Advertisements

Monthly Archives: July 2018

LINGON (3)

(Ikatlong Bahagi)

The-Shape-Shifting-Ghost

Isang matanda nga ang lulan ng balsa.

“Iyan marahil si tandang Kharon,” ang pabulong na sabi ni Jasmin. “Nakita ko rin siya sa wakas.”

Mukhang luma at kulay itim lahat ng kasuotan niya – pantalon, kamisa de chino, at sombrero. Hindi ko maaninag ang mukha ng matanda, natatakpan ito ng suot niyang sombrero. Inilapag niya ang hawak na tikin at sinimulang sindihan ang mga lampara.

Walang kumikibo sa amin. Tahimik naming sinusubaybayan ang bawat kilos ng matanda.

Takip-silim na noon. Nagbibigay daan ang liwanag sa dilim.

Nang masindihan lahat ng lampara’y muling hinawakan ng matanda ang tikin. Pumwesto sa bandang dulo. Wala itong sinasabi, nakaharap siya sa amin at nakayuko. Hinihintay kaming sumakay.

Ilang sandali rin ang dumaan. Nang walang kumikilos sa ami’y inilubog ng matanda ang tikin sa tubig akmang aalis na.

“Te…teka po,” ang atubiling wika ni Tomas.

Hindi huminto ang matanda. Unti-unti ng kumilos ang balsa palayo sa breakwater. Nagbabaan kaming lahat sa rampa. Nagmamadaling tumalon sa balsa si Tomas.

Atubili ma’y sinundan ko siya. Tumalon din ako sa balsa.

Hindi kumikilos si Daniel at si Jasmin nama’y nakamasid lang. Nakatingin sa amin si Daniel. Nakakunot ang noo. Urong-sulong ang kaybigan namin – akmang tatalon pagkatapos biglang titigil att hahagurin ng dalawang kamay ang kanyang buhok.

“Daniel,  ayos lang kung hindi mo kami sasamahan, maiintindihan ko,” wika ni Tomas. “Tara na po lolo.”

“Teka, teka po lolo,” wika ni Daniel. “Sasama po ako.”

Nang tumalon si Daniel ay sumunod rin si Jasmin.

“Jasmin, hindi mo kaylangang gawin ito,” ang bulong ko sa kanya.

Ang sagot niya’y “Kaylangan! Kaylangan din ninyo ang tulong ko.”

Gusto ko sanang tanungin  si Jasmin kung anong tulong ang pwedeng gawin ng isang babaeng katulad niya sa isla ng Miedo na ayon na rin sa paglalarawan niya ay mapanganib.

Tumalikod sa amin si tandang Kharon. Isinikad na niya  ang kanyang tikin. Nagsimula nang lumayo ang balsa sa breakwater papasok sa balumbon ng ulap na nagluwal dito.

Tinignan ko ang aking relo – trenta minutos makalipas ang ika-anim ng hapon.

“Tikin lang ang gamit ng bangkero,” ang pabulong na wika ni Tomas. “Paano kapag nasa malalim na bahagi na tayo ng dagat?”

“Lolo, gaano po ba kalayo ang isla ng Miedo?,” ang tanong Daniel.

Hindi ko malaman kung bingi ang matanda o suplado. Hindi siya sumagot. Nagpatuloy lamang ito sa pagsikad ng tikin.

“Malayo po ba ang islang iyon lolo,”

Nilaksan ko ang aking boses. Iniisip kong baka hindi lamang nito narinig si Daniel kaya hindi ito nakasagot.

Lumingon sa amin ang matanda subalit sa halip na sumagot ay inilagay nito nang patayo ang hintuturo sa labi. Tanging ang babang bahagi ng kanyang ilong at labi lamang ang hindi natatakpan ng sombrero niyang suot. Nang tanggalin niya ang kanyang daliri sa labi ay ngumiti ito. Tumambad ang kanyang nangingitim na ngipin.

Muling isinikad ni tandang Kharon ang tikin.

“Napansin mo ba ang kanyang mga ngipin,” ang pabulong na tanong sa akin ni Tomas.

“Oo tol. Nangingitim,” ang tugon ko.

“Bukod doon,” ang dagdag ni Tomas. “Parang kasing may pangil siya… o baka naman sungki-sungki lang ang kanyang mga ngipin.”

“Pangil yata,” ang sabi ni Jasmin.

Nakita kong dinukot ni Jasmin ang rosaryo at ipinulupot sa kaliwa nitong kamay habang hawak naman sa kanyang kanan ang hunting knife.

Habang papalayo kami sa breakwater ay lalong kumakapal ang balumbong ng ulap. Halos hindi ko na matanawan si tandang Kharon na nasa harapan namin. Tanging ang liwanag na galing sa lampara sa harapan ng balsa ang nababanaagan ko. Pagkatapos ay naramdaman ko na lamang na tumigil ang balsa.

“Nasa isla Miedo na ba tayo?” ang tanong ni Daniel.

Lumapit ako sa isang lampara’t tingnan ko ang oras. “Imposible. Paanong…” Inalog-alog ko ang relo.

“Bakit tol?”

Ang tanong ni Tomas ay sinagot ko ng isa ring tanong, “Gaano na ba tayo katagal dito sa balsa?”

“Aba eh wala pa yatang sampung minuto.” ang sagot ni Daniel.

 “Anong oras na Daniel?”

“Alas-diyes!” ang sagot niya sa tanong ko. “Bakit ba?”

“Alas-sais y media tayo umalis sa breakwater.”

“Anak ng… paano nangyari iyon?” ang bulalas ni Daniel.

“Alisto lang kayo,” ang sabi ni Jasmin.

Ilang sandali pa’y unti-unting nawala ang ulap, parang unti-unting hinipan ng hangin palayo sa amin. Ang pumalit ay kadiliman. Tila kay bilis nawala ng liwanag. Ang mga lampara sa apat na gilid ng balsa ang tanging nagbibigay liwanag.

“Aba eh nasaan ang matanda?” wika ni Tomas.

Noon ko lang napansin na wala na pala ang matandang bangkero sa balsa. Parang sumama sa naglahong balumbong ng ulap. Ang tikin laman niya ang naiwan.

“Ano ba iyan!”  ang bulalas ni Daniel. “Ano ba kasi itong pinasok natin na ito… Lintsak, basang-basa na ang mga sapatos ko’t pantalon.”

“Isipin na lang natin na siguro tahimik na lumusong sa dagat ang matanda at lumangoy palayo sa atin,” ang wika ni Jasmin.

Luminga-linga ako sa paligid. Tumingala ako sa langit, wala ang buwan at ang mga tala nama’y parang itinago ng mga ulap. Sa bandang kanan namin ay may nakita akong  liwanag.

“Nakikita ba ninyo iyon?” ang sabi ko sa aking mga kasamahan sabay turo sa bandang kanan namin nang sila’y magtinginan sa akin.

Tanging ang liwanag na iyon ang nakikita sa gitna ng kadilimang nakapaligid sa amin ng maglaho ang balumbon ng ulap. Parang galing sa isang sulo. Gumagalaw ito pakaliwa’t pakanan.

“Liwanag iyon ah,” ani Tomas.

“Baka may bangka sa banda roon.”

“Hindi siguro,” ang sagot ko sa sinabi ni Daniel. “Medyo mataas ang lugar na pinanggagalingan ng liwanag.”

“Gumagalaw kaliwa’t kanan,” dugtong ni Jasmin. “Pakiwari ko’y sadyang iwinawagayway ang sulo ng sino mang may hawak nito.”

“Kung nasa kalupaan ang may hawak ng sulo  eh marahil ang kinalalagyan niya’y  ang isla Miedo,” ang sabi ni Tomas. “Baka grupo nina Ella yan.”

“Puntahan natin.” ang mungkahi ni Jasmin.

Sumangayon kami ni Tomas. Si Daniel naman ay tahimik lamang.

Kinuha ni Tomas ang tikin. Kanya itong isinikad. Nakapagtatakang malayo-layo na rin ang nalalakbay namin eh kalahati lamang ng tikin ang lalim ng dagat. Hindi ko alam kung napansin din iyon ng aking mga kasamahan. Hindi ko alam kung napansin din nila na kalmado ang dagat sa bahaging iyon. Walang alon na humahampas sa balsa.

Nang kami’y umusad na patungo sa direksyon ng liwanag na nakita ko ay nagsimulang mangalisag ang aking mga balahibo sa batok at braso. Ganun ang nararamdaman ko tuwing nagkukwentuhan ng tungkol sa multo ang mga kaklase namin sa kolehiyo at mga guro at empleyado doon. Kahit walang ganoong uri ng usapan ay basta para akong kinikilabutan tuwing nasa loob ako ng campus namin. Dati daw kasing sementeryo noong panahon ng Kastila ang lupang kinatitirikan ng eskwelahang iyon kaya’t ilang sa mga nag-aaral at mga nagtatrabaho doon na bukas daw ang “third eye” ay minsan nakakakita ng mga kaluluwang gumagala. Ang iba’y hinihimatay kapag nakakakita at bigla na lang tatakbo palabas ng classroom o opisina nila. Ang ilan nama’y tila nakasanayan na kaya bale-wala na sa kanila.

Ayaw kong maniwala noon kaya’t inisip kong baka nasisiraan ng bait iyong mga nagsasabing nakakakita’t tumatakbo pa nga’t minsa’y hinihimatay. Ngunit ng isang guro ko mismo na kilala kong disenteng tao at matino ang pag-iisip – wika nga’y may kredibilidad – ang nagkwento sa amin ay nagsimula akong maniwala na meron ngang multo at mga elementong gumagalaw sa mundo kasama ang mga tao.

Tandang-tanda ko nang ikwento sa amin ng guro kong iyon na minsan daw ay pinuntahan nila ang burol ng sumakabilang-buhay na ama ng isa sa mga estudyante niya. Makalipas ang isang buwan ay na-assign na reporter sa isang topic ang nasabing estudyante. Kitang-kita niyang biglang lumitaw sa harapan ang kaluluwa ng ama at pinanood ang kanyang anak habang ginagawa nito ang pagre-report.

Habang nagkukwento ang guro namin ay naramdaman kong nagtayuan ang mga balahibo ko sa batok at braso – isang bagay nga na muli kong naramdaman ng nagsimulang isikad ni Tomas ang tikin at muling gumalaw ang balsa.

Tinanong ko minsan sa guro naming iyon kung bakit may mga pagkakataon kapag gabi  o kapag madilim ang isang lugar, lalo na sa ilang bahagi ng eskwelahan namin – kahit wala akong kakwentuhan tungkol sa alin mang katatakutan  ay bigla na lamang akong kinikilabutan. Ang sabi niya ay hindi man bukas ang third eye ko upang makita ko ang mga kaluluwang ligaw o ano mang elemento ay nararandaman daw ng katawan ko ang presensya nila.

“Naniniwala ba kayong may mga multo, maligno, at halimaw?” ang tanong ni Jasmin.

Pawang tango lamang ang isinagot nina Tomas at Daniel. Marahil ay naaalala pa rin nila ang maraming kwentong kababalaghan at katatakutan sa aming eskwelahan.

 “Hindi pa ako nakakakita ng multo pero naniniwala ako,” ang tugon ko.

Wika ni Daniel ay “Naniniwala akong may multo. Pero ang alam ko’y hindi sila nanakit ng mga tao. Iyon ang sabi ng lola ko. Ang mga multo daw ay  mga kaluluwang ligaw na hindi kaagad makaakyat sa langit dahil nangangaylangan pa sila ng dasal ng kanilang mga iniwan.”

“Sana nga eh multong nananakot lang ang nandoon,” ang sabi ni Jasmin.  “Pero hindi eh. Pinamumugaran ang isla ng isang uri ng mabangis na halimaw.”

Saglit na katahimikan ang kasunod ng sinabing  iyon ni Jasmin. Gusto ko sanang sabihing naniniwala ako sa multo pero ang pagkakaalam ko sa mga halimaw at mga maligno eh pawang mga kathang isip lang. Pero sa tingin ko’y hindi nagbibiro o nagsisinungaling si Jasmin. Alam niya ang kanyang mga sinasabi.

Aamining kong nagsisimula na akong kabahan.

“Kanina sa breakwater ay nabanggit mo ngang mabangis sila,” ang sabi ni Tomas.

Huminto sanadali si Tomas sa pagsikad ng hawak na tikin. Namahinga ito.

“Anong uri ba ng mga nilalang ang nasa islang iyon?” ang tanong ko.

Dagdag na tanong ni Daniel – “Sila ba’y mga aswang, bampira, taong lobo o ano?”

“Sila raw ay mga demonyong pinalayas ni Lucifer  mula sa impyerno dahil ayaw magpasakop sa kanya.”

“Wow… okay ah. Si Lucifer daw eh pinalayas ng Panginoon sa langit dahil ayaw magpasakop sa Kanya at doon sa impyerno siya itinapon. Eh heto namang mga demonyong sinasabi mo eh saan itinapon ni Lucifer nang sinusuway siya ng mga ito? ang isa pang tanong ni Daniel.

“Doon sila itinapon sa isla Miedo. Kung tawagin sila’y sutsot.” ang tugon ni Jasmin.

“Sutsot ba kamo?” ang paglilinaw ko.

“Oo. Sutsot. Ganoon ang tawag sa kanila dahil susutsotan ka nila kapag gusto ka nilang biktimahin. Kapag lumingon ka’y sasaniban nila ang iyong katawan.”

“Hindi ka ba nila masasaniban kung hindi mo lilingunin ang kanilang paswit?” ang tanong ko.

“Parang ganoon na nga. Ang mga mata kasi ng tao ay parang bintana. Kapag siya’y namatay, sa mata niya lalabas ang kanyang kaluluwa. Doon nga pumapasok ang mga sutsot. Mas gusto nilang nakatalikod at lilingon ang kanilang biktima para hindi ito handa kapag pumasok sila sa mga mata nito. Kapag sa harapan kasi, pumikit lang ang biktima ay maaaring mapigilan ang tangkang pagsanib ng sutsot sa katawan.” ang paliwanag ni Jasmin.

(Itutuloy)

LINGON (4)

Advertisements

LINGON (2)

(Ikalawang Bahagi)

ghost

Ang lalaking nakakatanda ay parang isang ama na naguutos sa kanyang anak nang sabihin iyon sa amin.

“Bakit naman po?” ang tanong ni Daniel. “Ano po ba ang nasa islang iyon?”

“May mga rebeldeng NPA po ba doon?,” ang akin namang dugtong.

Hindi kaagad tumugon ang mga nasa bangka. Parang ayaw sagutin ang mga tanong namin.

“Pwede po ba ninyong sabihin sa amin ang dahilan,” ang sumamo ni Daniel.

“Mababangis sila,”  ang matipid na wika ng babae.

“May mga tigre at leon po ba doon?” ang tanong ni Daniel.

Pakiwari ko’y nanunuya si Daniel nang sabihin iyon.

“Higit pa sila sa mga hayop na nabanggit mo.” ang sagot  ng babae.

Ang wika ko nama’y, “Halimaw lamang ang pwedeng humigit pa sa mababangis na hayop.”

“Tama ka! Kaya kung ako sa inyo ay huwag na kayong tumuloy sa isla. Tiyak na kapahamakan ang naghihintay sa inyo doon.” ang pagbabanta ng lalaking kausap namin sa bangka.

Nagsalubong ang tingin namin ni Daniel. Tumingin siya kay Tomas at parang may gusto sanang sabihin. Sinenyasan ko siyang manahimik.

“Hindi ko po maaaring pabayaan ang aking kapatid.” ang wika ni Tomas. “Kung totoo ang mga sinasabi ninyo eh lalo kong dapat puntahan ang isla’t hanapin siya.”

“Tol, sigurado ka ba?” ang nag-aatubiling tanong ni Daniel.

“Daniel, Willy… sige na umuwi na kayo. Ako na lang ang pupunta sa isla. Ayaw kong madamay pa kayo. Sorry sa abala.”

“Ano ba kasi Daniel… umuwi ka na nga!” ang inis kong bulyaw sa kaybigan namin.

Natameme si Daniel sa sinabi ko. Lumayo ito nang bahagya at tumalikod sa amin, pabulong-bulong na parang nagmamaktol.

Nang ibaling ko ang aking tingin sa mga nasa bangka’y nakita kong matamang pinagmamasdan ng babaeng nasa bangka si Tomas. Ang pormal na timpla ng mukha niya noong una kaming makita ay parang napalitan ng kalungkutan matapos marinig ang sinabi ni Tomas.

“Sa tingin ko eh desidido ka na amang na pumunta sa isla,” wika ng lalaking nakatayo sa harap ng bangka.

Napansin kong inilayo ng lalaking sumasagwan ang kanilang bangka sa breakwater. Muling nag-usap ang mga nasa bangka. Tumayo ang babae at nilapitan ang lalaking nasa unahan. Maya-maya’t parang may hindi pinakasunduan ang dalawa. Tingin ko’y parang nagtatalo sila. Tinalikuran ng lalaki ang babae. Nagpunta sa dulo ng banka, kinuha ang sagwang hawak  kanina ng babae at nagsimulang sumagwan palayo. Nagpatuloy sila sa pagtatalo. Tumayo ang nakababatang lalaki at akmang lalapitan ang babae ngunit bago pa man niya ito magawa ay nakita kong biglang hinubad  ng babae ang suot na tunika at tumalon sa dagat. Lumangoy siya pabalik sa breakwater.

Tumigil sa pagsagwan ang lalaki. Parang nagulat sa ginawa ng kasama nila.

Ilang sandali pa’y nakarating na sa kinalalagyan namin ang babae. Bumaba ako sa rampa’t sinalubong ko siya upang tulungang makasampa.

Basang-basa ang mga suot nitong damit na lumapat sa mahubog niyang katawan. Sa kanang hita niya’y nakapulupot ang sukbitan ng kanyang hunting knife.

Inilapit ng matandang lalaki sa breakwater ang bangka at sinabing, “Jasmin, pwede mo pang baguhin ang desisyon mo. Bumalik ka dito sa bangka. Kaylangan ka namin.”

Tanging iling lamang ang isinagot ng babae.

“Jasmin, halika na,” wika naman nung isa pang lalaki.

Tinignan siya ng babae at sinabing, “Sorry, kaylangan kong gawin ito.”

“Nakikiusap ako Jasmin,” dugtong nung nakakabatang lalaki sa bangka.

“Hayaan mo na siya,” matigas na wika naman nung nakakatandang lalaki. “Huwag kang parang nagmamakaawa.” Bumaling naman siya kay Jasmin at sinabing,  “Iginagalang namin ang iyong kagustuhan. Sasabihan ko na lang sila tungkol sa desisyon mo sa susunod na pulong namin. Paalam Jasmin, gagampanan pa rin namin ang aming nakatakdang gawain kahit wala ka na.”

Pagkasabi niyon ay nagsimulang sumagwan  palaot ang nakakatandang lalaki habang ang isa nama’y nanatili sa kinalalagyan at hindi inihihiwalay ang tingin sa babae.

“Mang Kanor… Gener,” wika ng babae.

Tumigil sa pagsagwan ang tinawag ng babaeng “mang Kanor.” Lumingon ito’t tumingin sa babae.

“Salamat po sa lahat. Mag-ingat po kayo.”

Tinanguan lamang  ng mga nasa bangka ang babae. Nagpatuloy na ang mga ito sa pagsagwan palaot.

*****

Mula sa rampa’y umakyat sa breakwater si Jasmin. Sinundan ko siya.

“Basang-basa ka miss… Jasmin. May baon akong ekstrang damit.”

Mula sa aking backpack ay kinuha ko ang aking t-shirt at maong na short at iniabot ko kay Jasmin. Hindi na ito nagpakyeme pa. Kinuha niya ang mga ito’t sinimulang hubarin ang kanyang mga basang kasuotan.

Nagkusa kaming  magkakaybigan na tumalikod habang siya’y nagibibihis.

“Okay na. Salamat sa inyo,” wika ni Jasmin matapos ang ilang sandali.

Medyo may katangkaran si Jasmin,  hanggang tenga lamang niya ako at halos magkasing-tangkad sila ni Daniel. Sa aming tatlong magkakaibigan, si Tomas ang pinakamatangkad at may pinakamatikas na pangangatawan. Basketball player siya at masipag mag-exercise. Pareho kaming chubby ni Daniel. Sineryoso ko ang pagsama sa gym kay Tomas kaya medyo lumilintog na ang muscles sa ilang bahagi na aking katawan at mas maliit na nga ang tiyan ko kumpara kay Daniel.

Dinukot ni Jasmin sa bulsa ng  hinubad na pantalon ang isang rosaryo.  Pagkatapos ay tinanggal sa sukbitan ang dalang hunting knife at ginamit ito upang punitin ang nabasa niyang t-shirt. Ginawa  niya ito na parang belt upang huwag malaglag ang medyo may kalakihan sa kanyang shorts na ipinahiram ko.

Napakadami kong gustong itanong kay Jasmin. Marahil sina Daniel at Tomas ay ganoon din. Pero hindi ko alam kung saan ko sisimulan.

“Ah… Jasmin, ano iyong sinasabi ng tinawag mong mang Kanor na nakatakda nilang gawin?” ang tanong ni Tomas sa babae.

Bumuntung hininga ang babae, tumingin sa papalubog na araw at sinabing, “Malalaman ninyo kapag nagtagumpay kayong makaalis ng isla at makabalik dito.”

“Ha! Bakit ayaw mo pang sabihin ngayon?” ang parang inis na sabi ni Daniel.

“Please lang… please lang… sandali lang. Hayaan ninyo muna ako.”

May sasabihin pa sana si Daniel subalit tumigil ito ng titigan ko siya nang matalim.

“Jasmin pasensya ko na dito sa kaybigan namin. Wala talaga preno ang bibig nito,” ang wika ko.

Tumango lamang si Jasmin.

Ah ako nga pala si Willy,” ang  pagpapakilala ko. “Mga kaybigan ko sila – sina Daniel at Tomas. Si  Ella naman iyong kapatid ni Tomas na susundan namin sa isla Miedo.”

Tinanguan din lamang ako ni Jasmin at pagkatapos ay sinabing,  “Hayan humalik na ang araw sa dagat. Maya-maya lang eh darating na si tandang Kharon.”

“Sino naman iyon?” ang tanong ni Daniel.

“Siya ang bangkerong naghahatid ng mga gustong pumunta sa isla ng Miedo.”

“Eh maiba ako Jasmin. Saan ba banda iyong isla na iyon,” ang tanong ko. “Mukhang malayo ah. Puro dagat lang  kasi iyang nakikita ko sa unahan at sa kaliwa’t kanan natin.”

“Hindi ko kayang sagutin ang tanong mo.  Basta’t ang sabi nila eh sundan lang daw ang nilulubugan ng araw eh makakarating ka at makakalabas sa isla Miedo.”

“At tanging sa pamamagitan lamang daw ng bangka ni tandang Kharon na pwedeng makarating doon,” ang dugtong ni Tomas.

“Tomas,” ang wika ni Jasmin. “Hindi bangka ang gamit ni tandang Kharon kundi balsa – balsang yari sa kawayan.”

“Balsa! Nagbibiro ka ba Jasmin. Sa lalim ng dagat na ‘yan at mukhang kay layo ng pupuntahan natin eh  balsa lang ang sinasakyan?,” ang tanong ni Daniel.

“Tama ka. Balsa nga,” ang sagot ni Jasmin.  “Itong kaybigan ninyong si Tomas eh  mukhang may nalalaman tungkol sa isla at kay tandang Kharon.”

Tinignan ko si Tomas.

“Tol, may gusto ka bang sabihin pa sa amin tungkol sa isla?” ang tanong ko.

“Ituloy mo nga iyong parang naputol mong sasabihin kanina tungkol doon,” ang madiing wika ni Daniel.

Tinignan kami ni Tomas.

“Nakapakaganda daw ng islang iyon. Bukod sa mga niyog eh napakarami daw namumungang mga puno doon. Maraming migratory birds ang nagpupunta. May mga baboy damo at usa din. Meron din daw doong mga lobo. Maputi’t pino pa ang buhangin kaya marami ang naeenganyong  magpunta doon.”

“O iyon pala naman eh anong problema?” biglang sabat ni Daniel. “Bakit ganun na lang ang pagpipigil sa atin ng mamang kasama ni Jasmin  kanina?”

“Sinasabi nilang nakakatakot daw ang isla ng Miedo. Marami daw mula noon ang nagtangkang puntahan iyo para mamaril ng ibon at manghuli ng mga hayop, manguha ng mga bunga ng prutas at ang iba’y upang mag-excursion pero haggang ngayon eh hindi pa nakakabalik.” ang pagpapaliwanag pa ni Tomas.

Ang tanong ko’y, “Ni isa, walang nakabalik?”

“Eh ano ang ginagawa ng mga pulis at militar dito,” ang pag-uusisa ni Daniel.

Sinagot iyon ni Jasmin, “Maraming beses ng nagpunta dito ang mga awtoridad. Ang navy at ang coast guard eh ginalugad na ang sinasabing posibleng katatagpuan ng isla Miedo pero wala silang makita. Wala ito sa mapa. Ang madalas lang na nakikita ng mga nagiimbestiga ay ang ilang piraso ng mga sira-sirang balsa na inaanod  sa kahabaaan ng aplaya dito. Wala silang makitang koneksyon sa mga sirang  balsa at sa mga nawawalang tao.  Kaya kapag may nagrereport na may mga nawawalang mga tao na nagpunta sa isla Miedo eh hindi na pinapansin ng mga  awtoridad.”

“Bakit may natatagpuang mga sirang balsa?, ang pag-uusisa ko. “Ano ang koneksyon ng mga ito sa  sinasabin mong balsa ni tandang Kharon.”

“Iyon mismo ang mga balsang ginagamit ng bangkero,” ang sagot ni Jasmin.

“Aba eh natural na magkakalasog-lasog ang balsa pagdating sa gitna ng dagat,” wika ni Daniel. “Yari lang sa kawayan iyon at kapag hinampas paulit-ulit ng alon eh unti-unting makakalag ang mga taling ginamit upang pagdikit-dikitan ang mga kawayan o magkabali-bali ang mga ito.”

Sa unang pagkakaton sa araw na iyon na may sinabing parang tama si Daniel.  “Ang mga nawawala ay maaaring palang nangalunod,” ang dagdag ko sa mga sinabi niya.

“Hindi! Hindi sila nalunod, ang mga balsa’y hindi alon ang sumira.”

Natahimik kaming tatlo nang sabihin iyon ni Jasmin. Lalong dumami ang mga bagay na gusto kong itanong sa kanya.

“Ipapaliwanag ko sa inyo ang lahat,” ang dugtong ni Jasmin.

“Teka, teka, tignan ninyo iyon oh.”

Tinignan namin ang itinuturo ni Daniel.

“Sobrang baba ng ulap. Halos nakadikit na sa dagat,”  ang halos pabulong na sabi ni Daniel.

“Oo nga ano. O…, mukhang papalapit dito sa atin ang ulap.” ang wika naman ni Tomas.

“Nangyayari ba talaga iyan dito Jasmin?” ang tanong ko.

At ang sagot niya’y, “Iyan daw ang palatandaan na darating na si tandang Kharon.”

Tumahimik kami at hinintay ang susunod na mangyayari. Nang ilang dipa na lamang ang layo sa amin ng ulap eh lumabas nang unti-unti ang isang mahaba’t may kalaparang  balsa. Lulan nito ang  isang tao na may hawak na mahabang tikin. Sa apat na sulok ng balsa ay may mga lampara na nakalambitin sa mga posteng yari din sa kawayan.

**********

Tumigil ito ng makadikit sa rampa. Walang kumikilos sa aming apat.

Isang matanda nga ang lulan ng balsa.

“Iyan marahil si tandang Kharon,” ang pabulong na sabi ni Jasmin. “Nakita ko rin siya sa wakas.”

(Itutuloy)

LINGON (3)

LINGON (1)

(Unang Bahagi)

Sutsot

Hindi ko na mabilang kung ilang beses tumingin sa kanyang relo si Daniel at pagkatapos ay bubuntong hininga.  Wala na siyang sigarilyong masindihan pero patay-sindi pa rin ang ginagawa sa hawak na lighter. Matagal nang ubos ang laman ng  kaisa-isang pakete ng sigarilyo na binili niya sa terminal ng bus bago kami bumiyahe. Ako nama’y nang magsawang makinig sa mga kantang nasa cellphone ko’y pinanood ko na lamang ang mga bankang inuugoy ng mga alon malapit sa pampang habang nagbabalik-tanaw ako sa aking kamusmusang ginugol ko sa tabing-dagat sa bayang aking sinilangan. Magkatabi kami ni Daniel na nakaupo  sa dulo ng konkretong breakwater. Nakasandal kami sa isang poste na may nakapatong na may kalakihang lampara. De gaas ang ilawang iyon at luma na. Nakapaloob sa isang lalagyang yari sa makapal na salamin at bakal. Nakasusi ito. Gabay siguro iyon ng mga mandaragat upang malaman nila kung saang banda ang pampang kapag madilim ang gabi, lalo na kung masama ang panahon.

Si Daniel ay may takip na panyo sa ilong. Halatang hindi sanay sa amoy na isinisingaw ng dagat at ng buhanginang nagsisilbing libingan ng mga patay at nabubulok na lamang dagat. Pablihasa nga ako’y laking dagat kaya bale-wala sa akin ang amoy ng tubig-alat na itinuturing ni Daniel na mabaho at malansa. Para sa akin, di-hamak na mas mabaho ang amoy ng sigarilyong kumapit sa suot niyang t-shirt at mas malansa ang hininga niyang may halong amoy ng nikotina.

May isang luma na’t sira-sirang rampa na yari sa magkahalong kahoy at kawayan na nakadikit sa breakwater na sa tinging ko’y nagsisilbing daungan ng mga bangka at marahil ay babaan rin ng mga isda at iba pa mga lamang-dagat na nahuhuli ng mga mangingisda kapag kati at hindi makatuloy sa pampang ang kanilang mga bangka. Dalawang baytang na hagdanang yari sa kahoy ang nakapagitan sa rampa at breakwater. Malamang na yari sa kongkreto o malaking kahoy ang nagsisilbing poste ng rampang iyon. Hindi ko makita sa dahilang taog noon.

Nakatayo sa gilid ng rampang iyon  si Tomas at nakatingin sa direksyon ng araw na malapit ng lunurin ng dagat. Habang kami ni Daniel ay umiiwas sa tilamsik ng tubig dagat na hatid ng along humahampas ng paulit-ulit sa aming kinapupwestuhan ay hinahayaan lamang niyang mabasa siya nito. Taog nga kasi at medyo may kalakasan pa ang hangin kaya maalon.

“Anong oras ba talaga darating ang bangkang sasakyan natin,” ang tanong ni Daniel kay Tomas. “Aba’y makapananghalian pa tayo naghihintay dito ah.”

“Oo nga naman tol, hayan papalubog na ang araw o,” ang dugtong  ko.

“Aywan ko ba,” ang sagot ni Tomas. “Ang sabi nung kakilala ko na kapag wala na ang araw at lalatag na ang dilim eh saka pa lamang daw darating ang bankang naghahatid sa mga gustong pumunta sa isla. Akala ko nagbibiro lang siya pero mukha yatang totoo ang sinabi niya.”

Pailing-iling na tumingin sa akin si Daniel. Hindi iyon nalingat kay Tomas.

“Pasensya na mga tol,” ang dugtong nito. “Nadamay pa kayo sa problema ko. Kung gusto na ninyong umuwi eh okay lang. Ako na lang ang maghahanap sa kapatid ko.”

Nanahimik na lamang kami matapos iyon sabihin ni Tomas.

Maya-maya pa’y sabay kami halos ni Daniel na bumaba sa rampa upang lapitan si Tomas.

“Tol, sorry, hindi ka naman namin pwedeng iwanan dito,” wika ko sabay akbay sa aming kaybigan. “Kami naman ang nagpumilit sumama sa iyo ‘dito di ba. Wala tayong iwanan. Mula noon ganyan tayo.”

“Nakakainip lang kasi tol, dalawang oras pa halos ang biniyahe natin patungo dito kanina,” ang dagdag ni Daniel. “Tapos mahigit isang oras pa tayong naglakad papunta dito. Sumakit ang mga paa ko dito sa suot kong sapatos.”

“Eh engot ka kasi eh,” ang sabi ko. “Alam mo namang dagat ang pupuntahan natin at sasakay pa tayo ng bangka eh nag-rubber shoes ka. Dapat kasi tsinelas o sandals ang sinuot mo. Tapos nakapantalon ka pa.”

“Nakalimutan ko nga,” ang sagot ni Daniel. “Hay naku, akala ko’y naiwan ang nanay kong sermon nang sermon. Kasama ko pala”

“Ganyan ka kapag napapansin ang kaengotan mo.” ang sabi ko.

“Oo na… oo na. Ikaw na magaling.”

Tinampal ko sa balikat si Daniel. Lumayo siya sa akin ng kaunti. Parang nagtatampo.

“Pagod na, gutom pa. Napakalayo pa naman nung mga bahayan na nadaanan natin kanina. Wala man lang mabilhan ng pagkain at mahingan ng kahit tubig na maiinom.”

“Magtigil ka nga Daniel,” wika ko. “Ayos lang na naglakad tayo ng malayo at wala tayong pagkain para pamin-minsan eh nakakapag-exercise ka at nakakapag-diet. Tignan mo nga iyang tiyan mo oh, parang tambol na ah.”

“Kung makapagsalita ka Willy eh parang ke payat-payat mo,” ang sagot ni Daniel sa akin.

Tumawa ako’t tinampal ko nanaman sa balikat si Daniel sabay sabing, “Joke lang tol. Pero tignan mo… di hamak na mas malaki ang tiyan mo sa akin.”

Binuksan ko ang aking dalang backpack. “O heto tubig. Kundi ka ba naman talaga engot ni tubig ‘di ka man lang nagbaon.”

“Eh tumakas nga lang ako eh.”

“O heto pa biscuit, isaksak mo sa ngala-ngala mo.”

“Hindi ko kasi natanong doon sa nakausap  ko kung may mga karinderya o tindahan dito. Pasensya na mga tol.”

Tumingin ako kay Daniel, sinimangutan ko ito’t sinenyasang manahimik.

“Ang tigas kasi ng ulo ni Ella. Pinagbawalan ko siyang sumama sa mga kaybigan niyang mag-night swimming eh hindi nakinig.”

“Eh mukhang lahi yata talaga kayo ng matitigas ang ulo tol,” ang hindi ko malaman  kung nanunuya o nagbibirong sabi ni Daniel.

“Baka naman nagtanan na si Ella at ang nobyo niya kaya hindi pa umuuwi,” dagdag ko naman.

“Hinahanap nga siya ni Jeff sa bahay kagabi kaya nalaman ng nanay namin na wala pa siya. Pilit ko siyang pinagtakpan pero bistado kami. Masyado nang nag-aalala si nanay kaya pinapasundan na sa akin. Aywan ko ba. Kinakabahan talaga ako. Sa lahat pa naman ng mapipiling puntahan eh ang isla pang iyon.”

“Bakit Tomas? ang tanong ni Daniel. “Anong meron sa islang iyon?”

“Ha… eh, wala naman  tol,” ang sagot ni Tomas.

Pakiramdaman ko’y may gustong sabihin si Tomas. Pinagmasdan ko siya at nang magkasalubong ang aming tingin eh ngumiti siyang pilit.

“Ano iyon tol?” ang tanong ko kay Tomas.

Kilala ko si Tomas. Meron siyang dapat sabihin sa amin. High school pa lang eh magkakabarkada na kaming tatlo. Nagdesisyon din kaming pumasok sa iisang kolehiyo at pare-pareho pa ang kursong kinuha namin. Halos araw-araw eh magkakasama kami. Wika nga’y kabisado namin ang likaw ng bituka ng bawat isa.

“Puro sabi-sabi lang ang mga naririnig ko tungkol sa islang iyon.”

“Ah, haunted ang islang iyon. Parang isang haunted house –  may mga multo at maraming kababalaghang nagaganap,” ang pabirong sabi ni Daniel.

“Sabihin na nating parang ganoon na nga. Idagdag mo na na may mga maligno doon at halimaw.”

Hindi ko masabi kung seryoso ba si Tomas ng sabihin iyon o sinakyan lamang niya ang biro ni Daniel.

Tinanong ko si Tomas, “Siyanga pala tol, bakit hindi mo niyayang sumama dito ang nobyo ng kapatid mo?”

“Hindi daw siya pinayagan ng mommy. Sinubukan niyang magpaalam.”

“Mama’s boy.  Mabuti pa itong si Daniel… mama’s boy din pero marunong tumakas.”

“Naku Willy. Ako nanaman ang nakita mo.”

“Pero heto, pinahiram ako ni Jeff ng kalibre .45 at nagbigay  pa ng mga bala, meron pa ngang ibinigay na isang magazine ng silver bullets. Baka daw kaylanganin natin. Mukhang may alam din iyong tao tungkol sa islang iyon.”

“Silver bullets? Bakit meron bang bampira at werewolf sa pupuntahan natin?!!”

Hindi namin pinansin ang parang nanunuyang pagtatanong ni Daniel.

“Bakit nagdala ka pa ng baril tol? Mabuti wala tayong nadaanang checkpoint.” ani ko.

“Para lang sa proteksyon natin ito. Hindi natin kabisado ang lugar na pupuntahan natin. Ayaw kasing ipagamit sa akin ni nanay ang baril ni tatay kaya nanghiram ako sa nobyo ni Ella.”

Dating pulis ang ama ni Tomas at siya’y tinuruan nitong gumamit ng baril. Madalas kaming isinisama ni Tomas kapag nagpupunta silang mag-ama sa shooting range. Kasama rin madalas si Ella. Doon nga sila nagkakilala ni Jeff.

Namatay sa isang police operation ang ama ani Tomas.

“Mga tol!”

Nang kami ni Tomas eh tumingin kay Daniel eh tumuro ito sa direksyon ng pampang. May tatlong tao na humihila ng isang bangka palusong sa dagat. Binantayan namin ang kanilang mga kilos. Sumakay ang mga ito’t sumagwan papalaot patungo sa direksyong kinalalagyan namin sa breakwater. Nakaupo sa likod ng bangka ang dalawa sa kanila, sumasagwan, habang ang isa’y nakatayo sa bandang unahan. Nasa dulo kami ng breakwater kaya’t medyo natagalan bago nakalapit sa amin ang bangka.

Umakyat ako pabalik sa breakwater. Gusto kong may distansya kami ng kaunti sa mga taong paparating. Sumunod sa akin ang dalawa.

Tumigil ang bangka sa dulo ng breakwater  sa  tapat mismo namin. Medyo may kahabaan ang bangka at de-motor pala ito, hindi lang nila pinapaandar. May mga katig sa magkabilang bahagi at sa bandang unahan ay merong parang spotlight. Dalawang lalaki at isang babae ang lulan nito. Tantya ko’y kasingtanda ng aking ama ang lalaking nakatayo sa harap ng bangka,   higit-kumulang na singkwenta siguro. Ang babae at iyong isang lalaki nama’y parang kasing-edad lang namin. Pakiwari ko’y mga estudyante rin sila sa kolehiyo. Tingin ko’y mag-ama ang dalawang lalaki. Sila’y magkahawig. Hindi ko masabi kung kaano-ano nila ang kasama nilang babae. Iba ang hugis ng mukha nito. Maganda siya’t morena.

Maari kong sabihing hindi sila mga mangingisda. Bukod sa mga pantalon nila’t kamiseta ay  may suot sila na parang tunika na kulay magulang na pula. Kung hindi ako nagkakamali eh mga deboto sila ng Nazareno… o baka miyembro sila ng isang kulto. Ang nagsisilbing sinturon nila’y parang malaking rosaryo at nakalawit sa bandang harapan ang krus. Wala rin akong nakitang gamit-pangisda sa kanilang banka. Ang nandoo’y mga lubid, sibat na kawayan at tulos. Ang nakakapagtaka ay  may dala silang isang kahon na may lamang mga bote na ang nagsisilbing takip ay punit na damit. Nakatitiyak akong hindi ilawan ang mga iyon kundi  parang mga Molotov cocktail. Gumagawa ng ganoon ang mga kaybigan namin sa unibersidad kapag sumasali sila sa rally. Kapansin-pansin rin ang mga mahahabang gulok na nakapatong sa mga upuan sa bangka.

“Makikisuyo na nga po mga amang. Kung may lighter sana kayo o posporo  eh pwede bang sindihan ninyo ang lamparang iyan na nakapatong sa poste.” Ang pakiusap ng lalaking nasa unahan ng bangka.

“Oh sige po. Ako na lang po.” ang sabi ni Daniel.

Inihagis ng lalaki kay Daniel ang susi pambukas sa lalagyan ng lampara.

“Salamat mga amang. Mawalang-galang na … mukhang may hinihintay yata kayo?”

Ang sumagot ay si Tomas. “Opo, iyong bangka papuntang isla Miedo.”

Natahimik at nagkatinginan ang mga kausap namin. Ang lalaking nakaupo sa likod ay sumagwan at mas inilapit pa sa  kinalalagyan namin ang kanilang bangka.

Inihagis ni Daniel sa bangka ang susi matapos sindihan ang lampara.

“Sa anong dahilan at pupunta kayo sa isla Miedo?” ang tanong naman ng babae.

Si Tomas muli ang sumagot, “Nagpunta doon ang kapatid ko at mga kaybigan niya. Nagswimming sila doon kahapon. Hindi pa sila nakakabalik. Hahanapin namin sila.”

Muling nagtinginan ang mga nasa  bangka. Sila’y nag-ilingan. Nilapitan ng babae ang kasama niya’t may ibinulong. Nag-usap sila habang parehong nakatingin sa amin. Hindi namin maulinigan ang kanilang pinaguusupan. Nilulunod ng ingay  ng mga along humahampas sa breakwater ang kanilang mga tinig.

“Ipagpaumanhin ninyo pero hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Mga amang, kung ako sa inyo eh dumito na lamang kayo. Hintayin na lamang ninyo na bumalik sila.”

Ang lalaking nakakatanda ay parang isang ama na naguutos sa kanyang anak nang sabihin iyon sa amin.

(Itutuloy)

LINGON (2)

 

%d bloggers like this: