TONG-ITS (1)

(1st of 3 parts)

tong-its1

“Magkano ba ang gitna?” Ang tanong ni tata Berting habang binabalasa niya ang hawak na baraha.

“Katulad po ng dati… beinte po.”  Ang sagot ko.

“Ha!  Beinte? Kahina naman. Singkwenta na. O kaya… isang daan! Kagagaling lang abroad eh. Aanhin mo ba ang iniuwi mong mga dolyares?”

“Naku Khalil magtigil ka. Naglilibang lang tayo kaya ayos na ang beinte.”

Sina tata Berting at Khalil ang madalas kong katong-itan kapag ako’y nagbabakasyon sa Pilipinas. Basta’t nabalitaan nilang nasa baahay na ako eh siguradong pupuntahan ako’t maglalaro kami ng tong-its. Gabi kami naglalaro sa may kubo sa gilid ng bahay ko. Presko kasi doon, tahimik, at walang miron. Paminsan-minsan lang na mauupo doon ang aking maybahay matapos niyang hatiran kami ng makakain at kape. Kadalasang nagsisimula kami ng ala-sais at inaabot kami ng alas-diyes, minsan higit pa.

Si tata Berting ay isang retiradong accountant na dating nagta.trabaho sa Makati. Kapit-bahay namin siya sa subdivision. Close ang pamilya namin. Si Khalil naman eh katulad kong OFW. Pero nagsawa na daw siyang magtrabaho sa ibang bansa. Sa kabilang barangay siya naninirahan. Hindi niya totoong pangalan ang Khalil. Ang employer daw niya sa isang construction site sa Oman ang nagbansag sa kanya ng pangalang iyon. At iyon na rin ang nakagawian naming tawag sa kanya. Dominic ang totoo niyang pangalan.

Pampalipas oras lang sa akin ang pagtotong-its. Sa tingin ko eh ganoon din kay tata Berting. Hindi ako sigurado kay Khalil. Ang alam ko kasi eh madalas siyang magsugal, lalo na sa mga lamayan. Nagsasakla din daw siya. Kontrolado ko ang sarili ko pagdating sa sugal at sa Pilipinas ko lang ginagawa ito. Hindi ko kaylan mang sinubukang magsugal kapag nasa ibang bansa. Niyayaya ako minsan ng mga katrabaho kong banyagang katulad ko na mag-poker. Pero ayaw ko. Baka hanap-hanapin ko. Mahirap ang malulong sa sugal.

Hindi ako sanay sa malakihang taya. Hindi ko na mae-enjoy kapag malakihan ang labanan. Sayang ang pera. Mahirap kitain ang dolyar. Hindi bale kung siguradong panalo ako palagi pagkatapos naming maglaro. Sa totoo niyan kapag nagtotong-its ako eh hindi ko naman kaylanmang hinangad na talunin ang mga kalaro ko para makuha ko ang kanilang pera. Hindi pera ang naguudyok sa akin para magtong-its. Naglilibang lang ako. Nagre-relax.  Para sa akin, kung gusto mong magkapera, eh huwag sa sugal mo hangarin. Magbanata ka ng buto.

Tong-its lang ang nagustuhan kong sugal. Marunong akong mag-lucky nine at pusoy pero hindi ako manenggayong laruin ang mga ito. Purong sugal kasi ang lucky nine at pusoy at mabilis laruin. Hindi katulad ng tong-its na nagtatagal ang bawat round. Maliban na lang kung pagsampa ng baraha eh may bumisaklat sa mga kalaro mo o matapos ang unang ikot ng tapunan eh biglang may nag-draw. At ang tong-it eh may elemento ng mind game kaya nagustuhan ko ito. Kahit sobrang pangit ng sumampang baraha sa iyo eh maaari mong ipanalo. Iyon eh kung magaling kang mag-bluff at ang mga kalaro mo eh hindi kakasa.

“Hayaan mo na Khalil, pagbigyan natin ang hiling ni sir. Tulad na lang ng dati – beinte ang gitna.”

Ako kasi eh isang guro kaya kung tawagin ako ni tata Berting  eh sir. Nakigaya na rin si Khalil nang kalaunan..

“…tapos lima ang bawat bato. Ang bayad sa batuktok eh gawin nating beinte at lima din ang bawat butas. Kapag sunog o walang bahay eh magdadagdag ng limang piso.” Ang dagdag pa ni tata Berting.

“O sige na nga, baka hindi pa tayo laruin nitong si bulilit kung lalakihan natin ang gitna.”

“Kung makabulilit naman heto. Bakit matangkad ka ba?” Ang tanong ko kay Khalil sabay batok sa kanya ng banayad.

“Eh bakit… mas matangkad naman ako sa iyo ah.”

“He… magtigil na nga kayo. Pareho lang kayong punggok.” Ang sabi ni tata Berting. “O… cut na. Masimulan na ito nang makarami tayo.”

“Hayan nagalit na si impo.” Ang sabi ni Khalil sabay tawa.

Naging kaybigan na ng pamilya namin si Khalil kalaunan. Parang kapatid na ang turing ko sa kanya kaya bale wala na sa amin ang magbiruan. Siya ang gumawa ng extension ng bahay namin. Hindi naman siya engineer pero alam niya ang lahat ng aspeto ng construction ng bahay o building. Iyong ang naging trabaho niya sa Oman. At iyon na ang pinagkakakitaan ng tumigil na siyang mag-abroad.

Ganoon kami kapag nagtotong-its. May kantyawan, buskahan, at tawanan. Kaya nage-enjoy akong kalaro silang dalawa. Masarap kasi iyong ganoon. Galawgaw din kasi ako at palabiro.

Nagkukuwentuhan kami habang nagtotong-its. At sa tagal na naming naglalaro ng tong-its eh marami na kaming naikwento sa isa’t isa tungkol sa aming mga buhay. Paminsan-minsan ay seryoso ang aming usapan pero mas madalas ang tawanan. May mga pagkakataon na pulitika ang pinaguusapan namin. Minsan may magti-trip  na kumanta tapos sasabayan namin. Ganoon ang gusto ko kapag nagtotong-its kami. Nakakalibang. Hindi ko napapansin ang paglipas ng oras. Hindi baleng sa bandang huli eh talo. Hindi mababayaran ng ano mang halaga iyong kasiyahang nararamdaman ko habang naglalaro kami.

Dati ay may ibang dumadayo sa akin para makatong-itan ako pero inayawan ko sila. Iyong isa eh mahilig kasing manigarilyo at mismong sa mukha ko pa minsan ibinubuga ang kanyang usok kaya ubo ako ng ubo habang naglalaro kami. Hindi kasi ako naninigarilyo. May isa naman na kapag nanalo na ng malaki  eh bigla na lang umaayaw kahit hindi pa tapos ang itinakda naming bilang ng oras ng paglalaro. Napakagulang. Kung ano-ano ang idinadahilan para maka-alis. Ang mga manlalaro kasi ng tong-its, at tingin ko kahit sa anong sugal, eh naguusapan sa simula kung hanggang anong oras ang laro. Ang mga talunan lang ang puwedeng umayaw. Kapag nananalo ka,  hanggang hindi tapos ang pinagusapang oras eh hindi ka puwedeng magsabing ayaw mo na. At ang huli eh iyong nakalaro ko na napakahilig mag “mo.” Kapag natatalo eh sasabihing “beinte mo muna”… “singkwenta mo muna.”  Hindi siya  maglalabas ng pera pero patuloy sa paglalaro. Ang hirap tantiyahin kung may pera pa ba siya o wala na. Minsan lumalaki nang hangang dalawang-daan o higit pa ang kanyang utang. Tapos kapag siya ang tatama eh babawasan iyong utang niya. Minsan nagkakalituhan na sa kuwentahan. Iyon ang mga players na iniwasan kong makalaro. Sina tata Berting at Khalil lang ang nakita kong matino at  masarap katongitan kaya kapag sila ang nagyayaya eh umo-oo kaagad ako. Madalas nga na ako pa ang nagyayaya sa kanila.

“O tulad ng dati… ang kuwadra ay limang piso at ang alas eh limang piso ang isa kapag  naipanalo.”

“Okay… Kapag ang alas ang naikwadra eh bente pesos ulit ha.” Ang dagdag ko sa sinabing iyon ni Khalil. “Tapos kapag ikaw ang panalo at may kuwadra alas ka pa eh may bayad na bilang kuwadra iyong mga alas, may bayad pa isa-isa pa ang mga ito  dahil sa pagkakapanalo mo. Bale kuwarante’y singko ang bayad. Clear?”

“Sir… yes sir!” Ang bulalas ni Khalil.

Ang totoo niyan eh kahit beinte pesos lang ang tayaan namin sa gitna, napansin ko na pagkatapos ng sampung balasa at hindi ka tumama kahit minsan eh lagas kaagad ang dalawang daang piso mo o higit pa. At posible nga na mangyari na isang oras na kayong naglalaro eh kahit minsan eh hindi ka makakabalasa. Lalo na kung magagaling ang kalaro mo. Hindi rin imposible na hanggang matapos ang laro ay hindi ka makaka-hit kahit minsan. Iyon ang tinatawag na epic failure sa tong-its – iyong natapos ang laro at hindi ka naka-hit kahit minsan. Nangyari na sa akin ang ganoon at halos inabot ng isang libo ang talo ko matapos ang apat na oras naming paglalaro. Iyong isang libo eh hindi ko naman iindahin dahil kahit papaano eh may pera naman ako. Pero nakakasama ng loob na matatalo ka ng ganoong kalaki at sa loob ng ganoong katagal na paglalaro eh hindi ka makaka-hit kahit minsan. Iyon bang pakiramadam na ang bobo-bobo mong magtong-its. Ang minsang nakakainis, lalo na kung balat-sibuyas ka, eh kapag ikaw aymahaba-haba na itinatakbo ng laro at hindi ka pa nakakabalasa kahit minsan eh tiyak na uulanin ka ng kantiyaw. At mas lalo na nga kung hindi ka naka-hit kahi minsan. Kada laro na ipapaala-ala sa iyo ang bagay na iyon hangga’t hindi mo sila nababawian.

“Ano ba tata Berting. Aba’y magtapon ka na. Papaano tayo makakarami niyan eh slow motion ka nanaman.” Ang bulalas ni Khalil.

“Pagbigyan mo na ang senior citizen.” Dagdag ko.

“Ganyan nga, mainis kayo, para masira ang diskarte ninyo. Babagalan ko pang lalo para ma-stress kayo.” Ang sagot ni tata Berting.

Isa-isa kasi kung pulutin ni tata Berting ang kanyang mga baraha at dahan-dahan pa kung  pintahan.  Ako may ganoon din –  isa-isa kong pinupulot ang mga baraha at pipipintahan ko rin ang mga iyon nang isa-isa. Pero mabilis, hindi katulad nang ginagawa ni tata Berting na dahan-dahan. Sa ganang akin kasi eh hindi naman gaganda ang napunta sa iyong barahan kung babagalan mo ang pinta. Pero kanya-kanya ng style. Sabi nga nila – walang basagan ng trip.

“O kita mo nga. Suwerte kapag dahan-dahan ang pinta ng baraha. Buo-buo kaagad.”

“Hindi nga! Nagsisinungaling nanaman si tatang.” Ang wika ni Khalil. “Paramihan tayo ng buo o.”

“Bahala ka kung ayaw mong maniwala. Basta ito eh buo-buo. Ang haba pa nga ng isang buo ko.”

Mabuti pa sila. Maganda ang mga baraha. Ako eh walang buo kahit isa ang sa mga baraha ko sa round na iyon. Walang straight, walang trio. May dalawa akong king, dalawang otso, may tres at kuwatro akong spade, tapos iyong anim ko pang baraha eh hiwa-hiwalay na eh halos puro tao pa. Pero posible rin naman na wala din silang buo at mas pangit ang hawak nilang baraha. Ganoon kasi sa tong-its. Uso ang bluffan. Hindi mo puwedeng ipahalata na pangit ang sumampang baraha sa iyo. Kunwari eh maganda ang hawak mong baraha… kahit pangit.

“Aba, eh pare-pareho palang buo-buo baraha natin.”

“Sir, masama magsinungaling.” Ani tata Berting.

Ngumiti na lamang ako.

“Tata Berting, ako po eh palaki ng mga madre kaya hindi ako marunong magsinungaling.” Ang sagot ko.

At sa wakas ay nagtapon na si tata Berting… sinkong spade.

Napangiwi ako  dahil kaylangan ko ang barahang iyon para mabuo na straight ang tres at kuwatrong spade na hawak ko.

Kinuha ni Khalil ang sinkong spade na tapon ni tata Berting. Mabuti na lang at hindi sa trio nabuo kundi sa straight. Sais at siyeteng spade ang idinugtong ni Khalil. Inilatag niya ito sa kanyang harapan.

“O heto dos na spade, hindi ko na hihintaying maisapaw ang tres at kuwatro. Labanan na ito. Kapag hindi ninyo sinapawan ito eh fight na.”

“Subukan mo lang nang sumakit ang katawan mo.” Ang banta ni tata Berting.

Dos ngang spade ang itinapon sa akin ni Khalil. Kaylangan ko iyon dahil hawak ko ang sinasabi niyang tres at kuwatrong spade. Pagkatapon niya ng barahang iyon ay maayos niyang isinalansan ang mga barahang hawak niya at itinabi sa mga bunuting baraha. Iyon ang madalas niyang gawin kapag ilalaban na niya ang kanyang baraha. Nag-alangan tuloy akong kuhanin ang tapon niya. Puwede ko kasing  kuhanin o kaya eh isasapaw ko na lang sa nakababa niyang baraha ang hawak kong spade para hindi siya makalaban.

Kapag nagtotong-its ka eh mahirap malaman kung tama o mali ang gagawing mong desisyon. Parang sa tunay na buhay, kung mapapabuti ka o mapariwara eh depende sa mga ginagawang mong desisyon sa buhay. Ang iba’y  naniniwala na ang kahihinatnan natin sa kinabukasan eh parang sugal. Nakadepende daw iyon sa may hawak ng baraha ng ating buhay – ang Panginoon. Ang iba’y naniniwala na nang isilang ang tao ay may nakatakda na sa  kanyang baraha. Ang tawag nila doon ay kapalaran. Ako kasi ay hindi naniniwala sa kapalaran. Kung totoo man na binabalasa ng Panginoon ang baraha ng buhay natin ay binigyan Niya tayo ng pagkakataon na laruin natin ito ng maayos. Kung panalo o pagkatalo natin ay depende sa mga desisyong gagawin natin.

At ang desisyon ko –  kinuha ko ang barahang tapon ni Khalil  upang idugtong  sa hawak kong tres at kuwatrong spade.

“O sige. Kuhanin ko na ito para magkalabanan na.” Ang wika ko. Pagkatapos ay itinapon ko ang nag-iisang queen na hawak ko.

Hindi kinuha ni tata Berting ang itinapon kong baraha.

“O… puwedeng lumaban kahit walang babay ha. Hindi naman tayo “no down, no fight” ‘di ba.” Ang wika ni tata Berting.

Yes lolo dear!” Ang sagot ni Khalil.

At bumunot na si tata Berting.

“Ayos… ang ganda ng  bunot ko… nakabuo pa ako ng isa.” Ang bulalas ni tata Berting. “Magbabahay pa ba ko sir?”

“Aba’y bahala po kayo.”

“Hindi na.  Puwede naman ako lumaban kahit walang baba.”

“Ganoon po ba? O sige labanan tayo.”

Pagkasabi niyon eh itinaob na ni Khalil ang mga  bunuting baraha. Hindi na hinintay na makapagtapon si tata Berting.

“O sige… laban ang matapang!!!” Ang hamon ni Khalil.

Heto nanaman si Khalil. Nag-draw na kaagad. Madalas niyang gawin iyon. Dalawang bagay lang iyon, mababa na talaga ang kanyang baraha o mataas pa. Nanghinayang ako sa ginawa kong desisyon. Sa halip pala na kinuha ko ang tapon ni Khalil ay sinapawan ko na lang sana ang barahang ibinaba niya. Kung bumunot pala ako eh baka nakuha ko pa ang king o otsong kaylangan ko.

Talagang nasa huli palagi ang pagsisisi. Sumurender ako. Wala nang buo sa hawak kong baraha. .

Ibinaba ni tata Berting ang tatlo sa kanyang hawak na mga baraha – trio siyete. Isinunod niya ang lima pa sa kanyang baraha – straight na dos hanggang sais na diamond. Apat na lang ang natitirang baraha sa kanyang kamay.

“O ano impo… tama na ang pakita… laban ba ‘yan?”

Part 2

About M.A.D. LIGAYA

Teacher-Writer M, A, and D are the initials of my two first names (Massuline and Antonio) and my mother's family name (Dupaya). Ligaya (a Filipino word which means happiness in English) is my family name. MAD is actually one of my nicknames aside from Tony and Ching. My full name is Massuline Antonio Dupaya Ligaya. Many times I was asked the question "Why do you write?" I don't write for material rewards nor adulation. When I write poems, stories, and essays, when I do research, seeing them completed gives me immense joy and satisfaction. I don't write for cash incentives, "likes," and "praises." I would be thankful should I get those but the happiness and sense of fulfillment I feel when completing my works are my real rewards. Is teaching difficult? No! When I teach, I don't work but I play. My educational philosophy - "The classroom is my playground, the students are my playmates, and the subject is our toy." Proud to be me! Proud to be a FILIPINO! TO GOD BE THE GLORY!

Posted on March 16, 2020, in Creative Writing, Maikling Kuwento, Malikhaing Pagsulat, Short Story, Sugal, Tong-its and tagged , , , , , . Bookmark the permalink. 1 Comment.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: