one insane move.”

Katulad ni  Kahlil ay nagbakasali din ako. Nang sa tingin ko eh hindi sapat ang kinikita ko sa pagtuturo dito sa Pilipinas eh nangibang-bansa ako at doon nagturo. Sugal iyon. Ang maging OFW eh hindi gawang biro. Hindi mo tiyak kung ano ang kahihinatnan ng pagpunta mo sa ibang bansa.

Katulad sa larong tong-its. Maaring ang barahang ibibigay sa iyo ng bumalasa nito eh buo-buo o kada dalawang piraso sa labing-dalawa mong baraha eh magkakatabi. Suwete di ba. Posible rin na kabaligtaran – walang buo kahit isa at ang mga baraha mo’y hiwa-hiwalay pa. Sorry na lang – malas.

Suwerte o malas lang ang dalawang puwedeng kalabasan ng  pagiging OFW. Maaring masaya ka sa trabahong dadatnan mo at maayos ang trato sa iyo ng iyong mga employer. Naka-hit ka kumbaga sa tong-its. Tapos wala kang naging problema sa pamilyang iniwan mo sa Pilipinas – hindi nagtaksil ang iyong asawa at walang napariwara sa iyong mga anak. Two hits sa tong-its iyon. Panalo. Kuha mo na ang gitna babayaran pa sa iyo ang mga batong naipon.

Eh papano kung maayos nga ang trabaho mo, malaki ang kita at marami kang ipon pero nasira ang pamilya mo? Batuktok ka. At huwag naman sana na wala ka nang naipon pagbalik mo sa Pilipinas  eh wala ka pang pamilyang babalikan. Napakasakit kuya Eddie. Batuktok na, ubos pa puhunan.

Ganoon ang nangyari kay Khalil. Matapos ang ilang taon niyang pagpupursigi sa Oman ay naghiwalay sila ng kanyang asawa. Hindi niya alam kung saan siya nagkulang. May nakilala ulit siyang babae at sila’y nagsama. Pero kalaunan ay nagkahiwalay din sila. Marami nga siyang pera pag-uwi pero wala siyang pamilyang dinatnan. May nakilala nanaman siya pero ang sabi niya sa akin eh parang takot na siyang sumugal. Lagi daw kasi siyang batuktok pagdating sa pag-ibig.

Si tata Berting? Sigurista! Hindi sumugal magtrabaho sa abroad. Sa Pilipinas nagtrabaho. Nagsikap. Pinagkasya ang kinikita, binantayan ang pamilya. Pinag-aral ang mga anak na lahat, kalaunan, ay nagkaroon ng magagandang trabaho at maaayos na pamilya. Suwerte. Naka-hit si tata Berting. Halatang maganda ang barahang ibinigay sa kanya ng bumabalasa nito. Siguro buo-buo at tabi-tabi ang kanyang mga baraha. O kaya, hindi man kagandahan ang natanggap niyang baraha eh diniskartehan lang niya ito ng mabuti. Sinugarado na kapag inilaban niya ito eh panalo siya. At kapag ang mga kalaro niya ang naglaban eh alam niya kung kaylan siya kakasa at kung kaylan siya dapat tumiklop.

Ako? Malinaw na pumusta ako sa pangingibang-bansa. Pero kapag ako kasi ang pumusta ay mas malamang na panalo ako kaysa matalo. Minsan nga ay sinisigurado ko na mananalo ako. Noong nangibang-bansa ako ay tinignan ko ang lahat ng anggulo, kung ano ang puwedeng mangyari. Saan ko man silipin noon ay malinaw na tama ang gagawin kong desisyon. At noong nagsimula akong magtrabaho doon ay  habang naghahanapbuhay ako eh tiniyak kong ang mga mahal ko sa buhay ay hindi mararamdamang pinababayaan o binabale-wala ko sila.

“Sir… sigurado ka ba sa desisyon mo? Draw na ba talaga? Ang tanong ni tata Berting.

Tumango ako na paulit-ulit.

Katulad nang desisyon kong iyon na mag-draw. Alam kong mas malamang na panalo ako. Nasa akin lahat halos ng mga mababang baraha. Maraming beses nang nangyari ang ganoon kapag naglalaro kami. Napakadalang na tinatalo ang nagdo-draw matapos ang isang ikot lang.

“Surrender ako sir. Wala na akong buo. Napakatataas pa. Ikaw na lang Khalil.”

“Wala rin eh. Mabuti nga’t nakuha ko itong tapon mong jack kaya nagka-bahay ako.”

Naka-two hits ako. Nakuha ko ang gitna.

“O time-out ulit. Maghapunan muna kayo.” Wika ng misis ko na bitbit ang kaldero at mga pinggan.

 Naghapunan kami – piniritong galunggong at munggo ang ulam. Habang kami’y kumakain, katulad ng dati, patuloy ang aming kuwentuhan.

Inabot kami ng halos alas-onse ng gabi sa paglalaro. Nakabawi din si Khalil nang kalaunan. Hindi kami masyado nagkatalo. Pero katulad ng dati, wala naman talagang natatalo sa amin dahil hindi nga mababayaran ng anumang halaga ang kasiyahang aming naramdaman habang kami’y naglalaro ng tong-its.

–  W   A   K   A   S  –

About M.A.D. LIGAYA

Teacher-Writer M, A, and D are the initials of my two first names (Massuline and Antonio) and my mother's family name (Dupaya). Ligaya (a Filipino word which means happiness in English) is my family name. MAD is actually one of my nicknames aside from Tony and Ching. My full name is Massuline Antonio Dupaya Ligaya. Many times I was asked the question "Why do you write?" I don't write for material rewards nor adulation. When I write poems, stories, and essays, when I do research, seeing them completed gives me immense joy and satisfaction. I don't write for cash incentives, "likes," and "praises." I would be thankful should I get those but the happiness and sense of fulfillment I feel when completing my works are my real rewards. Is teaching difficult? No! When I teach, I don't work but I play. The classroom is my playground, the students are my playmates, and the subject is our toy. Proud to be me! Proud to be a FILIPINO! TO GOD BE THE GLORY!

Posted on March 19, 2020, in Creative Writing, Maikling Kuwento, Malikhaing Pagsulat, Short Story, Sugal, Tong-its and tagged , , , , , . Bookmark the permalink. 1 Comment.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: