LINGON (1)

(Unang Bahagi)

Sutsot

Hindi ko na mabilang kung ilang beses tumingin sa kanyang relo si Daniel at pagkatapos ay bubuntong hininga.  Wala na siyang sigarilyong masindihan pero patay-sindi pa rin ang ginagawa sa hawak na lighter. Matagal nang ubos ang laman ng  kaisa-isang kahang binili niya sa terminal ng bus bago kami bumiyahe. Ako nama’y nang magsawang makinig sa mga kantang nasa cellphone ko’y pinanood ko na lamang ang mga bankang inuugoy ng mga alon malapit sa pampang habang nagbabalik-tanaw ako sa aking kamusmusang ginugol ko sa tabing-dagat.

Magkatabi kami ni Daniel na nakatalungko  sa dulo ng konkretong breakwater na kasingkulay na halos ng mga lumot na kumapit dito. Siya’y may takip na panyo sa ilong. Halatang hindi sanay sa amoy na isinisingaw ng dagat at ng buhanginang nagsisilbing libingan ng mga patay at nabubulok na lamang dagat. Pablihasa ako’y laking dagat kaya bale-wala sa akin ang amoy ng tubig-alat na itinuturing ni Daniel na mabaho. Para sa akin, di-hamak na mas mabaho ang amoy ng sigarilyong kumapit sa suot niyang t-shirt.

May isang luma na’t sira-sirang rampa na yari sa magkahalong kahoy at kawayan na nakadikit sa breakwater na nagsisilbing daungan ng mga bangka at marahil ay babaan rin ng mga isda at iba pa mga lamang-dagat na nahuhuli ng mga mangingisa kapag kati at hindi makatuloy sa pampang ang kanilang mga bangka. Dalawang baytang na hagdanang yari sa kahoy ang nakapagitan sa rampa at breakwater.

Nakatayo sa gilid ng rampa  si Tomas na parang estatwa at nakatingin sa direksyon ng araw na malapit ng lunurin ng dagat. Habang kami ni Daniel ay umiiwas sa tilamsik ng tubig dagat na hatid ng along humahampas ng paulit-ulit sa aming kinapupwestuhan ay hinahayaan lamang niyang mabasa siya nito. Taog kasi noon at medyo may kalakasan ang hangin kaya maalon.

“Anong oras ba talaga darating ang bangkang sasakyan natin,” ang tanong ni Daniel kay Tomas. “Aba’y makapananghalian pa tayo naghihintay dito ah.”

 “Oo nga naman tol, hayan papalubog na ang araw o,” ang dugtong  ko.

 “Aywan ko ba,” ang sagot ni Tomas. “Ang sabi nung kakilala ko na kapag wala na ang araw at lalatag na ang dilim eh saka pa lamang daw darating ang bankang naghahatid sa mga gustong pumunta sa isla. Pinagkibit-balikat ko lang ang sinabi niya sa pagaakalang ito’y biro lamang. Mukha yatang totoo.”

Pailing-iling na tumingin sa akin si Daniel. Hindi iyon nalingat kay Tomas.

“Pasensya na mga tol,” ang dugtong nito. “Nadamay pa kayo sa problema ko. Kung gusto n’yo nang umuwi eh okay lang. Ako na lang ang susundo sa kapatid ko.”

Panandaliang katahimikan ang namagitan sa aming tatlo.

Maya-maya pa’y sabay kami halos ni Daniel na bumaba sa rampa upang lapitan si Tomas.

“Tol, sorry, hindi ka naman namin pwedeng iwanan dito,” wika ko sabay akbay sa aming kaybigan. Wala tayong iwanan mula noon.”

“Nakakainip lang kasi tol, dalawang oras pa halos ang biniyahe natin papunta dito kanina,” ang dagdag ni Daniel. “Tapos mahigit isang oras pa tayong naglakad papunta dito. Sumakit ang mga paa ko dito sa suot kong sapatos.”

“Eh engot ka kasi eh,” ang sabi ko. “Alam mo namang dagat ang pupuntahan natin at sasakay pa tayo ng bangka eh nag-rubber shoes ka. Dapat kasi tsinelas o sandals ang sinuot mo. Tapos nakapantalon ka pa.”

“Nakalimutan ko nga, ang sagot ni Daniel. “Hay naku! Pagod na, gutom pa. Napakalayo pa naman nung mga bahayan na nadaanan natin kanina. Wala man lang mabilhan ng pagkain at mahingan ng kahit tubig na maiinom.”

“Magtigil ka nga Daniel,” wika ko. “Tamang-tama lang na naglakad tayo ng malayo at wala tayong pagkain para pamin-minsan eh nakakapag-exercise ka at nakakapag-diet. Tignan mo nga iyang tiyan mo oh, parang tambol na ah.”

“Kung makapagsalita ka Willy eh parang ke payat-payat mo,” ang sagot ni Daniel sa akin.

Tumawa ako’t tinampal ko ang balikat ni Daniel sabay sabing, “Joke lang tol. O heto tubig. Kundi ka ba naman talaga engot ni tubig di ka man lang nagbaon. O heto pa biscuit, isaksak mo sa ngala-ngala mo.”

“Hindi ko kasi natanong doon sa kaybigan ko kung may mga karinderya o tindahan dito. Pasensya na mga tol.”

Tumingin ako kay Daniel, sinimangutan ko ito’t sinenyasang tumahimik.

“Ang tigas kasi ng ulo ni Ella. Pinagbawalan ko siyang sumama sa mga kaybigan niyang mag-night swimming eh hindi nakinig.”

“Eh mukhang lahi yata talaga kayo ng matitigas ang ulo tol,” ang hindi ko malaman  kung nanunuya o nagbibirong sabi ni Daniel.

“Baka naman nagtanan na si Ella at ang nobyo niya kaya hindi pa umuuwi,” dagdag ko naman.

“Hinahanap nga siya ng nobyo niyang si Jeff sa bahay kagabi kaya nalaman ng nanay namin na wala pa siya. Masyado na siyang nag-aalala kaya pinapasundan na sa akin. Aywan ko ba. Kinakabahan talaga ako. Sa lahat pa naman ng mapipiling puntahan eh ang isla pa na iyon.”

“Bakit Tomas? ang tanong ni Daniel. “Anong meron sa islang iyon?”

“Ha… eh, wala naman mga tol,” ang sagot ni Tomas.

Pakiramdaman ko’y may gustong sabihin si Tomas. Pinagmasdan ko siya at nang magkasalubong ang aming tingin eh ngumiti siyang pilit.

“Ano iyon tol?” ang tanong ko kay Tomas.

Kilala ko si Tomas. Meron siyang dapat sabihin sa amin. High school pa lang eh magkakabarkada na kaming tatlo. Nagdesisyon din kaming pumasok sa iisang kolehiyo at pare-pareho pa ang kursong kinukuha namin. Halos araw-araw eh magkakasama kami. Wika nga’y kabisado namin ang likaw ng bituka ng bawat isa.

“Puro sabi-sabi lang ang mga naririnig ko tungkol sa islang iyon.”

“Ah, haunted ang islang iyon. Parang isang haunted house – may mga multo at maraming kababalaghang nagaganap,” ang pabirong sabi ni Daniel.

“Sabihin na nating parang ganun na nga.”

Hindi ko masabi kung seryoso ba si Tomas ng sabihin iyon o sinakyan lamang niya ang biro ni Daniel.

Tinanong ko si Tomas, “Siyanga pala tol, bakit hindi mo niyayang sumama ang nobyo ng kapatid mo?”

“Mukhang mama’s boy ang lintik. Hindi daw siya pinayagan ng mommy niya nang siya’y magpaalam na sumama sa atin. Mabuti pa itong si Daniel… mama’s boy din pero tumakas.” wika ni Tomas at pagkatapos ay may inilabas mula sa dala niyang backpack. “Pero heto, pinahiram ako ni Jeff ng baril at nagbigay  pa ng mga bala, meron pa ngang ilang piraso ng silver bullets. Baka daw kaylanganin natin.”

 “Silver bullets! Naniniwala ba kayo sa mga nilalang na katulad ng mga bampira at werewolf?”

 Hindi namin pinansin ang parang nunuyang pagtatanong ni Daniel.

“Bakit nagdala ka pa ng baril tol? Mabuti wala tayong nadaanang checkpoint.” ani ko.

“Para lang sa proteksyon natin ito. Hindi natin kabisado ang lugar na pupuntahan natin. Ayaw ipagamit sa akin ni mama ang baril ni papa kaya nanghiram ako sa nobyo ni Ella.”

Dating pulis ang ama ni Tomas at siya’y tinuruan nitong gumamit ng baril. Namatay sa isang police operation ang naturan niyang ama.

“Mga tol.”

Nang kami ni Tomas eh tumingin kay Daniel pagkarinig nun eh tumuro ito sa direksyon ng pampang. May tatlong tao na humihila ng isang bangka palusong sa dagat. Binantayan namin ang kaninlang mga kilos. Sumakay ang mga ito’t sumagwan papalaot patungo sa direksyong kinalalagyan namin sa breakwater. Nakaupo sa likod ng bangka ang dalawa sa kanila, sumasagwan, habang ang isa’y nakatayo sa bandang unahan. May kahabaan din ang breakwater at kami’y nasa dulo nito kaya’t natagalan ng kaunti bago nakalapit sa amin ang bangka.

Umakyat ako pabalik sa breakwater. Nais kong may distansya kami ng kaunti sa mga taong paparating. Sumunod ang dalawa.

Tumigil ang bangka sa dulo ng breakwater  sa  tapat mismo namin. Medyo may kahabaan ang bangka at de-motor pala ito na hindi lang nila pinapaandar. May mga katig sa magkabilang bahagi. Dalawang lalaki at isang babae ang lulan nito. Tantya ko’y kasingtanda ng aking ama ang lalaking nakatayo sa harap ng bangka,   higit-kumulang na singkwenta siguro. Ang babae at iyong isang lalaki nama’y parang kasing-edad namin. Parang mga estudyante rin sila sa kolehiyo. Tingin ko’y mag-ama ang dalawang lalaki. Sila’y magkahawig. Hindi ko masabi kung kaano-ano nila ang kasama nilang babae. Maganda ito’t morena.

Maari kong sabihing hindi sila mga mangingisda. Bukod sa mga pantalon nila’t kamiseta ay  may suot na parang tunika na kulay magulang na pula. Kung hindi ako nagkakamali eh mga deboto sila ng Nazareno… o baka mga miyembro sila ng isang kulto. Ang nagsisilbing sinturon nila’y parang malaking rosaryo at nakalawit sa bandang harapan ang krus. Wala rin akong nakitang gamit-pangisda sa kanilang banka. Ang nandoo’y lubid at mga tulos. Ang nakakapagtaka ay  may dala silang isang kahon na may lamang mga bote na ang nagsisilbing takip ay punit na damit. Nakatitiyak akong hindi ilawan ang mga iyon kundi  parang mga Molotov cocktail. Gumagawa ng ganun ang mga kaybigan namin sa unibersidad kapag sumasali sila sa rally. Kapansin-pansin rin ang mga mahahabang gulok na nakapatong sa mga upuan sa bangka.

Nagtanong ang lalaki nasa unahan ng bangka, “Mawalang-galang na po mga amang… mukhang may hinihintay yata kayo d’yan?”

Ang sumagot ay si Tomas. “Hinihintay po namin iyong bangka papuntang isla Miedo.”

Natahimik at nagkatinginan ang mga nasa bangka. Ang lalaking nakaupo sa likod ay sumagwan at mas inilapit pa sa  kinalalagyan namin ang kanilang bangka.

“Sa anong dahilan at pupunta kayo sa isla Miedo?” ang tanong naman ng babae.

Si Tomas muli ang sumagot, “Nandoon ang kapatid ko at mga kaybigan niya. Nagswimming sila doon kahapon. Hindi pa sila nakakabalik. Susunduin namin sila.”

Muling nagtinginan ang mga nasa  bangka. Sila’y nag-ilingan. Nilapitan ng babae ang kasama niya’t may ibinulong. Nag-usap sila habang parehong nakatingin sa amin. Hindi namin maulinigan ang kanilang pinaguusupan. Nilulunod ng tunog ng along humahampas sa breakwater ang kanilang mga tinig.

“Ipagpaumanhin ninyo pero hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Mga amang, kung ako sa inyo eh dumito na lamang kayo. Hintayin na lamang ninyo na bumalik sila.”

Ang lalaking nakakatanda ay parang isang ama na naguutos sa kanyang anak nang sabihin iyon sa amin.

(Itutuloy)

About HARDPEN

Teacher-Writer Hardpen is my nom de plume. My real name is Massuline Antonio Dupaya Ligaya. Many times I was asked the question, "Why do you write?" I don't write for rewards nor adulation. When I write poems, stories or essays, seeing them completed gives me immense joy and satisfaction. The happiness and sense of fulfillment I feel when completing my works are my rewards. When I teach, I don't work but I play. The classroom is my playground, the students are my playmates, and the subject is our toy. Proud to be me! Proud to be a FILIPINO! TO GOD BE THE GLORY!

Posted on July 28, 2018, in Creative Writing, Fiction, Horror Stories, Kwento, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Prose and Poetry and tagged , , , , . Bookmark the permalink. 4 Comments.

  1. Kaka heart attack naman yung picture mo kuya. Bitin.

    Liked by 1 person

  2. Aabangan ko po ang bawat series

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: